Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 12/1 p. 28-31
  • Mga Abuloy na Nagpapaligaya sa Puso

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Abuloy na Nagpapaligaya sa Puso
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Ginawa Ito ng mga Unang Kristiyano
  • Ang Pagkaregular ang Pinaka-susi
  • Ang Tagapagbigay ng “Bawat Mabuting Kaloob”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Papaano Pinauunlad ni Jehova ang Kaniyang Gawain
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • “Subukin ang Pagiging Tunay ng Inyong Pag-ibig”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Paano Natin Gagantihin si Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 12/1 p. 28-31

Mga Abuloy na Nagpapaligaya sa Puso

SA KAHON sa ibaba ay may dalawang liham na karaniwang ginagamit sa pangingilak ng salapi ng mga relihiyon sa Sangkakristiyanuhan. Ikinatutuwa mo ba ang mga iyan? Malayo! Subalit, kailangan ngayon ang mga pondo upang tumulong sa pagtataguyod ng pagsamba na sinasang-ayunan ng Diyos. Kaya’t papaano ngang ang isang organisasyong Kristiyano ay nakakatipon ng kinakailangang mga pondo upang gawin ang kalooban ng Diyos?

Isang sagot ang masusumpungan sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga kinaugalian ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo at ng salita ng Maytatag, si Jesu-Kristo. “Ugaliin ninyo ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo,” ang payo ni Jesus sa Lucas 6:38. “Takal na mabuti, pikpik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat sa panukat na inyong isinusukat ay doon din naman kayo susukatin.” Anong pagkaangkup-angkop nga ng ilustrasyong iyan na ipinarinig ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig noon. Ang kanilang mga kasuotan na uso rito sa Oryente ay may panloob na bulsa para paglagyan ng mga bagay-bagay. Ang salitang (isinaling) “kandungan,” o literal na “sinapupunan” (Griego, kolʹpos), ay tumutukoy sa guwang na likha ng tupi ng isang maluwang na kasuotan sa gawing itaas ng sinturon, at sa bulsang ito ibinubuhos ng mga tindera ang tinakal na anumang bagay na binili ng mamimili.

Ilang mga tindera ang may ugaling pipikpikin muna at saka liligligin ang kaniyang tinatakal upang pinakamarami niyaon hangga’t maaari ang mapalagay sa sisidlan ng kasuotan ng isang mamimili, hanggang sa sukdulang umapaw iyon? Kakaunti-kaunti, kung mayroon man! Datapuwat, ang mga Kristiyano sa pamamagitan ng saganang pag-aabuloy sa mga taong nangangailangan ay sasaulian ng labis-labis bilang kapalit niyaon. Ang sukat ng ating sariling trato sa iba, tayo man ay bukas-palad o maramot, ang gagamitin bilang ganti sa atin, hindi lamang ng mga tao kundi, lalong mahalaga, ng Diyos na Jehova.​—Ihambing ang 2 Corinto 9:6; Galacia 6:7.

Sa pamamagitan ng malayang pagbibigay ng kaniyang sarili at ng kaniyang mga tinatangkilik, naranasan ni Jesus ang katuparan ng simulaing ito. Siya ang pinaka-sagisag ng pagkabukas-palad. Buong sigasig at walang anumang pag-iimbot na kaniyang ipinangaral sa mga dukha ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Kailanman ay hindi siya nagpabaya sa kaniyang mga paglilingkod ni umasa man na siya’y susuwelduhan. Gayunman ay wala siyang hinangad na anupaman. Ang mga tao ay bukas-palad, kusang-loob, na sumuporta sa kaniya sa kaniyang ministeryo.​—Lucas 7:22; 8:1-3.

Ang pagbibigay ni Jesus ay nagsilbing inspirasyon sa iba​—kay Simon Pedro, Santiago, Juan, at ang iba pa sa 12​—upang magpakita ng katulad na pagkabukas-palad dahil sa pag-iiwan ng lahat ng bagay upang makabahagi sa ministeryo. (Lucas 5:10, 11; 9:1-6) Ang ganiyang uri ng abuloy ay nagbubunga ng ganiyan din sa ngayon. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng kanilang panahon, lakas, at mga ari-arian upang ang iba’y makarinig ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa kabilang panig, samantalang sila’y nagpapakita ng pagkabukas-palad sa pamamagitan ng pangangaral, ang mga iba naman pa ay naaakay na magpakita rin ng pagkabukas-palad sa pamamagitan ng pakikibahaging kasama nila sa pangangaral ng mabuting balita.​—Kawikaan 11:25.

Gayunman, may isa pang bagay bukod sa ating bahagi sa pangangaral na nagpapagalak sa puso. Ang pag-aabuloy ng salapi taglay ang tamang motibo at udyok ng tamang mga dahilan ay bahagi rin ng tunay na pagsamba. (2 Corinto 9:9-14) Paano nga ginawa ito ng mga Kristiyano noong unang siglo?

Kung Paano Ginawa Ito ng mga Unang Kristiyano

Sa unang araw ng pagsilang ng kongregasyong Kristiyano noong taóng 33 C.E., ang 3,000 bagong kababautismong mga magkakapananampalataya ay ‘sama-sama, sa salu-salong pagkain, at sa pananalangin.’ Para sa anong mabuting dahilan? Upang kanilang mapatibay ang kanilang bagong pananampalataya sa pamamagitan ng ‘pananatiling matibay sa turo ng mga apostol.’​—Gawa 2:41, 42.

Ang mga Judio at mga proselita ay naparoon sa Jerusalem na ang plano’y dumoon lamang hanggang sa matapos ang Kapistahan ng Pentecostes. Subalit yaong mga naging Kristiyano ay may hangarin na manatili roon ng mas matagal at matuto pa ng higit upang mapatibay ang kanilang bagong pananampalataya. Ito’y lumikha ng isang biglaang pangangailangan ng pagkain at matutuluyan. Ang iba sa mga panauhin ay walang sapat na pondong dala, samantalang ang iba naman ay may sobra. Kaya’t pansamantala ay nagbakas-bakas sila ng kanilang mga ari-arian at ipinamahagi iyon sa mga nangangailangan.​—Gawa 2:43-47.

Paano ba pinangasiwaan ang pagpapakain at pagpapabahay sa kanila? Ang mga apostol, na nagsilbing lupong tagapamahala, ang nangasiwa sa pangungolekta at pamamahagi ng mga abuloy. Sa gayon, ang mga unang larawan ng kongregasyon Kristiyano ay nagpapakita na ang mga miyembro na ang kani-kanilang mga ari-arian ay hindi nila itinuturing na kanilang sarili kundi isang bagay na gagamitin para sa kapakinabangan ng buong kongregasyon. (Gawa 2:44; 4:32) Bukod dito, “lahat ng nagmamay-ari ng mga bukid o mga bahay ay nagbibili niyaon at ang pinagbilhan ay dinadala at inilalagak sa paanan ng mga apostol. Pagkatapos ay saka ito ipamamahagi sa bawat isa ayon sa kani-kaniyang pangangailangan.”​—Gawa 4:34, 35.

Ang pagbibili ng lupa’t bahay at ang pagpaparti-parti ng lahat ng ari-arian ay kusang-loob. Walang sinuman na obligado na magbili o magbigay ng donasyon, ni ito man ay pagtataguyod sa karalitaan. Hindi ibig sabihin na ipinagbili ng mayayamang miyembro ang lahat ng kanilang ari-arian at sa gayo’y naging mahirap sila. Kundi, dahilan sa pagkahabag sa mga kapananampalataya na nasa karalitaan noong panahong iyon, kanilang ipinagbili ang kanilang ari-arian at ang pinagbilhan ay iniabuloy nila upang may maibili ng mga pangangailangan sa pagpapasulong ng mga intereses ng Kaharian.​—Ihambing ang 2 Corinto 8:12-15.

Gayundin naman sa ngayon, may mga indibiduwal na may mga ari-arian na pinasalin ang titulo sa pangalan ng Watch Tower Society o ginawa ang organisasyong ito na kanilang mga eredero sa kanilang testamento, sa gayo’y ipinababahala sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang paggamit sa mga pondo kung saan pinakamalaki ang pangangailangan na gastahin ito sa gawaing pang-Kaharian. Lahat ng ganiyang pagbibigay ay tumutulong sa pagpapalaganap ng espirituwal na kaliwanagan gaya rin noong Pentecostes. Walang anuman dito na sapilitan.

Ang Pagkaregular ang Pinaka-susi

Mga 20 taon pagkatapos ng Pentecostes noong 33 C.E., pinaaalaala ni apostol Pablo sa kongregasyon sa Corinto ang tungkol sa pangangailangan ng pag-aabuloy. “Ngayon tungkol sa mga abuluyan para sa mga banal, gawin din naman ninyo ito gaya ng iniutos ko sa mga kongregasyon sa Galacia,” ang isinulat niya. Pagkatapos ay isinusog pa niya ang karagdagang payo: “Tuwing unang araw ng sanlinggo ang bawat isa sa inyo ay magbukod na magsimpan, ayon sa kaniyang iginiginhawa, upang huwag nang gumawa ng mga abuluyan sa pagpariyan ko. At pagdating ko riyan, sinumang mga lalaking inyong magalingin ay sila ang aking susuguin na may mga sulat upang makapagdala sa Jerusalem ng inyong ipinagmagandang-loob na abuloy.” Ang pagpapasiya kung gaano ang ibibigay ay waring kasali na roon ang buong pamilya, mayaman man o mahirap, sapagkat iyon ay gaganapin sa kanilang “sariling bahay.”​—1 Corinto 16:1-3.

Ang mungkahi ni Pablo tungkol sa paraan ng pag-aabuloy ay maaaring ikapit sa mga miyembro ng kongregasyon ngayon. Paano? Ang pagkaregular ang susi. Kung ang inyong kongregasyon ay nagbabayad ng buwanang upa at pagkakagastos sa pagmantiner ng inyong pulungang dako o Kingdom Hall, kakailanganin “ang pag-aabuloy, hindi gaano ang tungkol sa laki ng halaga, kundi ang pagkaregular ng pagtatabi ng isang tiyak na halaga bawat linggo o buwan para sa mga kapakanang pang-Kaharian,” ang sulat ng tanggapang sangay sa Peru. Ang ideya bang ito ay nakakaakit sa iyo? Kahit ang mga bata ay maaaring turuan na ang regular na pag-abuloy ay bahagi ng kanilang pagsamba.

Samakatuwid, pagka ang mga abuloy ay may tamang motibo at tamang dahilan, ang mga ito ay nagpapagalak sa puso ng Diyos at gayundin ng tao. Ang sabi ng 2 Corinto 9:7: “Magbigay ang bawat isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, huwag mabigat sa loob o parang pinipilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya.”

[Kahon sa pahina 28]

Mga Paraan na Ginagamit ng Sangkakristiyanuhan

“Kinausap ako ng Panginoon na sulatan ka ng liham na ito . . . Hindi sana kita sinulatan ng liham na katulad nito kapalit ng anupaman sa daigdig kung hindi ako kinausap ng Diyos upang sulatan ka ng liham na ito at sabihin sa iyo na kung dagling bibigyan mo ako ng $20.00 upang tulungan ako ngayon ay kaniyang pagpapalain ka ng gaya ng hindi mo pa nararanasan kundi ngayon lamang.”​—Form letter buhat sa isang Canadianong klerigo na pinirmahan, “Iyong ministro at Kapareha.”

“Buksan mo itong Banal na Langis Pampahid na ito, (huwag mong aksayahin kahit isang patak). Si Jesus itong langis na ito ng pananampalataya. Magkrus ka nito sa iyong noo, saka may pananampalatayang pumaroon ka na mag-isa sa isang kuwarto at kunin mo roon ang anumang pera na mayroon ka at krusan mo ang bawat salaping papel para lunasan ng Diyos ang iyong mga problema sa salapi, at upang paramihin ang iyong salapi gaya ng nasa Lucas 6:38 . . . Pagka iyong pinahiran ng banal na pampahid na langis na ito ang taglay mong salapi, pahiran mo na nito ang bawat salaping papel na taglay mo. Krusan mo ang bawat salaping papel, pagkatapos, ay ang pinakamalaking papel na mayroon ka, kung iyon ay $20.00, $10.00 o $5.00, krusan mo iyon ng pampahid na langis at ihulog sa koreo para sa gawain ng Diyos.”​—Form letter buhat sa isang “reberendo” sa Estados Unidos pirmado, “Isang Propeta ng Diyos na may 30 taon.”

[Kahon sa pahina 30]

Kung Paano Umaabuloy ang Iba sa Gawaing Pangkaharian

◆ KALOOB: Ang donasyong salapi ay maaaring ipadalang tuwiran sa Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York 11201, o sa lokal na tanggapang sangay ng Samahan. Maaari rin namang magdonasyon ng ari-arian. Kailangang samahan ang mga kontribusyong ito ng maikling liham na nagsasabi na ang gayon ay isang boluntaryong donasyon.

◆ KAAYUSAN NG KONDISYONAL NA DONASYON: Salapi, aksiyon, bono, at ari-arian ay maaaring ibigay sa Watch Tower Society kasama ng probisyon na pagka may bumangong personal na pangangailangan, ay ibalik iyon sa nagkaloob. Sa pamamagitan ng paraang ito ay naiiwasan ang gastos at kawalang seguro ng paghahabol sa hukuman (probate of will), at paniniguro na mapasa-Samahan ang ari-arian sakaling mamatay ang nagkaloob.

◆ INSURANCE: Ang Watch Tower Society ay maaari ring gawing benipisyaryo ng isang life-insurance policy. Ang Samahan ay maaari ring gawing benipisyaryo ng naiimpok na mga pera sa bangko. Sa alin man diyan sa kasong iyan ay dapat patalastasan ang Samahan.

◆ TESTAMENTO: Ang ari-arian o salapi ay maaaring ibigay na donasyon sa Watch Tower Society sa pamamagitan ng isang testamento na ginawa ayon sa batas. Isang kopya ang dapat ipadala sa Samahan.

Higit pang impormasyon o payo tungkol sa ganiyang mga bagay ang makukuha sa pamamagitan ng pagsulat sa Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York 11201, o sa lokal na tanggapang sangay ng Samahan.

[Mga larawan sa pahina 31]

Mga paraan kung paano ginagastos ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang inyong mga abuloy upang mapasulong ang mga kapakanang Pangkaharian noong lumipas na dalawang taon:

Pagtustos sa mahigit na 12,700 misyonero at espesyal payunir

Pagtatayo o pagpapalawak ng 40 mga pasilidad ng sangay

Pagtulong sa mahigit na 5,000 naglalakbay na mga tagapangasiwa at kani-kanilang asawa

Pagbili ng walong bagong high-speed na mga rotary presses

Pagtustos sa mahigit na 8,400 Bethelites

Pagtulong sa mga biktima ng kalamidad

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share