Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 5/1 p. 15-20
  • Pagbabayad kay Cesar ng mga Bagay na kay Cesar

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagbabayad kay Cesar ng mga Bagay na kay Cesar
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang mga Bagay na sa Diyos”
  • “Mga Bagay na kay Cesar”
  • Sapilitang Paglilingkod sa Hukbong Militar
  • Serbisyong Pambayan
  • Ang Diyos at si Cesar
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Dapat Ka Bang Magbayad ng Iyong mga Buwis?
    Gumising!—2003
  • Cesar
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Sinaunang Kristiyanismo at ang Estado
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 5/1 p. 15-20

Pagbabayad kay Cesar ng mga Bagay na kay Cesar

“Ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan.”​—ROMA 13:7.

1, 2. (a) Ayon kay Jesus, papaano dapat pagtimbangin ng mga Kristiyano ang kanilang obligasyon sa Diyos at kay Cesar? (b) Ano ang pangunahing hangad ng mga Saksi ni Jehova?

AYON kay Jesus, may mga bagay na obligasyon natin sa Diyos at mga bagay na obligasyon natin kay Cesar, o sa Estado. Sinabi ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” Sa iilang salitang ito, nilito niya ang kaniyang mga kaaway at mainam na binuod ang timbang na saloobin na dapat nating taglayin sa ating kaugnayan sa Diyos at sa pakikitungo natin sa Estado. Hindi nakapagtataka na ang kaniyang mga tagapakinig ay ‘nagpasimulang mamangha sa kaniya’!​—Marcos 12:17.

2 Mangyari pa, ang pangunahing hangad ng mga lingkod ni Jehova ay na kanilang maibayad sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos. (Awit 116:12-14) Subalit sa paggawa nito, hindi nila kinalilimutan ang sinabi ni Jesus na dapat nilang ibigay ang ilang bagay kay Cesar. Ang kanilang budhing sinanay sa Bibliya ay humihiling na isaalang-alang nila nang may pananalangin kung hanggang saan ang pagbabayad nila ng hinihingi ni Cesar. (Roma 13:7) Sa modernong panahon, kinikilala ng maraming dalubhasa sa batas na ang kapangyarihan ng pamahalaan ay may mga hangganan at na ang mga tao at ang mga pamahalaan saanmang lugar ay tinatakdaan ng likas na batas.

3, 4. Ano ang kapuna-punang mga komento tungkol sa likas na batas, isiniwalat na batas, at batas ng tao?

3 Tinukoy ni apostol Pablo ang likas na batas na ito nang sumulat siya tungkol sa mga tao sa sanlibutan: “Ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay hayag sa gitna nila, sapagkat inihayag ito ng Diyos sa kanila. Sapagkat ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula sa paglalang sa sanlibutan patuloy, sapagkat napag-uunawa ang mga iyon sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, anupat sila ay di-mapagpapaumanhinan.” Kung sila’y tutugon dito, lalo nang pakikilusin ng likas na batas ang budhi ng mga di-nananampalatayang ito. Kaya naman, sinabi pa ni Pablo: “Kailanma’t ang mga tao ng mga bansa na walang batas ay gumagawa nang likas sa mga bagay ng batas, ang mga taong ito, bagaman walang batas, ay isang batas sa kanilang mga sarili. Sila mismo yaong mga nagtatanghal na ang diwa ng batas ay nakasulat sa kanilang mga puso, samantalang ang kanilang mga budhi ay nagpapatotoong kasama nila.”​—Roma 1:19, 20; 2:14, 15.

4 Noong ika-18 siglo, sumulat ang kilalang Ingles na dalubhasa sa batas na si William Blackstone: “Ang batas na ito ng kalikasan [likas na batas], palibhasa’y kapanahon [kasing-edad] ng sangkatauhan at idinidikta ng Diyos mismo, mangyari pa ay nakatataas sa anumang obligasyon sa iba pang batas. Iyon ay may bisa sa buong globo, sa lahat ng bansa, at sa lahat ng panahon: walang batas ng tao ang nararapat, kung iyon ay salungat dito.” Nagpatuloy si Blackstone sa pagsasalita tungkol sa “isiniwalat na batas,” gaya ng masusumpungan sa Bibliya, at nagkomento siya: “Sa ibabaw ng dalawang pundasyong ito, ang batas ng kalikasan at ang batas ng pagsisiwalat, ay nakasalalay ang lahat ng batas ng tao; ang ibig sabihin, walang batas ng tao ang dapat na payagan [pahintulutan] na sumalungat sa mga ito.” Ito ay kasuwato ng sinabi ni Jesus tungkol sa Diyos at kay Cesar, gaya ng nakaulat sa Marcos 12:17. Maliwanag, may mga larangan na doo’y tinatakdaan ng Diyos ang maaaring hingin ni Cesar sa isang Kristiyano. Lumampas ang Sanedrin sa gayong hangganan nang iutos nila sa mga apostol na huminto ng pangangaral tungkol kay Jesus. Kaya naman, wasto ang tugon ng mga apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:28, 29.

“Ang mga Bagay na sa Diyos”

5, 6. (a) Dahil sa pagsilang ng Kaharian noong 1914, ano ang dapat na lalong isaisip ng mga Kristiyano? (b) Papaano pinatutunayan ng isang Kristiyano na siya ay isang ministro?

5 Lalo na sapol noong 1914, nang ang Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ay magsimulang mamahala bilang hari sa pamamagitan ng Mesianikong Kaharian ni Kristo, dapat tiyakin ng mga Kristiyano na hindi nila ibinibigay kay Cesar ang mga bagay na sa Diyos. (Apocalipsis 11:15, 17) Higit kailanman, ang batas ng Diyos ay humihiling ngayon sa mga Kristiyano na ‘huwag maging bahagi ng sanlibutan.’ (Juan 17:16) Palibhasa’y nakaalay sa Diyos, ang kanilang Tagapagbigay-Buhay, dapat na ipamalas nila nang malinaw na hindi na nila pag-aari ang kanilang sarili. (Awit 100:2, 3) Gaya ng isinulat ni Pablo, “tayo ay kay Jehova.” (Roma 14:8) Isa pa, sa bautismo ng isang Kristiyano, siya ay naging ordinadong ministro ng Diyos, kaya masasabi niya ang gaya ng sinabi ni Pablo: “Diyos . . . [ang] tunay ngang gumawa sa amin na lubusang kuwalipikado upang maging mga ministro.”​—2 Corinto 3:5, 6.

6 Sumulat din si apostol Pablo: “Niluluwalhati ko ang aking ministeryo.” (Roma 11:13) Dapat namang gayundin ang gawin natin. Nakikibahagi man tayo sa ministeryo nang buong-panahon o nang ilang panahon, isinasaisip natin na si Jehova mismo ang nag-atas sa atin sa ating ministeryo. (2 Corinto 2:17) Yamang maaaring tutulan ng ilan ang ating paninindigan, bawat nakaalay, bautisadong Kristiyano ay dapat na handang maglaan ng malinaw at positibong patotoo na siya ay tunay ngang isang ministro ng mabuting balita. (1 Pedro 3:15) Ang kaniyang ministeryo ay dapat ding patunayan ng kaniyang paggawi. Bilang isang ministro ng Diyos, dapat na irekomenda at isagawa ng isang Kristiyano ang kalinisang asal, itaguyod ang pagkakaisa ng pamilya, maging tapat, at magpakita ng paggalang sa batas at kaayusan. (Roma 12:17, 18; 1 Tesalonica 5:15) Ang kaugnayan ng isang Kristiyano sa Diyos at sa ministeryong iniatas sa kaniya ng Diyos ang siyang pinakamahahalagang bagay sa kaniyang buhay. Hindi niya maaaring talikuran ang mga ito sa utos ni Cesar. Maliwanag, ang mga ito ay ibibilang na “mga bagay na sa Diyos.”

“Mga Bagay na kay Cesar”

7. Ano ang reputasyon ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa pagbabayad ng buwis?

7 Batid ng mga Saksi ni Jehova na obligado silang “magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad,” ang mga pinuno ng pamahalaan. (Roma 13:1) Samakatuwid, kapag si Cesar, ang Estado, ay gumawa ng lehitimong mga kahilingan, pinahihintulutan sila ng kanilang budhing sinanay sa Bibliya na tumugon sa mga kahilingang ito. Halimbawa, kabilang ang mga tunay na Kristiyano sa mga pinakaulirang tagapagbayad ng buwis sa lupa. Sa Alemanya ganito ang sinabi ng pahayagang Münchner Merkur tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Sila ang pinakatapat at pinakamaagap magbayad ng buwis sa Republika Pederal.” Ganito naman ang sabi ng pahayagang La Stampa sa Italya: “Sila [ang mga Saksi ni Jehova] ang pinakatapat na mga mamamayan na pinakamimithi ng sinuman: hindi sila umiiwas sa buwis ni lumalabag man sa di-kombinyenteng mga batas para sa kanilang sariling pakinabang.” Ginagawa ito ng mga lingkod ni Jehova ‘dahil sa kanilang budhi.’​—Roma 13:5, 6.

8. Limitado ba lamang sa salaping buwis ang obligasyon natin kay Cesar?

8 Limitado ba lamang sa pagbabayad ng buwis ang “mga bagay na kay Cesar”? Hindi. Itinala ni Pablo ang iba pang bagay, tulad ng takot at karangalan. Sa kaniyang Critical and Exegetical Hand-Book to the Gospel of Matthew, ganito ang isinulat ng iskolar na Aleman na si Heinrich Meyer: “Ang [mga bagay na kay Cesar] . . . ay hindi lamang tumutukoy sa buwis na pangmamamayan, kundi sa lahat ng nauukol kay Cesar dahil sa kaniyang lehitimong pamamahala.” Sinabi ng istoryador na si E. W. Barnes, sa kaniyang akda na The Rise of Christianity, na magbabayad ng buwis ang isang Kristiyano kung obligasyon niya ang mga ito at “aakuin din naman ang lahat ng iba pang obligasyon sa Estado, hangga’t hindi siya hinihilingang mag-ukol kay Cesar ng mga bagay na ukol sa Diyos.”

9, 10. Anong pag-aatubili ang baka taglayin ng isang Kristiyano tungkol sa pagbabayad ng kaukulan kay Cesar, ngunit anong mga bagay ang dapat isaisip?

9 Anong mga bagay ang maaaring hilingin ng Estado nang hindi pinanghihimasukan ang mga bagay na wastong nauukol sa Diyos? Nadama ng ilan na sila’y angkop na makapagbibigay ng salapi kay Cesar bilang buwis ngunit hanggang doon na lamang. Tiyak na hindi sila masisiyahang magbigay kay Cesar ng anumang bagay na maaaring kumuha ng panahon na magagamit para sa teokratikong mga gawain. Gayunpaman, samantalang totoo na dapat nating ‘ibigin si Jehova na ating Diyos nang ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas,’ inaasahan ni Jehova na gugugol tayo ng panahon sa ibang bagay bukod pa sa ating sagradong paglilingkuran. (Marcos 12:30; Filipos 3:3) Halimbawa, pinapayuhan ang isang Kristiyanong may-asawa na maglaan ng panahon sa pagpapalugod sa kaniyang kabiyak. Hindi masama ang gayong mga gawain, ngunit sinabi ni apostol Pablo na ang mga ito ay “mga bagay ng sanlibutan” at hindi “mga bagay ng Panginoon.”​—1 Corinto 7:32-34; ihambing ang 1 Timoteo 5:8.

10 Isa pa, pinahintulutan ni Kristo ang kaniyang mga tagasunod na ‘magbayad’ ng mga buwis, at tiyak na kasangkot dito ang paggamit ng panahon na nakaalay kay Jehova​—yamang ang ating buong buhay ay nakaalay sa ganitong paraan. Kung ang katamtamang pagbubuwis sa isang bansa ay 33 porsiyento ng kita (mas mataas sa ilang bansa), nangangahulugan ito na ang isang karaniwang manggagawa ay nagbabayad bawat taon sa Kabang-Yaman ng Estado ng katumbas ng kaniyang kinikita sa loob ng apat na buwan. Sa ibang pananalita, sa katapusan ng kabuuang panahon ng kaniyang pagtatrabaho, ang isang karaniwang manggagawa ay nakagugol na ng mga 15 taon sa pagkita ng salapi para sa buwis na hinihiling ni “Cesar.” Isaalang-alang din ang tungkol sa pagpasok sa paaralan. Sa maraming bansa ay hinihiling ng batas na pag-aralin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa isang itinakdang bilang ng mga taon. Ang bilang ng mga taon ng pag-aaral ay hindi pare-pareho sa iba’t ibang bansa. Sa karamihan ng mga lugar ay nangangailangan ito ng isang mahabang yugto ng panahon. Totoo, karaniwan nang kapaki-pakinabang ang gayong pag-aaral, ngunit si Cesar ang nagpapasiya kung anong bahagi ng buhay ng isang bata ang dapat na gugulin sa ganitong paraan, at sumusunod naman ang mga magulang na Kristiyano sa pasiya ni Cesar.

Sapilitang Paglilingkod sa Hukbong Militar

11, 12. (a) Ano ang kahilingan ni Cesar sa maraming lupain? (b) Papaano minalas ng mga unang Kristiyano ang paglilingkod sa hukbong militar?

11 Ang isa pang kahilingan ni Cesar sa maraming bansa ay ang sapilitang paglilingkod sa hukbong militar. Sa ika-20 siglo, itinatakda ng karamihan ng mga bansa ang ganitong kaayusan sa panahon ng digmaan at ang ilan naman ay nagsasaayos nito maging sa panahon ng kapayapaan. Sa Pransiya ang obligasyong ito ay maraming taon nang tinatawag bilang buwis na dugo, na nangangahulugang ang bawat kabataang lalaki ay dapat na handang magbuwis ng kaniyang buhay para sa Estado. Ito ba ay isang bagay na tapatang maibibigay niyaong mga nakaalay kay Jehova? Papaano ito minalas ng mga Kristiyano noong unang siglo?

12 Samantalang sinikap ng mga unang Kristiyano na maging mabubuting mamamayan, ang kanilang pananampalataya ay humadlang sa kanila na kumitil ng buhay ng iba o ibuwis ang kanilang sariling buhay para sa Estado. Ganito ang sabi ng The Encyclopedia of Religion: “Ang mga unang ama ng iglesya, kasali na sina Tertullian at Origen, ay nagpatunay na ang mga Kristiyano ay pinagbawalan na kumitil ng buhay ng tao, isang simulain na pumigil sa kanila sa paglahok sa hukbong Romano.” Sa kaniyang aklat na The Early Church and the World, sumulat si Propesor C. J. Cadoux: “Sa anumang kalagayan hanggang sa paghahari ni Marcus Aurelius [161-​180 C.E.], walang Kristiyano ang nagiging sundalo pagkatapos na siya’y mabautismuhan.”

13. Bakit ang pangmalas ng karamihan sa Sangkakristiyanuhan hinggil sa paglilingkod sa hukbong militar ay hindi katulad niyaong sa mga unang Kristiyano?

13 Bakit hindi ganito ang pangmalas ng mga miyembro ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon? Dahil sa sukdulang pagbabago na naganap noong ikaapat na siglo. Ganito ang paliwanag ng akdang Katoliko na A History of the Christian Councils: “Maraming Kristiyano, . . . sa ilalim ng paganong mga emperador, ang nag-aatubili dahil sa relihiyon hinggil sa paglilingkod sa hukbong militar, at talagang tumangging humawak ng sandata, o dili kaya’y tumakas. Ang Sinodo [ng Arles, idinaos noong 314 C.E.], sa pagsasaalang-alang ng mga pagbabagong ginawa ni Constantino, ay nagtakda ng obligasyon na ang mga Kristiyano ay dapat na lumahok sa digmaan, . . . sapagkat ang Simbahan ay may pakikipagpayapaan (in pace) sa ilalim ng isang prinsipeng palakaibigan sa mga Kristiyano.” Bunga ng pagtalikod na ito sa mga turo ni Jesus, mula noon hanggang ngayon, hinimok ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang kanilang mga kawan na maglingkod sa mga hukbo ng mga bansa, bagaman ang ilang indibiduwal ay tumutol dahil sa kanilang budhi.

14, 15. (a) Sa anong saligan hinihingi ng mga Kristiyano sa ilang lugar ang eksepsiyon buhat sa paglilingkod sa hukbong militar? (b) Kung walang eksepsiyon, anong maka-Kasulatang mga simulain ang makatutulong sa isang Kristiyano upang makagawa ng wastong pasiya tungkol sa paglilingkod sa hukbong militar?

14 Ang mga Kristiyano ba sa ngayon ay obligado na sumunod sa karamihan hinggil sa bagay na ito? Hindi. Kung ang isang nakaalay at bautisadong Kristiyano ay naninirahan sa isang bansa na doo’y ipinagkakaloob sa mga ministro ng relihiyon ang eksepsiyon sa paglilingkod sa hukbong militar, maaari niyang samantalahin ang paglalaang ito, sapagkat ang totoo’y isa siyang ministro. (2 Timoteo 4:5) May ilang bansa, kasali na ang Estados Unidos at Australia, na nagkakaloob ng gayong eksepsiyon maging sa panahon ng digmaan. At sa panahon ng kapayapaan, sa maraming lupain na nagpapairal ng sapilitang paglilingkod sa hukbong militar, ang mga Saksi ni Jehova, bilang mga ministro ng relihiyon, ay pinagkakalooban ng eksepsiyon. Sa gayon ay nakapagpapatuloy sila sa pagtulong sa mga tao sa pamamagitan ng kanilang paglilingkod-bayan.

15 Ngunit kumusta naman kung ang isang Kristiyano ay naninirahan sa isang lupain na doo’y hindi ipinagkakaloob ang eksepsiyon sa mga ministro ng relihiyon? Kung gayon ay kailangan siyang gumawa ng sariling pasiya bilang pagsunod sa kaniyang budhing sinanay sa Bibliya. (Galacia 6:5) Samantalang isinasaalang-alang ang awtoridad ni Cesar, titimbangin niyang mabuti ang kaniyang obligasyon kay Jehova. (Awit 36:9; 116:12-14; Gawa 17:28) Hindi kalilimutan ng isang Kristiyano na ang tanda ng tunay na Kristiyano ay ang pag-ibig sa lahat ng kaniyang kapananampalataya, kahit na doon sa mga naninirahan sa ibang lupain o sa mga kabilang sa ibang tribo. (Juan 13:34, 35; 1 Pedro 2:17) Isa pa, hindi niya kalilimutan ang maka-Kasulatang mga simulain na masusumpungan sa mga teksto na gaya ng Isaias 2:2-4; Mateo 26:52; Roma 12:18; 14:19; 2 Corinto 10:4; at Hebreo 12:14.

Serbisyong Pambayan

16. Sa ilang lupain, anong serbisyong di-pangmilitar ang hinihiling ni Cesar doon sa mga tumatangging maglingkod sa hukbong militar?

16 Subalit, may mga lupain na kung saan ang Estado, bagaman hindi nagpapahintulot ng eksepsiyon sa mga ministro ng relihiyon, gayunma’y kumikilala na ang ilang indibiduwal ay maaaring tumanggi sa paglilingkod sa hukbong militar. Marami sa mga lupaing ito ay naglalaan sa gayong mga indibiduwal na tumututol dahil sa budhi na huwag piliting pumasok sa paglilingkod sa hukbong militar. Sa ilang lugar ang kinakailangang serbisyong pambayan, tulad ng gawaing kapaki-pakinabang sa komunidad, ay itinuturing na di-pangmilitar na serbisyo sa bansa. Maaari kayang gampanan ng isang nakaalay na Kristiyano ang gayong serbisyo? Muli, dito ang isang nakaalay at bautisadong Kristiyano ay kailangang gumawa ng sariling pasiya salig sa kaniyang budhing sinanay sa Bibliya.

17. Mayroon bang pamarisan sa Bibliya para sa di-pangmilitar na serbisyong pambayan?

17 Waring ang sapilitang paglilingkod ay isinasagawa noong panahon ng Bibliya. Sinabi ng isang aklat pangkasaysayan: “Bukod pa sa mga buwis at halaga na sinisingil sa mga nananahanan sa Judea, mayroon ding corvée [walang-bayad na trabahong ipinapataw ng mga awtoridad pambayan]. Ito ay isang sinaunang institusyon sa Silangan, na pinanatili ng Helenistiko at Romanong mga awtoridad. . . . Bumanggit din ang Bagong Tipan ng mga halimbawa ng corvée sa Judea, anupat nagpapakita kung gaano kapalasak iyon. Alinsunod sa kaugaliang ito, pinilit ng mga sundalo si Simon ng Cirene na buhatin ang krus [pahirapang tulos] ni Jesus (Mateo 5:41; 27:32; Marcos 15:21; Lucas 23:26).”

18. Sa anong di-pangmilitar, di-relihiyosong uri ng serbisyong pangkomunidad malimit na nakikipagtulungan ang mga Saksi ni Jehova?

18 Gayundin naman, ang mga mamamayan ng ilang bansa sa ngayon ay hinihilingan ng Estado o ng lokal na mga awtoridad na makilahok sa iba’t ibang anyo ng paglilingkod sa pamayanan. Kung minsan ito ay para sa isang espesipikong gawain, tulad ng paghuhukay ng mga balon o paggawa ng mga lansangan; kung minsan iyon ay palagian, tulad ng lingguhang pakikibahagi sa paglilinis ng mga lansangan, paaralan, o mga ospital. Kapag ang gayong serbisyong pambayan ay sa ikabubuti ng pamayanan at hindi kaugnay sa huwad na relihiyon o sa anumang paraan ay hindi tinututulan ng budhi ng mga Saksi ni Jehova, malimit na sumusunod sila. (1 Pedro 2:13-15) Ito ay karaniwan nang nagbubunga ng mahusay na patotoo at kung minsan ay nagpapatahimik doon sa mga may kamaliang nagbibintang na ang mga Saksi ay laban sa pamahalaan.​—Ihambing ang Mateo 10:18.

19. Papaano haharapin ng isang Kristiyano ang kahilingan ni Cesar na siya ay gumanap ng isang di-pangmilitar na serbisyong pambansa sa loob ng isang yugto ng panahon?

19 Ngunit kumusta naman kung sa loob ng isang yugto ng panahon ay hilingin ng Estado na ang isang Kristiyano ay gumanap ng serbisyong pambayan na bahagi ng serbisyong pambansa sa ilalim ng isang administrasyong sibilyan? Muli dito, ang mga Kristiyano ay dapat na gumawa ng kanilang sariling pasiya salig sa isang budhing may kabatiran. “Tayong lahat ay tatayo sa harapan ng luklukan ng paghatol ng Diyos.” (Roma 14:10) Ang mga Kristiyanong nakaharap sa isang kahilingan ni Cesar ay dapat na may pananalanging pag-aralan at bulay-bulayin ang bagay na iyon.a Isa ring kapantasan na ipakipag-usap ang bagay na iyon sa mga maygulang na Kristiyano sa kongregasyon. Pagkatapos nito ay saka maaaring gumawa ng personal na desisyon.​—Kawikaan 2:1-5; Filipos 4:5.

20. Anu-anong tanong at maka-Kasulatang mga simulain ang tumutulong sa isang Kristiyano na mangatuwiran hinggil sa di-pangmilitar na pambansang paglilingkod sa bayan?

20 Samantalang nagsasaliksik, isasaalang-alang ng isang Kristiyano ang ilang simulain sa Bibliya. Sinabi ni Pablo na dapat tayong “maging masunurin sa mga pamahalaan at sa mga awtoridad bilang mga tagapamahala, . . . maging handa para sa bawat mabuting gawa . . . maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.” (Tito 3:1, 2) Kasabay nito, makabubuti para sa mga Kristiyano na suriin ang iminungkahing trabahong pambayan. Kung tatanggapin nila iyon, mapananatili kaya nila ang Kristiyanong neutralidad? (Mikas 4:3, 5; Juan 17:16) Ito kaya ay magsasangkot sa kanila sa huwad na relihiyon? (Apocalipsis 18:4, 20, 21) Ang pagganap kaya niyaon ay makahahadlang o di-makatuwirang makababawas sa pagtupad ng kanilang Kristiyanong mga pananagutan? (Mateo 24:14; Hebreo 10:24, 25) Sa kabilang banda, makapagpapatuloy kaya silang sumulong sa espirituwal, marahil ay makibahagi pa nga sa pambuong-panahong ministeryo samantalang ginagampanan ang kinakailangang serbisyo?​—Hebreo 6:11, 12.

21. Anuman ang kaniyang pasiya, papaano dapat malasin ng kongregasyon ang isang kapatid na humaharap sa suliranin tungkol sa di-pangmilitar na pambansang paglilingkod sa bayan?

21 Ano kaya kung ang tapat na mga kasagutan ng Kristiyano sa gayong mga katanungan ay umakay sa kaniya sa pasiya na ang pambansang paglilingkod sa bayan ay isang “mabuting gawa” na maaari niyang gampanan bilang pagsunod sa mga awtoridad? Iyan ang kaniyang pasiya sa harap ni Jehova. Dapat na lubusang igalang ng hinirang na matatanda at ng iba pa ang budhi ng kapatid at patuloy na pakitunguhan siya bilang isang Kristiyano na may mabuting katayuan. Subalit, kung nadarama ng isang Kristiyano na hindi niya maaaring gampanan ang serbisyong pambayan na ito, dapat din namang igalang ang kaniyang paninindigan. Siya rin naman ay nananatiling may mabuting katayuan at nararapat na maibiging suportahan.​—1 Corinto 10:29; 2 Corinto 1:24; 1 Pedro 3:16.

22. Anumang kalagayan ang nasa harap natin, ano ang patuloy nating gagawin?

22 Bilang mga Kristiyano ay hindi tayo hihinto na ibigay “sa kaniya na humihiling ng karangalan, ang gayong karangalan.” (Roma 13:7) Igagalang natin ang mabuting kaayusan at magsisikap na maging mapayapa at masunurin-sa-batas na mga mamamayan. (Awit 34:14) Maaari pa man din tayong manalangin “may kinalaman sa mga hari at sa lahat niyaong mga nasa mataas na kalagayan” kapag ang mga taong ito ay nahilingang gumawa ng mga pasiya na makaaapekto sa ating Kristiyanong pamumuhay at gawain. Bunga ng ating pagbabayad kay Cesar ng mga bagay na kay Cesar, tayo’y umaasa na “makapagpatuloy tayong mamuhay ng isang kalmado at tahimik na buhay na may lubos na maka-Diyos na debosyon at pagkaseryoso.” (1 Timoteo 2:1, 2) Higit sa lahat, patuloy nating ipangangaral ang mabuting balita ng Kaharian bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan, anupat maingat na ibinabayad sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.

[Talababa]

a Tingnan ang The Watchtower ng Mayo 15, 1964, pahina 308, parapo 21.

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Sa pagtitimbang-timbang ng kaniyang kaugnayan kay Cesar at kay Jehova, ano ang pangunahing hangad ng isang Kristiyano?

◻ Ano ang obligasyon natin kay Jehova na hindi natin kailanman maaaring ibigay kay Cesar?

◻ Anu-anong bagay ang angkop na maibibigay natin kay Cesar?

◻ Anong mga kasulatan ang tumutulong sa atin na makagawa ng wastong pasiya hinggil sa sapilitang paglilingkod sa hukbong militar?

◻ Anu-ano ang ilang bagay na dapat isaisip kung tawagan tayo para sa di-pangmilitar na pambansang paglilingkod sa bayan?

◻ Hinggil kay Jehova at kay Cesar, ano ang patuloy nating ginagawa?

[Larawan sa pahina 16, 17]

Sinabi ng mga apostol sa Sanedrin: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share