Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ang mga Kristiyano ba noong unang siglo’y naniniwala na ang wakas ng balakyot na sistemang ito’y sasapit sa panahon na sila’y nabubuhay pa?
Ang mga tagasunod ni Jesus noong unang siglo ay sabik na sabik na dumating ang wakas. Gaya ng makikita natin, may paniwala ang ilan sa kanila na napipinto na noon ang wakas, darating kaagad. Ang kanilang paniniwala ay kailangang ituwid. Subalit tunay na hindi masama para sa mga Kristiyano noon man o ngayon, na taimtim na maniwalang ang inihulang wakas ay kailangang unawain na napipinto na at mamuhay sa araw-araw na ganiyan ang pagkadama.
Sa pagsagot sa katanungan ng kaniyang mga alagad tungkol sa “tanda” ng kaniyang pagkanaririto o presensiya, si Jesus ay nagbabala sa kanila: “Patuloy na magbantay kayo, kung gayon, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon.” (Mateo 24:3, 42) Ang gayong pagbabantay ay dapat makaapekto sa kanilang mga kilos, sapagkat isinusog pa ni Kristo: “Pakaingat kayo na ang inyong puso ay huwag malugmok sa katakawan at sa kalasingan at sa pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na iyon . . . kaya nga, manatili kayong gising sa tuwina na dumalanging makaligtas kayo sa lahat ng mangyayaring ito, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.”—Lucas 21:34-36.
Pansinin na ibinigay ni Jesus ang ganitong payo agad pagkatapos na isa-isahin ang mga pangyayaring bubuo sa “tanda.” Kaya’t ang mga apostol ay pinagbabantay sa mga bagay na mangyayari bago dumating ang wakas. Datapuwat, mga ilang linggo pagkaraan, itinanong nila sa binuhay-muling si Jesus: “Panginoon, isasauli mo baga ang kaharian ng Israel sa panahong ito?” Siya’y tumugon: “Hindi para sa inyo ang makaalam ng mga panahon o mga bahagi ng panahon na itinakda ng Ama para sa kaniyang sariling kapamahalaan.”—Gawa 1:6, 7.
Dito’y makikita natin na ang pinakamalalapit kay Jesus na mga tagasunod niya ay sabik na sabik na dumating kaagad ang wakas kung kaya’t nakaligtaan nila ang kasasabi lamang niya sa kanila tungkol sa mga pangyayaring magaganap sa panahon ng kaniyang pagkanaririto bago sumapit ang wakas na iyon.
Makikita natin ang isa pang katunayan ng kanilang pananabik sa mga liham ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica. Noong mga 50 C.E. siya’y sumulat: “Kung tungkol sa mga panahon at sa mga pana-panahon, mga kapatid, hindi na kailangang sulatan pa kayo ng anuman. Sapagkat kayo rin nga ang lubos na nakaaalám na ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Kaya huwag nga tayong mangatulog na gaya ng mga iba, kundi tayo’y manatiling gising at laging handa.” (1 Tesalonica 5:1, 2, 6) Iyon ay ipinangahulugan ng ilan sa mga pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyanong iyon na ang pagkanaririto ni Jesus (kasabay ng araw ni Jehova ng pagpuksa sa mga balakyot) ay sasapit noon mismo, karakaraka.
Subalit hindi nga gayon. Sa katunayan, si Pablo ay sumulat sa kanila ng ikalawang liham: “Tungkol sa pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa ating pagkakatipong sama-sama sa kaniya, aming ipinamamanhik sa inyo na huwag kayong madaling matitinag sa inyong pag-iisip ni mababagabag man maging sa pamamagitan ng isang kinasihang pangungusap o sa pamamagitan ng isang bibigang pasabi o sa pamamagitan ng isang sulat na waring mula sa amin, na nagsasabing ang araw ni Jehova ay naririto na. Huwag kayong padaya kaninuman sa anumang paraan, sapagkat iyon ay hindi darating maliban nang dumating muna ang apostasya at mahayag ang taong tampalasan.”—2 Tesalonica 2:1-3.
Ito’y hindi nangangahulugan na sila’y maaaring maging mapagwalang-bahala tungkol sa pagkanaririto ni Jesus at ng katapusan ng sistema. Sa bawat taóng lumipas, ang babala ni Jesus ay lalong tumindi: “Patuloy na magbantay kayo, kung gayon, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon.”
Sa gayon, mga limang taon pagkatapos isulat ang Ikalawang Tesalonica, si Pablo’y sumulat: “Ngayo’y oras nang gumising kayo sa pagkatulog, sapagkat ngayon ay lalong malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo’y maging mga mananampalataya. Ang gabi ay totoong malalim; ang araw ay malapit na. Iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman at ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan.” (Roma 13:11, 12) Pagkaraan ng isa pa uling limang taon, ganito ang payo ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano: “Kayo’y nangangailangan ng pagtitiis, upang, kung inyong magawa ang kalooban ng Diyos, kayo’y magsitanggap ng katuparan ng pangako. Sapagkat ‘kaunting-kaunting panahon na lamang,’ at ‘siyang pumaparito ay darating at hindi magluluwat.’” (Hebreo 10:36, 37) Pagkatapos, sa pangalawa sa huling-huling talata ng Apocalipsis, si apostol Juan ay sumulat: “Siyang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, ‘Oo; ako’y paririyang madali.’ Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.”—Apocalipsis 22:20.
Tiyak, ang isang Kristiyano noon ay makatuwiran sa kaniyang pagkaunawa na ang wakas ay maaaring dumating sa panahon na siya’y nabubuhay pa. At kung sakaling dahil sa aksidente o sa likas na kadahilanan, siya’y mamamatay bago sumapit ang wakas, siya ay nakaranas mabuhay na taglay ang unawa tungkol sa kaiklian ng panahon na ipinahiwatig ni Jesus at ng kinasihang Kasulatan.
Lahat na ito ay lalong higit na kumakapit sa atin, sa atrasadong panahong ito na ating kinabubuhayan. Bilang pag-ulit sa pagpapaliwanag ni Pablo, hindi natin maitatatuwa na ‘ngayon ang ating kaligtasan ay lalong malapit na kaysa noong ang sinaunang mga Kristiyano ay maging mga mananampalataya at kahit na nang tayo mismo ay maging mga mananampalataya. Ang gabi ay totoong malalim na; at ang araw ay tunay na malapit na.’
Nakita na natin sa kasaysayan pasimula sa Digmaang Pandaigdig I ang gagabundok nang taas na mga pisikal na ebidensiya, na nagpapatunay na tayo’y naririto na sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Imbis na tayo’y naging totoong abala sa panghuhula kung kailan nga ba darating ang wakas, tayo’y dapat na maging abala sa pangangaral ng mabuting balita, na makapagliligtas sa ating buhay at sa buhay ng marami pang iba.—1 Timoteo 4:16.
Tayo’y may sapat na mga dahilang umasa na ang pangangaral na ito’y matatapos sa panahon natin. Nangangahulugan ba iyan na bago humalili ang isang bagong buwan, ang isang bagong taon, ang isang bagong dekada, ang isang bagong siglo? Walang sinumang tao na nakakaalam, sapagkat sinabi ni Jesus na ‘maging ang mga anghel man sa langit’ ay hindi nakakaalam niyan. (Mateo 24:36) Isa pa, hindi na naman natin kailangang makaalam, habang patuloy na ginagawa natin ang iniuutos ng Panginoon na pagbuhusan ng ating lakas. Ang pinakamahalaga ay kalooban at gawain ng Diyos ang gawin at na tayo’y may lubusang bahagi sa bagay na iyan. Sa gayon tayo ay maaaring “makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito, at makatayo sa harapan ng Anak ng tao.”—Lucas 21:36.