Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Didibdibin ang Katotohanan?
“Ako’y pinalaking isa sa mga Saksi ni Jehova, at sa tuwina’y inaakala ko na kung ganiyan ang pagpapalaki sa iyo, natural lamang na kilala mo si Jehova. Maling-mali pala ako!”—Antoinette.
“ANO ang katotohanan?” Iyan ang popular na tanong na ibinangon ni Poncio Pilato, ang lalaking nagpapatay kay Jesus. (Juan 18:38) Gayunman, maliwanag na ang intensiyon ni Pilato sa kaniyang mapangutyang tanong ay upang sarhan—hindi buksan—ang tapatang pag-uusap. Hindi naman siya talaga interesado sa “katotohanan.” Ngunit kumusta ka naman? Interesado ka ba sa katotohanan?
Ilang siglo nang pinag-iisipan ng mga pilosopo kung ano ang katotohanan, ngunit nakahihiyang sabihin na walang gaanong naging resulta ang kanilang mga pagsisikap. Gayunman, maaari mong masumpungan ang sagot sa tanong ni Pilato. Itinuro ni Jesu-Kristo na ang Salita ng Diyos ay katotohanan. Tinukoy rin niya ang kaniyang sarili bilang “ang katotohanan.” At sumulat si apostol Juan: “Ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesus.” (Juan 1:17; 14:6; 17:17) Samakatuwid, ang kabuuan ng mga turong Kristiyano, na nang maglaon ay naging bahagi ng Bibliya, ay tinatawag ding “ang katotohanan” o “ang katotohanan ng mabuting balita.” (Tito 1:14; Galacia 2:14; 2 Juan 1, 2) Ang Kristiyanong mga turong ito ay binubuo ng mga bagay na gaya ng personal na pangalan ng Diyos, ang pagtatatag ng Kaharian ng Diyos, ang pagkabuhay-muli, at ang pantubos ni Jesus.—Awit 83:18; Mateo 6:9, 10; 20:28; Juan 5:28, 29.
Libu-libong kabataan ang naturuan ng mga magulang na Kristiyano ng tungkol sa katotohanan sa Bibliya. Subalit nangangahulugan ba ito na ang mga kabataang iyon ay “lumalakad sa katotohanan”? (3 Juan 3, 4) Hindi naman. Halimbawa, ang 20-taóng-gulang na si Jennifer ay pinalaking isa sa mga Saksi ni Jehova. Nagunita niya: “Isinasama ako noon ng aking ina sa mga kombensiyon ng mga Saksi at ipinahihiwatig niya na kailangan ko nang pag-isipan ang tungkol sa bautismo. Pero sabi ko sa loob ko, ‘Ayokong-ayokong maging isang Saksi. Gusto ko lang ay magpakaligaya!’”
Pinaniniwalaan ng ilang kabataan ang itinuturo sa kanila, subalit hindi sila nagkaroon ng malalim na kaunawaan sa tunay na itinuturo ng Bibliya. Ang panganib? Nagbabala si Jesus na ang ilang indibiduwal ay ‘walang ugat sa kanilang mga sarili.’ Ang mga iyon ay maaaring ‘nagpapatuloy sa sandaling panahon; pagkatapos sa sandaling bumangon ang kapighatian o ang pag-uusig dahil sa salita, sila ay natitisod.’ (Marcos 4:17) Maaaring sa paanuman ay naipaliliwanag ng iba ang kanilang salig-sa-Bibliyang paniniwala, ngunit hindi pa nila personal na nakikilala ang Diyos. Ganito ang sabi ng isang kabataang babae na ang pangalan ay Aneesa: “Sa palagay ko’y hindi ako nagkaroon ng tunay na pakikipag-ugnayan kay Jehova noong ako’y bata pa . . . Sa tingin ko’y nakasalig lamang ito sa relasyon ng aking mga magulang sa kaniya.”
Ano ang kalagayan mo may kinalaman dito? Si Jehova ba ay Diyos lamang ng iyong mga magulang? O, gaya ng salmista sa Bibliya, masasabi mo bang: “Sa iyo ako nagtitiwala, O Jehova. Ako ay nagsabi: ‘Ikaw ang aking Diyos’”? (Awit 31:14) Maaaring mangailangan ng lakas ng loob upang harapin ang katotohanan. Sabi ng isang binatang nagngangalang Alexander: “Para sa akin, ang unang hakbang ay ang tapat na pagsusuri sa sarili.” Matapos ang masusing pag-iisip, baka mapagtanto mong hindi mo pa talaga napatutunayan ang katotohanan (ang kabuuan ng mga turong Kristiyano) sa iyong sarili. Baka kulang ka sa matatag na paninindigan, kung kaya ang iyong buhay ay waring walang layunin at walang tiyak na patutunguhan.
Sa kanilang mga pulong Kristiyano, madalas na inaawit ng mga Saksi ni Jehova ang awit na pinamagatang “Dibdibin Ninyo ang Katotohanan.”a Baka angkop sa iyo ang payong iyan. Ngunit paano mo ito magagawa? Saan ka magsisimula?
Patunayan Mo Ito sa Iyong Sarili
Sa Roma 12:2, masusumpungan natin ang payo ni apostol Pablo: “[Patunayan] ninyo sa inyong mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” Paano mo nga magagawa ito? Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng “tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (Tito 1:1) Hindi tinanggap ng mga naninirahan noon sa lunsod ng Berea ang mga bagay na kanilang narinig nang walang tanung-tanong. Sa halip, kanilang “maingat na [sinuri] ang Kasulatan sa araw-araw kung gayon nga ang mga bagay na ito” na kanilang natututuhan.—Gawa 17:11.
Nakita ng isang kabataang Kristiyano na nagngangalang Erin na kailangang gawin din niya mismo ang gayon. Nagunita niya: “Nagsaliksik ako. Tinanong ko ang aking sarili, ‘Paano ko malalaman na ito na nga ang tunay na relihiyon? Paano ko malalaman na may isang Diyos na ang pangalan ay Jehova?’” Bakit hindi ka magsimula ng iyong sariling personal na programa sa pag-aaral? Maaari kang magsimula sa salig-sa-Bibliyang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan.b Basahin mo itong mabuti. Tingnan mo sa Kasulatan ang lahat ng nakatalang teksto at pansinin kung paano ito nauugnay sa sinasabi. Magugulat ka sa pagbabagong madarama mo hinggil sa katotohanan kapag ikaw ay naging “isang manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan”!—2 Timoteo 2:15.
Sinabi ni apostol Pedro na may ilang bagay sa Bibliya na “mahirap unawain,” at makikita mong totoo nga ito. (2 Pedro 3:16) Subalit matutulungan ka ng espiritu ng Diyos na maunawaan maging ang mahihirap na paksa. (1 Corinto 2:11, 12) Humingi ng tulong sa Diyos sa panalangin kapag nahihirapan kang maunawaan ang isang bagay. (Awit 119:10, 11, 27) Subukang gumawa ng higit pang pagsasaliksik sa mga publikasyon ng Samahang Watch Tower. Kung hindi mo tiyak kung paano gagawin ito, humingi ka ng tulong. Maaaring matulungan ka ng iyong mga magulang o ng iba pang maygulang na mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano.
Tandaan mo, hindi ka nag-aaral para pahangain ang iba sa iyong kaalaman. Isang kabataang nagngangalang Collin ang nagpaliwanag: “Inaalam mo ang mga katangian ni Jehova.” Maglaan ng panahon na bulay-bulayin ang iyong binabasa upang ito’y mapatanim sa iyong puso.—Awit 1:2, 3.
Makatutulong din ang pakikisama sa kongregasyon sa mga pulong Kristiyano. Lalo na, gaya ng isinulat ni apostol Pablo, ang kongregasyon ay “isang haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Timoteo 3:15) Nagrereklamo ang ilang kabataan na ang mga pulong Kristiyano ay nakaiinip. “Pero kung hindi mo paghahandaan ang mga pulong,” paalaala ng kabataang si Collin, “hindi ka gaanong makikinabang mula rito.” Kaya patiuna mong paghandaan ang mga aralin. Mas nakawiwili ang mga pulong kapag ikaw ay nakikibahagi—hindi lamang basta nanonood.
Masyadong Abala Para Makapag-aral?
Totoo, dahil sa lahat ng iyong mga gawain sa paaralan at sa bahay, maaaring maging isang hamon ang paglalaan ng oras para mag-aral. Ganito ang isinulat ng isang kabataang nagngangalang Susan: “Ilang taon na akong nagsisikap dahil alam kong kailangan kong paghandaan ang mga pulong at magkaroon ng personal na pag-aaral, pero hindi ko kailanman nagawa iyon.”
Natutuhan ni Susan na ‘bilhin ang panahon’ mula sa di-gaanong mahalagang gawain. (Efeso 5:15, 16) Una, gumawa siya ng isang talaan ng lahat ng kailangan niyang pag-aralan. Pagkatapos, iniskedyul niya kung kailan niya pag-aaralan ang mga ito. Ngunit isinama rin niya sa kaniyang iskedyul ang ilang panahon para sa paglilibang. Ipinayo niya: “Huwag takdaan ng gawain ang lahat ng libreng panahon. Lahat tayo’y nangangailangan ng pahinga.” Malamang na maging mabisa rin sa iyo ang pagkakaroon ng iskedyul.
Ibahagi ang Iyong Natututuhan
Ang paggamit ng iyong natututuhan ay lalo nang makatutulong upang maging bahagi na ito ng iyong pagkatao. Sikaping maturuan ang iba. Sabi ng salmista: “Ang aking sariling bibig ay magsasalita ng mga bagay ng karunungan, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay magiging mga bagay ng pag-unawa.”—Awit 49:3.
Kung hindi mo ikinahihiya ang mabuting balita, hindi ka mag-aatubiling ibahagi ito sa mga kaeskuwela at sa iba na maaari mong makaharap. (Roma 1:16) Sa pagsasamantala sa gayong mga pagkakataon na sabihin ang katotohanan sa iba, magagamit mo ang iyong natututuhan; at sa ganitong paraan ay maikikintal mo ang katotohanan sa iyong sariling isip at puso.
Ingatan ang Iyong Pakikipagsamahan
Ang ilang Kristiyano noong unang siglo ay nakagawa ng mabuting pagsulong sa espirituwal. Subalit di-nagtagal ay kinailangang sumulat si apostol Pablo sa kanila, na nagtatanong: “Sino ang humadlang sa inyo sa patuloy na pagsunod sa katotohanan?” (Galacia 5:7) Katulad ito ng nangyari sa isang kabataan na nagngangalang Alex. Ipinagtapat niya na ang kaniyang pagsisikap na mag-aral ng Salita ng Diyos ay pinarupok ng kaniyang “pakikipagbarkada sa masasamang kasama.” Upang sumulong sa espirituwal, baka kailangan mo ring gumawa ng mga pagbabago hinggil sa bagay na ito.
Sa kabaligtaran naman, ang mabubuting kasama ay tunay na makatutulong sa iyo na sumulong. Sabi ng Kawikaan 27:17: “Sa pamamagitan ng bakal, ang bakal mismo ay pinatatalas. Gayon pinatatalas ng tao ang mukha ng iba.” Humanap ng mabubuting huwaran—mga taong nagkakapit ng katotohanan sa kanilang sariling buhay. Baka hindi mo na kailangang maghanap pa sa labas ng iyong sambahayan. Nagunita ng kabataang si Jennifer: “Si Lolo ang aking pinakamagaling na huwaran. Palagi siyang gumugugol ng tatlong oras sa paghahanda para sa pag-aaral ng kongregasyon sa Bibliya tuwing Linggo. Tinitingnan niya sa iba’t ibang salin ng Bibliya ang bawat kasulatang nasa aralin at hinahanap ang mga salita sa kaniyang diksyunaryo. Eksperto siya sa mga di-gaanong alam na mga pangyayari sa Bibliya. Kahit ano ang itanong mo sa kaniya, nasasagot niya.”
Kapag dinibdib mo ang katotohanan, nagtatamo ka ng mahalagang pag-aari—isang bagay na hindi mo ipagpapalit kahit magkano. Kaya nga huwag mong ituring kailanman na ang katotohanan ay “relihiyon [lamang] ng aking mga magulang.” Ang iyong paninindigan ay dapat na maging katulad ng salmista na nagsabi: “Sakaling iwan ako ng aking sariling ama at sariling ina, tatanggapin ako ni Jehova.” (Awit 27:10) Kung talagang aalamin mo ang itinuturo ng Bibliya, paniniwalaan mo ito, ibabahagi mo sa iba ang iyong paniniwala at, higit sa lahat, mamumuhay kang kasuwato ng mga paniniwalang ito, maipamamalas mo na dinidibdib mo nga ang katotohanan.
[Mga talababa]
a Mula sa aklat-awitan na Umawit ng mga Papuri kay Jehova, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 13]
Patunayan mo ang katotohanan sa iyong sarili sa pamamagitan ng sariling pagsasaliksik at personal na pag-aaral