Natatandaan Mo Ba?
Nasiyahan ka ba sa pagbabasa ng mga huling labas ng Ang Bantayan? Kung gayon tingnan mo kung matatandaan mo pa ang sumusunod na mga punto:
◻ Sa anong diwa masasabi ni Pablo na siya ay “malinis sa dugo ng lahat ng mga tao”? (Gawa 20:26, 27)
Maliwanag, sa buong buhay niya si Pablo ay hindi nagbubo ng dugo sa pakikidigma ni kumain man siya ng dugo. Gayunman, ang mahalaga sa lahat ay nagpakita siya ng malaking interes sa mga buhay ng iba gaya ng kinakatawan ng kanilang dugo. Siya ay nabahala na wala sanang mawalan ng kanilang buhay sa araw ng paghatol ng Diyos dahil sa hindi niya sila nabigyan ng isang lubusang patotoo.—9/1, pahina 27.
◻ Bakit napakabisa ang sermon ni Jesus sa tabi ng bundok?
Ang sermon ni Jesus ay mahalaga hindi lamang dahilan sa espirituwal na nilalaman nito kundi dahilan din sa ito ay payak at malinaw.—9/15, pahina 9.
◻ Ano ang gumawa sa payo ni apostol Pablo na napakabisa?
Ang pagiging mabisa nito ay nakasalalay sa bagay na nalalaman niyaong mga pinatutungkulan na mahal sila ni Pablo. Isa pa, siya ay nagtiwala sa maka-Diyos na karunungan, hindi sa kaniyang sariling mga palagay, at nagpayo siya na taglay ang espiritu ng kaamuan. (2 Timoteo 3:16; Tito 3:1, 2)—9/15, pahina 12, 13.
◻ Ano ang kinakatawan ng apat na mga hayop na nakita ni Daniel sa kaniyang panaginip na nakatala sa Daniel kabanata siete?
Ang mga ito ay kumakatawan sa mga pandaigdig na kapangyarihan mula noong kaarawan ni Daniel patuloy hanggang sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos. Ang mga ito ay: Babilonya, Medo-Persia, Gresya, at Roma pati na ang nanggaling dito, ang Anglo-Amerikanong Pandaigdig na Kapangyarihan.—10/1, pahina 7.
◻ Bakit ang pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ay isang praktikal na paraan ng pagpapakita ng pag-ibig sa kapuwa?
Ang gawaing pangangaral ay praktikal sapagkat ito ay tumutulong sa mga tao na ikapit ang mga simulaing moral. Ito naman ay nagpapangyari sa kanila na iwasan ang maraming mga suliranin sa buhay.—10/1, pahina 23.
◻ Bakit ang katagang “Anak ng tao” ay angkop kay Jesus?
Nang ikapit ni Jesus ang katagang ito sa kaniyang sarili siya ay isang tao, at sa gayon siya ay literal na “isang anak ng tao.” Ibinigay din niya ang kaniyang buhay na pantubos sa mga tao, sa gayo’y ginagampanan ang papel ng pinakamalapit na kamag-anak ng tao—tunay na isang “Anak ng tao.” (Mateo 20:28; Hebreo 2:11-17)—10/15, pahina 6.
◻ Bakit napakahalaga ang makahulugang komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at mga anak?
Ang gayong pag-uusap ay lumilikha ng pag-unawa at pagmamalasakit sa isa’t isa. Kapag ang mga bata ay nagpapakita ng pagkukusang makipag-usap kahit na tungkol sa personal na mga bagay, nalalaman ng kanilang mga magulang kung ano ang nasa kanilang puso. Gayundin, nauunawaan ng mga bata na ang mga damdamin at mga motibo ng kanilang mga magulang ay katulad din ng sa kanila. Lahat ng ito ay tumutulong na lubha sa pagkakaroon ng isang maligaya, nagkakaisang pamilya.—11/1, pahina 18, 19.
◻ Paano maiiwasan ng Kristiyano ang maraming mga problema sa mga kaugnayan sa negosyo?
Dapat na maingat na suriin ng isang Kristiyano ang kaniyang mga motibo bago pumasok sa anumang negosyo. Dapat laging isaisip ang payo ng Bibliya sa Roma 14:19, na “itaguyod ang mga bagay na gumagawa ng ikapapayapa at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.”—11/15, pahina 19.
◻ Ano ang mga pakinabang ng pagsunod sa kinasihang payo na mag-asawa “lamang sa nasa Panginoon”? (1 Corinto 7:39)
Maaaring mapatibay-loob ng mga asawang Kristiyano ang bawat isa na matagumpay na maharap ang iba’t ibang pagsubok at manatiling tapat sa Diyos. Nagkakaisa, maaari nilang tanggihan ang iba’t ibang pangigipit na maaaring magpahina sa buklod ng pag-aasawa. Ang kanilang mga pagsisikap na maglingkod kay Jehova at mamuhay ayon sa kaniyang mga daan ay maaaring makatulong sa pagkakaroon ng isang matagumpay na pag-aasawa na nagpaparangal kay Jehova.—11/15, pahina 26.
◻ Anong mabuting mungkahi tungkol sa pag-aabuloy ang ibinigay ni apostol Pablo sa kongregasyon sa Corinto?
Si Pablo ay sumulat sa 1 Corinto 16:2: “Tuwing unang araw ng sanlinggo ang bawat isa sa inyo . . . ay magbukod na magsimpan ayon sa kaniyang iginiginhawa.” Ang pagkaregular ang susi, hindi gaano ang tungkol sa laki ng halaga. Ngayon, ang simulain ding ito ay maikakapit ng bayan ni Jehova upang matugunan ang kinakailangang mga pagkakagastos sa Kingdom Hall o upang mag-abuloy sa iba pang mga kapakanang pang-Kaharian.—12/1, pahina 30.