Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 9/15 p. 13-18
  • Ang Espiritu ni Jehova ang Pumapatnubay sa Kaniyang Bayan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Espiritu ni Jehova ang Pumapatnubay sa Kaniyang Bayan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Humingi sa Diyos ng Kaniyang Espiritu
  • Handang Tumulong si Jehova
  • Kung Papaano Tumutulong ang Espiritu
  • “Taglay ang mga Hibik na Hindi Maisaysay ng mga Pananalita”
  • Huwag Pighatiin ang Espiritu
  • Patuloy na Manalangin sa Paghingi ng Banal na Espiritu
  • Banal na Espiritu
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • ‘Sa Pangalan ng Banal na Espiritu’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Lumakad Ayon sa Espiritu at Tuparin ang Iyong Pag-aalay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Ginagabayan ng Espiritu ng Diyos—Noong Unang Siglo at Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 9/15 p. 13-18

Ang Espiritu ni Jehova ang Pumapatnubay sa Kaniyang Bayan

“Ang iyong espiritu ay mabuti; harinawang ako’y patnubayan nito sa lupain ng katuwiran.”​—AWIT 143:10.

1, 2. Ano ang maaaring magdulot ng kahirapan sa tapat na mga lingkod ni Jehova?

‘AKO’Y totoong nanlulumo! Saan ako makasusumpong ng kaunting kaaliwan? Pinabayaan na ba ako ng Diyos?’ Ikaw ba ay nakadama na nang ganiyan? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Bagaman ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay tumatahan sa umuunlad na espirituwal na paraiso, kung minsan ay napapaharap sila sa mahihirap na suliranin, mga pagsubok, at mga tukso na karaniwan sa sangkatauhan.​—1 Corinto 10:13.

2 Marahil ikaw ay dumaranas ng matagal nang pagsubok o pinagmumulan ng malaking kaigtingan. Baka namimighati ka sa pagkamatay ng mahal sa buhay at nadarama mo na ikaw ay totoong namamanglaw sa iyong pag-iisa. O ang iyong puso ay nababagabag dahil sa karamdaman ng isang mahal na kaibigan. Ang gayong mga kalagayan ay maaaring nag-aalis ng iyong kagalakan at kapayapaan at maaari pa ring nagsasapanganib ng iyong pananampalataya. Ano ang dapat mong gawin?

Humingi sa Diyos ng Kaniyang Espiritu

3. Kung may mga bagay na nag-aalis ng iyong kapayapaan at kagalakan, ano ang matalinong gawin?

3 Kung may mga bagay na nag-aalis sa iyo ng kapayapaan, kagalakan, o iba pang maka-Diyos na katangian, mabuting manalangin para bigyan ka ng banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Bakit? Sapagkat ang espiritu ni Jehova ay nagsisibol ng mabubuting bunga na tumutulong sa isang Kristiyano na harapin ang mga suliranin, pagsubok, at tukso. Pagkatapos na magbabala laban sa “mga gawa ng laman,” si apostol Pablo ay sumulat: “Datapuwat, ang bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili. Laban sa ganiyang mga bagay ay walang kautusan.”​—Galacia 5:19-23.

4. Pagka napaharap sa isang pagsubok o tukso, bakit angkop para sa isa na maging espesipiko sa panalangin?

4 Dahilan sa uri ng pagsubok na nakaharap sa iyo, marahil ay matatalos mo na ikaw ay nanganganib na mawalan ng kahinahunan, o kaamuan. Kung gayon ay maging espesipiko sa pananalangin sa Diyos na Jehova sa paghingi ng bunga ng espiritu na kahinahunan. Kung ikaw ay nakaharap sa isang tukso, ikaw ay lalo nang nangangailangan ng bunga ng pagpipigil-sa-sarili. Mangyari pa, magiging angkop din na humingi ng tulong sa Diyos sa pananaig sa tukso, sa pagliligtas buhat kay Satanas, at para sa karunungan na kailangan upang makapagtiis sa pagsubok.​—Mateo 6:13; Santiago 1:5, 6.

5. Kung ang mga kalagayan ay totoong mahirap at hindi mo alam kung aling bunga ng espiritu ang kailangang hilingin sa panalangin, ano ang maaaring gawin?

5 Subalit, kung minsan, ang mga kalagayan ay totoong mahirap o nakalilito kung kaya hindi mo alam kung anong bunga ng espiritu ang iyong kailangan. Sa katunayan, ang kagalakan, kapayapaan, kahinahunan, at iba pang maka-Diyos na mga katangian ay pawang nanganganib. Ano ngayon? Bakit hindi hilingin sa Diyos ang banal na espiritu mismo at hayaang iyon ang magpangyaring ang kinakailangang mga bunga ay umunlad sa iyo? Baka ang kinakailangang mga bunga ay pag-ibig o kagalakan o kapayapaan o ang kombinasyon ng mga bunga ng espiritu. Manalangin din na tulungan ka ng Diyos na paakay sa kaniyang espiritu, sapagkat kaniyang ginagamit ito upang pumatnubay sa kaniyang bayan.

Handang Tumulong si Jehova

6. Papaano itinanim ni Jesus sa isip ng kaniyang mga tagasunod ang pangangailangan na manalangin nang walang patid?

6 Nang ang mga alagad ni Jesu-Kristo ay humiling na sila’y turuan tungkol sa panalangin, sa isang bahagi ay kaniyang pinayuhan sila na humingi ng espiritu ng Diyos. Si Jesus ay gumamit muna ng isang ilustrasyon upang pakilusin sila na manalangin nang walang patid. Sinabi niya: “Sino sa inyo ang magkakaroon ng isang kaibigan at paroroon sa kaniya sa hatinggabi at sa kaniya’y sasabihin, ‘Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay, sapagkat kararating lamang sa akin galing sa paglalakbay ang isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kaniya’? At siya na mula sa loob ay sasagot at sasabihin, ‘Huwag mo akong gambalain. Nakakandado na ang pinto at kasama ko nang nakahiga ang aking mga anak; hindi na ako makababangon pa upang bigyan ka ng anuman.’ Sinasabi ko sa iyo, Bagaman hindi na sana siya babangon at bibigyan siya ng anuman dahil sa pagiging kaibigan niya, gayunman dahil sa kaniyang lakas-loob na pagtitiyaga ay babangon ito at ibibigay sa kaniya ang mga bagay na kaniyang kinakailangan.”​—Lucas 11:5-8.

7. Ano ang diwa ng mga salita ni Jesus sa Lucas 11:11-13, at anong katiyakan ang ibinibigay nito sa atin tungkol sa Diyos at sa kaniyang espiritu?

7 Si Jehova ay handang tumulong sa bawat isa sa kaniyang tapat na mga lingkod, at kaniyang dinirinig ang kanilang kahilingan. Subalit kung ang gayong tao ay ‘patuloy na humihingi,’ gaya ng ipinayo ni Jesus, ito’y nagpapakita ng taos-pusong pagnanasa at isang pagpapakita ng pananampalataya. (Lucas 11:9, 10) Isinusog pa ni Kristo: “Tunay, aling ama sa inyo, na kung humingi ang kaniyang anak ng isang isda, baka ang ibigay sa kaniya ay isang ahas imbes na isang isda? O kung siya’y humingi rin ng isang itlog, kaniyang bibigyan siya ng isang alakdan? Kung kayo, bagaman masasama, ay marunong magbigay ng mabubuting regalo sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya!” (Lucas 11:11-13) Kung ang isang magulang dito sa lupa, na humigit-kumulang masama dahilan sa minanang pagkamakasalanan, ay nagbibigay ng mabubuting bagay sa kaniyang anak, tiyak na ang ating Ama sa langit ay patuloy na magbibigay ng kaniyang banal na espiritu sa sinuman sa kaniyang tapat na mga lingkod na mapakumbabang humihingi nito.

8. Papaano kumakapit kay David, kay Jesus, at sa modernong mga lingkod ng Diyos ang Awit 143:10?

8 Upang makinabang sa espiritu ng Diyos, tayo’y kailangang handang sumunod sa patnubay nito gaya ni David. Siya’y nanalangin: “Turuan mo akong gumawa ng iyong kalooban, sapagkat ikaw ay aking Diyos. Ang iyong espiritu ay mabuti; harinawang ako’y patnubayan nito sa lupain ng katuwiran.” (Awit 143:10) Si David, na tinugis ng haring Israelita na si Saul, ay nagnanais na ang espiritu ng Diyos ang pumatnubay sa kaniya upang matiyak niya na matuwid ang kaniyang ginawa. Sa takdang panahon si Abiathar ay dumating na may dalang epod ng saserdote na ginagamit upang tiyakin ang kalooban ng Diyos. Bilang saserdoteng kinatawan ng Diyos, si Abiathar ang nagturo kay David ng gagawin upang makalugod kay Jehova. (1 Samuel 22:17–​23:12; 30:6-8) Tulad ni David, si Jesus ay pinatnubayan ng espiritu ni Jehova, at ito rin naman ay totoo kung tungkol sa pinahirang mga tagasunod ni Kristo bilang isang uri. Noong 1918-19, sila’y itinuring ng lipunan na mga itinakwil, at inakala ng kanilang relihiyosong mga kaaway na sila’y malilipol ng mga ito. Ang mga pinahiran ay nanalangin upang makabalik sa kanilang aktibong kalagayan, at noong 1919, sinagot ng Diyos ang kanilang mga panalangin, pinalaya sila, at muling pinasigla sa paglilingkod sa kaniya. (Awit 143:7-9) Tiyak, noon ay tinutulungan at pinapatnubayan ng espiritu ni Jehova ang kaniyang bayan, gaya ng ginagawa hanggang sa mismong araw na ito.

Kung Papaano Tumutulong ang Espiritu

9. (a) Papaanong ang banal na espiritu ay nagsisilbing “tagatulong”? (b) Papaano natin nalalaman na ang banal na espiritu ay hindi isang persona? (Tingnan ang talababa.)

9 Isang “tagatulong” ang tawag ni Jesu-Kristo sa banal na espiritu. Halimbawa, sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod: “Ako’y hihingi sa Ama at kaniyang bibigyan kayo ng isa pang tagatulong upang sumainyo magpakailanman, ang espiritu ng katotohanan, na hindi matatanggap ng sanlibutan, sapagkat hindi nakikita iyon ni nakikilala man nito. Nakikilala ninyo iyon, sapagkat tumatahan iyon sa inyo at sumasainyo.” Bukod sa iba pang bagay, ang “tagatulong” na iyon ay magiging isang tagapagturo, sapagkat ipinangako ni Kristo: “Ang tagatulong, ang banal na espiritu, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, ang isang ito ang magtuturo ng lahat ng bagay at magpapaalaala sa inyo ng lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.” Ang espiritu ay magpapatotoo rin tungkol kay Kristo, at tiniyak sa kaniyang mga alagad: “Sa ikabubuti ninyo kung kaya ako aalis. Sapagkat kung hindi ako aalis, ang tagatulong ay sa anumang paraan hindi paparito sa inyo; ngunit kung ako’y yumaon, siya’y susuguin ko sa inyo.”​—Juan 14:16, 17, 26; 15:26; 16:7.a

10. Sa anong mga paraan napatunayang ang banal na espiritu ay isang tagatulong?

10 Mula sa langit, ibinuhos ni Jesus ang ipinangakong banal na espiritu sa kaniyang mga tagasunod nang araw ng Pentecostes noong 33 C.E. (Gawa 1:4, 5; 2:1-11) Bilang isang tagatulong, ang espiritu ay nagbigay sa kanila ng karagdagang unawa sa kalooban at layunin ng Diyos at ipinaunawa sa kanila ang kaniyang makahulang Salita. (1 Corinto 2:10-16; Colosas 1:9, 10; Hebreo 9:8-10) Ang katulong na iyan ay nagkaloob din ng kapangyarihan sa mga alagad ni Jesus upang maging mga saksi sa buong lupa. (Lucas 24:49; Gawa 1:8; Efeso 3:5, 6) Ngayon, ang banal na espiritu ay makatutulong sa isang nag-alay na Kristiyano upang lumaki sa kaalaman kung kaniyang gagamitin ang espirituwal na mga paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Ang espiritu ng Diyos ay makatutulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng tibay-loob at lakas na kailangan upang makapagbigay ng patotoo bilang isa sa mga lingkod ni Jehova. (Mateo 10:19, 20; Gawa 4:29-31) Gayunman, ang banal na espiritu ay tumutulong din sa bayan ng Diyos sa mga ibang paraan.

“Taglay ang mga Hibik na Hindi Maisaysay ng mga Pananalita”

11. Kung ang isang pagsubok ay waring hindi makaya, ano ang dapat gawin ng isang Kristiyano?

11 Kung ang isang Kristiyano ay dumaranas ng pagsubok na waring hindi niya makaya, ano ang dapat niyang gawin? Aba, manalangin para humingi ng banal na espiritu, at hayaang iyon ay kumilos! “Ang espiritu rin ay nakikisali at tumutulong sa ating kahinaan,” ang sabi ni Pablo, “sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat ayon sa dapat nating hilingin, ngunit ang espiritu rin ang namamagitan para sa atin taglay ang mga hibik na hindi maisaysay ng pananalita. Subalit siyang nagsisiyasat ng mga puso ay nakaaalam kung ano ang kaisipan ng espiritu, sapagkat iyon ay namamagitan para sa mga banal alinsunod sa kalooban ng Diyos.”​—Roma 8:26, 27.

12, 13. (a) Papaano kumakapit ang Roma 8:26, 27 sa mga panalangin lalo na kung nasa gitna ng mga kalagayang nagsisilbing pagsubok? (b) Ano ang ginawa ni Pablo at ng kaniyang mga kasama nang sila’y dumaranas ng labis na kagipitan sa distrito ng Asia?

12 Yaong mga banal na alang-alang sa kanila namamagitan ang espiritu ng Diyos ay ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus na may makalangit na pag-asa. Subalit kayo man ay tinawag para sa langit o may makalupang pag-asa, bilang isang Kristiyano ay matutulungan kayo ng banal na espiritu ng Diyos. Kung minsan si Jehova ay nagbibigay ng isang tuwirang sagot sa isang espesipikong panalangin. Subalit, kung minsan ikaw ay baka totoong nahihirapan kung kaya hindi mo masabi ang iyong nadarama at maaaring wala kang nagagawa kundi manalangin kay Jehova taglay ang di-maisaysay na mga hibik. Sa katunayan, baka hindi mo alam kung ano ang pinakamagaling para sa iyo at baka humingi ka pa ng maling bagay maliban sa humiling ka ng banal na espiritu. Alam ni Jehova na ibig mong ang kaniyang kalooban ang mangyari, at alam niya kung ano talaga ang kailangan mo. Isa pa, sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, kaniyang pinapangyaring maraming panalangin ang mapasulat sa kaniyang Salita, at ang mga ito’y tungkol sa mahihirap na pagsubok. (2 Timoteo 3:16, 17; 2 Pedro 1:21) Sa gayon, matitingnan ni Jehova ang ilang damdamin na ipinahahayag sa gayong kinasihang mga panalangin bilang mga kapahayagan na nais mong sabihin bilang isa sa kaniyang mga lingkod, at kaniyang sasagutin iyon alang-alang sa iyo.

13 Marahil ay hindi alam ni Pablo at ng kaniyang mga kasama kung ano ang hihingin sa panalangin nang dumaranas ng kapighatian sa distrito ng Asia. Palibhasa’y ‘nasa ilalim ng labis na kagipitan na higit sa kanilang makakayanan, sa kanilang kalooban ay nadama nila na kanilang tinanggap na ang sintensiyang kamatayan.’ Subalit kanilang hiniling na ipanalangin sila ng iba at sila’y nagtiwala sa Diyos, na makabubuhay sa mga patay, at sila nga’y kaniyang iniligtas. (2 Corinto 1:8-11) Anong laking kaaliwan na ang Diyos na Jehova ay nakikinig at kumikilos tungkol sa mga panalangin ng kaniyang tapat na mga lingkod!

14. Anong kabutihan ang maibubunga kung papayagan ni Jehova na ipagpatuloy nang kaunting panahon ang isang pagsubok?

14 Ang bayan ng Diyos ay kalimitang dumaranas ng mga pagsubok bilang isang organisasyon. Gaya ng binanggit na, sila’y pinag-usig noong Digmaang Pandaigdig I. Bagaman noon ay wala pa silang malinaw na pagkaunawa sa kanilang katayuan at samakatuwid ay hindi nila alam ang eksaktong hihingin nila sa panalangin, ang Salita ni Jehova ay may makahulang mga panalangin na kaniyang sinagot alang-alang sa kanila. (Awit 69, 102, 126; Isaias, kabanata 12) Subalit ano kung pinapayagan ni Jehova na ang isang pagsubok ay magpatuloy nang kaunting panahon? Ito’y baka magsilbing isang patotoo, baka magpakilos sa ilan na tanggapin ang katotohanan, at magbigay sa mga Kristiyano ng pagkakataon na magpakita ng pag-ibig pangkapatiran sa pamamagitan ng pananalangin o kung hindi ay pagtulong sa naghihirap na mga kapananampalataya. (Juan 13:34, 35; 2 Corinto 1:11) Tandaan na pinapatnubayan ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng banal na espiritu, kaniyang ginagawa ang pinakamagaling para sa kanila, at laging pinapangyayari ang mga bagay sa paraan na magpaparangal at magpapabanal sa kaniyang sagradong pangalan.​—Exodo 9:16; Mateo 6:9.

Huwag Pighatiin ang Espiritu

15. Ang mga Kristiyano ay makaaasa sa espiritu ni Jehova na gawin ang ano alang-alang sa kanila?

15 Samakatuwid, kung ikaw ay isang lingkod ni Jehova, manalangin ka upang humingi ng banal na espiritu kung mga panahon ng pagsubok at sa mga iba pang kapanahunan. Pagkatapos ay tiyakin mo na sundin ang pag-akay nito, sapagkat sumulat si Pablo: “Huwag ninyong pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos, na sa pamamagitan nito ay tinatakan kayo hanggang sa araw ng kaligtasan sa pamamagitan ng pantubos.” (Efeso 4:30) Ang espiritu ng Diyos noon at ngayon ay isang tatak, o ‘tanda ng bagay na darating,’ para sa tapat na pinahirang mga Kristiyano​—samakatuwid baga, walang kamatayang buhay sa langit. (2 Corinto 1:22; Roma 8:15; 1 Corinto 15:50-57; Apocalipsis 2:10) Kapuwa ang mga pinahirang Kristiyano at yaong may makalupang pag-asa ay makaaasa sa espiritu ni Jehova na gagawa ng maraming bagay alang-alang sa kanila. Ito’y makaaakay sa kanila sa isang buhay na lipos ng katapatan at tutulungan sila na umiwas sa mga gawang makasalanan na humahantong sa di-pagsang-ayon ng Diyos, sa pagkawala ng kaniyang banal na espiritu, at pagkabigong matamo ang buhay na walang-hanggan.​—Galacia 5:19-21.

16, 17. Papaano mapipighati ng isang Kristiyano ang espiritu?

16 Papaano ang isang Kristiyano, sa nalalaman man niya o hindi, ay makapipighati sa espiritu? Buweno, ginagamit ni Jehova ang kaniyang espiritu upang magkaroon ng pagkakaisa at upang humirang ng responsableng mga lalaki sa kongregasyon. Samakatuwid, kung ang isang miyembro ng kongregasyon ay magrereklamo laban sa pinahirang matatanda, magkakalat ng nakasisirang tsismis, at iba pa, hindi niya sinusunod ang patnubay ng espiritu ng Diyos para sa pag-iral ng kapayapaan at pagkakaisa. Sa karaniwang paraan, kaniyang pipighatiin ang espiritu.​—1 Corinto 1:10; 3:1-4, 16, 17; 1 Tesalonica 5:12, 13; Judas 16.

17 Sa pagsulat sa mga Kristiyano sa Efeso, si Pablo ay nagbabala laban sa pagkahilig sa kasinungalingan, matagalang pagkakapootan, pagnanakaw, malalaswang pangungusap, mahalay na interes sa pakikiapid, nakahihiyang asal, at malaswang pagbibiro. Kung papayagan ng isang Kristiyano na siya’y mapahilig sa ganiyang mga bagay, kaniyang sasalungatin ang kinasihan ng espiritung payo ng Bibliya. (Efeso 4:17-29; 5:1-5) Oo, at sa isang antas ay kaniyang pipighatiin sa gayon ang espiritu ng Diyos.

18. Ano ang maaaring mangyari sa kaninumang Kristiyano na nagsisimula ng di-pagpansin sa payo ng kinasihan ng espiritu ng Salita ng Diyos?

18 Sa katunayan, sinumang Kristiyano na nagsisimula ng di-pagpansin sa payo ng kinasihan ng espiritung Salita ni Jehova ay baka magsimulang tubuan ng mga saloobin o mga ugali na ang resulta’y sinasadyang pagkakasala at ang pagkawala ng pabor ng Diyos. Bagaman hindi siya namimihasa sa pagkakasala sa kasalukuyan, baka doon siya patungo. Ang gayong Kristiyano na pasalunga sa patnubay ng espiritu ay gumagawa ng ikapipighati niyaon. Sa ganoon ay kaniya ring sasalansangin at pipighatiin si Jehova, ang Pinagmumulan ng banal na espiritu. Iyan ay hindi nanaising gawin ng isang umiibig sa Diyos!

Patuloy na Manalangin sa Paghingi ng Banal na Espiritu

19. Bakit ang bayan ni Jehova ay lalo na ngayong nangangailangan ng kaniyang espiritu?

19 Kung ikaw ay isang lingkod ni Jehova, patuloy na manalangin sa paghingi ng kaniyang banal na espiritu. Lalo na sa mga “huling araw” na ito, ng mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan, ang mga Kristiyano ay nangangailangan ng tulong ng espiritu ng Diyos. (2 Timoteo 3:1-5) Ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo, na pinalayas na sa langit at naririto na ngayon sa kapaligiran ng lupa, ay walang patumanggang dumadaluhong sa organisasyon ni Jehova. Kaya, ngayon higit kailanman, kinakailangan ng bayan ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu upang pumatnubay, o umakay, sa kanila at matiis nila ang mga kahirapan at pag-uusig.​—Apocalipsis 12:7-12.

20, 21. Bakit dapat sundin ang patnubay ng Salita, espiritu, at organisasyon ni Jehova?

20 Laging magpahalaga sa tulong na ibinibigay ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Sundin ang patnubay ng kaniyang kinasihan ng espiritung Salita, ang Bibliya. Lubusang makipagtulungan sa pinapatnubayan ng espiritu ng Diyos na makalupang organisasyon. Huwag payagang mapalihis ka sa landas na di maka-Kasulatan na para na ring pagpighati sa banal na espiritu, sapagkat ito balang araw ay maaaring humantong sa pagkawala nito at sa gayo’y sa espirituwal na kapahamakan​—Awit 51:11.

21 Ang tanging paraan upang mapalugdan si Jehova ay ang paakay sa espiritu niya at magkaroon ng isang mapayapa, maligayang buhay. Alalahanin din, na ang banal na espiritu ay tinawag ni Jesus na “tagatulong,” o “mang-aaliw.” (Juan 14:16, talababa) Sa pamamagitan nito, inaaliw ng Diyos ang mga Kristiyano at pinatitibay sila upang humarap sa mga pagsubok sa kanila. (2 Corinto 1:3, 4) Ang espiritu ay nagbibigay ng lakas sa bayan ni Jehova na ipangaral ang mabuting balita at tinutulungan sila na maalaala ang mga punto sa Kasulatan na kailangan upang makapagbigay ng isang mainam na patotoo. (Lucas 12:11, 12; Juan 14:25, 26; Gawa 1:4-8; 5:32) Sa tulong ng panalangin at patnubay ng espiritu, mapagtatagumpayan ng mga Kristiyano ang mga pagsubok sa pananampalataya taglay ang makalangit na karunungan. Sa lahat ng kalagayan sa buhay, kung gayon, sila’y patuloy na humihingi ng banal na espiritu ng Diyos sa panalangin. Kaya naman, ang kaniyang bayan ay pinapatnubayan ng espiritu ni Jehova.

[Talababa]

a Bagaman tinutukoy na nasa anyong persona bilang isang “tagatulong,” ang banal na espiritu ay hindi isang persona, sapagkat isang Griegong pambalaking panghalip (isinaling “iyon”) ang ginagamit para sa espiritu. Ang Hebreong panghalip na pambabae ay ginagamit din sa karunungan na nasa anyong persona. (Kawikaan 1:20-33; 8:1-36) Isa pa, ang banal na espiritu ay “ibinuhos,” na hindi magagawa sa isang persona.​—Gawa 2:33.

Ano ba ang Inyong Sagot?

◻ Bakit mananalangin para humingi ng banal ng espiritu ni Jehova?

◻ Papaano ang banal na espiritu ay isang tagatulong?

◻ Ano ang ibig sabihin ng pighatiin ang espiritu, at papaano natin maiiwasan ang gayon?

◻ Bakit patuloy na mananalangin para sa paghingi ng banal na espiritu at pagsunod sa patnubay nito?

[Larawan sa pahina 15]

Kung papaano ang isang maibiging ama ay nagbibigay ng mabubuting bagay sa kaniyang anak, gayon nagbibigay si Jehova ng banal na espiritu sa kaniyang mga lingkod na humihingi nito sa panalangin

[Larawan sa pahina 17]

Alam mo ba kung papaano namamagitan ang espiritu ng Diyos para sa nananalanging mga Kristiyano?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share