Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • bt kab. 8 p. 60-67
  • “Nakaranas ng Isang Yugto ng Kapayapaan” ang Kongregasyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Nakaranas ng Isang Yugto ng Kapayapaan” ang Kongregasyon
  • ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Bakit Mo Ako Inuusig?” (Gawa 9:1-5)
  • ‘Saul, Kapatid, Isinugo Ako ng Panginoon’ (Gawa 9:6-17)
  • ‘Nagsimula Siyang Mangaral Tungkol kay Jesus’ (Gawa 9:18-30)
  • “Marami ang Nanampalataya” (Gawa 9:31-43)
  • Pinili ni Jesus si Saul
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • Ang Mang-uusig ay Nakakita ng Matinding Liwanag
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Patungo sa Damasco
    Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
  • Nakita ni Saul ang Dati Niyang mga Kaibigan at mga Kaaway
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
bt kab. 8 p. 60-67

KABANATA 8

“Nakaranas ng Isang Yugto ng Kapayapaan” ang Kongregasyon

Naging masigasig na ministro ang malupit na mang-uusig na si Saul

Batay sa Gawa 9:1-43

1, 2. Ano ang balak gawin ni Saul sa Damasco?

BAKAS na bakas sa mukha ng mga manlalakbay ang matinding galit habang papalapit sila sa Damasco, kung saan isasagawa nila ang kanilang maitim na balak. Kakaladkarin nila ang mga alagad ni Jesus palabas ng bahay ng mga ito. Gagapusin, hihiyain, at dadalhin nila ang mga ito sa Jerusalem upang matikman ang poot ng Sanedrin.

2 Si Saul, ang lider ng mga mang-uumog, ay nasangkot na sa pagpatay sa isang indibidwal.a Kamakailan lamang, pinanood niya ang pagbato ng kaniyang mga kapuwa panatiko sa isang tapat na alagad ni Jesus na si Esteban hanggang sa mamatay ito. (Gawa 7:57–8:1) Palibhasa’y hindi nakontento si Saul sa pag-usig sa mga tagasunod ni Jesus na nakatira sa Jerusalem, nagpasimuno siya ng isang malagim at malawakang pang-uusig. Gusto niyang sugpuin ang salot na sektang kilala bilang ang “Daan.”​—Gawa 9:1, 2; tingnan ang kahong “Ang Awtoridad ni Saul sa Damasco.”

3, 4. (a) Ano ang nangyari kay Saul? (b) Ano-anong tanong ang tatalakayin natin?

3 Walang ano-ano, isang nakasisilaw na liwanag ang suminag kay Saul. Nakikita ito ng kaniyang mga kasama pero dahil sa pagkabigla, hindi sila nakapagsalita. Nabulag si Saul at nabuwal sa lupa. Sa pagkakataong ito, nakarinig siya ng isang tinig mula sa langit na nagsasabi: “Saul, Saul, bakit mo ako inuusig?” Natigilan si Saul at nagtanong: “Sino ka, Panginoon?” Tiyak na nagimbal si Saul sa narinig niyang sagot: “Ako si Jesus, ang inuusig mo.”​—Gawa 9:3-5; 22:9.

4 Ano ang matututuhan natin sa unang mga pananalita ni Jesus kay Saul? Paano tayo makikinabang sa pagrerepaso sa mga pangyayari noong makumberte si Saul? Ano-anong aral ang matututuhan natin sa ginawa ng kongregasyon noong makaranas sila ng isang yugto ng kapayapaan matapos makumberte si Saul?

ANG AWTORIDAD NI SAUL SA DAMASCO

Paano nagkaroon ng awtoridad si Saul na arestuhin ang mga Kristiyano sa isang banyagang lunsod? Ang Sanedrin at ang mataas na saserdote ang nagdidikta kung ano ang tama at mali para sa mga Judio sa lahat ng lugar. Lumilitaw na kasama sa awtoridad ng mataas na saserdote ang ekstradisyon sa mga kriminal. Kaya obligadong makipagtulungan ang matatanda sa mga sinagoga sa Damasco kapag sinulatan sila ng mataas na saserdote.​—Gawa 9:1, 2.

Isa pa, binigyan ng mga Romano ang mga Judio ng karapatang humawak ng sarili nilang mga kaso. Kaya naman, limang beses na nalapatan ng mga Judio si apostol Pablo ng parusang “40 hampas na kulang ng isa.” (2 Cor. 11:24) Binabanggit din sa aklat ng 1 Macabeo ang isang liham na isinulat ng Romanong konsul para kay Ptolemy VIII ng Ehipto noong 138 B.C.E.: “Kung mayroong masasamang Judiong tumakas sa kanilang lupain papunta sa inyo, ibigay mo sila sa Punong Paring [o Saserdoteng] si Simon para maparusahan sila ayon sa kanilang Batas.” (1 Macabeo 15:21, Biblia ng Sambayanang Pilipino, sa amin ang braket) Noong 47 B.C.E., pinagtibay ni Julio Cesar ang awtoridad na dati nang ipinagkaloob sa mataas na saserdote, pati na ang karapatan nitong lutasin ang anumang usaping may kinalaman sa kostumbre ng mga Judio.

“Bakit Mo Ako Inuusig?” (Gawa 9:1-5)

5, 6. Ano ang matututuhan natin sa mga pananalita ni Jesus kay Saul?

5 Nang patigilin ni Jesus si Saul habang nasa daan ito papunta sa Damasco, itinanong niya: “Bakit mo ako inuusig?” (Gawa 9:4) Pansinin na hindi niya sinabi: “Bakit mo pinag-uusig ang mga alagad ko?” Oo, damang-dama ni Jesus ang mga pagsubok na dinaranas ng kaniyang mga tagasunod.​—Mat. 25:34-40, 45.

6 Kung sinisiil ka dahil sa pananampalataya mo kay Kristo, siguradong alam ni Jehova at ni Jesus ang kalagayan mo. (Mat. 10:22, 28-31) Baka hindi agad alisin ni Jehova ang pagsubok. Tandaan, nakita ni Jesus na sangkot si Saul sa pagpatay kay Esteban, at nakita rin niyang kinaladkad ni Saul ang tapat na mga alagad palabas ng kani-kanilang bahay sa Jerusalem. (Gawa 8:3) Pero hindi namagitan si Jesus nang panahong iyon. Gayunman, sa pamamagitan ni Kristo, binigyan ni Jehova si Esteban at ang iba pang mga alagad ng lakas na kailangan nila upang makapanatiling tapat.

7. Ano-ano ang dapat mong gawin upang matiis ang pag-uusig?

7 Matitiis mo rin ang pag-uusig kung gagawin mo ang sumusunod: (1) Magpasiyang manatiling tapat, anuman ang mangyari. (2) Humingi ng tulong kay Jehova. (Fil. 4:6, 7) (3) Ipaubaya kay Jehova ang paghihiganti. (Roma 12:17-21) (4) Magtiwalang bibigyan ka ni Jehova ng lakas upang makapagtiis hanggang sa alisin niya ang pagsubok.​—Fil. 4:12, 13.

‘Saul, Kapatid, Isinugo Ako ng Panginoon’ (Gawa 9:6-17)

8, 9. Ano ang malamang na nadama ni Ananias hinggil sa kaniyang atas?

8 Nang sagutin ni Jesus ang tanong ni Saul, “Sino ka, Panginoon?” sinabi niya: “Tumayo ka at pumasok ka sa lunsod, at may magsasabi sa iyo ng dapat mong gawin.” (Gawa 9:6) Ang nabulag na si Saul ay inakay papunta sa tutuluyan niya sa Damasco, kung saan siya nangilin at nanalangin sa loob ng tatlong araw. Samantala, binanggit ni Jesus ang tungkol kay Saul sa isang alagad na nakatira sa lunsod na iyon, isang lalaking nagngangalang Ananias, na “may mabuting ulat mula sa lahat ng Judiong nakatira” sa Damasco.​—Gawa 22:12.

9 Isipin na lang ang magkahalong emosyon na malamang na nadama ni Ananias! Dito, personal na nakikipag-usap sa kaniya ang Ulo ng kongregasyon, ang binuhay-muling si Jesu-Kristo, at pinili siya para sa isang pantanging atas. Napakalaking karangalan, pero napakabigat na atas! Nang sabihan si Ananias na dapat niyang kausapin si Saul, sumagot siya: “Panginoon, marami na akong narinig tungkol sa lalaking ito. Marami ang nagsabi kung paano niya ipinahamak ang mga alagad mo sa Jerusalem. May awtoridad din siya mula sa mga punong saserdote na arestuhin ang lahat ng tumatawag sa pangalan mo.”​—Gawa 9:13, 14.

10. Ano ang matututuhan natin tungkol sa pakikitungo ni Jesus kay Ananias?

10 Hindi sinaway ni Jesus si Ananias sa pagkabahala nito. Pero nagbigay siya ng malinaw na tagubilin. At bilang konsiderasyon, ipinaliwanag niya kay Ananias kung bakit nais niyang ipagawa ang pambihirang atas na ito. Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol kay Saul: “Ang taong ito ay pinili ko para dalhin ang pangalan ko sa mga bansa, gayundin sa mga hari at sa mga Israelita. Dahil ipapakita ko sa kaniya ang lahat ng paghihirap na daranasin niya dahil sa pangalan ko.” (Gawa 9:15, 16) Sumunod agad si Ananias kay Jesus. Nang masumpungan niya ang mang-uusig na si Saul, sinabi niya: “Saul, kapatid, isinugo ako ng Panginoong Jesus, na nagpakita sa iyo sa daan habang papunta ka rito, para makakita kang muli at mapuspos ng banal na espiritu.”​—Gawa 9:17.

11, 12. Ano ang matututuhan natin sa mga pangyayaring nagsasangkot kina Jesus, Ananias, at Saul?

11 Malinaw nating makikita ang ilang katotohanan mula sa mga pangyayaring nagsasangkot kina Jesus, Ananias, at Saul. Halimbawa, si Jesus ang talagang nangangasiwa sa gawaing pangangaral, gaya ng ipinangako niya. (Mat. 28:20) Bagaman hindi siya tuwirang nakikipag-usap sa mga indibidwal sa ngayon, pinangangasiwaan ni Jesus ang gawaing pangangaral sa pamamagitan ng tapat na alipin, na inatasan niya sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan. (Mat. 24:45-47) Sa ilalim ng pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala, ang mga mamamahayag at payunir ay isinusugo upang hanapin ang mga nagnanais na matuto pa nang higit tungkol kay Kristo. Gaya ng binanggit sa naunang kabanata, marami sa gayong mga indibidwal ang natagpuan ng mga Saksi ni Jehova matapos manalangin sa Diyos.​—Gawa 9:11.

12 Masunuring tinanggap ni Ananias ang atas at pinagpala naman siya. Sinusunod mo ba ang utos na lubusang magpatotoo, kahit na medyo mahirap ang atas na ito para sa iyo? Ang ilan ay nahihirapang magbahay-bahay at makipag-usap sa mga hindi nila kilala. Hamon naman para sa iba ang mangaral sa mga tao sa lansangan, lugar ng negosyo, o sa pamamagitan ng telepono o sulat. Napagtagumpayan ni Ananias ang kaniyang takot, at nagkapribilehiyo siyang tulungan si Saul na tanggapin ang banal na espiritu.b Nagtagumpay si Ananias dahil nagtiwala siya kay Jesus at itinuring niyang kapatid si Saul. Tulad ni Ananias, mapagtatagumpayan din natin ang ating takot kung magtitiwala tayong pinangangasiwaan ni Jesus ang gawaing pangangaral, magkakaroon tayo ng empatiya sa mga tao, at ituturing nating potensiyal na mga kapatid maging ang mga indibidwal na nakakatakot lapitan.​—Mat. 9:36.

‘Nagsimula Siyang Mangaral Tungkol kay Jesus’ (Gawa 9:18-30)

13, 14. Kung nag-aaral ka ng Bibliya pero hindi pa bautisado, ano ang matututuhan mo sa halimbawa ni Saul?

13 Kumilos agad si Saul ayon sa kaniyang natutuhan. Matapos siyang mapagaling, nagpabautismo siya at nagsimulang makisama sa mga alagad sa Damasco. Pero hindi lang iyan ang kaniyang ginawa. “Agad siyang nagsimulang mangaral sa mga sinagoga tungkol kay Jesus, na ito ang Anak ng Diyos.”​—Gawa 9:20.

14 Kung nag-aaral ka ng Bibliya pero hindi pa bautisado, matutularan mo ba si Saul at kikilos agad ayon sa iyong natututuhan? Totoo, nasaksihan mismo ni Saul ang isa sa mga himalang ginawa ni Kristo, at walang alinlangang naudyukan siya nitong kumilos. Pero nasaksihan din ng iba ang mga himalang ginawa ni Jesus. Halimbawa, nakita ng isang grupo ng mga Pariseo ang pagpapagaling niya sa tuyot na kamay ng isang lalaki, at alam ng karamihan sa mga Judio na binuhay-muli ni Jesus si Lazaro. Gayunman, marami sa kanila ang nanatiling walang interes, at naging salansang pa nga. (Mar. 3:1-6; Juan 12:9, 10) Pero iba naman si Saul dahil nagbago siya. Bakit tumugon si Saul samantalang ang iba naman ay hindi? Dahil mas takot siya sa Diyos kaysa sa tao at lubha niyang pinahalagahan ang awang ipinakita sa kaniya ni Kristo. (Fil. 3:8) Kung ang pagtugon mo ay gaya ng kay Saul, hindi mo hahayaang may pumigil sa iyo na makibahagi sa gawaing pangangaral at maging kuwalipikado sa bautismo.

15, 16. Ano ang ginawa ni Saul sa mga sinagoga, at paano tumugon ang mga Judio sa Damasco?

15 Isip-isipin na lamang ang pagkabigla, pangingilabot, at galit na nadama ng mga tao nang magsimulang mangaral si Saul tungkol kay Jesus sa mga sinagoga! “Hindi ba ito ang taong nagpahirap sa mga nasa Jerusalem na tumatawag sa pangalang ito?” ang tanong nila. (Gawa 9:21) Noong ipinapaliwanag ni Saul kung bakit siya nagbago ng saloobin tungkol kay Jesus, “[pinatunayan] niya sa lohikal na paraan na si Jesus ang Kristo.” (Gawa 9:22) Pero hindi lahat ng tao ay makukuha sa lohika. Hindi nito mababago ang isip ng mga mapagmataas o ng mga taong nakatali sa tradisyon. Pero hindi pa rin sumuko si Saul.

16 Pagkalipas ng tatlong taon, si Saul ay sinasalansang pa rin ng mga Judio sa Damasco. Nang dakong huli, binalak nilang patayin siya. (Gawa 9:23; 2 Cor. 11:32, 33; Gal. 1:13-18) Nang mabunyag ang kanilang balak, tumakas si Saul sa mataktikang paraan. Matapos siyang ilagay sa isang basket, idinaan ito sa isang butas sa pader ng lunsod para maibaba. Tinukoy ni Lucas ang mga tumulong kay Saul nang gabing iyon bilang “mga alagad niya [ni Saul].” (Gawa 9:25) Ipinahihiwatig ng pananalitang ito na may ilan din namang tumugon sa pangangaral ni Saul sa Damasco at naging mga tagasunod ni Kristo.

17. (a) Ano ang nagiging tugon ng mga tao sa katotohanan sa Bibliya? (b) Ano ang dapat na patuloy nating gawin, at bakit?

17 Nang una mong ikuwento sa iyong mga kapamilya, kaibigan, at iba pa ang tungkol sa mabubuting bagay na iyong natututuhan, maaaring inakala mong tatanggapin ng lahat ang maliwanag na lohika ng katotohanan sa Bibliya. Malamang na may mga tumanggap naman, pero marami ang hindi. Baka itinuring ka pa ngang kaaway ng sarili mong pamilya. (Mat. 10:32-38) Pero kung patuloy mong pasusulungin ang iyong kakayahang mangatuwiran mula sa Kasulatan at kung pananatilihin mo ang iyong Kristiyanong paggawi, maging ang mga sumasalansang sa iyo ay maaaring magbago ng saloobin.​—Gawa 17:2; 1 Ped. 2:12; 3:1, 2, 7.

18, 19. (a) Ano ang naging resulta nang tiyakin ni Bernabe sa mga apostol ang pagiging alagad ni Saul? (b) Paano natin matutularan sina Bernabe at Saul?

18 Nang pumasok si Saul sa Jerusalem, natural lamang na magduda ang mga apostol nang sabihin niyang isa na siyang alagad. Pero nang tiyakin ito ni Bernabe sa kanila, si Saul ay tinanggap ng mga apostol at nanatili sa kanila ng ilang panahon. (Gawa 9:26-28) Naging maingat si Saul, pero hindi niya ikinahiya ang mabuting balita. (Roma 1:16) Buong tapang siyang nangaral sa Jerusalem, ang mismong lugar kung saan siya naglunsad ng malupit na pag-uusig laban sa mga alagad ni Jesu-Kristo. Hindi matanggap ng mga Judio sa Jerusalem na bumaligtad na ang lalaking inaakala nilang uubos sa mga Kristiyano, at gusto na nila siyang patayin ngayon. “Nang malaman ito ng mga kapatid,” ang sabi ng ulat, “dinala nila [si Saul] sa Cesarea at pinapunta sa Tarso.” (Gawa 9:30) Nagpasakop si Saul sa tagubiling ibinigay ni Jesus sa pamamagitan ng kongregasyon. Bunga nito, nakinabang kapuwa si Saul at ang kongregasyon.

19 Pansinin na nagkusa si Bernabe na tulungan si Saul. Tiyak na nakatulong ang kabaitang ito ni Bernabe upang maging malapít na magkaibigan ang dalawang masisigasig na lingkod na ito ni Jehova. Tulad ni Bernabe, ikaw ba ay handang tumulong sa mga baguhan sa kongregasyon, anupat sinasamahan sila sa paglilingkod sa larangan at tinutulungan silang sumulong sa espirituwal? Kung oo, saganang pagpapala ang tatamasahin mo. Kung ikaw naman ay isang bagong mamamahayag ng mabuting balita, tatanggapin mo ba, gaya ni Saul, ang tulong na ibinibigay sa iyo? Kung sasama ka sa mas makaranasang mga mamamahayag, susulong ang iyong kakayahan sa ministeryo, sisidhi ang iyong kagalakan, at magkakaroon ka ng mga tunay na kaibigan.

“Marami ang Nanampalataya” (Gawa 9:31-43)

20, 21. Paano sinamantala ng mga lingkod ng Diyos noon at ngayon ang mga “yugto ng kapayapaan”?

20 Matapos makumberte at makatakas si Saul, “ang lahat ng alagad sa buong Judea, Galilea, at Samaria ay nakaranas ng isang yugto ng kapayapaan.” (Gawa 9:31) Paano ginamit ng mga alagad ang magandang kalagayang ito? (2 Tim. 4:2) Sinasabi ng ulat na sila’y “napatibay.” Pinatibay ng mga apostol at ng iba pang may-pananagutang mga lalaki ang pananampalataya ng mga alagad. Nanguna rin sila sa mga alagad habang “namumuhay [ang mga ito] nang may takot kay Jehova at tumatanggap ng pampatibay mula sa banal na espiritu.” Halimbawa, sinamantala ni Pedro ang panahong iyon upang patibayin ang mga alagad sa bayan ng Lida, na nasa Kapatagan ng Saron. Dahil sa kaniyang pagsisikap, maraming naninirahan sa lugar na iyon ang “nanampalataya . . . sa Panginoon.” (Gawa 9:32-35) Hindi hinayaan ng mga alagad na mailihis sila ng personal na mga tunguhin. Sa halip, nagpagal sila sa pagtulong sa iba at sa pangangaral ng mabuting balita. Dahil dito, ang mga alagad ay ‘patuloy na dumami.’

21 Sa pagtatapos ng ika-20 siglo, ang mga Saksi ni Jehova sa maraming bansa ay nakaranas din ng “yugto ng kapayapaan” na gaya niyaong sa unang siglo. Ang mga rehimeng sumiil sa bayan ng Diyos sa loob ng maraming dekada ay bigla na lang bumagsak, at ang ilang pagbabawal sa gawaing pangangaral ay pinagaan o tuluyan nang inalis. Sinamantala ng libo-libong Saksi ang pagkakataon upang mangaral nang hayagan, at kamangha-mangha ang naging mga resulta.

22. Paano mo maaaring samantalahin ang kalayaang taglay mo?

22 Ginagamit mo bang mabuti ang kalayaang taglay mo? Kung naninirahan ka sa isang bansang may kalayaan sa relihiyon, gustong-gusto ni Satanas na tuksuhin kang magtaguyod ng materyal na mga kayamanan, hindi ng mga kapakanan ng Kaharian. (Mat. 13:22) Huwag mong hayaang mapalihis ka. Gawing makabuluhan ang anumang yugto ng kapayapaang tinatamasa mo sa ngayon. Ituring ito bilang mga pagkakataon para lubusang makapagpatotoo at makapagpatibay sa mga kapatid sa kongregasyon. Tandaan, maaaring biglang magbago ang mga kalagayan.

23, 24. (a) Anong mga punto ang matututuhan natin sa ulat tungkol kay Tabita? (b) Ano ang dapat na maging determinasyon natin?

23 Isaalang-alang ang nangyari sa isang alagad na nagngangalang Tabita, o Dorcas. Nakatira siya sa Jope, isang bayang hindi kalayuan sa Lida. May katalinuhang ginamit ng tapat na kapatid na ito ang kaniyang panahon at tinatangkilik, anupat “napakarami niyang ginagawang mabuti, at matulungin siya sa mahihirap.” Pero bigla na lang siyang nagkasakit at namatay.c Ang kaniyang kamatayan ay nagdulot ng matinding dalamhati sa mga alagad sa Jope, lalo na sa mga biyuda na pinagpakitaan niya ng kabaitan. Nang dumating si Pedro sa bahay kung saan inihahanda ang katawan ni Tabita para sa paglilibing, gumawa siya ng isang himalang hindi pa nagagawa ng ibang mga apostol ni Jesu-Kristo. Nanalangin si Pedro at pagkatapos, ibinangon niya si Tabita mula sa mga patay! Naguguniguni mo ba ang kagalakan ng mga biyuda at ng iba pang mga alagad nang pabalikin sila ni Pedro sa silid at iharap sa kanila ang buháy na si Tabita? Tiyak na napatibay sila ng mga pangyayaring ito para maharap ang nakaabang na mga pagsubok! Mangyari pa, ang himala ay “napabalita . . . sa buong Jope, at marami ang nanampalataya sa Panginoon.”​—Gawa 9:36-42.

Sister na nagbibigay ng bulaklak sa isang may-edad na sister.

Paano mo matutularan si Tabita?

24 Dalawang mahalagang punto ang matututuhan natin sa nakakaantig na ulat na ito tungkol kay Tabita. (1) Napakaikli ng buhay. Kung gayon, napakahalaga ngang gumawa tayo ng magandang pangalan sa Diyos habang buháy pa tayo! (Ecles. 7:1) (2) Talagang may pagkabuhay-muli. Nakita ni Jehova ang saganang kabaitan ni Tabita, at ginantimpalaan Niya siya. Aalalahanin din niya ang ating pagsisikap at bubuhayin niya tayong muli sakali mang hindi tayo umabot nang buháy sa Armagedon. (Heb. 6:10) Kaya nakararanas man tayo ngayon ng ‘mahirap na kalagayan’ o ng “yugto ng kapayapaan,” magmatiyaga tayo sa lubusang pagpapatotoo tungkol kay Kristo.​—2 Tim. 4:2.

SI SAUL NA PARISEO

Ang “lalaking si Saul” na nasa ulat ng Mga Gawa tungkol sa pagbato kay Esteban, ay mula sa Tarso. Ito ang kabisera ng Romanong lalawigan ng Cilicia, sa timog ng makabagong-panahong Turkey. (Gawa 7:58) Maraming Judio ang nanirahan sa lunsod na iyon. Ayon sa mga akda ni Saul, siya ay “tinuli nang ikawalong araw, mula sa bansang Israel, mula sa tribo ni Benjamin, isang Hebreo na may mga magulang na Hebreo; kung tungkol sa kautusan, isang Pariseo.” Malamang na ito ang dahilan kaya siya iginagalang bilang isang Judio.​—Fil. 3:5.

Ang Pariseong si Saul.

Ang bahay ni Saul ay nasa isang malaki at maunlad na lunsod ng kalakalan, isang sentro ng kulturang Griego. Lumaki siya sa Tarso kaya marunong siya ng Griego. Malamang na sa isang paaralan ng mga Judio siya tumanggap ng saligang edukasyon. Natuto si Saul ng paggawa ng tolda, isang kasanayang karaniwan sa lugar nila. Malamang na natutuhan niya ito sa ama niya nang kabataan pa lang siya.​—Gawa 18:2, 3.

Isinisiwalat din ng ulat ng Mga Gawa na isinilang si Saul na may pagkamamamayang Romano. (Gawa 22:25-28) Ibig sabihin, isa sa mga ninuno niya ay nabigyan ng pagkamamamayang ito. Walang ulat kung paano ito nakuha ng pamilya ni Saul. Sa paanuman, ang katayuang ito ang naging dahilan para mapabilang sila sa mga kinikilalang pamilya sa lalawigan nila. Dahil sa pinagmulan at pinag-aralan ni Saul, nagkaroon siya ng malalim na kaalaman sa tatlong iba’t ibang kultura—sa Judio, Griego, at Romano.

Malamang na mga 13 anyos si Saul nang maglakbay siya nang 840 kilometro patungong Jerusalem para magpatuloy sa pag-aaral. Doon, naging guro niya si Gamaliel, isang lubhang iginagalang na guro sa tradisyon ng mga Pariseo.​—Gawa 22:3.

Ang karagdagang edukasyong iyon ay gaya ng pag-aaral sa unibersidad ngayon. Kasama rito ang pag-aaral at pagsasaulo ng Kasulatan at ng bibigang kautusan ng mga Judio. Isang magandang kinabukasan ang naghihintay sa mahuhusay na estudyante ni Gamaliel, at lumilitaw na isa si Saul sa mga iyon. Nang maglaon, isinulat niya: “Sa relihiyong Judaismo, mas masulong ako kaysa sa maraming kaedad ko sa aking bansa, dahil di-hamak na mas masigasig ako sa pagsasagawa ng mga tradisyon ng mga ninuno ko.” (Gal. 1:14) Mangyari pa, dahil sa sigasig ni Saul sa tradisyong Judio, naging malupit na mang-uusig siya ng bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano.

SI TABITA—“NAPAKARAMI NIYANG GINAGAWANG MABUTI”

Si Tabita na nagbibigay ng regalo sa isang humihingi ng tulong.

Si Tabita ay miyembro ng kongregasyong Kristiyano sa daungang bayan ng Jope. Minahal siya ng mga kapatid dahil “napakarami niyang ginagawang mabuti, at matulungin siya sa mahihirap.” (Gawa 9:36) Tulad ng maraming Judiong nakatira sa mga pamayanang binubuo ng mga Judio at mga Gentil, dalawa rin ang pangalan ni Tabita—isang Hebreo o Aramaiko at isang Griego o Latin. Ang pangalan niyang Griego na Dorcas ay isinaling “Tabita” sa Aramaiko. Ang dalawang pangalang ito ay nangangahulugang “Gasela.”

Lumilitaw na nagkasakit si Tabita at bigla na lang namatay. Gaya ng nakaugalian, pinaliguan ang katawan niya bilang paghahanda sa paglilibing. Ang katawan niya ay inihiga sa isang silid sa itaas, na malamang na nasa bahay niya. Dahil mainit sa Gitnang Silangan, kailangang ilibing agad ang namatay sa mismong araw ng kamatayan nito o kaya’y sa susunod na araw. Nabalitaan ng mga Kristiyano sa Jope na si apostol Pedro ay nasa kalapít na bayan lang ng Lida. May panahon pang makapunta si Pedro sa Jope bago mailibing si Tabita, dahil 18 kilometro lang, o mga apat na oras na lakad, ang layo nito mula sa Lida. Kaya nagpadala sila ng dalawang lalaki upang hilingin kay Pedro na pumunta agad sa Jope. (Gawa 9:37, 38) Ganito ang sabi ng isang iskolar: “Dala-dalawang emisaryo ang karaniwang isinusugo noon ng mga Judio, at ang isang dahilan nito ay upang mapagtibay ng isa ang testimonya ng kaniyang kasama.”

Ano ang nangyari nang dumating si Pedro? Sinasabi ng ulat: “Isinama nila siya sa silid sa itaas; at humarap sa kaniya ang lahat ng biyuda na umiiyak habang ipinapakita ang maraming kasuotan at mahabang damit na ginawa ni Dorcas noong buháy pa ito.” (Gawa 9:39) Ang isang dahilan kung bakit napamahal si Tabita sa mga kakongregasyon niya ay dahil nakaugalian niyang manahi para sa kanila. Gumawa siya ng mga panloob at panlabas na damit. Hindi sinasabi ng ulat kung si Tabita ang gumagastos sa lahat ng tinatahi niya o hindi lang siya nagpapabayad sa tahi. Pero ang punto, minahal siya dahil sa kabaitan niya at pagiging “matulungin . . . sa mahihirap.”

Tiyak na naantig si Pedro sa nakita niya sa silid na iyon sa itaas. “Ang pagdadalamhating ito ay ibang-iba sa pagdadalamhating naganap sa bahay ni Jairo, na isinagawa ng maiingay, inupahang mga tagaiyak na babae at tagaihip ng plawta,” ang sabi ng iskolar na si Richard Lenski. “Hindi ito tulad ng gayong artipisyal na pagdadalamhati.” (Mat. 9:23) Mula ito sa puso. Dahil walang nabanggit sa ulat na may asawa si Tabita, marami ang nagsasabing dalaga siya.

Nang atasan ni Jesus ang kaniyang mga apostol, binigyan niya sila ng kapangyarihang “bumuhay ng mga patay.” (Mat. 10:8) Nasaksihan na ni Pedro si Jesus na gumawa ng gayong mga himala, kasama na ang pagbuhay-muli sa anak na babae ni Jairo. Subalit wala pang ulat noon tungkol sa isang apostol na nagsagawa ng pagbuhay-muli. (Mar. 5:21-24, 35-43) Pero ngayon, pinalabas ni Pedro ang mga tao sa silid sa itaas, at marubdob siyang nanalangin. Pagkatapos, idinilat ni Tabita ang kaniyang mga mata at siya ay umupo. Tiyak na tuwang-tuwa ang mga Kristiyano sa Jope nang maiharap ni Pedro sa mga banal at sa mga biyuda ang kanilang pinakamamahal na si Tabita—na buháy na ngayon!—Gawa 9:40-42.

a Tingnan ang kahong “Si Saul na Pariseo.”

b Karaniwan nang ibinibigay ang mga kaloob ng banal na espiritu sa pamamagitan ng mga apostol. Pero sa pambihirang sitwasyong ito, lumilitaw na binigyan ni Jesus ng awtoridad si Ananias para ibigay ang mga kaloob ng espiritu kay Saul. Matapos siyang makumberte, matagal siyang walang pakikipag-ugnayan sa kaninuman sa 12 apostol. Pero malamang na aktibo pa rin siya sa buong panahong iyon. Kaya lumilitaw na tiniyak ni Jesus na taglay ni Saul ang kapangyarihang kailangan niya para maisakatuparan ang atas niyang mangaral.

c Tingnan ang kahong “Si Tabita—‘Napakarami Niyang Ginagawang Mabuti.’”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share