Nagtataguyod Ka ba ng Kagalingan?
“Anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.”—FILIPOS 4:8.
1. Ano ba ang bisyo, at bakit hindi nadumhan nito ang pagsamba kay Jehova?
ANG bisyo ay kahalayan o kabulukan sa moral. Laganap ito sa sanlibutang kinabubuhayan natin. (Efeso 2:1-3) Gayunman, hindi hahayaan ng Diyos na Jehova na madumhan ang kaniyang malinis na pagsamba. Nagbibigay sa atin ng napapanahong babala laban sa di-matuwid na paggawi ang Kristiyanong mga publikasyon, pulong, asamblea, at mga kombensiyon. Tumatanggap tayo ng magaling na maka-Kasulatang tulong upang ‘makakapit sa mabuti’ sa paningin ng Diyos. (Roma 12:9) Kaya bilang isang organisasyon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na maging malinis, anupat may kagalingan. Subalit kumusta naman tayo bilang mga indibiduwal? Sa totoo, nagtataguyod ka ba ng kagalingan?
2. Ano ang kagalingan, at bakit kailangan ang pagsisikap upang manatiling may kagalingan?
2 Ang kagalingan ay kahusayan sa moral, kabutihan, tamang pagkilos at pag-iisip. Hindi ito isang di-aktibong katangian kundi isa na aktibo at positibo. Higit pa ang nasasangkot sa kagalingan kaysa basta pag-iwas sa kasalanan; nangangahulugan ito ng pagtataguyod ng mabuti. (1 Timoteo 6:11) Nagpayo si apostol Pedro sa mga kapuwa Kristiyano: “Ilaan sa inyong pananampalataya ang kagalingan.” Paano? Sa pamamagitan ng “pagdaragdag bilang tugon [sa napakahalagang mga pangako ng Diyos] ng lahat ng marubdob na pagsisikap.” (2 Pedro 1:5) Dahil sa ating likas na pagkamakasalanan, kailangan ng taimtim na pagsisikap upang manatiling may kagalingan. Gayunman, nagawa iyon ng may-takot sa Diyos na mga tao noon, maging sa harap ng malalaking hadlang.
Itinaguyod Niya ang Kagalingan
3. Nagkasala si Haring Ahaz ng anong balakyot na mga gawa?
3 Naglalaman ang Kasulatan ng maraming salaysay tungkol sa mga nagtaguyod ng kagalingan. Halimbawa, isaalang-alang ang may-kagalingang si Hezekias. Ang kaniyang ama, si Haring Ahaz ng Juda, ay maliwanag na sumamba kay Molec. “Dalawampung taóng gulang si Ahaz nang magsimula siyang maghari, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-anim na taon; at hindi niya ginawa ang tama sa paningin ni Jehova na kaniyang Diyos tulad ni David na kaniyang ninuno. At lumakad siya sa daan ng mga hari ng Israel, at maging ang kaniyang sariling anak ay pinaraan niya sa apoy, ayon sa mga karima-rimarim na bagay ng mga bansa na pinalayas ni Jehova dahil sa mga anak ni Israel. At patuloy siyang naghain at gumawa ng haing usok sa matataas na dako at sa ibabaw ng mga burol at sa ilalim ng bawat mayabong na punungkahoy.” (2 Hari 16:2-4) Sinasabi ng ilan na ang ‘pagpaparaan sa apoy’ ay nagpapahiwatig ng isang anyo ng ritwal sa pagdadalisay at hindi ng paghahain ng tao. Gayunman, ganito ang sabi ng aklat na Molech—A God of Human Sacrifice in the Old Testament, ni John Day: “May ebidensiya sa klasikal at Punic [Cartago] na mga pinagmumulan ng impormasyon, gayundin ang ebidensiya ng arkeolohiya, na ang paghahain ng tao ay naganap . . . sa daigdig ng mga Canaanita, at sa gayo’y walang dahilan na pag-alinlanganan ang pagbanggit ng Lumang Tipan tungkol sa [paghahain ng tao].” Isa pa, espesipikong sinasabi ng 2 Cronica 28:3 na “sinunog [ni Ahaz] ang kaniyang mga anak na lalaki sa apoy.” (Ihambing ang Deuteronomio 12:31; Awit 106:37, 38.) Talaga namang ubod-samang gawa!
4. Paano gumawi si Hezekias sa isang kapaligirang puno ng bisyo?
4 Kumusta naman si Hezekias sa kapaligirang ito na puno ng bisyo? Kapansin-pansin ang ika-119 ng Awit, sapagkat naniniwala ang ilan na kinatha iyon ni Hezekias, anupat ginawa iyon nang isa pa lamang siyang prinsipe. (Awit 119:46, 99, 100) Kaya ang kaniyang kalagayan ay maaaring ipahiwatig ng mga salitang: “Maging ang mga prinsipe ay naupo; sila’y nag-usap laban sa akin. Kung tungkol sa iyong lingkod, siya’y nagtuon ng kaniyang sarili sa iyong mga alituntunin. Ang aking kaluluwa’y walang-tulog dahil sa pamimighati.” (Awit 119:23, 28) Palibhasa’y napalilibutan ng mga nagsasagawa ng huwad na relihiyon, si Hezekias ay maaaring naging tudlaan ng panlilibak ng mga miyembro ng maharlikang korte, kung kaya nahirapan siyang makatulog. Gayunman, nagtaguyod siya ng kagalingan, nang maglaon ay naging hari, at “patuloy na gumawa ng tama sa mga mata ni Jehova . . . Nagtiwala siya kay Jehova na Diyos ng Israel.”—2 Hari 18:1-5.
Sila’y Nanatiling May Kagalingan
5. Anong mga pagsubok ang napaharap kay Daniel at sa kaniyang tatlong kasamahan?
5 Uliran din sa kagalingan si Daniel at ang kaniyang tatlong Hebreong kasamahan, na nagngangalang Hananias, Mishael, at Azarias. Sila’y sapilitang kinuha sa kanilang sariling lupain at ipinatapon sa Babilonya. Ang apat na kabataan ay binigyan ng Babilonikong pangalan—Beltesazar, Sadrac, Mesac, at Abednego. Sila’y inalok ng “masasarap na pagkain ng hari,” kasali na ang mga pagkaing ipinagbabawal ng Batas ng Diyos. Bukod dito, napilitan silang sumailalim sa tatlong-taóng kurso sa pagsasanay may kaugnayan sa “mga kasulatan at wika ng mga Caldeo.” Nasasangkot dito hindi lamang ang pagkatuto ng isa pang wika, sapagkat malamang na ang terminong “mga Caldeo” rito ay nagpapakilala ng isang uring may pinag-aralan. Sa gayon, ang mga Hebreong kabataang ito ay nalantad sa pilipit na mga turong Babiloniko.—Daniel 1:1-7.
6. Bakit natin masasabi na si Daniel ay nagtaguyod ng kagalingan?
6 Sa kabila ng matinding panggigipit na umayon, pinili ni Daniel at ng kaniyang tatlong kasamahan ang kagalingan kaysa sa bisyo. Ganito ang sabi ng Daniel 1:21: “Si Daniel ay nanatili hanggang sa unang taon ni Ciro na hari.” Oo, si Daniel ay “nanatili” bilang isang may-kagalingang lingkod ni Jehova sa loob ng mahigit na 80 taon—hanggang sa pagbangon at pagbagsak ng ilang makapangyarihang hari. Nanatili siyang tapat sa Diyos sa kabila ng mga intriga at pakana ng tiwaling mga opisyal ng pamahalaan at sa seksuwal na bisyo na laganap sa Babilonikong relihiyon. Patuloy na nagtaguyod ng kagalingan si Daniel.
7. Ano ang matututuhan sa landasin nina Daniel at ng kaniyang tatlong kasamahan?
7 Marami tayong matututuhan sa may-takot-sa-Diyos na si Daniel at sa kaniyang tatlong kasamahan. Sila’y nagtaguyod ng kagalingan at tumangging maging bahagi ng Babilonikong kultura. Bagaman binigyan ng Babilonikong mga pangalan, hindi nila kailanman naiwala ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga lingkod ni Jehova. Aba, pagkaraan ng mga 70 taon, tinawag ng Babilonikong hari si Daniel sa kaniyang Hebreong pangalan! (Daniel 5:13) Sa buong panahon ng kaniyang mahabang buhay, tumanggi si Daniel na makipagkompromiso maging sa maliliit na bagay. Bilang isang kabataan, siya’y “nagpasiya sa kaniyang puso na hindi niya dudumhan ang kaniyang sarili ng masasarap na pagkain ng hari.” (Daniel 1:8) Ang matatag na paninindigang ito ni Daniel at ng kaniyang tatlong kasamahan ay tiyak na nagpalakas sa kanila upang maligtasan ang mga pagsubok na napaharap sa kanila nang dakong huli na nagsasangkot ng buhay at kamatayan.—Daniel, kabanata 3 at 6.
Pagtataguyod ng Kagalingan sa Ngayon
8. Paano matatanggihan ng mga Kristiyanong kabataan na maging bahagi ng sanlibutan ni Satanas?
8 Tulad ni Daniel at ng kaniyang tatlong kasamahan, tinatanggihan ng bayan ng Diyos sa ngayon ang maging bahagi ng balakyot na sanlibutan ni Satanas. (1 Juan 5:19) Kung isa kang Kristiyanong kabataan, baka dumaranas ka ng matinding panggigipit mula sa mga kaedad na gayahin ang kanilang kalabisan sa pananamit, pag-aayos, at musika. Subalit sa halip na sundin ang bawat uso o istilo na nagiging popular, manindigan kang matatag, at huwag hayaan ang iyong sarili na ‘mahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.’ (Roma 12:2) “Itakwil ang pagkadi-maka-Diyos at makasanlibutang mga nasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at maka-Diyos na debosyon.” (Tito 2:11, 12) Ang mahalaga ay ang pagsang-ayon hindi ng iyong mga kaedad kundi ni Jehova.—Kawikaan 12:2.
9. Anong mga panggigipit ang maaaring mapaharap sa mga Kristiyano sa larangan ng negosyo, at paano sila dapat gumawi?
9 Ang mga Kristiyanong nasa hustong gulang ay napapaharap din naman sa panggigipit at dapat na maging may kagalingan. Baka matukso ang mga Kristiyanong negosyante na gumamit ng kahina-hinalang pamamaraan o ipagwalang-bahala ang mga regulasyon at batas ng pamahalaan sa pagbubuwis. Subalit anuman ang paggawi ng mga kakompetensiya sa negosyo o mga katrabaho, ‘nais nating gumawi ng matapat sa lahat ng bagay.’ (Hebreo 13:18) Hinihiling ng Kasulatan na tayo’y maging matapat at makatuwiran sa mga maypatrabaho, empleado, parokyano, at sekular na mga pamahalaan. (Deuteronomio 25:13-16; Mateo 5:37; Roma 13:1; 1 Timoteo 5:18; Tito 2:9, 10) Sikapin din nating maging maayos sa ating pagnenegosyo. Sa pag-iingat ng tumpak na mga rekord at paggawa ng mga kasulatan sa mga kasunduan, madalas na maiiwasan natin ang mga di-pagkakaunawaan.
Manatiling Mapagbantay!
10. Bakit kailangang ‘manatiling mapagbantay’ pagdating sa ating pagpili ng musika?
10 Itinatampok ng Awit 119:9 ang isa pang bahagi ng pananatiling may kagalingan sa paningin ng Diyos. Umawit ang salmista: “Paano lilinisin ng isang kabataang lalaki ang kaniyang landas? Sa pamamagitan ng pananatiling mapagbantay alinsunod sa iyong salita.” Isa sa pinakamabisang sandata ni Satanas ay ang musika, na may kapangyarihang pumukaw ng damdamin. Nakalulungkot, ang ilang Kristiyano ay hindi ‘nanatiling mapagbantay’ pagdating sa musika, at nasumpungan nila ang kanilang sarili na naakit sa mapagmalabis na mga anyo nito, tulad ng rap at heavy metal. Baka mangatuwiran ang ilan na hindi nakapipinsala sa kanila ang gayong musika o na hindi naman nila binibigyang-pansin ang liriko. Sinasabi ng iba na nasisiyahan lamang sila sa malakas na tiyempo o sa tunog ng maiingay na gitara. Subalit para sa mga Kristiyano, ang isyu ay hindi ang kung kasiya-siya man ang isang bagay. Ang mahalaga sa kanila ay kung iyon nga’y “kaayaaya sa Panginoon.” (Efeso 5:10) Sa pangkalahatan, ang musikang heavy metal at rap ay nagtataguyod ng mga bisyo tulad ng kalapastanganan, pakikiapid, at maging ng Satanismo—mga bagay na tiyak na walang dako sa bayan ng Diyos.a (Efeso 5:3) Bata man o matanda, makabubuting pag-isipan ng bawat isa sa atin ang tanong na ito, Sa aking pinipiling musika, nagtataguyod kaya ako ng kagalingan o ng bisyo?
11. Paano makapananatiling mapagbantay ang isang Kristiyano may kinalaman sa mga programa sa telebisyon, video, at mga pelikula?
11 Nagtatampok ng bisyo ang maraming programa sa telebisyon, video, at pelikula. Ayon sa isang prominenteng eksperto sa kalusugan ng isip, ang ‘pagpapalugod sa sarili, seksuwalidad, karahasan, kasakiman, at kaimbutan’ ay nangingibabaw sa karamihan ng mga pelikulang ginagawa ngayon. Kaya naman, kasali sa pananatiling mapagbantay ang pagiging mapili sa pinanonood natin. Nanalangin ang salmista: “Palampasin mo ang aking mga mata mula sa pagtingin sa walang-kabuluhan.” (Awit 119:37) Ikinapit ng isang Kristiyanong kabataan na nagngangalang Joseph ang simulaing ito. Nang ang isang pelikula ay magsimulang maglarawan ng tahasang sekso at karahasan, nilisan niya ang sinehan. Nahiya ba siyang gawin ito? “Hindi, talagang hindi,” sabi ni Joseph. “Naisip ko muna si Jehova at ang pagpapalugod sa kaniya.”
Ang Papel ng Pag-aaral at Pagbubulay-bulay
12. Bakit kailangan ang personal na pag-aaral at pagbubulay-bulay upang maitaguyod ang kagalingan?
12 Hindi sapat ang umiwas sa masasamang bagay. Nasasangkot din sa pagtataguyod ng kagalingan ang pag-aaral at pagbubulay-bulay ng mabubuting bagay na nakaulat sa Salita ng Diyos upang maikapit sa buhay ang matuwid na mga simulain nito. “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan!” ang naibulalas ng salmista. “Siya kong pinagkakaabalahan sa buong araw.” (Awit 119:97) Bahagi ba ng iyong lingguhang iskedyul ang personal na pag-aaral ng Bibliya at ng mga publikasyong Kristiyano? Totoo, maaaring maging isang hamon ang paglalaan ng panahon sa puspusang pag-aaral ng Salita ng Diyos at ang may-pananalanging pagbubulay-bulay rito. Subalit malimit na posibleng bilhin ang panahon mula sa ibang gawain. (Efeso 5:15, 16) Marahil ang mga oras sa madaling-araw ay mainam na panahon sa iyo para sa pananalangin, pag-aaral, at pagbubulay-bulay.—Ihambing ang Awit 119:147.
13, 14. (a) Bakit napakahalaga ng pagbubulay-bulay? (b) Ang pagbubulay-bulay sa anong mga kasulatan ang makatutulong sa atin na mamuhi sa seksuwal na imoralidad?
13 Napakahalaga ng pagbubulay-bulay, dahil tumutulong ito sa atin na matandaan ang ating natutuhan. Higit na mahalaga, makatutulong ito sa atin na magtaguyod ng makadiyos na mga pangmalas. Upang ilarawan: Isang bagay ang makaalam na ipinagbabawal ng Diyos ang pakikiapid ngunit ibang bagay naman ang ‘kamuhian ang balakyot at kumapit sa mabuti.’ (Roma 12:9) Maaaring aktuwal na madama natin ang nadarama ni Jehova sa seksuwal na imoralidad sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga susing teksto sa Bibliya, tulad ng Colosas 3:5, na humihimok: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa na may kinalaman sa pakikiapid, kawalang-kalinisan, seksuwal na pagnanasa, nakasasakit na nasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.” Tanungin ang iyong sarili: ‘Anong uri ng seksuwal na pagnanasa ang dapat kong patayin? Ano ang dapat kong iwasan na maaaring pumukaw ng di-malinis na pagnanasa? May mga pagbabago bang dapat kong gawin sa paraan ng aking pakikitungo sa di-kasekso?’—Ihambing ang 1 Timoteo 5:1, 2.
14 Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na umiwas sa pakikiapid at magpigil sa sarili upang “walang sinumang umabot hanggang sa punto ng pamiminsala at manghimasok sa mga karapatan ng kaniyang kapatid.” (1 Tesalonica 4:3-7) Tanungin ang iyong sarili: ‘Bakit nakapipinsala ang pakikiapid? Anong pinsala ang idudulot ko sa aking sarili o sa iba kung magkasala ako sa bagay na ito? Paano ako maaapektuhan sa espirituwal, emosyonal, at pisikal na paraan? Kumusta naman ang mga indibiduwal sa kongregasyon na lumabag sa batas ng Diyos at di-nagsisi? Ano ang nangyari sa kanila?’ Ang pagsasapuso ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa gayong paggawi ay magpapasidhi ng ating pagkapoot sa kung ano ang masama sa paningin ng Diyos. (Exodo 20:14; 1 Corinto 5:11-13; 6:9, 10; Galacia 5:19-21; Apocalipsis 21:8) Sinabi ni Pablo na ang isang mapakiapid “ay nagwawalang-halaga, hindi sa tao, kundi sa Diyos.” (1 Tesalonica 4:8) Sinong tunay na Kristiyano ang magwawalang-halaga sa kaniyang makalangit na Ama?
Ang Kagalingan at ang mga Kasama
15. Anong papel ang ginagampanan ng mga kasama sa ating pagtataguyod ng kagalingan?
15 Isa pang tulong sa pananatiling may kagalingan ay ang mabubuting kasama. Umawit ang salmista: “Kapareha ako niyaong lahat ng natatakot sa iyo [Jehova], at niyaong tumutupad ng iyong mga kautusan.” (Awit 119:63) Kailangan natin ang mabuting pagsasamahan na inilalaan sa mga pulong Kristiyano. (Hebreo 10:24, 25) Kung ibubukod natin ang ating sarili, baka maging makasarili tayo sa ating kaisipan, at madali tayong madaraig ng bisyo. (Kawikaan 18:1) Gayunman, ang magiliw na pagsasamahang Kristiyano ay magpapatibay sa ating pasiya na manatiling may kagalingan. Sabihin pa, dapat din tayong mag-ingat sa masasamang kasama. Maaari tayong maging magiliw sa ating mga kapitbahay, katrabaho, at mga kapuwa estudyante. Ngunit kung talagang lumalakad tayo nang may karunungan, iiwasan nating labis na mapalapit sa mga hindi nagtataguyod ng Kristiyanong kagalingan.—Ihambing ang Colosas 4:5.
16. Paanong ang pagkakapit ng 1 Corinto 15:33 ay makatutulong sa atin ngayon na magtaguyod ng kagalingan?
16 Sumulat si Pablo: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.” Sa pagsasabi nito, binababalaan niya ang mga mananampalataya na maaari nilang maiwala ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pakikisama sa mga nag-aangking Kristiyano na tumanggi sa maka-Kasulatang turo tungkol sa pagkabuhay-muli. Ang simulain sa likod ng babala ni Pablo ay kumakapit sa ating mga kasama kapuwa sa labas at sa loob ng kongregasyon. (1 Corinto 15:12, 33) Mangyari pa, hindi natin ibig na layuan ang ating espirituwal na mga kapatid dahil sa hindi sila sumasang-ayon sa ilang personal lamang na pangmalas na taglay natin. (Mateo 7:4, 5; Roma 14:1-12) Gayunpaman, kailangang mag-ingat kung ang ilan sa kongregasyon ay may kahina-hinalang paggawi o nagpapamalas ng mapaghinanakit o mareklamong saloobin. (2 Timoteo 2:20-22) Isang katalinuhan na manatiling malapit doon sa kanila na maaari nating tamasahin ang “pagpapalitan ng pampatibay-loob.” (Roma 1:11, 12) Tutulong ito sa atin na magtaguyod ng magaling na landasin at manatili sa “landas ng buhay.”—Awit 16:11.
Patuloy na Itaguyod ang Kagalingan
17. Ayon sa Bilang kabanata 25, anong kapahamakan ang sumapit sa mga Israelita, at anong aral ang inilalaan nito sa atin?
17 Sandaling panahon bago sakupin ng mga Israelita ang Lupang Pangako, minabuti ng libu-libo sa kanila na itaguyod ang bisyo—at dumanas ng kapahamakan. (Bilang, kabanata 25) Sa ngayon, nakatayo ang bayan ni Jehova sa pintuan ng matuwid na bagong sanlibutan. Ang pagpasok dito ay magiging pinagpalang pribilehiyo niyaong patuloy na tumatanggi sa mga bisyo ng sanlibutang ito. Bilang mga taong di-sakdal, maaaring tayo ay may mga maling hilig, ngunit matutulungan tayo ng Diyos na makasunod sa matuwid na pag-akay ng kaniyang banal na espiritu. (Galacia 5:16; 1 Tesalonica 4:3, 4) Kaya dinggin natin ang payo ni Josue sa Israel: “Matakot kayo kay Jehova at paglingkuran ninyo siya sa kawalang-kakulangan at sa katotohanan.” (Josue 24:14) Ang mapitagang takot na di-mapalugdan si Jehova ay tutulong sa atin na magtaguyod ng magaling na landasin.
18. May kinalaman sa bisyo at kagalingan, ano ang dapat na maging kapasiyahan ng lahat ng Kristiyano?
18 Kung hangad ng iyong puso na makalugod sa Diyos, magpasiya na sundin ang payo ni Pablo: “Anumang mga bagay na totoo, anumang mga bagay na seryosong pag-isipan, anumang mga bagay na matuwid, anumang mga bagay na malinis, anumang mga bagay na kaibig-ibig, anumang mga bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.” Kung gagawin mo ito, ano ang magiging resulta? Sabi ni Pablo: “Isagawa ninyo ang mga ito; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.” (Filipos 4:8, 9) Oo, sa tulong ni Jehova ay maaari mong tanggihan ang bisyo at itaguyod ang kagalingan.
[Talababa]
a Tingnan Ang Bantayan, Abril 15, 1993, pahina 19-24, at ang seryeng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” sa Gumising! ng Pebrero 8, Pebrero 22, at Marso 22, 1993, at Nobyembre 22, 1996.
Mga Punto Para sa Repaso
◻ Ano ang kailangan upang makapagtaguyod ng kagalingan?
◻ Sa ilalim ng anong mga kalagayan nanatiling may kagalingan sina Hezekias, Daniel, at ang tatlong Hebreo?
◻ Paano tayo maaaring maging katulad ni Daniel sa paglaban sa mga pakana ni Satanas?
◻ Bakit dapat na manatiling mapagbantay ang mga Kristiyano may kinalaman sa paglilibang?
◻ Anong papel ang ginagampanan ng pag-aaral, pagbubulay-bulay, at mga kasama sa pagtataguyod ng kagalingan?
[Larawan sa pahina 15]
Nagtaguyod ng kagalingan ang kabataang si Hezekias bagaman napalilibutan siya ng mga sumasamba kay Molec
[Mga larawan sa pahina 17]
Kailangang manatiling mapagbantay ang mga Kristiyano pagdating sa paglilibang