NICOLAS
[Manlulupig ng Bayan].
1. Isa sa pitong kuwalipikadong lalaki na inirekomenda ng kongregasyon sa mga apostol upang atasan bilang mga tagapamahagi ng pagkain nang sa gayon ay matiyak ang makatarungan at patas na pakikitungo sa mga kabilang sa sinaunang kongregasyon ng Jerusalem pagkatapos ng Pentecostes, 33 C.E. Sa pito, tanging si Nicolas ang tinawag na “isang proselita mula sa Antioquia,” na nagpapahiwatig na maaaring siya lamang ang di-Judio sa pangkat na iyon, yamang ang mga pangalang Griego ng iba pa ay pangkaraniwan maging sa likas na mga Judio.—Gaw 6:1-6.
2. Ang “sekta ni Nicolas” (o mga Nicolaita) ay hinahatulan sa dalawa sa pitong liham sa mga kongregasyon sa kabanata 2 at 3 ng Apocalipsis. Dahil sa pagkapoot sa “mga gawa ng sekta ni Nicolas,” na kinapopootan din mismo ni Kristo Jesus, ang “anghel” ng kongregasyon ng Efeso ay pinapurihan. (Apo 2:1, 6) Gayunman, may ilan sa kongregasyon sa Pergamo na “nanghahawakang mahigpit sa turo ng sekta ni Nicolas,” na mula roon ay hinimok silang lumayo at magsisi.—Apo 2:12, 15, 16.
Bukod pa sa nakasulat dito sa Apocalipsis tungkol sa sekta ni Nicolas, wala nang iba pang nalalaman tungkol dito, alinman sa mga gawain at mga turo nito, na hinahatulan, o sa pinanggalingan at pagsulong nito. Ang pang-ugnay na “gayundin naman” na karaka-rakang sumunod sa pagtukoy sa imoral at idolatrosong landasin na itinaguyod ng mga Israelita dahil sa “turo ni Balaam” (Apo 2:14, 15) ay maaaring nagpapahiwatig ng ilang pagkakatulad, ngunit ipinakikita ng Apocalipsis ang pagkakaiba ng dalawang ito. Walang dahilan upang iugnay ang sekta kay Nicolas na Kristiyanong taga-Antioquia (Blg. 1) dahil lamang sa siya ang tanging tao na may gayong pangalan sa Bibliya, gaya rin ng ginawa ng ilan sa mga manunulat ng sinaunang simbahan. Ni nararapat mang sabihin na kinuha ng isang sektang nag-apostata ang kaniyang pangalan upang bigyang-katuwiran ang kanilang paggawa ng masama. Mas malamang na si Nicolas ay isang indibiduwal na di-ipinakilala ng Bibliya na sa kaniya ipinangalan ang di-makadiyos na kilusan.