Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 2/1 p. 10-14
  • Magpakita ng Kasabikang Ipahayag ang Mabuting Balita

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magpakita ng Kasabikang Ipahayag ang Mabuting Balita
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Panahon ng Apurahang Pagkilos
  • Kasabikan​—Paano Ipinakikita?
  • “May Utang” sa Lahat
  • ‘Hindi Ikinahihiya ang Mabuting Balita’
  • Ang Pagkaepektibo ay Nagpapalawak sa Resulta
  • May Pananabik na Ipangaral ang Mabuting Balita
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1999
  • May-Pananabik na Ipahayag ang Mabuting Balita
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Ang Mabuting Balita na Kailangan ng Lahat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • “Hindi Ikinahihiya ang Mabuting Balita”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 2/1 p. 10-14

Magpakita ng Kasabikang Ipahayag ang Mabuting Balita

“May kasabikan ako na ipahayag din sa inyo ang mabuting balita.”​—ROMA 1:15.

1, 2. Paano malimit tumutugon ang mga tao sa isang biglaang kasakunaan?

“SILA’Y nanggaling sa lahat ng panig . . . daan-daang mga boluntaryo ang dumagsa galing sa bi-county, nagdatingan kasabay ng trak-trak na mga pagkain at damit, sila’y nagtayo ng mga tirahan ng mga nagsilikas, ang iba’y nagtrabaho ng 18 hanggang 20 oras isang araw, ang iba’y hindi man lamang natulog ng mga unang araw pagkatapos na maganap ang kakila-kilabot na pagkasira ng levee o dike.”

2 Ganiyan tumugon ang mga tao nang isang dagliang baha ang sumapit sa isang pamayanan sa kalagitnaang California noong nakaraang tagsibol, at sanhi ng paglikas ng humigit-kumulang 24,000 mga tao. Oo, pagka ang mga kasakunaan​—mula sa lokal na mga baha hanggang sa mga lindol at hanggang sa mga nuklear na pagsabog​—ay sumapit nang biglaan, kalimitan na ang mga tao ay tumutugon nang kusang-loob at sila’y dagling tumutulong. Sila’y naglililis ng kanilang mga manggas, wika nga, sinusugod nila ang maraming panganib at kahirapan, at may kasabikang tumutulong sa iba​—kahit sa mga di nila nakikilala bahagya man.

Isang Panahon ng Apurahang Pagkilos

3. Sa anong pinakamalaking kasakunaan nakaharap ang sangkatauhan ngayon?

3 Sa ngayon, ang sangkatauhan ay nakaharap mismo sa pinakamalaking kasakunaan sa kasaysayan. Hindi dahil sa pinsala na ginagawa ng tao sa kapaligiran, sa banta ng digmaang nuklear, o sa pagdami ng krimen at karahasan, bagama’t malulubha ang mga bagay na ito. Bagkus, ang sangkatauhan ay nakaharap sa tinawag ni Jesu-Kristo na isang “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.” Upang ipakita ang lawak ng pinsala na lilikhain ng “malaking kapighatian,” sinabi pa ni Jesus: “Sa katunayan, malibang paikliin ang mga araw na yaon, walang laman na maliligtas.”​—Mateo 24:21, 22.

4. Sa harap ng gayong kasakunaan, paano tayo dapat tumugon?

4 Paano ka tutugon kung alam mo na maraming tao, kasali na ang ilan na may malapit na relasyon sa iyo, ang malapit nang pumanaw sa kapighatiang iyan? Hindi ka ba masasabik na tumulong? Alalahanin ang makahulang pangitain ni Ezekiel tungkol sa lalaking may tintero ng manunulat. Sa kaniya’y sinabi na yaon lamang tumanggap ng simbolikong tanda sa kanilang noo ang makaliligtas sa kapahamakan ng Jerusalem, at siya ang maglalagay ng nagliligtas-buhay na tandang iyon. Paano siya tumugon? “Ginawa ko na ang ayon sa iyong iniutos sa akin,” ang pag-uulat niya.​—Ezekiel 9:1-11.

5. Anong gawain ang iniuutos sa atin na gawin, at gaano kaapurahan iyon?

5 Ikaw ba ay nagpapakita ng ganoon ding pagiging handa at sabik gaya ng taong nakapanamit ng lino, na ginagawa ang mismong ipinag-utos ni Jehova? Ano ba ang ipinag-utos ni Jehova? Sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, siya’y nagbigay ng utos: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, . . . turuan sila na ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Ito ay isa ring gawaing pagliligtas-buhay gaya ng simbolikong paglalagay ng tanda sa mga noo noong kaarawan ni Ezekiel. Sinuman na hindi tumutugon at nagiging isang alagad ni Jesu-Kristo ay mapupuksa sa kamay ng hinirang ng Diyos na Punong Tagapuksa. (2 Tesalonica 1:6-8) Iyo bang nadarama ang pagkaapurahan nito? Ipinakikita mo ba ito sa pamamagitan ng kasabikang maipahayag ang mabuting balita?

Kasabikan​—Paano Ipinakikita?

6. Ano ang ibig sabihin ng “kasabikan”?

6 Ang bayan ni Jehova, sa kabuuan, ay nakadarama ng pagkaapurahan ng panahon. Lahat tayo ay sabik na makita ang pinakamaraming tao hangga’t maaari na makaligtas sa napipintong “malaking kapighatian.” Ang kasabikan sang-ayon sa diksiyunaryo, ay isang “matindi o marubdob na hangarin sa pagtataguyod o sa ikagaganap ng isang bagay.” Ang isa na sabik tungkol sa anumang bagay ay nakatuon ang kaisipan at pagkilos sa bagay na iyon upang makamit niya iyon. Gagawin niya ang lahat ng kaniyang buong makakaya upang madaig ang anumang balakid at hadlang, at siya’y magpupumilit na gawin ito hanggang sa marating niya ang kaniyang tunguhin. Ganiyan ang nadama ni apostol Pablo tungkol sa kaniyang ministeryo, at makabubuti sa atin na tularan siya.​—1 Corinto 4:16.

7. Bakit nais ni Pablo na pumaroon sa Roma?

7 Halimbawa, isaalang-alang ang mga salita ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, sa Roma 1:13-16. “Maraming beses na nilayon kong pumariyan sa inyo,” ang sabi niya sa kanila. Bakit? “Upang magkaroon din ako sa inyo ng bunga,” ang paliwanag niya. Dito ba’y ang isinasaisip lamang ni Pablo ay ang pagdalaw sa mga kapatid sa Roma at marahil hinihimok sila na higit pang pasulungin “ang bunga ng espiritu,” gaya ng sinasabi ng mga ilang komentarista? (Galacia 5:22, 23) Hindi, sapagkat ang kaniyang isinusog na mga salita na “gaya ng sa mga iba pa sa mga bansa” ang nagpapaliwanag na siya’y disidido na kamtin ang bunga ng Kaharian sa gitna ng pamayanan na di-Kristiyano doon sa Roma. Ibig niyang ang mabuting balita ay dalhin sa Roma at marahil mula rito ay dalhin sa mga iba pang lugar sa labas nito.​—Roma 15:23, 24.

8. Paano ‘nahadlangan’ si Pablo sa pagparoon sa Roma?

8 “Datapuwat hanggang ngayon ako’y nahahadlangan,” ang sabi ni Pablo. Nahahadlangan ng ano? Siya ba’y totoong abala sa personal na mga bagay upang palawakin ang kaniyang gawain? Bueno, si Pablo ay isang taong magawain ngunit hindi iyon sa personal na mga kapakanan. Sa panahong iyon na siya’y sumulat sa mga taga-Roma (mga 56 C.E.), siya’y nakatapos na ng dalawang malalawak na mga paglalakbay misyonero at naroon na siya sa kaniyang ikatlong paglalakbay. Malimit, sa mga paglalakbay na ito siya ay inaakay ng banal na espiritu sa espisipikong mga atas. (Tingnan ang Gawa 16:6-9.) Kahit na noon mang isinusulat niya ang kaniyang liham, yari na ang mga plano para siya pumaroon sa Jerusalem “upang maglingkod sa mga banal” doon. (Roma 15:25, 26) At siya’y dumanas din naman ng maraming iba pang ‘mga hadlang’ na katulad nito.​—Tingnan ang 2 Corinto 11: 23-28.

9. Paano nagpakita si Pablo ng kasabikan na maipahayag ang mabuting balita?

9 Gayunman, hindi inisip ni Pablo na sapat na ang kaniyang gawain, ni nangatuwiran man siya na siya’y mayroon na ng kaniyang atas at iyon ay marami na. Ibig niyang gumawa pa nang higit. Sa katunayan, sinabi niya: “May kasabikan ako na ipahayag din sa inyo ang mabuting balita diyan sa Roma.” Iyan ang ibig sabihin ng kasabikan! Angkop naman, si Propesor F. F. Bruce sa kaniyang aklat na The Epistle of Paul to the Romans ay nagsabi ng ganito tungkol sa apostol: “Ang pangangaral ng ebanghelyo ay nasa kaniyang dugo, at hindi siya mapipigil sa paggawa nito; siya kailanman ay hindi nau-‘off duty’ kundi kailangang laging gumagawa niyaon, ginagampanan nang higit pa ang pagkakautang niya sa lahat ng tao​—isang pagkakautang na kailanma’y hindi niya lubusang magagampanan habang siya’y nabubuhay.” Ganiyan ba ang pagkakilala mo sa ministeryo?

10. Anong ‘mga hadlang’ ang marahil ay nasa daan natin, ngunit paano natin dapat harapin ang mga iyan?

10 Sa ngayon, lahat ng mga lingkod ni Jehova ay abala sa pagsasagawa ng maraming pananagutan. Ang iba ay may mga pamilyang dapat asikasuhin. Ang iba’y may mga obligasyon sa mga ibang larangan. Ang iba naman ay limitado ang kakayahan dahilan sa katandaan o kalusugan. At ang iba naman ay may mabibigat na atas na dapat gampanan sa kongregasyong Kristiyano. Gayunman, natatalos din natin na ang panahon ay paubos na para sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, at kailangan na maisagawa ang pagpapatotoo sa Kaharian. (Marcos 13:10) Sa gayon, tulad ni Pablo, tayo’y dapat magpakita ng kasabikan na palawakin ang ating pangangaral sa kabila ng ‘mga hadlang’ na maaaring nasa ating daan. Hindi tayo dapat maging kampante, na iniisip na sapat na ang ating gawain ngayon.​—1 Corinto 15:58.

“May Utang” sa Lahat

11. Ano ang ibig sabihin ng “ako ay may utang”?

11 Mayroon pang isang motibo na nagpapalakas kay Pablo sa kaniyang walang sawang paghahayag ng mabuting balita. “Kapuwa sa mga Griego at sa mga Barbaro, sa marurunong at pati sa mga mangmang ako ay may utang,” ang sabi ni Pablo. (Roma 1:14) Sa paano ‘umutang’ si Pablo? Ang pagkasalin ng iba sa pangungusap na ito ay “ako’y nasa ilalim ng obligasyon” (New English Bible), “ako’y may obligasyon” (Today’s English Version), o “ako’y may utang na tungkulin” (Jerusalem Bible). Kung gayon, ang ibig ba niyang sabihin ay na ang gawang pangangaral ay isang pabigat na tungkulin o obligasyon na kailangang gampanan niya sa harap ng Diyos? Madali na magkaroon ng gayong saloobin kung ating iwawala ang pagkakilala sa pagkaapurahan ng gawaing ito o tayo’y naaakit sa makasanlibutang mga bagay. Ngunit hindi iyan ang sumaisip ni Pablo.

12. Kanino “may utang” si Pablo, at bakit?

12 Bilang “piniling sisidlan” ng Diyos at “isang apostol sa mga bansa,” si Pablo ay nagkaroon ng mga ilang napakabibigat na mga pananagutan sa harap ng Diyos. (Gawa 9:15; Roma 11:13) Gayunman ang kaniyang pagkadama ng obligasyon ay hindi lamang yaong sa Diyos. Sinabi na siya ay “may utang” sa ‘mga Griego, Barbaro, marurunong at mga mangmang.’ Dahilan sa awa at pribilehiyo na ipinagkaloob sa kaniya, kaniyang nadama na tungkulin niya na mangaral upang lahat ng tao ay makarinig ng mabuting balita. Kaniyang natalos din na kalooban ng Diyos na “lahat ng uri ng tao ay makaligtas at magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 1:12-16; 2:3, 4) Kaya naman siya ay nagpagal nang walang lubay, hindi lamang upang magampanan ang kaniyang pananagutan sa Diyos kundi rin naman upang mabayaran ang kaniyang pagkakautang sa kaniyang mga kapuwa-tao. Ikaw ba ay nakadarama ng ganiyang personal na pagkakautang sa mga tao sa inyong teritoryo? Inaakala mo kaya na utang mo sa kanila na puspusang magsumikap na dalhan sila ng mabuting balita?

‘Hindi Ikinahihiya ang Mabuting Balita’

13. Ano ang pagkakilala ni Pablo sa mabuting balita?

13 Tunay na si Pablo ay isang litaw na halimbawa sa pagpapakita ng kasabikang maipahayag ang mabuting balita. Totoong pinahalagahan niya ang di-sana nararapat na awa na ipinakita sa kaniya ng Diyos, at ayaw niya na ito ay mawalang kabuluhan. (1 Corinto 15:9, 10) Kaya naman nagpatuloy siya ng pagsasabi: “Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita.” (Roma 1:16) Sa punto de-vista ng tao, ang mga Kristiyano ay di-popular at hinahamak-hamak lamang. “Kami’y naging tulad ng yagit sa sanlibutan, sukal ng lahat ng bagay,” ang sabi ni Pablo. (1 Corinto 4:13) Gayunman ay hindi niya ikinahihiya na ang mabuting balita ay dalhin sa Roma, ang sentro ng daigdig ng mga marurunong at kabisera ng Imperyong Romano. Pagka tayo’y napaharap sa kawalang interes, pag-aabuso, o kahit sa pananalansang sa ating pangangaral, maaari nating alalahanin ang nakapagpapatibay-loob na halimbawa ni Pablo.

14. Bakit ‘hindi ikinahiya ni Pablo ang mabuting balita’?

14 ‘Hindi ikinahihiya ang mabuting balita’ ay tunay na isa pang paraan ng pagsasabing “ipinagmamapuri ang mabuting balita,” at ganiyan nga ang dapat sa atin. Bakit? Sapagkat “ito nga ang kapangyarihan ng Diyos na magliligtas sa lahat ng may pananampalataya,” ang sabi ni Pablo. Siya’y nagkaroon ng sapat na karanasan na sumusuhay sa kaniyang sinabi. Sa pamamagitan ng mabuting balita, ang sabi ni Pablo, “aming iginigiba ang mga pangangatuwiran at bawat matayog na bagay na ipinagmamataas laban sa kaalaman ng Diyos; at binibihag namin ang bawat kaisipan upang maging masunurin sa Kristo.” (2 Corinto 10:5) Ito ma’y laban sa tradisyon ng mga Judio, sa pilosopya ng mga Griego, o sa lakas ng mga Romano, ang mabuting balita ay nagtagumpay.

15. Paanong ang kasabikan ang lakas na umugit sa buhay ni Pablo?

15 Anong inam nga na sa halip na kilalanin na iyon ay isang pabigat, si Pablo ay ‘sabik’ na tuparin ang kaniyang bigay-Diyos na pananagutan! Gaya ng sinabi niya mismo: “Sapagkat nakaatang sa akin ang pangangailangan. Sa aba ko nga kung hindi ko inihayag ang mabuting balita!” (1 Corinto 9:16) Ang kasabikang ito ang tumulong sa kaniya na magpatuloy nang maraming taon sa walang pagkapagal na paglilingkod, kung kaya sa wakas ay nasabi niya: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking pagtakbo, iningatan ko ang pananampalataya.”​—2 Timoteo 4:7.

Ang Pagkaepektibo ay Nagpapalawak sa Resulta

16. Anong posibleng mga hamon ang maaaring mapaharap sa lalaking may tintero ng manunulat na nakita ni Ezekiel sa pangitain?

16 Tulad ni Pablo, ang lalaking may tintero ng manunulat sa pangitain ni Ezekiel ay walang pag-aalinlangan na sabik tungkol sa kaniyang atas. Siya’y bumalik na taglay ang mabuting ulat: Natupad na ang misyon! Ang salaysay ay hindi nagsasabi sa atin kung paano humayo siya ng paghanap sa lahat ng mga “nagbubuntong-hininga at nagsisidaing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na ginagawa.” (Ezekiel 9:4) Bagama’t walang nasasabi kung paano lahat ng pagtatandang ito ay naisagawa, maliwanag nga na hindi iyon isang simpleng gawain.

17. (a) Anong mga hamon ang nakaharap sa iyo sa gawaing paggawa ng mga alagad, at paano mo pinakikitunguhan ang mga iyan? (b) Ang kinakailangan bang pagpapagal ay sulit doon?

17 Gayundin sa ngayon, tayo’y sinugo hindi sa isang simpleng gawain. Ang tanong, samakatuwid, ay: Gaanong kaepektibo tayo sa nagliligtas-buhay na gawaing ito? Upang tayo’y makagawa ng pinakamaraming alagad hangga’t maaari, tayo’y kailangang makibahagi sa gawaing ito nang regular at sa paraang sistematiko, na hindi pinalalampas ang anumang pagkakataon na tayo’y makibahagi sa pangangaral ng mabuting balita. Tulad natin, ang mga tao sa ating pamayanan ay abala sa gawain; baka malimit na hindi natin sila datnan sa tahanan sa pagdalaw natin, at kahit na kung naroon sila, malimit na sila’y okupado sa trabaho. Ano ang maaari nating gawin? Bueno, kailangang mag-ingat tayo ng hustong rekord at bumalik doon sa iba’t ibang panahon, paulit-ulit, sa pag-asa na tayo’y makasumpong doon ng sinumang makakausap. Ang gayon bang pagsisikap ay sulit? Hayaang sagutin ito ng sumusunod na maikling kalatas na galing sa dalawang maybahay:

“Nais kong ipahayag ang aking pasasalamat sa mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang maraming pagbisita sa akin sa aking bahay. Batid ko na kung minsan ang inyong misyon ay hindi tinatanggap ng may kasiglahan niyaong mga hindi ninyo karelihiyon ayon sa nararapat dito. Kaya’t naisip ko na bahaginan kayo ng aking mga karanasan at pasalamatan kayo!”

“Napakarami sa atin ang nagugutom sa katotohanan, napakarami sa atin ang naniniwala na lahat ng daan ay patungo sa kaligtasan. Kayo na nangangahas na patuloy na magsaliksik para matagpuan ang sinumang paglilingkuran, huwag kayong manghihinawa sa amin! Kami’y hindi naman mga taong kakila-kilabot, bagaman amin kayong iniinsulto, hinihiya, at tinatanggihan. Huwag kayong susuko, sapagkat kami’y naturuan ng maraming kasinungalingan, kinuwentuhan ng maraming kasindak-sindak na mga istorya, at inaralan na mapoot sa inyo upang huwag makarating sa amin ang mensahe ng Kaharian ni Jehova.”

18. (a) Paano mo matutulungan ang iba upang maintindihan ang kahulugan ng mabuting balita? (b) Paano napagtagumpayan ng isang mamamahayag ang sa una ay kawalang-interes?

18 Upang marating ang puso ng mga tao at matulungan sila na maintindihan ang kahulugan ng mabuting balita kailangan ang higit pa kaysa mababaw na pakikipagtalastasan, pagpapahayag ng isang inihandang mensahe, o pag-iiwan ng mga ilang babasahin sa Bibliya. Kailangang makilala natin ang kanilang mga pangangailangan at mga ikinababalisa, mga kagustuhan at di-kagustuhan, mga pangamba at mga maling akala. Lahat na ito ay nangangailangan ng totoong malaking pag-iisip at pagsisikap​—at pananabik natin. Isaalang-alang ang sumusunod na karanasan:

Isang mamamahayag ang kumausap sa isang babae sa isang apartment subalit walang gaanong pagtugon ang babae. Napansin ng mamamahayag na doo’y maraming mga bata, kaya itinanong niya kung ilan ang mga anak ng babae. Tumugon ang babae na hindi naman niya mga anak ang mga ito kundi anak ng kaniyang bayaw, na dumayo sa ibang bansa hindi pa natatagalan. Ang pag-uusap nila ay dumako sa paksa tungkol sa kakulangan ng mga bahay na matitirhan. Ang mamamahayag ay sumang-ayon na mahirap ngang makatagpo ng resonableng pabahay sa malalaking siyudad, yamang siya ay mayroon ding mga kamag-anak na malapit nang dumating, at siya’y nag-alok ng tulong. Ang babae ay natuwa at tinawag ang kaniyang bayaw. Ang pag-uusap ay nagpatuloy, at kanilang itinala ang numero ng telepono ng isa’t isa. Palibhasa’y hindi nililimot ang layunin ng pagdalaw, nataktikang binuklat ng mamamahayag ang pahina 157 sa aklat na Mabuhay Magpakailanman at kaniyang ipinaliwanag na sa ipinangakong bagong sistema, ang mga problema sa pabahay at hanapbuhay ay mawawala na. Ang lalaki ay lubhang nasiyahan at agad kinuha ang aklat. Nang malaunan, ang mamamahayag ay bumalik at kaniyang ibinalita ang tungkol sa isang mauupahang apartment; at kanila ring ipinagpatuloy ang pag-uusap nila tungkol sa Bibliya.

19. Panahon na ngayon para gawin natin ang ano? At ano ang kailangan nating talakayin pa?

19 Ang panahon para sa pangangaral ng mabuting balita ay mabilis na nauubos. Kung gaano pang katagal magpapatuloy ang “apat na anghel” ng “mahigpit na pagtangan sa apat na hangin ng lupa” ay hindi natin alam. (Apocalipsis 7:1) Gayumpaman, ang “malaking kapighatian” ay napipinto na, at ang mga tao na may malinis na puso ay tinitipon. Oo, ang “mga bukid” ay “mapuputi na upang anihin.” (Mateo 24:21, 22; Juan 4:35) Ngayon na ang panahon upang tayo’y puspusang magpagal sa kailanma’y hindi na mauulit na gawaing ito. Paano natin magagamit sa pinakamagaling na paraan ang natitirang panahon? Ano ang maaari nating gawin upang magkaroon tayo ng higit pang bahagi sa nagliligtas-buhay na gawaing ito? At ano ang makatutulong sa atin upang tayo’y patuloy na magpakita ng kasabikan na ipahayag ang mabuting balita? Ang mga tanong na ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.

Isaalang-alang ang Halimbawa ni Pablo Sang-ayon sa Roma 1:13-16​—

◻ Bakit siya sabik na pumaroon sa Roma?

◻ Ano ang humadlang sa kaniya sa pagpunta roon? Subalit paano siya tumugon?

◻ Kanino at bakit siya “may utang”?

◻ Ano ang nadama niya tungkol sa mabuting balita? Bakit?

◻ Tulad ni Pablo, ano ang maaari nating gawin upang maging epektibo tayo sa pagpapahayag ng mabuting balita?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share