Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Hebreong Kasulatan”
  • Hebreong Kasulatan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hebreong Kasulatan
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Kanon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Aralin Bilang 4—Ang Bibliya at ang Kanon Nito
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Bibliya
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kristiyanong Griegong Kasulatan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Hebreong Kasulatan”

HEBREONG KASULATAN

Ang 39 na kinasihang aklat mula Genesis hanggang Malakias, batay sa karaniwang pagkakaayos sa ngayon, na siyang bumubuo sa kalakhang bahagi ng Bibliya.

Ang mga aklat ng Hebreong Kasulatan, ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ito sa karamihan ng mga bersiyon ng Bibliya, ay maaaring hatiin sa tatlong seksiyon: (1) Makasaysayan, Genesis hanggang Esther, 17 aklat; (2) Patula, Job hanggang Awit ni Solomon, 5 aklat; (3) Makahula, Isaias hanggang Malakias, 17 aklat. Ang gayong pagkakahati ay pangkalahatan lamang, yamang ang makasaysayang seksiyon ay naglalaman din ng mga bahaging patula [ipinagpatuloy sa pahina 961] [karugtong ng pahina 944] (Gen 2:23; 4:23, 24; 9:25-27; Exo 15:1-19, 21; Huk 5) at makahula (Gen 3:15; 22:15-18; 2Sa 7:11-16); ang patulang seksiyon ay naglalaman ng materyal na makasaysayan (Job 1:1–2:13; 42:7-17) at makahula (Aw 2:1-9; 110:1-7); at ang makahulang seksiyon ay may makasaysayang impormasyon at patulang materyal (Isa 7:1, 2; Jer 37:11–39:14; 40:7–43:7; Pan 1:1–5:22).

Dahil pinagsama-sama ng mga Judio ang ilan sa 39 na aklat ding ito at binago nila ang pagkakasunud-sunod ng mga ito, ang bilang nila sa mga aklat ay 24 o 22 lamang at, alinsunod sa kanilang tradisyonal na kanon, inayos nila ang mga iyon gaya ng sumusunod: Una, ang Kautusan (sa Heb., Toh·rahʹ), tinatawag ding Pentateuch, binubuo ng (1) Genesis, (2) Exodo, (3) Levitico, (4) Mga Bilang, at (5) Deuteronomio. (Tingnan ang PENTATEUCH.) Ikalawa, ang Mga Propeta (sa Heb., Nevi·ʼimʹ), na hinahati sa “Unang mga Propeta,” (6) Josue, (7) Mga Hukom, (8) Samuel (ang Una at Ikalawa ay magkasama sa iisang aklat), (9) Mga Hari (ang Una at Ikalawa ay iisang aklat lamang), at “Huling mga Propeta,” na hinahati naman sa “Pangunahing” mga Propeta, (10) Isaias, (11) Jeremias at (12) Ezekiel, at (13) Labindalawang “Pangalawahing” Propeta (iisang aklat lamang na binubuo ng Oseas, Joel, Amos, Obadias, Jonas, Mikas, Nahum, Habakuk, Zefanias, Hagai, Zacarias, at Malakias). Ang ikatlong seksiyon ay tinatawag na Banal na mga Akda (Hagiographa o, sa Hebreo, Kethu·vimʹ), simula sa (14) Mga Awit, (15) Mga Kawikaan, at (16) Job; pagkatapos ay ang “Limang Megilloth” o limang magkakahiwalay na balumbon, samakatuwid ay (17) Ang Awit ni Solomon, (18) Ruth, (19) Mga Panaghoy, (20) Eclesiastes, at (21) Esther, na sinundan naman ng (22) Daniel, (23) Ezra-Nehemias (pinagsama), at (24) Mga Cronica (ang Una at Ikalawa ay magkasama sa iisang aklat). Kung minsan, ang aklat ng Ruth ay inilalakip sa Mga Hukom, at ang Mga Panaghoy naman sa Jeremias, anupat nagiging 22 na lamang ang mga aklat, isang kabuuan na katumbas ng bilang ng mga titik sa alpabetong Hebreo, bagaman hindi ganito ang karaniwang pagkakaayos sa mga Bibliyang Hebreo sa ngayon.

Hindi lahat ng unang mga katalogo ay nagtatala sa mga aklat ng Hebreong Kasulatan ayon sa nabanggit na pagkakasunud-sunod. Ito ay sa dahilang magkakahiwalay na balumbon noon ang indibiduwal na mga aklat. Bilang paglalarawan: Sa Babilonyong Talmud (Bava Batra 14b) ay sinasabi: “Itinuro ng ating mga Rabbi: Ang pagkakasunud-sunod ng mga Propeta ay, Josue, Mga Hukom, Samuel, Mga Hari, Jeremias, Ezekiel, Isaias, at ang Labindalawang Pangalawahing Propeta.” (Isinalin nina M. Simon at I. Slotki) Maaaring ito ang dahilan kung bakit ang Jeremias ay nauuna sa Isaias sa maraming manuskritong Hebreo na isinulat sa Alemanya at Pransiya.

Ang mga Manunulat. Ang buong Hebreong Kasulatan ay isinulat at tinipon ng mga Judio, mga miyembro ng bansa na ‘pinagkatiwalaan ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos.’ (Ro 3:1, 2) At, sa kalakhang bahagi, ang Kasulatang ito bago ang panahong Kristiyano ay isinulat sa Hebreo, kalakip ang sumusunod na ilang bahagi sa Aramaiko: Genesis 31:47; Ezra 4:8 hanggang 6:18 at 7:12-26; Jeremias 10:11; Daniel 2:4b hanggang 7:28. May matatagpuan ding mga salitang Aramaiko sa Job, ilang Awit, Awit ni Solomon, Jonas, Esther, at sa mga bahaging Hebreo ng Daniel. Ang aklat ng Ezekiel ay kakikitaan din ng impluwensiyang Aramaiko.

Si Moises ang sumulat at nagtipon ng unang limang aklat ng Bibliya, at sinundan siya ng di-kukulangin sa 31 iba pang manunulat at tagapagtipon, kabilang na sina Josue, Samuel, David, Solomon, Isaias, Jeremias, Ezekiel, Daniel, Ezra, at Nehemias. Nabuhay sila sa loob ng isang yugto na 1,100 taon, mula noong ika-16 hanggang ika-5 siglo B.C.E., at sila’y nagmula sa iba’t ibang linya ng gawain, anupat may pastol, tagakopya, gobernador, hari, propeta, at saserdote.

Ang ilan sa mga manunulat ng Bibliya ay aktuwal na nakasaksi sa mga pangyayaring iniulat nila; isinulat ni Moises ang mga naging karanasan niya sa harap ni Paraon. (Exo 5:1–12:32) Ang ilang makasaysayang datos ay tinipon nila mula sa mas naunang mga rekord sa pamamagitan ng masikap na pananaliksik, gaya noong tinitipon nila ang mga rekord ng talaangkanan. (1Cr 1-9) Ngunit ang maraming bagay, gaya ng kaalaman tungkol sa pagtitipon ng mga anghelikong hukbo sa langit at ng mga pagsisiwalat may kaugnayan sa mga hula, ay hindi saklaw ng kaalaman ng tao at maaari lamang malaman sa pamamagitan ng tuwirang pagkasi ng Diyos. Ito at ang ganap na pagkakaisa ng buong Kasulatan, bagaman binubuo iyon ng mga akda na isinulat ng maraming manunulat sa loob ng napakahabang yugto ng panahon taglay ang kanilang sari-saring pinagmulan, ay pawang nagpapatotoo at nagpapakita na ang mga manunulat ng Bibliya ay talagang “nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.”​—2Pe 1:21.

Kanon ng Hebreong Kasulatan. Ang mga aklat ng Hebreong Kasulatan ay hindi lumilitaw sa ating mga Bibliya ayon sa pagkakasunud-sunod ng pagkakasulat ng mga ito. Sina Joel, Amos, at Jonas ay nabuhay nang mga dalawang siglo ang kaagahan kaysa kina Jeremias, Ezekiel, at Daniel. Hindi rin laging isinisiwalat ng titulo ng mga aklat kung sino ang manunulat. Halimbawa, lumilitaw na ang aklat ng Job ay isinulat ni Moises; ang aklat naman ng Ruth ay isinulat ni Samuel. Ang mga detalye tungkol sa indibiduwal na mga aklat, kung kailan at kung sino ang sumulat ng bawat isa, ay makikita sa “Talaan ng mga Aklat ng Bibliya Ayon sa Pagkakasunud-sunod ng Pagkakasulat” sa artikulong BIBLIYA. Tingnan ang mga artikulo tungkol sa indibiduwal na mga aklat para sa nilalaman, kahalagahan, patotoo ng autentisidad, at iba pang impormasyon.

Kumpleto na ang kanon ng Hebreong Kasulatan noong narito si Jesu-Kristo sa lupa, gaya ng ipinakikita ng kaniyang mga pananalita na nakaulat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Halimbawa, tinukoy niya ang pagkakahati-hati nito sa tatlong seksiyon nang magsalita siya tungkol sa “lahat ng mga bagay na nakasulat sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta at Mga Awit.” (Luc 24:44) Ang kaniyang mga tagasunod ay sumulat o nagsalita tungkol sa “pangmadlang pagbabasa ng Kautusan at ng mga Propeta,” “Kasulatan,” ‘kautusan ni Moises at mga Propeta,’ “banal na Kasulatan,” at “banal na mga kasulatan.”​—Gaw 13:15; 18:24; 28:23; Ro 1:2; 2Ti 3:15; tingnan ang KANON.

Kapansin-pansin din na walang mga akdang Apokripal ang isinama sa Hebreong kanon. Mula nang mga araw nina Ezra at Malakias, noong ikalimang siglo B.C.E., ang nakumpletong kanon ng Hebreong Kasulatan ay binantayan at ipinagsanggalang upang hindi ito mapasukan ng anumang kuwestiyunableng akda. (Tingnan ang APOKRIPA.) Naging napakaingat ng mga tagakopya ng manuskrito na tinatawag na mga Soperim, na nang bandang huli ay hinalinhan ng mga Masorete.

Noong una, ang Hebreong Kasulatan ay isinulat nang walang mga patinig o bantas, at hindi ito hati-hati sa mga kabanata at mga talata gaya sa ngayon. Noong ikalawang kalahatian ng unang milenyo C.E. ang mga Masorete, na napakaingat din na mga tagakopya ng Bibliya, ay nagtatag ng isang sistema ng mga tuldok-patinig at mga tuldik bilang pantulong sa pagbasa at pagbigkas.

Preserbasyon at Pagtatawid ng Nilalaman. Ang mga Judiong Soperim (mga eskriba), bagaman metikuloso upang maiwasan ang mga pagkakamali sa pagkopya, ay gumawa ng mga pagwawasto sa teksto kapag, sa opinyon nila, ang orihinal na teksto ay waring lumalapastangan sa Diyos o walang paggalang sa kaniyang mga kinatawan. Sa mahigit na 140 kaso, pinalitan ng mga eskribang Judio ang Tetragrammaton (ang puro-katinig na katumbas ng pangalang Jehova) upang kabasahan ito ng alinman sa “Soberanong Panginoon” o “Diyos.”​—Tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1562, 1569.

Wala nang orihinal na mga sulat ng Hebreong Kasulatan ang umiiral sa ngayon, ngunit posibleng may 6,000 sulat-kamay na kopya ng buo o ilang bahagi ng Hebreong Kasulatan. Ang Nash Papyrus, na naglalaman ng maliliit na bahagi ng Deuteronomio, at ang marami sa Dead Sea Scrolls ay kinopya bago ang ating Karaniwang Panahon. Bukod sa mga kopya ng Kasulatan sa Hebreo, maraming bersiyon ng Kasulatan bago ang panahong Kristiyano ang ginawa sa maraming wika, buo man o ilang bahagi lamang. Ang unang aktuwal na salin ay ang Griegong Septuagint, na sinimulan noong mga 280 B.C.E. Ang Latin na Vulgate ni Jerome ay naglalaman din ng isang maagang salin ng Hebreong Kasulatan. Ang New World Translation ng Hebreong Kasulatan ay ibinatay sa ikapito, ikawalo, at ikasiyam na mga edisyon ng Biblia Hebraica ni Rudolf Kittel, na unang inimprentang edisyon ng Codex Leningrad B 19A, ang pinakamaagang kumpletong manuskrito ng Hebreong Kasulatan.

Maraming pagsisikap na ginawa ang mga kritiko ng Bibliya upang siraan ang Hebreong Kasulatan, anupat itinuturing nila ito na mga panghuhuwad o mga kuwentu-kuwento lamang na hindi nakasalig sa kasaysayan. Ang isang paraan ng pag-atake ay ang himay-himayin ang iba’t ibang aklat ng Bibliya sa layuning patunayan na iba’t ibang tao ang sumulat ng mga ito, na para bang hindi kaya ng isang tao na sumulat gamit ang maraming istilo. Lubusang hindi makatuwiran ang gayong argumento, sapagkat ang mga taong sumusulat ng mga tula ay nakasusulat din ng mga salaysay, at totoo rin ang kabaligtaran nito. Ang isang abogado na gumagawa ng legal na dokumento ay madali at mabilis na nagbabago ng kaniyang istilo kapag naglalahad ng personal na karanasan. Kapag inaangkin ng mga kritiko na ang partikular na mga talata, na tinatawag nilang “J” at kababasahan ng pangalang Jehova, ay isinulat ng mga tao na iba pa sa mga sumulat ng mga talatang kababasahan ng titulong “Diyos” (sa Heb., ʼElo·himʹ), na tinutukoy naman nila bilang “E,” ipinakikita nila ang kanilang mababaw na pangangatuwiran.

Upang itawag-pansin ang kamalian ng pag-aangkin ng mga kritiko, si K. A. Kitchen, ng University of Liverpool, ay nagsabi: “Sa Sinaunang Silangan ay walang anumang tiyakang nalalaman na kahalintulad ng masalimuot na kasaysayang binubuo ng pira-pirasong impormasyon at pinaghalu-halong ulat ng panitikang Hebreo (o nagpapabanaag man lamang ng gayong mga pamantayan) gaya ng ipinapalagay ng dokumentaryong mga panghihinuha. At sa kabaligtaran, ang anumang pagsisikap na ikapit ang mga pamantayan ng dokumentaryong mga teorista sa mga akda ng Sinaunang Silangan na may kilalang mga kasaysayan ngunit kakikitaan ng gayunding pampanitikang mga katangian ay maliwanag na magiging kakatwa.”​—Ancient Orient and Old Testament, 1968, p. 115.

Kahalagahan. Napakahalaga ng Hebreong Kasulatan, sapagkat kung wala ang kodigo ng kautusan, kasaysayan, at mga hula na masusumpungan dito, magiging malabo ang kahulugan ng maraming bagay sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Luc 24:27, 44) “Sapagkat ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo.” “Ngayon ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.” (Ro 15:4; 1Co 10:11) Kaya naman paulit-ulit na sinipi at tinukoy ng mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya ang mas naunang mga sulat ng Bibliya, sa gayo’y ipinagpatuloy at pinalawak nila ang marami sa mga tema at mga pangako na inilahad sa Hebreong Kasulatan. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang Bagong Sanlibutang Salin ay nagpapakita ng 320 talata bilang tuwirang mga pagsipi mula sa Hebreong Kasulatan. Ayon sa isang talaan na inilathala nina Westcott at Hort, ang kabuuang bilang ng mga pagsipi at mga pagtukoy ay mga 890.

Kung wala ang Hebreong Kasulatan, hindi natin mababatid ang maraming detalye tungkol sa pinagmulan ng tao, sanhi ng kamatayan, at pangako sa Eden hinggil sa pagdurog ng binhi ng babae sa ulo ng Serpiyente. Kung wala ang Hebreong Kasulatan, hindi natin malalaman ang maraming detalye tungkol sa mga bagay na gaya ng Baha noong panahon ni Noe, ng dahilan kung bakit sagrado ang dugo, ng pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham, ng pakikipaglaban ni Jehova para sa kaniyang katipang bayan, at ng kasaysayan ng makalarawang teokratikong kaharian.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share