Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 1/15 p. 10-15
  • Magturo sa Madla at sa Bahay-bahay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magturo sa Madla at sa Bahay-bahay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Paraan ng mga Apostol
  • Walang Maihahalili Rito
  • Mga Matatanda ang Mangunguna
  • Bawat Isa ay Saksi
  • Ang mga Tunay na Kristiyano ay mga Mangangaral ng Kaharian
    Gumising!—1986
  • Pagpapatotoo sa Bahay-bahay
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2006
  • Ministeryo sa Bahay-bahay—Bakit Mahalaga sa Ngayon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Nagpapasalamat Ka ba Ukol sa Ministeryo sa Madla?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 1/15 p. 10-15

Magturo sa Madla at sa Bahay-bahay

“Ako’y hindi umurong sa . . . pagtuturo sa inyo sa madla at sa bahay-bahay.”​—GAWA 20:20, “Byington.”

1. Papaanong ang isang paring Katoliko ay nagkumento tungkol sa epektibong ministeryo sa pagbabahay-bahay ng mga Saksi ni Jehova?

“ANG mga Katoliko ay Nagdadala ng Ebanghelyo sa Bahay-bahay.” Ganiyan ang isang paulo sa The Providence Sunday Journal ng Oktubre 4, 1987. Iniulat ng pahayagan na ang isang pangunahing layunin ng gawaing ito ay upang “anyayahan ang ilan sa kanilang di-aktibong parokyano na bumalik sa isang lalong aktibong buhay sa parokya.” Ang paring si John Allard, direktor ng Tanggapan ukol sa Ebanghelisasyon sa Diocese of Providence, ay sinipi na nagsasabi: “Sigurado, marami ang hindi maniniwala. Sasabihin ng mga tao, ‘Hayun, katulad sila ng mga Saksi ni Jehova.’ Subalit ang mga Saksi ay epektibo, di ba? Pupusta ako na pumunta ka sa alinmang Kingdom Hall sa estado [ng Rhode Island, E.U.A.,] at makikita mo ang mga kongregasyon na punô ng mga dating Katoliko.”

2. Anong tanong ang angkop na ibangon?

2 Oo, ang mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala sa kanilang epektibong ministeryo sa pagbabahay-bahay. Ngunit bakit nga ba sila nagbabahay-bahay?

Ang Paraan ng mga Apostol

3. (a) Anong utos ang ibinigay ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad? (b) Sa anong pangunahing paraan ginanap ng mga unang tagasunod ni Kristo ang iniutos sa kanila?

3 Sa kaniyang mga tagasunod ay ibinigay ni Jesu-Kristo ang makahulugang utos na ito: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. At, narito! ako’y sumasainyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Ang pangunahing paraan upang maganap ang gawaing iyan ay nahayag karakaraka pagkatapos ng araw ng Pentecostes 33 C.E. “Sa araw-araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang-lubay sa pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:42) Mga 20 taon ang nakalipas, si apostol Pablo ay gumanap ng ministeryo ng pagbabahay-bahay, sapagkat kaniyang pinaalalahanan ang mga Kristiyanong matatanda buhat sa siyudad ng Efeso: “Hindi ko ipinagkait ang pagsasabi sa inyo ng anumang bagay na mapakikinabangan o ang pagtuturo sa inyo sa madla at sa bahay-bahay.”​—Gawa 20:20.

4. Bakit natin masasabi na ang Gawa 5:42 at Gawa 20:20 ay nangangahulugan na ang ipinangaral ng mga tagasunod ni Jesus ay ipinamahagi sa bahay-bahay?

4 Sa Gawa 5:42 ang mga salitang “sa bahay-bahay” ay isinalin buhat sa kat’ oiʹkon. Dito ang ka·taʹ ay ginagamit na isang diwa na kaugnay ng “pamamahagi.” Samakatuwid, ang pangangaral ng mga alagad ay ipinamahagi sa bahay-bahay. Bilang komento sa Gawa 20:20, si Randolph O. Yeager ay sumulat na si Pablo’y nagturo “kapuwa sa pangmadlang mga asamblea [de·mo·siʹa] at sa bahay-bahay (pamamahagi [ka·taʹ] lakip ang accusative). Si Pablo ay gumugol ng tatlong taon sa Efeso. Kaniyang dinalaw ang bawat bahay, o kung di man ay nangaral siya sa lahat ng mga tao (Gawa 20 talatang 26). Narito ang maka-Kasulatang katibayan para sa bahay-bahay na ebanghelismo at gayundin sa pamamaraan na ginagamit sa mga miting publiko.”

5. Sa Gawa 20:20, bakit ang tinutukoy ni Pablo ay hindi lamang ang sosyal na mga pagdalaw sa matatanda o ang mga pagdalaw bilang pastol?

5 Ang isang nahahawig na paggamit sa ka·taʹ ay lumilitaw sa Lucas 8:1, na tumutukoy sa pangangaral ni Jesus “sa mga lunsod at sa mga nayon.” Ginamit ni Pablo ang pangmaramihang anyo ng kat’ oiʹkous sa Gawa 20:20. Dito ang ilan sa mga salin ng Bibliya ay kababasahan ng “sa inyong mga tahanan.” Subalit ang tinutukoy ng apostol ay hindi lamang ang sosyal na mga pagdalaw sa matatanda o ang mga pagdalaw bilang pastol sa mga tahanan ng mga kapananampalataya. Ang kaniyang sumunod na mga salita ay nagpapakita na ang tinutukoy niya ay ang ministeryo sa bahay-bahay sa mga di-kapananampalataya, sapagkat sinabi niya: “Kundi ako’y lubusan na nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego tungkol sa pagsisisi sa harap ng Diyos at sa pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” (Gawa 20:21) Ang mga kapananampalataya ay nangagsisi na at nanampalataya kay Jesus. Samakatuwid, kapuwa ang Gawa 5:42 at Gawa 20:20 ay may kinalaman sa pangangaral sa mga di-kapananampalataya “sa bahay-bahay,” o sa mga tahanan.

Walang Maihahalili Rito

6. Ano ba ang sinabi tungkol sa anyo ng gawaing pangangaral ni Pablo sa Efeso?

6 Bilang komento sa mga salita ni Pablo sa Gawa 20:20, noong 1844 si Abiel Abbot Livermore ay sumulat: “Siya’y hindi nakuntento lamang sa pagpapahayag ng mga diskurso sa pangmadlang asamblea, at kinaligtaan na niya ang ibang mga pamamaraan, kundi masigasig na itinaguyod niya ang kaniyang dakilang gawain sa pribado, sa bahay-bahay, at ang katotohanan ng langit ay literal na dinala at iniuwi sa mga tahanan sa mga apuyan at mga puso ng mga taga-Efeso.” Kamakailan, napansin: “Ang bahay-bahay na pagpapalaganap ng ebanghelyo ay makikita sa unang-siglong mga Kristiyano mula pa noong una (ihambing ang Gawa 2:46; 5:42). . . . Lubusang ginanap [ni Pablo] ang kaniyang pananagutan kapuwa sa mga Judio at sa mga Gentil sa Efeso, at sila’y walang maidadahilan kung sila’y mapahamak sa kanilang mga kasalanan.”​—The Wesleyan Bible Commentary, Tomo 4, pahina 642-3.

7. Bakit masasabi na sinasang-ayunan ng Diyos ang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova sa pagbabahay-bahay?

7 Bagaman ang pagsasalita sa madla ay may kaniyang dako sa paghahayag ng mabuting balita, ito ay hindi maaaring halinhan ng personal na pakikipag-usap sa pintuan. Sa bagay na ito, sinabi ng iskolar na si Joseph Addison Alexander: “Ang simbahan ay hindi pa nakaiimbento ng anuman na kahalili o karibal ng epekto ng pangangaral sa simbahan at sa bahay-bahay.” Gaya ng pagkasabi ng iskolar na si O. A. Hills: “Ang pagtuturo sa madla at sa bahay-bahay ay kailangang magkasama.” Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtuturo sa pamamagitan ng mga diskurso sa kanilang lingguhang mga Miting Pangmadla. Sila’y may malinaw ring ebidensiya na ang apostolikong paraan ng pagpapalaganap ng katotohanan sa Bibliya sa bahay-bahay ay epektibo. At tiyak na ito’y sinasang-ayunan ni Jehova, sapagkat bilang resulta ng gayong ministeryo, kaniyang pinangyayaring libu-libo ang dumagsa sa bawat taon sa kaniyang itinaas na pagsamba. ​—Isaias 2:1-4; 60:8, 22.

8. (a) Ano ang sinabi tungkol sa dahilan kung bakit epektibo ang pangangaral sa bahay-bahay? (b) Papaano maihahambing kay Pablo ang mga Saksi ni Jehova sa bahay-bahay na pangangaral at sa iba pang pagpapatotoo?

8 Isa pang autoridad ang nagsabi: “Mas nadadalian ang mga tao na tandaan ang itinuturo sa kanilang pintuan kaysa sa simbahan.” Bueno, si Pablo ay palagiang nasa mga pintuan, nagpapakita ng isang mainam na halimbawa bilang isang ministro. “Siya’y hindi nakuntento sa pagtuturo at pagdidiskurso sa sinagoga at sa pamilihan,” ang isinulat ng isang iskolar ng Bibliya na si Edwin W. Rice. “Siya’y palaging masigasig sa ‘pagtuturo’ ‘sa bahay-bahay.’ Iyon ay isang bahay-bahay, kamay-sa-kamay, mukha-sa-mukha na pakikipagtunggali sa masama, at pagtatagumpay upang madala ang mga tao kay Kristo, na kaniyang isinagawa sa Efeso.” Batid ng mga Saksi ni Jehova na ang tao-sa-tao na talakayan sa bahay-bahay ay epektibo. Gayundin sila ay gumagawa ng pagdalaw-muli at natutuwa na makipag-usap kahit na sa mga mananalansang kung ang mga taong ito ay papayag na magkaroon ng makatuwirang mga talakayan. Katulad na katulad nga ni Pablo! Tungkol sa kaniya, si F. N. Peloubet ay sumulat: “Ang gawain ni Pablo ay hindi lahat sa mga pulong. Walang alinlangan na siya’y dumalaw nang personal sa maraming tao sa kanilang mga tahanan saanman na kaniyang nabalitaan na may isang nag-uusisa, o totoong interesado o kahit salungat upang pumayag na makipag-usap tungkol sa relihiyon.”

Mga Matatanda ang Mangunguna

9. Anong halimbawa ang ipinakita ni Pablo para sa kapuwa matatanda?

9 Anong halimbawa ang ipinakita ni Pablo para sa kapuwa matatanda? Kaniyang ipinakita na sila’y dapat na may lakas ng loob at walang-sawang mga tagapaghayag ng mabuting balita sa bahay-bahay. Noong 1879, si J. Glentworth Butler ay sumulat: “[Ang matatanda sa Efeso] ay nakababatid na sa pangangaral [ni Pablo] siya’y lubos na hindi naaapektuhan ng pag-iisip ng personal na panganib o katanyagan; na wala siyang ipinagkait na anumang kinakailangang katotohanan; na, taglay ang pagtatangi sa isang panig, hindi ang tinalakay niya’y ang kakatuwa o naiibang mga pitak ng katotohanan, kundi ang kaniyang inirekomenda ay yaon lamang at lahat ng mapapakinabangan ‘na gamitin upang magpatibay,’ o magpalakas: ang buong payo ng Diyos na dalisay at ganap! At ang ganitong tapat na ‘pagpapakita,’ itong masugid na ‘pagtuturo’ ng katotohanang Kristiyano ang kaniyang ginagawa sa tuwina, hindi lamang sa paaralan ni Tiranno at sa iba pang pinagtitipunang mga dako ng mga alagad, kundi sa bawat sambahayan na maaaring makausap. Sa bawat bahay, at sa bawat kaluluwa, sa araw-araw ay kaniyang dinala ang masayang balita taglay ang tulad-Kristong hangarin at pagnanasa. Sa lahat ng uri at mga lahi, sa napopoot na mga Judio at sa nanlilibak na mga Griego, ang kaniyang nag-iisang tema​—na, lubusang pinalawak, na sumasaklaw sa lahat ng iba pang mahahalagang katotohanan na nagliligtas​—ay pagsisisi sa harap ng Diyos, at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Kristo.”

10, 11. (a) Tungkol sa ministeryong Kristiyano, ano ang inasahan ni Pablo sa matatanda sa Efeso? (b) Katulad ni Pablo, sa anong uri ng pangangaral nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova, kasali na ang mga matatanda?

10 Kung gayon, sa pinakadiwa, ano ba ang inasahan ni Pablo sa matatanda sa Efeso? Binigyang-linaw ng iskolar na si E. S. Young ang mga salita ng apostol sa ganitong paraan: “Ako’y hindi lamang nagsalita sa madla, kundi ako’y gumawa sa bahay-bahay, sa lahat ng uri, kapuwa sa mga Judio at mga Gentil. Ang tema ng aking ministeryo sa lahat ng uri ay ‘pagsisisi sa harap ng Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Kristo.’ ” Kung ang mga salita ni Pablo ay ipangangahulugan sa iba pang paraan, si W. B. Riley ay sumulat: “Ang malinaw na kahulugan ay: ‘Inaasahan kong ipagpapatuloy ninyo ang aking sinimulan, upang gawin at upang ituro at aking inaasahan na paglalabanan ninyo ang gaya ng pinaglabanan ko; upang magturo kapuwa sa pribado at sa madla gaya ng ginawa ko sa mga lansangan at sa bahay-bahay, upang magpatotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego tungkol sa pagsisisi sa harap ng Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Kristo sapagkat ang mga ito ang mga pangunahin!’ ”

11 Maliwanag, sa Gawa kabanata 20, ipinakikita ni Pablo sa mga kapuwa matatanda na sila’y inaasahang magiging bahay-bahay na mga Saksi ni Jehova. Tungkol dito, ang matatanda noong unang siglo ang siyang mangunguna, magpapakita ng wastong halimbawa para sa ibang mga miyembro ng kongregasyon. (Ihambing ang Hebreo 13:17.) Kung gayon, katulad ni Pablo, ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral sa bahay-bahay, ibinabalita sa mga tao ng lahat ng bansa ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, pagsisisi sa harap Niya, at pananampalataya kay Jesu-Kristo. (Marcos 13:10; Lucas 24:45-48) At sa gayong gawaing pagbabahay-bahay, ang hinirang na matatanda sa modernong-panahong mga Saksi ang inaasahan na mangunguna.​—Gawa 20:28.

12. Ano ang tinanggihang gawin ng ilang dating matatanda, subalit sa anong gawain nangunguna ang mga matatanda sa ngayon?

12 Noong 1879, sinimulan ni Charles Taze Russell ang paglalathala ng Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence, ngayo’y tinatawag na Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova. Si Russell at ang iba pang mga Estudyante ng Bibliya ay naghayag ng balita ng Kaharian sa apostolikong paraan. Gayunman, nang lumipas na mga taon, ang ibang matatanda sa kongregasyon ay hindi tumupad ng kanilang mga pananagutan sa pagpapatotoo. Halimbawa, isang Saksi ang sumulat: “Lahat ay ayos naman hanggang sa dumating ang patalastas na lahat ay makikibahagi sa bahay-bahay na pagpapatotoo sa pamamagitan ng literatura at lalo na sa gawaing pagbabahay-bahay kung Linggo​—ito’y noong 1927. Ang aming halal na matatanda ay sumalungat at kanilang sinubukang sirain ang loob ng buong klase sa paglahok o pakikibahagi sa anumang bahagi ng gayong gawain.” Nang sumapit ang panahon, ang mga lalaking ayaw na lumahok sa pangangaral sa bahay-bahay ay binawian ng pribilehiyo na maglingkod bilang matatanda. Sa ngayon, din naman, ang naglilingkod bilang matatanda at ministeryal na mga lingkod ay inaasahan na mangunguna sa pagpapatotoo sa bahay-bahay at sa iba pang anyo ng ministeryong Kristiyano.

Bawat Isa ay Saksi

13. (a) Ano ang dapat nating gawin kahit na kung ang mga tao ay hindi nakikinig sa balita ng Kaharian? (b) Papaano inihambing si Pablo kay Ezekiel?

13 Sa tulong ni Jehova, ang mga Kristiyano ay dapat maghayag ng balita ng Kaharian sa bahay-bahay, kahit na kung iyon ay hindi tinatanggap nang may pagpapahalaga. Bilang bantay ng Diyos, si Ezekiel ay inutusan na magbigay ng babala sa mga tao bilang bantay ng Diyos sa makinig man sila o hindi. (Ezekiel 2:5-7; 3:11, 27; 33:1-6) Sa paghahambing kay Ezekiel at kay Pablo, si E. M. Blaiklock ay sumulat: “Buhat [sa pahayag ni Pablo sa Gawa kabanata 20] ay lumilitaw ang isang malinaw na larawan ng ministeryo sa Efeso. Pansinin ang sumusunod: Una, ang katapatan ni Pablo na nag-uudyok sa madaliang pagkilos. Siya’y hindi naghahangad ng katanyagan o pagsang-ayon ng madla. Pagkatapos na ilagay na gaya ng isang bantay na tulad ni Ezekiel, ang kaniyang tungkulin ay ginanap niya na may tunay na sigasig at kataimtiman upang patunayan ang kaniyang sinasabi. Ikalawa, ang kaniyang maibiging simpatiya. Hindi siya ang taong magsasalita tungkol sa kapahamakan nang hindi kasama ang damdamin. Ikatlo, ang kaniyang walang-pagod na pag-eebanghelyo. Sa madla at sa bahay, sa lunsod at sa buong lalawigan, kaniyang ipinangaral ang ebanghelyo.”

14. Bakit ang pagpapatotoo ay pananagutan ng bawat isa na nag-alay sa Diyos na Jehova sa panalangin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo?

14 Ang saganang pagpapala ng Diyos sa kaniyang kasalukuyang mga lingkod ay hindi nag-iiwan ng anumang alinlangan na siya’y nalulugod na makitang taglay nila ang pangalang mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10-12) Isa pa, sila ay mga saksi rin ni Kristo, sapagkat sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo’y tatanggap ng kapangyarihan pagdating sa inyo ng banal na espiritu, at kayo’y magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Kaya’t ang pagpapatotoo ay pananagutan ng bawat isa na gumagawa ng pag-aalay sa Diyos na Jehova sa panalangin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.

15. Ano ang sinabi tungkol sa gawaing pagpapatotoo ng sinaunang mga Kristiyano?

15 Sinabi tungkol sa pagpapatotoo: “Dito’y kasangkot ang buong iglesiya. Ang misyonerong gawain ng sinaunang iglesiya ay hindi pananagutan ng Women’s Missionary Society o ng Foreign Mission Board. Ni ang gawain man na pagpapatotoo ay ipinaubaya sa mga propesyonal na katulad ng mga matatanda, diakono, o maging mga apostol. . . . Noong sinaunang mga araw na iyon ang iglesiya ay misyon. Ang misyonerong programa ng sinaunang iglesiya ay nakasalig sa dalawang palagay: (1) Ang pangunahing gawain ng iglesiya ay pandaigdig na pag-eebanghelyo. (2) Ang pananagutan ng pagganap ng gawaing ito ay nakasalalay sa buong komunidad Kristiyano.”​—J. Herbert Kane.

16. Tungkol sa mga Kristiyano at sa pagpapatotoo, ano ang kinilala kahit ng mga manunulat sa Sangkakristiyanuhan?

16 Bagaman ang modernong-panahong mga manunulat ng Sangkakristiyanuhan ay hindi sang-ayon sa balita ng Kaharian, may mga iba na kumikilala na may obligasyon ang mga Kristiyano na magpatotoo. Halimbawa, sa aklat na Everyone a Minister, ganito ang puna ni Oscar E. Feucht: “Walang pastor ang makagaganap ng ministeryo na ibinigay ng Diyos sa bawat mananampalataya. Nakalulungkot naman na sa daan-daang taon ng maling kaisipan sa iglesiya ang gawain ng 500 tagaparokya ay gawain ng iisang pastor. Hindi ganiyan sa sinaunang iglesiya. Ang mga naniniwala ay naparoon sa lahat ng dako sa pangangaral ng Salita.”

17. Ano ang masasabi tungkol sa dako ng pagpapatotoo sa buhay ng sinaunang mga Kristiyano?

17 Ang pagpapatotoo ay napakahalaga sa buhay ng sinaunang mga Kristiyano, gaya rin ng kung papaanong ito’y gayon sa bayan ni Jehova sa ngayon. “Sa malawakang pagsasalita,” ang isinulat ni Edward Caldwell Moore ng Harvard University, “sa unang tatlong siglo ng kilusang Kristiyano ay makikita ang malaking kasiglahan para sa pagpapalaganap ng pananampalataya. Ang kinahuhumalingan ng Kristiyano ay ebanghelismo, ang paghahayag ng balita ng katubusan. . . . Gayunman, ang paglaganap ng impluwensiya at mga turo ni Jesus ay, sa pinakamaagang panahon, utang ang maliit na bahagi sa mga taong ating tatawaging mga misyonero. Iyon ang tagumpay ng mga lalaki ng bawat hanapbuhay at opisyo at bawat kalakaran sa lipunan. [Kanilang] dinala sa pinakamalalayong hangganan ng imperyong [Romano] ang mga lihim ng panloob na buhay, yaong bagong saloobin tungkol sa sanlibutan, na sa kanilang karanasan ay siyang kaligtasan. . . . [Ang sinaunang Kristiyanismo] ay mahigpit na kumbinsido tungkol sa napipintong wakas ng kasalukuyang pansanlibutang-kalakaran. Ito’y naniniwala sa bigla at kahima-himalang pagtatayo ng isang bagong sanlibutang-kalakaran.”

18. Ano ang dakilang pag-asa na lubhang nakahihigit sa mga pangarap ng makapulitikang mga lider?

18 Sa bahay-bahay na pagpapatotoo at sa iba pang mga pitak ng kanilang ministeryo, ang kanilang mga tagapakinig ay may kagalakang inaakay ng mga Saksi ni Jehova upang mapabaling sa bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos. Ito’y humula ng mga pagpapala sa buhay na walang-hanggan na lubhang nakahihigit sa pinakamimithing pangarap ng kasalukuyang mga tagapagtayo ng isang bagong sanlibutang kaayusan sa hinaharap. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4) Bagaman waring bawat isa’y nagnanais mabuhay sa kahanga-hangang bagong sanlibutan ng Diyos, hindi nga gayon ang totoo. Gayunman, isaalang-alang natin pagkatapos ang ilang epektibong paraan na magagamit ng mga lingkod ni Jehova sa pagtuturo sa mga taong naghahanap ng buhay na walang-hanggan.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Bakit natin masasabi na ang Gawa 5:42 at Gawa 20:20 ay nangangahulugan na dapat mangaral sa bahay-bahay ang mga tagasunod ni Jesus?

◻ Papaano natin malalaman na sumasang-ayon ang Diyos sa ministeryo ng pagbabahay-bahay ng mga Saksi ni Jehova?

◻ Tungkol sa ministeryo, ano ang hinihiling sa matatanda at ministeryal na mga lingkod?

◻ Ang pagpapatotoo ay dapat magkaroon ng anong dako sa buhay ng mga Kristiyano?

[Larawan sa pahina 10]

Noong 33 C.E., ang mga alagad ni Jesus ay nagpatotoo sa bahay-bahay nang walang lubay

[Larawan sa pahina 13]

Si Pablo ay nagturo “sa bahay-bahay.” Ang ganitong uri ng ministeryo ay isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share