Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 1/1 p. 10-15
  • ‘Sumasa-Kanila ang Kamay ni Jehova’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • ‘Sumasa-Kanila ang Kamay ni Jehova’
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Sa Lahat ng Bansa”
  • Mga Misyonero sa mga Bansa
  • Epektibong Pagtuturo
  • Pinakilos ng Espiritu ng Pagpapayunir
  • Ang Buong-Panahong mga Ministro ang Nangunguna sa Gawaing Pangangaral
    Mga Saksi ni Jehova—Nagkakaisang Paggawa ng Kalooban ng Diyos sa Buong Daigdig
  • Pinasigla ng mga Misyonero ang Pandaigdig na Paglawak
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Lahat ng Tunay na Kristiyano ay Kailangang Maging mga Ebanghelisador
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Paggawa ng Tunay na mga Alagad Ngayon
    Gumising!—1994
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 1/1 p. 10-15

‘Sumasa-Kanila ang Kamay ni Jehova’

“Sa gayu’y patuloy na lumagong totoo ang salita ni Jehova at nanaig.”​—GAWA 19:20.

1. (a) Ano ang reklamo ng mga kaaway ng pagka-Kristiyano noong unang siglo C.E.? (b) Ano ang nangyayari pagka sa isang lugar ay ipinangaral ng misyonerong si Pablo ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, at ano ang laging tumutulong sa mga sinaunang Kristiyano?

MAHIGIT na 1,900 taon na ang lumipas, ang mga kaaway ng mensaheng Kristiyano at ang mga mananalansang sa misyonerong apostol na si Pablo ay nagreklamo: “Ang mga lalaking ito na nagsipagtiwarik sa tinatahanang lupa ay naririto rin naman, . . . at [sila] ay nagsisigawa ng laban sa mga utos ni Cesar, na nagsasabing may ibang hari, si Jesus.” (Gawa 17:6, 7) Saanman gumawa ang Kristiyanong misyonerong si Pablo upang ipakilala ang mabuting balita ng Kaharian ni Jehova, doon ay nagkaroon ng pagkilos at ganting-kilos, at kadalasa’y may pag-uusig. Ang mga ibang sinaunang Kristiyano ay dumanas din ng pag-uusig. Subalit laging “sumasa-kanila ang kamay ni Jehova.”​—Gawa 11:21.

2. Sino ang nagpasimula ng aktibidad ng mga misyonerong Kristiyano, at paano?

2 Sino ang nagpasimula ng mahalagang aktibidad na ito ng mga misyonerong Kristiyano? Si Jesus, isang bukud-tanging tao na may nakapupukaw na mensahe at isang pambihirang paraan ng pagpapalaganap niyaon. Alalahanin na si Jesus, ang anak ng Diyos, ay naparoon sa bayang Judio na taglay ang kamangha-manghang balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Subalit sila’y tanging interesado sa kanilang sariling kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa na itinakda ng Kautusan.​—Mateo 4:17; Lucas 8:1; 11:45, 46.

“Sa Lahat ng Bansa”

3. Anong hula ni Jesus ang tiyak na pinagtakhan ng kaniyang mga alagad na Judio, at bakit?

3 Sa gayon maguguniguni natin ang pagtataka ng mga Judiong alagad ni Jesus nang kaniyang sabihin sa kanila tatlong araw bago sumapit ang kaniyang kamatayan: “At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Ang kaniyang mga alagad ay tiyak na nagtaka sa kung paano nila maipangangaral ang mabuting balita “sa lahat ng bansa.” Paano ngang ang gayung kaliit na grupo ng mga mananampalataya ay makapagsasagawa ng gayung di-maubus-maisip na atas?​—Mateo 24:14; Marcos 13:10.

4. Anong utos ang ibinigay ng binuhay-muling si Jesus sa kaniyang mga alagad?

4 Nang maglaon, ang binuhay-muling si Jesus ay nagbigay pa ng isang utos, na nagsasabi: “Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa. Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” Sa gayu’y inatasan sila na dalhin ang pasabi ng kanilang Panginoon sa “mga tao ng lahat ng bansa.”​—Mateo 28:18-20.

5, 6. (a) Paanong ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay nakarating sa mga Gentil, at ano ang resulta? (b) Paanong tumugon ang matatanda sa Jerusalem nang ilahad sa kanila ni Pedro ang kaniyang karanasan tungkol sa Gentil na si Cornelio?

5 Dito’y kasali ang pangangaral sa mga Gentil, na napatunayang isang hamon. Ang saloobin ni Pedro makalipas ang mahigit na tatlong taon ay patotoo niyan. Sa pamamagitan ng isang pangitain, si Pedro ay pinagsabihang kumain ng maruruming hayop. Nang ipabatid sa kaniya ng Diyos na ang mga bagay na dati’y itinuturing na marurumi ay kailangang kilalaning malinis na ngayon, si Pedro ay nalito. Pagkatapos si Pedro ay inakay ng espiritu ng Diyos upang dumalaw sa bahay ng Gentil na si Cornelio, isang punung-kawal na Romano. Doon, napag-unawa niya na kalooban ng Diyos para sa kaniya na mangaral kay Cornelio, bagaman dati’y inaakala niyang ang pakikitungo sa mga tao ng mga ibang lahi ay labag sa kautusan. Samantalang nagsasalita si Pedro, ang pamilyang Gentil na iyon ay napuspos ng banal na espiritu, at ito’y nagpapakita, sa katunayan, na ang larangan para sa pagmimisyonerong Kristiyano ay kailangang palawakin ngayon upang makasali ang di-Judiong sanlibutan.​—Gawa 10:9-16, 28, 34, 35, 44.

6 Nang ipaliwanag ni Pedro sa mga matatanda sa Jerusalem ang ganitong pangyayari, “sila’y sumang-ayon, at kanilang niluwalhati ang Diyos, at ang sabi: ‘Bueno, kung gayon, binigyan din naman ng Diyos ang mga tao ng mga bansa ng pagsisisi para sa ikabubuhay.’” (Gawa 11:18) Ngayon ang mga bansang Gentil ay maaari nang malayang tumanggap ng mabuting balita ni Kristo at ng kaniyang Kaharian!

Mga Misyonero sa mga Bansa

7. Paanong ang aktibidad ng mga misyonerong Kristiyano ay nagsimulang lumaganap sa mga bansa sa palibot ng Mediteraneo, at paano ang pagkamalas dito ni Jehova?

7 Ang gawaing pangangaral, na patuloy na sumigla pagkatapos na maging isang martir si Esteban, ay nagkaroon ngayon ng panibagong paglawak. Maliban sa mga apostol, ang mga nasa kongregasyon sa Jerusalem ay nagsipangalat. Sa simula, yaong pinag-usig na mga mananampalatayang Judio ay nangaral sa mga Judio lamang sa Fenicia, Cyprus, at Antioquia. “Datapuwat, . . . may ilang mga lalaking taga-Cyprus at taga-Cirene . . . ay nagsimulang magsalita sa mga taong Griego-ang-wika, na ipinangangaral ang mabuting balita ng Panginoong Jesus.” Ano ba ang pagkamalas ni Jehova sa pagmimisyonerong ito sa mga bansa? “Ang kamay ni Jehova ay sumasa-kanila, at ang lubhang marami sa sumasampalataya ay nangagbalik-loob sa Panginoon.” Salamat na lamang sa lakas-ng-loob ng mga sinaunang Kristiyanong yaon, ang epektibong pagmimisyonero ay nagsisimulang lumaganap sa mga bansa sa palibot ng Mediteraneo. Subalit higit pa ang darating.​—Gawa 4:31; 8:1; 11:19-21.

8. Paano nagpahiwatig ang Diyos ng isang tiyakang pagkilos para sa pagpapalawak ng gawaing misyonero?

8 Humigit-kumulang 47-48 C.E., ang Diyos, sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nagpahiwatig ng isang tiyakang pagkilos para sa pagpapalawak ng gawaing misyonero. Ang ulat sa Gawa 13:2-4 ay nagsasabi: “Sinabi ng banal na espiritu: ‘Ibukod ninyo sa akin si Bernabe at si Saulo ukol sa gawaing dahilan ng pagkatawag ko sa kanila.’ . . . Kaya naman ang mga lalaking ito, na isinugo ng banal na espiritu, ay lumusong sa Seleucia [ang daungan ng Antioquia ng Sirya], at mula roon ay naglalayag sila patungong Cyprus.” Anong laking kagalakan ang tiyak na naranasan ni Pablo at ni Bernabe​—na naglayag patungo sa kanilang unang pagmimisyonero sa ibang bansa! Si apostol Pablo ang tagapanguna noon sa pagmimisyonerong Kristiyano. Siya ay naglalagay rin noon ng isang pundasyon para sa isang gawaing matatapos sa ating ika-20 siglo.

9. Ano ang naisagawa ni apostol Pablo sa pamamagitan ng kaniyang mga paglalakbay-misyonero?

9 Si Pablo ay humayo upang gumawa ng tatlong iniulat na paglalakbay-misyonero pati ang kaniyang paglalakbay upang pumaroon sa Roma bilang isang bilanggo. Samantalang ginaganap ang mga ito, kaniyang binuksan ang gawain sa maraming lunsod sa Europa at ipinangaral ang balita ng Kaharian sa mga bansa at mga isla na sa ngayon ay kilala sa tawag na Syria, Cyprus, Creta, Turkiya, Gresya, Malta, at Sicily. Marahil ay nakarating pa siya hanggang sa Espanya. Siya’y tumulong sa pagtatayo ng kongregasyon sa maraming siyudad. Ano ba ang lihim ng kaniyang epektibong pagmimisyonero?

Epektibong Pagtuturo

10. Bakit si Pablo ay lubhang epektibo sa kaniyang pagmimisyonero?

10 Tinularan ni Pablo ang paraan ni Kristo ng pagtuturo. Samakatuwid ay alam niya kung paano makikiugnay sa mga tao. Alam niya kung paano magtuturo at kung paano sasanayin ang iba bilang mga guro. Ang kaniyang turo ay isinalig niya sa Kasulatan. Hindi niya pinahanga ang iba sa kaniyang sariling karunungan kundi, bagkus, nangatuwiran siya buhat sa Kasulatan. (Gawa 17:2, 3) Alam din ni Pablo kung paano makikibagay sa kaniyang tagapakinig at kung paano gagamitin ang lokal na kapaligiran para sa paghahayag ng kaniyang mensahe. Gaya ng sinabi niya: “Ako’y napaalipin sa lahat, upang makahikayat ako ng pinakamaraming tao. At sa mga Judio ako’y naging tulad sa Judio . . . Sa mga walang kautusan ay tulad sa walang kautusan . . . Sa mahihina ako’y naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina. Sa lahat ng bagay ay nakibagay ako sa lahat ng uri ng mga tao, upang sa lahat ng paraan ay mailigtas ko ang ilan.”​—1 Corinto 9:19-23; Gawa 17:22, 23.

11. Ano ang nagpapakita na si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay epektibong mga misyonero, at gaanong kalaganap ang ministeryong Kristiyano?

11 Si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay epektibong mga misyonero. Sa pamamagitan ng tiyaga at pagtitiis, sila’y nagtatag at nagpalakas ng mga kongregasyong Kristiyano saanman sila pumaroon. (Gawa 13:14, 43, 48, 49; 14:19-28) Ang sinaunang ministeryong Kristiyano ay lubhang malaganap kung kaya sa dakong huli nakasulat si Pablo tungkol sa “katotohanan ng mabuting balitang iyon na ipinangaral sa inyo, kung paano ito ay nagbubunga at lumalago sa buong sanlibutan . . . , at ipinangaral sa lahat ng nilalang sa silong ng langit.” Tunay, ang sinaunang pagmimisyonerong Kristiyano ay may epekto sa mga tao.​—Colosas 1:5, 6, 23.

12. Ano ang dahilan at ang tunay na pagmimisyonerong Kristiyano ay pansamantalang napahinto?

12 Gayunman, nang may pasimula ng ikalawang siglo C.E., ang apostasya ay gumagapang upang makapasok sa kongregasyong Kristiyano gaya ng ibinabala ni Jesus at ng mga apostol. (Mateo 7:15, 21-23; Gawa 20:29, 30; 1 Juan 2:18, 19) Sa daan-daang taon na sumunod, ang mensahe ng Kaharian ay natabunan ng teolohiya at doktrinang pagano. Ang Sangkakristiyanuhan ay nagsugo ng mga misyonero, hindi upang mangaral ng tunay na Kaharian ng Diyos, kundi upang ipilit sa walang-kayang magtanggol na mga katutubo​—kadalasan may kasamang tabak​—ang kaharian ng kanilang politikal na mga panginoon at tagatangkilik. Ang tunay na pagmimisyonerong Kristiyano ay pansamantalang napahinto ngunit hindi magpakailanman.

13. Paano nagsimula sa modernong panahon ang isang kampanya sa pagmimisyonero, at ano ang naisagawa na noong may katapusan ng 1916?

13 Nang magtatapos ang ika-19 na siglo, nakita ni Charles T. Russell, unang pangulo ng Watch Tower Society, ang pangangailangan ng pagmimisyonero. Kaya’t siya’y nag-organisa ng isang malawak na kampanya sa pagpapatotoo, at siya mismo ay dumalaw sa maraming siyudad sa Estados Unidos, at naglakbay pa rin sa daigdig sakay ng barko upang dumalaw sa pinakamaraming bansa hangga’t maaari. Ang kaniyang salig-Bibliyang mga isinulat ay nalathala sa 35 wika. Sinasabing siya’y naglakbay nang mahigit na isang milyong milya bilang isang pampublikong tagapagpahayag at nangaral nang mahigit na 30,000 sermon bago sumapit ang kaniyang kamatayan noong 1916.

14. Ano ang ginawa ni Joseph F. Rutherford upang mapasulong ang pagmimisyonero?

14 Ang kaniyang kahalili, si Joseph F. Rutherford, ay kumilala rin sa mahalagang pangangailangan para sa pagmimisyonero. Sa mga unang taon ng 1920’s, sa iba’t ibang bansa siya’y nagpadala ng may kakayahang mga lalaki upang tumulong sa pagtatatag ng gawaing pangangaral. Ang mga misyonero ay nagpasimula ng gawaing pang-Kahariang ito sa Espanya, Timog Amerika, at Kanlurang Aprika. Noong 1931 nanawagan ng mga boluntaryo upang patibayin ang gawain sa Espanya. Tatlong kabataang kalalakihan sa Inglatera ang tumugon at naglingkod sa ilalim ng pinakamahihirap at nakapapagod na mga kalagayan sa loob ng apat na taon hanggang sa sumiklab ang Giyera Sibil sa Espanya noong 1936. At nang magkagayo’y kinailangan na sila’y tumakas upang mailigtas ang kanilang buhay.

15. Ano ang naganap noong 1940’s upang mapalawak nang husto ang pagmimisyonero?

15 Sa loob ng may sampung taon ng 1940’s, lalong maiinam na bagay ang nakatakdang maganap sa pagmimisyonero. Ang ikatlong pangulo ng Watch Tower Society, si Nathan H. Knorr, ay may katulong na isang grupo ng mga lalaking masisigasig na gumagawang kasama niya. Maliwanag na sa patnubay ng banal na espiritu, noong 1942 ay kaniyang nakita ang pangangailangan na magbukas ng isang paaralang misyonero bilang paghahanda para sa hamon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Samantalang nagaganap ang pandaigdig na digmaang iyon, siya’y kusang kumilos, at ang Watchtower School of Gilead ay pinasinayaan sa hilagang New York State noong Pebrero 1943. Sa pamamagitan ng apat na instruktor, ito’y nagkaloob ng salig-Bibliyang pagsasanay para sa pagmimisyonero sa mahigit na isandaang masusugid na mga ministrong payunir, lalaki at babae, tuwing anim na buwan. Naging epektibo ba ang ibinunga nitong aktibidad nila?

16. (a) Ilang Saksi ang nangangaral noong 1943, at paano iyan maihahambing sa mga Saksing nangangaral ngayon? (b) Ano ang bahagi ng mga misyonero sa pagdaming ito? Ipaliwanag.

16 Noong 1943 mayroon lamang 126,329 na mga Saksing nangangaral sa 54 na mga bansa. Ano ba ang kalagayan ngayon? Ngayon, makalipas ang 45 taon, 28 ulit ang idinami, mayroong mahigit na tatlo at kalahating milyon na aktibong ministro sa 212 bansa at isla ng dagat. Ang isang mahalagang bahagi ng pagdaming ito ay bunga ng mainam na pundasyon na inilatag ng mahigit na 6,000 misyonero na nangagtapos sa Paaralang Gilead. Ang mga ito ay nanggaling sa 59 na mga bansa at idinistino sa 148 iba’t ibang lupain sa nalolooban noong nakaraang limampung taon. Sa tulong nila, sa halip na mayroon lamang mahigit na isandaang libong Saksi para sa buong daigdig, gaya ng dami nila may 45 taon na ang nakaraan, ngayo’y may sampung bansa na bawat isa’y may mahigit na isandaang libong mga ministro na nangangaral at nagtuturo ng mabuting balita. Sa karamihan ng mga bansang ito, ang mga misyonero ng Gilead ang nasa unahan ng gawaing pag-eebanghelyo.

17. Ano ang tatlong pangunahing dahilan na nagkatulung-tulong upang maging epektibo kapuwa ang sinauna at ang modernong pagmimisyonerong Kristiyano?

17 Ang tinutukoy man natin ay ang sinauna o ang modernong pagmimisyonerong Kristiyano, mayroong mga pangunahing dahilan na nagkatulung-tulong upang ito’y maging epektibo. Ang isa ay ang tuwirang pakikitungo sa mga tao na resulta ng ministeryo ng pagbabahay-bahay at impormal na pagpapatotoo, at gayundin ang kaayusan ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. (Juan 4:7-26; Gawa 20:20) Ang isa pang dahilan ay ang tuwiran at simpleng salig-Bibliyang mensahe na nagtatampok sa Kaharian ng Diyos bilang ang tanging permanenteng lunas para sa mga suliranin ng sangkatauhan. (Gawa 19:8; 28:16, 23, 30, 31) At marami sa ating mga misyonero ang naglilingkod sa di pa mauunlad na mga bansa na kung saan kitang-kitang kailangan ang matuwid na pamamahala ng Diyos. Ang ikatlong dahilan ay yaong pag-ibig na itinuro ni Kristo at makikita sa ating modernong mga misyonero sa kanilang araw-araw na pakikitungo sa mga taong may sarisaring uri at pinagmulan. Walang alinlangan na, sa nakalipas na 45 taon, ang mga misyonero ng Watch Tower ay may malaking bahagi sa pangglobong paglawak ng organisasyon ni Jehova.​—Roma 1:14-17; 1 Corinto 3:5, 6.

Pinakilos ng Espiritu ng Pagpapayunir

18. Sino pa ang pinakilos ng gayun ding espiritu ng sigasig-misyonero gaya ng mga nagtapos sa Gilead?

18 Tiyak na ang masigasig na halimbawa ng mga nagtapos sa Gilead ang nagpasigla sa iba sa pagnanasang maging buong-panahong mga ministro. Sa ngayon, mayroong mga daan-daang libong mga iba pang saksi ni Jehova na pinakilos ng gayunding espiritu ng sigasig-misyonero. Ang mga ito ay mga payunir din sa tunay na diwa, na sumusunod sa mga yapak ni Jesus, “ang Payunir ng kanilang kaligtasan.”​—Hebreo 2:10; 12:2, Moffatt.

19. Nagboluntaryong gumawa ng ano ang maraming Saksi na may espiritu ng pagpapayunir, at paano nila nadarama ang kagantihan sa kanila?

19 Sapol noong mga taon ng 1960’s ay naging napakahirap na magpadala ng mga misyonero sa mga ilang bansa. Ang Watchtower Bible School of Gilead ay patuloy na nagpapadala ng mga misyonero, hangga’t maaari, alinsunod sa pangangailangan sa mga lupaing banyaga. Gayunman, mayroong napakalawak na larangan sa buong daigdig para sa mga Saksing may tunay na espiritu ng pagpapayunir. Marami ang nagboluntaryong gumawa ng kanilang sariling mga kaayusan upang maglingkod sa mga lupain na kung saan lalong malaki ang pangangailangan. Ikaw ba’y maaaring sumama sa kanila? Malimit na binabanggit ng gayong mga tao na ang mga kahirapan at mga pagsasakripisyo ay makapupong ginaganti ng malaking kagalakan ng pagtuturo ng mga katotohanan ng Kaharian sa tulad-tupang mga tao sa umuunlad pa lamang na mga bansa. Sila’y ginaganti nang makaisandaang ulit sa pagkasumpong ng bagong “mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga anak” at sa pagdadala sa mga ito ng kahanga-hangang pag-asang buhay na walang hanggan sa “darating na sistema ng mga bagay.”​—Marcos 10:28-30.

20. (a) Sino ang gumagawa ng lalong malaking bahagi ng pangangaral sa maraming bansa? (b) Paanong nag-ulat ang Hapon ng sa kabuuan ay lalong maraming oras sa paglilingkod sa larangan sa buong santaon kaysa halos anumang ibang bansa? (c) Anong tanong ang makabubuting pag-isipan natin?

20 Bukod doon, mayroong daan-daang libong mga lingkod ni Jehova sa ngayon na nag-uulat ng banal na paglilingkod bawat buwan bilang regular o auxiliary payunir. Karamihan sa mga ito ay puspusang gumagawa sa teritoryo ng kanilang kongregasyon. Sa maraming bansa, ang mga ito ang gumagawa ng lalong malaking bahagi ng pangangaral, at malimit na sila’y dumadalaw sa iyon at iyon ding mga tahanan linggu-linggo. Ang kanilang pag-asa sa Kaharian ay mababanaag sa kanilang maayos na anyo at kagalakan samantalang sila’y nagkakaroon ng mga bagong kaibigan at dinidilig nila ang binhi sa maraming interesado na nasa kanilang teritoryo. Mientras maraming payunir ay lalong maraming oras ang nagugugol sa pagpuri sa Diyos. Sa loob ng mahigit na sampung taon, ang Hapon, na kung saan mga dating Budhista ang marami sa mga Saksi ni Jehova, ay nag-ulat ng sa kabuua’y lalong maraming oras sa paglilingkod sa larangan sa buong santaon kaysa anumang ibang bansa maliban sa Estados Unidos. Iyan ay dahilan sa halos kalahati ng mga mamamahayag ng Kaharian doon ay nagpapayunir. Ikaw ba’y makapagsasaayos din ng iyong pamumuhay upang makibahagi sa pinakadakilang pribilehiyong ito, ang pagpapayunir?

21. (a) Paanong ang mga ibang Saksing hindi makapagre-regular payunir dahil sa kanilang kalagayan ay makapagpapakita pa rin ng espiritu ng pagpapayunir? (b) Paanong ang mga kabataan ay makapagpapakita ng espiritu ng pagpapayunir?

21 Mayroon pang ibang mga Saksi na “masigasig sa mabubuting gawa.” (Tito 2:14) Kasali na rito ang mga may edad na, yaong mga di-gaanong malulusog, ang maraming mga may pananagutang pampamilya, at ang mga kabataang nag-aaral pa at dahil sa kanilang kalagayan ay hindi pa sila makapaglilingkod bilang mga regular payunir. Ang mga ito ay makapagpapakita rin ng espiritu ng pagpapayunir sa pamamagitan ng nagpapatibay-loob na pagsuporta sa mga payunir, pakikibahaging kasama nila hangga’t maaari sa paglilingkod, at pananatiling may positibong saloobin tungkol sa kanilang sariling mga pagkakataon na magpatotoo. Ang buong-panahong paglilingkod sa Kaharian ay magagawa ng kabataan na kanilang tunguhin at, pagka sila’y nabautismuhan na, sila’y makibahagi sa auxiliary payuniring sa pana-panahon. Katulad ng kabataang si Timoteo, maaari nilang pag-isipan ang mga bagay na ito upang sila’y sumulong sa espirituwal kasama ng lahat ng lingkod ng Diyos.​—1 Timoteo 4:15, 16.

22. Anuman ang ating kalagayan sa buhay, ano ang dapat na maging ating determinasyon, at ano ang mabuting resulta?

22 Anuman ang ating kalagayan sa buhay, harinawang tayo ay mapakilos ng espiritu ni Jehova na lubusang makibahagi sa paglilingkod sa kaniya. Harinawang “ang kamay ni Jehova” ay patuloy na suma-atin, sa bawat isa, upang masabi kung tungkol sa ating may kababaang-loob na pagsisikap na “patuloy na lumagong totoo ang salita ni Jehova at nanaig.”​—Gawa 11:21; 19:20.

Mga Tanong sa Repaso

◻ Paano nagsimula ang pagmimisyonerong Kristiyano, at ito’y itinakdang maging gaano kalaganap?

◻ Ano ang bahaging ginampanan ni apostol Pablo sa pagpapalawak ng gawaing misyonero?

◻ Paano muling binuhay sa modernong panahon ang gawaing pagmimisyonero?

◻ Ano ang mga dahilan at naging epektibo ang pagmimisyonero at pagpapayunir?

◻ Paano natin makakamit ang espiritu ng pagpapayunir sa ngayon?

[Chart sa pahina 13]

Ang Gawaing pang-Kaharian sa Sampung Bansa​—1988

(Ang lahat na ito ay nag-ulat ng mahigit na 100,000 mamamahayag)

Bansa Pinakamaraming Katamtamang Oras sa Dumalo sa

mamamahayag dami ng Payunir Pangangaral Memoryal

E.U.A. 797,104 96,947 161,478,732 1,822,607

Mexico 248,822 32,117 58,061,457 1,004,062

Brazil 245,610 22,725 44,218,022 718,414

Italya 160,584 25,477 43,354,687 330,461

Nigeria 134,543 14,022 27,800,623 398,555

Hapon 128,817 52,183 60,626,840 297,171

Alemanya 125,068 8,416 22,020,942 215,385

Britanya 113,412 11,927 22,103,713 211,060

Pilipinas 107,679 21,320 26,337,621 305,087

Pransya 103,734 9,189 21,598,308 205,256

[Larawan sa pahina 10]

Humayo sina Pablo at Bernabe upang magpayunir bilang mga misyonero

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share