Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 6/1 p. 28-31
  • “Si Jesu-Kristo ay Panginoon”—Papaano at Kailan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Si Jesu-Kristo ay Panginoon”—Papaano at Kailan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Si Jesu-Kristo Bilang “Panginoon”
  • Ang Kaibahan ni Jesu-Kristo Bilang Panginoon
  • Si Jehova ang Kataas-taasan sa Lahat
  • Panginoon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Araw ng Panginoon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Mga Study Note sa Roma—Kabanata 10
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Ang Pangalan ng Diyos at ang “Bagong Tipan”
    Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 6/1 p. 28-31

“Si Jesu-Kristo ay Panginoon”​—Papaano at Kailan?

“SINABI ng PANGINOON sa aking Panginoon, Umupo ka sa aking kanan, hanggang sa aking gawing tuntungan mo ang iyong mga kaaway.” Ito ang salin ng Awit 110:1 ayon sa King James Version. Sino ba ang “PANGINOON” dito, at sino ang kinakausap niya?

Ang isang lalong tumpak na salin ng tekstong Hebreo ang agad sumasagot sa unang tanong. “Ang sabi ni Jehova sa aking Panginoon ay: . . . ” Sa gayon, ang “PANGINOON” na nasa malalaking titik ay tumutukoy sa makapangyarihan-sa-lahat na Diyos, si Jehova mismo. Bagaman kinikilala ng King James Version ang banal na pangalan sa pamamagitan ng paggamit ng “PANGINOON” bilang naiiba sa “Panginoon,” hindi ito ang unang may pagkakalituhan ng mga titulo, sapagkat ang sinaunang Griegong Septuagint, na isinalin buhat sa Hebreo, ay gumamit ng “Panginoon” para kay Jehova sa mas huling mga kopya nito. Bakit? Sapagkat ang titulong “Panginoon” ang inihalili sa banal na pangalan, ang Tetragrammaton (יהוה). Ganito ang sabi ng iskolar na si A. E. Garvie: “Ang paggamit sa titulong Panginoon [kyʹri·os] ay napakadali at marahil maipaliliwanag mula sa paggamit sa titulong iyan sa sinagogang Judio sa halip ng tipang pangalang Yahveh [Jehova], kapag binabasa noon ang Kasulatan.”

Ipinakikilala sa Bibliya si Jehova bilang ang “Soberanong Panginoon.” (Genesis 15:2, 8; Gawa 4:24; Apocalipsis 6:10) Siya ay tinatawag ding “ang tunay na Panginoon” at “ang Panginoon ng buong lupa.” (Exodo 23:17; Josue 3:13; Apocalipsis 11:4) Sino, kung gayon, ang isa pang “Panginoon” sa Awit 110:1, at papaanong siya’y kinilala ni Jehova bilang “Panginoon”?

Si Jesu-Kristo Bilang “Panginoon”

Si Jesus ay tinutukoy bilang “Panginoon” sa apat na Ebanghelyo, ang pinakamalimit ay sa Lucas at Juan. Noong unang siglo C.E., ang titulo ay iginagalang at pinakukundanganan, katumbas ng “Ginoo.” (Juan 12:21; 20:15, Kingdom Interlinear) Sa Ebanghelyo ni Marcos ang terminong “Guro,” o Rab·boʹni, ay mas malimit na ginagamit sa pagtukoy kay Jesus. (Ihambing ang Marcos 10:51 sa Lucas 18:41.) Maging ang tanong ni Saulo nang nasa daan patungo sa Damasco, “Sino ka, Panginoon?” ay may gayunding pangkalahatang diwa ng magalang na pagtatanong. (Gawa 9:5) Subalit habang patuloy na nakikilala ng mga tagasunod ni Jesus ang kanilang Panginoon, maliwanag na ang kanilang paggamit sa titulong “Panginoon” ay nagpapahayag ng higit pa kaysa paggalang lamang.

Matapos mamatay at buhaying-muli ngunit bago umakyat sa langit, nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad at nagpahayag ng ganitong nakabibiglang patalastas: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18) Pagkatapos, noong araw ng Pentecostes, samantalang nasa kapangyarihan ng ibinuhos na banal na espiritu, tinukoy ni Pedro ang Awit 110:1 at nagsabi: “Samakatuwid ay alamin ngang may katiyakan ng buong bahay ng Israel na siya ay ginawa ng Diyos na kapuwa Panginoon at Kristo, ang Jesus na ito na inyong ipinako.” (Gawa 2:34-36) Dahilan sa kaniyang katapatan hanggang sa sukdulan ng napakaabang kamatayan sa isang pahirapang tulos, si Jesus ay binuhay-muli at binigyan ng pinakamataas na gantimpala. Pagkatapos ay tinaglay niya ang kaniyang pagkapanginoon sa langit.

Pinatunayan ni apostol Pablo ang mga salita ni Pedro nang siya’y sumulat na ‘siya [si Kristo] ay pinaupo [ng Diyos] sa kaniyang kanang kamay sa makalangit na mga dako, na lubhang mataas pa sa bawat pamahalaan at awtoridad at kapangyarihan at pagkapanginoon at bawat pangalang ipinangalan, hindi lamang sa sistemang ito ng mga bagay, kundi doon din sa darating.’ (Efeso 1:20, 21) Ang pagkapanginoon ni Jesu-Kristo ay nakahihigit kaysa lahat ng iba pang pagkapanginoon, at iyon ay magpapatuloy hanggang sa bagong sanlibutan. (1 Timoteo 6:15) Siya’y dinakila sa “isang nakatataas na posisyon” at ibinigay sa kaniya “ang pangalan na higit kaysa sa lahat ng iba pang pangalan” upang bawat isa ay kumilala “na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.” (Filipos 2:9-11) Sa gayon ang unang bahagi ng Awit 110:1 ay natupad, at ang “mga anghel at mga awtoridad at mga kapangyarihan” ay napasakop sa pagkapanginoon ni Jesus.​—1 Pedro 3:22; Hebreo 8:1.

Sa Kasulatang Hebreo, ang pananalitang “Panginoon ng mga panginoon” ay kumakapit lamang kay Jehova. (Deuteronomio 10:17; Awit 136:2, 3) Subalit samantalang kinakasihan ay sinabi ni Pedro tungkol kay Kristo Jesus: “Ang Isang ito ay Panginoon ng lahat ng iba pa [o, “Panginoon nating lahat,” Goodspeed].” (Gawa 10:36) Tunay na siya ang “Panginoon kapuwa sa mga patay at sa mga buháy.” (Roma 14:8, 9) Agad kinikilala ng mga Kristiyano si Jesu-Kristo bilang kanilang Panginoon at May-ari at sila’y nalulugod na sumunod sa kaniya bilang kaniyang mga sakop, na binili ng kaniyang napakahalagang dugo. At si Jesu-Kristo ay nagpupuno na bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon sa kaniyang kongregasyon sapol noong Pentecostes 33 C.E. Subalit ngayon, mula noong 1914, siya’y binigyan ng makaharing awtoridad upang mamahala sa ganiyang katungkulan na ang kaniyang mga kaaway ay inilagay bilang isang ‘tuntungan sa kaniyang mga paa.’ Panahon na ngayon upang siya’y ‘humayo ng panunupil sa gitna nila,’ pawang sa katuparan ng Awit 110:1, 2.​—Hebreo 2:5-8; Apocalipsis 17:14; 19:16.

Kung gayon, papaano uunawain ang mga salita ni Jesus bago ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli na, “ang lahat ng mga bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama”? (Mateo 11:25-27; Lucas 10:21, 22) Ito ay hindi gayong malawakang pangungusap na katulad niyaong tinalakay na. Kapuwa sa Mateo at Lucas, ang konteksto ay nagsisiwalat na ang sinabi ni Jesus ay tungkol sa kaalaman na ikinubli buhat sa mga makasanlibutang marurunong ngunit isiniwalat sa pamamagitan niya, dahilan sa siya’y “lubos na nakakakilala” sa Ama. Nang siya’y bautismuhan sa tubig at maging isang espirituwal na Anak ng Diyos, naalaala ni Jesus ang kaniyang pag-iral sa langit bago pa naging tao at lahat ng kaalaman na taglay niyaon, subalit naiiba ito buhat sa kaniyang pagkapanginoon nang bandang huli.​—Juan 3:34, 35.

Ang Kaibahan ni Jesu-Kristo Bilang Panginoon

Ang ilang pagkasalin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay naghaharap ng isang suliranin kapag nagsasalin ng mga sinipi buhat sa Kasulatang Hebreo na malinaw na tumutukoy sa “PANGINOON,” ang Diyos na Jehova. Halimbawa, paghambingin ang Lucas 4:19 at Isaias 61:2 sa alinman sa King James Version o sa The New Jerusalem Bible. Naniniwala ang ilang tao na kinuha ni Jesus ang titulong “Panginoon” buhat kay Jehova at si Jesus nang nasa laman ay talagang si Jehova, subalit ito ay isang paninindigan na walang suporta buhat sa Kasulatan. Sa Kasulatan ay laging maingat na ipinakikita ang pagkakaiba sa isa’t isa ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng kaniyang Ama at kumatawan sa Kaniya.​—Juan 5:36, 37.

Sa sumusunod na mga halimbawa, pansinin ang mga sinipi buhat sa Kasulatang Hebreo ayon sa makikita sa Kasulatang Griego. Ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Pinahirang Isa, o Mesiyas, ay kapuwa binabanggit sa Gawa 4:24-27, na sumisipi buhat sa Awit 2:1, 2. Ang konteksto ng Roma 11:33, 34 ay malinaw na tumutukoy sa Diyos, ang Bukal ng lahat ng karunungan at kaalaman, taglay ang isang pagsipi mula sa Isaias 40:13, 14. Sa sulat sa kongregasyon sa Corinto, inuulit ni Pablo ang pagsipi, “Sino ang nakaalam sa pag-iisip ni Jehova?” at pagkatapos ay idinaragdag: “Ngunit taglay nga natin ang pag-iisip ni Kristo.” Isiniwalat ng Panginoong Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang pag-iisip ni Jehova sa napakaraming mahalagang mga bagay.​—1 Corinto 2:16.

Kung minsan ang isang teksto sa Kasulatang Hebreo ay tumutukoy kay Jehova, subalit dahilan sa Kaniyang pagkakatiwala ng kapangyarihan at awtoridad, iyon ay natutupad kay Jesu-Kristo. Halimbawa, inaanyayahan tayo ng Awit 34:8 na “tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti.” Subalit ikinakapit ito ni Pedro sa Panginoong Jesu-Kristo nang kaniyang sabihin: “Kung natikman na ninyo na ang Panginoon ay mabait.” (1 Pedro 2:3) Si Pedro ay kumukuha ng isang simulain at ipinakikita kung papaanong totoo rin iyon tungkol kay Jesu-Kristo. Sa pamamagitan ng pagkuha ng kaalaman kapuwa tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo at pagkakapit niyaon, ang mga Kristiyano ay makapagtatamasa ng mayayamang pagpapala kapuwa buhat sa Ama at sa kaniyang Anak. (Juan 17:3) Ang pagkakapit ni Pedro ay hindi nagpapangyaring maging iisang persona ang Soberanong Panginoong Jehova at ang Panginoong Jesu-Kristo.​—Tingnan ang talababa sa 1 Pedro 2:3.

Ang magkaugnay na mga posisyon ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay nilinaw ni apostol Pablo nang kaniyang sabihin: “Sa atin nga ay may isang Diyos ang Ama, na mula sa kaniya ang lahat ng bagay, at tayo ay para sa kaniya; at may isang Panginoon, si Jesu-Kristo, na ang lahat ng bagay ay sa pamamagitan niya, at tayo ay sa pamamagitan niya.” (1 Corinto 8:6; 12:5, 6) Sa pagsulat sa kongregasyong Kristiyano sa Efeso, ipinakilala ni Pablo ang “isang Panginoon,” si Jesu-Kristo, bilang naiiba sa “isang Diyos at Ama ng lahat ng mga persona.”​—Efeso 4:5, 6.

Si Jehova ang Kataas-taasan sa Lahat

Buhat noong taóng 1914, napatunayang totoo ang mga salita sa Apocalipsis 11:15: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging ang kaharian ng ating Panginoon [ang Diyos na Jehova] at ng kaniyang Kristo, at siya ay mamamahala bilang hari magpakailan kailanman.” Ganito ang sabi ng The New International Dictionary of New Testament Theology (Tomo 2, pahina 514): “Kapag nadaig na ni Kristo ang bawat kapangyarihan (1 Cor. 15:25), kaniyang ipasasakop ang kaniyang sarili sa Diyos na Ama. Sa gayo’y makakamit na ng pagkapanginoon ni Jesus ang tunguhin niyaon at ang Diyos ay magiging lahat sa lahat (1 Cor. 15:28).” Sa katapusan ng kaniyang Milenyong Paghahari, isasauli ni Kristo Jesus sa kaniyang Ama, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang kapangyarihan at awtoridad na dati’y ipinagkatiwala sa kaniya. Sa gayon, lahat ng kaluwalhatian at pagsamba ay matuwid na ibigay kay Jehova, “ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”​—Efeso 1:17.

Bagaman si Jesus ngayon ay Panginoon ng mga panginoon, kailanman ay hindi siya tinatawag na Diyos ng mga diyos. Si Jehova ay nananatiling kataas-taasan sa lahat. Sa ganitong paraan, si Jehova ay magiging “lahat ng bagay sa bawat isa.” (1 Corinto 15:28) Ang pagkapanginoon ni Jesus ay nagbibigay sa kaniya ng matuwid na dako bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano. Bagaman marahil ay nakikita natin ang maraming makapangyarihang “mga panginoon” sa matataas na dako sa sanlibutang ito, ang ating pagtitiwala ay nasa isa na Panginoon ng mga panginoon. Gayunman, si Jesu-Kristo, sa kaniyang mataas at pinadakilang posisyon, ay nananatili pa ring napasasakop sa kaniyang Ama, “upang ang Diyos ay mamahala sa lahat.” (1 Corinto 15:28, The Translator’s New Testament) Anong inam na halimbawa ng pagpapakumbaba ang ipinakita ni Jesus upang tularan ng kaniyang mga alagad, gaya kung papaano nila kinikilala siya bilang kanilang Panginoon!

[Kahon sa pahina 30]

“Kapag ang mga manunulat ng Bagong Tipan ay bumabanggit sa Diyos ang ibig nilang sabihin ay ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo. Kapag kanilang tinutukoy si Jesu-Kristo, siya’y hindi nila tinutukoy, ni iniisip man na siya ang Diyos. Siya ang Kristo ng Diyos, Anak ng Diyos, Karunungan ng Diyos, Salita ng Diyos. Kahit ang Paunang-salita ng San Juan, na pinakamalapit sa Nicene Doctrine, ay kailangang basahin na isinasaalang-alang ang ipinahayag na pagpapasakop sa Ebanghelyo bilang kabuuan; at ang Paunang-salita ay hindi gaanong malinaw sa Griego kung ginagamit nang walang pantukoy ang [the·osʹ] kaysa kung ito’y kasama sa Ingles.”​—“The Divinity of Jesus Christ,” ni John Martin Creed.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share