-
Matuto Mula sa ‘Balangkas ng Katotohanan’Ang Bantayan—2012 | Enero 15
-
-
Matuto Mula sa ‘Balangkas ng Katotohanan’
“[Taglay ninyo ang] balangkas ng kaalaman at ng katotohanan sa Kautusan.”—ROMA 2:20.
-
-
Matuto Mula sa ‘Balangkas ng Katotohanan’Ang Bantayan—2012 | Enero 15
-
-
1. Bakit mahalagang maunawaan natin ang kahulugan ng Kautusang Mosaiko?
SA TULONG ng kinasihang mga liham ni apostol Pablo, nauunawaan natin ang maraming aspekto ng Kautusang Mosaiko. Halimbawa, sa kaniyang liham sa mga Hebreo, ipinaliwanag niya kung paanong si Jesus bilang ‘tapat na mataas na saserdote’ ay minsanang nakapaghandog ng “pampalubag-loob na hain” para magtamo ng “walang-hanggang katubusan” ang mga mananampalataya rito. (Heb. 2:17; 9:11, 12) Sinabi ni Pablo na ang tabernakulo ay “anino [lamang] ng makalangit na mga bagay” at na si Jesus ang naging Tagapamagitan ng ‘isang tipan na mas mabuti’ kaysa sa Kautusan ni Moises. (Heb. 7:22; 8:1-5) Ang mga paliwanag ni Pablo tungkol sa Kautusan ay malaking tulong para sa mga Kristiyano noong panahon niya, at maging sa atin ngayon. Matutulungan tayo nito na lubusang mapahalagahan ang lahat ng ginawa ng Diyos para sa atin.
2. Ano ang bentaha ng mga Judiong Kristiyano sa mga Gentil?
2 Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, may mga isinulat si Pablo na patungkol sa mga Judiong Kristiyano na nakatira doon at naturuan sa Kautusang Mosaiko. Sinabi niya na yamang alam ng mga ito ang Kautusan, may bentaha sila dahil taglay nila ang “balangkas ng kaalaman at ng katotohanan” hinggil kay Jehova at sa Kaniyang matuwid na mga simulain. Dahil nauunawaan at iginagalang nila ang ‘balangkas na iyon ng katotohanan,’ ang mga Judiong Kristiyanong iyon, gaya ng tapat na mga Judiong nauna sa kanila, ay makapagtuturo sa mga walang alam sa Kautusang ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan.—Basahin ang Roma 2:17-20.
MGA ANINO NG HAIN NI JESUS
3. Paano tayo makikinabang sa pag-aaral tungkol sa paghahain ng sinaunang mga Judio?
3 Para maunawaan ang mga layunin ni Jehova, kailangan natin ang balangkas ng katotohanang nabanggit ni Pablo. Mahalaga pa rin ang mga simulaing itinuro ni Jehova sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng Kautusang Mosaiko. Kung gayon, talakayin natin ang isang aspekto ng Kautusang iyon—kung paano inakay ng iba’t ibang hain at handog ang mapagpakumbabang mga Judio tungo kay Kristo at kung paano sila tinulungan nito na maunawaan ang mga kahilingan ng Diyos. At yamang hindi nagbabago ang saligang mga kahilingan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod, makikita rin natin kung paanong ang mga batas ng Diyos hinggil sa mga hain at handog ay makatutulong sa atin na suriin ang kalidad ng ating sagradong paglilingkod.—Mal. 3:6.
-