Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 7/1 p. 19-24
  • “Ang Kamatayan ay Dadalhin sa Wala”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ang Kamatayan ay Dadalhin sa Wala”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Anong Uri ng Katawan?
  • Pagkabuhay-Muli sa Lupa?
  • Sino ang Babalik?
  • Isang Maayos na Pagkabuhay-Muli
  • May Kapangyarihan ang Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • “Paano Bubuhaying Muli ang mga Patay?”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
  • Pagkabuhay-muli
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Pagkabuhay-Muli—Ukol Kanino, at Saan?
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 7/1 p. 19-24

“Ang Kamatayan ay Dadalhin sa Wala”

“Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay dadalhin sa wala.” ​—1 CORINTO 15:26.

1, 2. (a) Anong pag-asa ang iniharap ni apostol Pablo para sa mga patay? (b) Anong tanong tungkol sa pagkabuhay-muli ang tinalakay ni Pablo?

“AKO’Y nananampalataya sa . . . pagkabuhay-muli ng katawan, at sa buhay na walang hanggan.” Gayon ang sabi sa Kredo ng mga Apostol. Masunuring binibigkas ito kapuwa ng mga Katoliko at mga Protestante, na hindi nakatatalos na ang kanilang mga paniniwala ay higit na hawig sa pilosopiyang Griego kaysa sa anumang bagay na pinaniwalaan ng mga apostol. Subalit itinakwil ni apostol Pablo ang pilosopiyang Griego at hindi siya naniwala sa isang imortal na kaluluwa. Gayunpaman, matibay ang kaniyang paniniwala sa isang panghinaharap na buhay at ganito ang isinulat niya sa ilalim ng pagkasi: “Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay dadalhin sa wala.” (1 Corinto 15:26) Ano bang talaga ang kahulugan nito para sa naghihingalong sangkatauhan?

2 Bilang sagot, balikan natin ang pagtalakay ni Pablo sa pagkabuhay-muli na nakaulat sa 1 Corinto kabanatang 15. Magugunita ninyo na sa pambungad na mga talata, pinatunayan ni Pablo ang pagkabuhay-muli bilang isang mahalagang bahagi ng doktrinang Kristiyano. Ngayon ay tinatalakay niya ang isang espesipikong tanong: “Gayunpaman, may magsasabi: ‘Paano ibabangon ang mga patay? Oo, sa anong uri ng katawan sila paririto?’ ”​—1 Corinto 15:35.

Anong Uri ng Katawan?

3. Bakit tinanggihan ng ilan ang pagkabuhay-muli?

3 Sa pagbabangon ng katanungang ito, maaaring nilayon ni Pablo na salungatin ang impluwensiya ng pilosopiya ni Plato. Itinuro ni Plato na ang tao ay may imortal na kaluluwa na nananatiling buháy pagkamatay ng katawan. Para sa mga taong nakagisnan na ang ganitong ideya, tiyak na waring hindi na kailangan ang turong Kristiyano. Kung hindi namamatay ang kaluluwa, para ano pa ang pagkabuhay-muli? Isa pa, malamang na ang pagkabuhay-muli ay waring di-makatuwiran. Kapag naging alabok na ang katawan, paano pa magkakaroon ng pagkabuhay-muli? Sinabi ng komentarista sa Bibliya na si Heinrich Meyer na ang pagsalungat ng ilang taga-Corinto ay malamang na batay “sa pilosopikong saligan na ang pagsasauli ng katawan ay imposible.”

4, 5. (a) Bakit di-makatuwiran ang pagtutol ng mga taong walang pananampalataya? (b) Ipaliwanag ang ilustrasyon ni Pablo tungkol sa “butil lamang.” (c) Anong uri ng katawan ang ibinibigay ng Diyos sa binuhay na muling mga pinahiran?

4 Inilantad ni Pablo ang kamangmangan ng kanilang pangangatuwiran: “Ikaw na taong di-makatuwiran! Ang inihahasik mo ay hindi binubuhay malibang mamatay muna ito; at kung tungkol sa inihahasik mo, inihahasik mo, hindi ang katawan na tutubo, kundi ang isang butil lamang, maaaring trigo o alinman sa iba pa; ngunit binibigyan ito ng Diyos ng isang katawan ayon sa kaniyang kinalugdan, at sa bawat isa sa mga binhi ang sariling katawan nito.” (1 Corinto 15:36-38) Hindi ibabangon ng Diyos ang katawan na tinaglay ng mga tao sa lupa. Sa halip, magkakaroon ng pagbabago.

5 Inihambing ni Pablo ang pagkabuhay-muli sa pagtubo ng isang binhi. Ang isang napakaliit na binhi ng trigo ay walang anumang pagkakahawig sa halaman na tutubo mula rito. Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Kapag nagsimulang tumubo ang binhi, maraming tubig ang sinisipsip nito. Pinapangyayari ng tubig na magkaroon ng maraming kemikal na pagbabago sa loob ng binhi. Pinapangyayari rin nito na mamaga ang mga himaymay sa loob ng binhi at lumabas sa balat ng binhi.” Sa diwa, ang binhi ay namamatay bilang isang binhi at nagiging isang tumutubong halaman. “Binibigyan ito ng Diyos ng isang katawan” sa bagay na itinalaga niya ang siyentipikong mga batas na umuugit sa pagtubo nito, at bawat binhi ay nagkakaroon ng katawan ayon sa sariling uri nito. (Genesis 1:11) Sa katulad na paraan, ang pinahirang mga Kristiyano ay namamatay muna bilang mga tao. Pagkatapos, sa itinakdang panahon ng Diyos, sila’y kaniyang binubuhay na muli taglay ang lubusang bagong mga katawan. Gaya ng sabi ni Pablo sa mga taga-Filipos, si “Jesu-Kristo . . . [ay] magbabagong-anyo sa ating ibinabang katawan upang maiayon sa kaniyang maluwalhating katawan.” (Filipos 3:20, 21; 2 Corinto 5:1, 2) Sila’y binubuhay na muli sa espiritung mga katawan at nananahan sa dako ng mga espiritu.​—1 Juan 3:2.

6. Bakit makatuwirang maniwala na mapaglalaanan ng Diyos ng angkop na espiritung katawan ang mga binuhay muli?

6 Napakahirap bang paniwalaan ito? Hindi. Ikinatuwiran ni Pablo na ang mga hayop ay nagkakaroon ng iba’t ibang uri ng katawan. Karagdagan pa, ipinakita niya ang pagkakaiba ng makalangit na mga anghel sa mga taong may laman at dugo, sa pagsasabing: “May mga katawang makalangit, at mga katawang makalupa.” Mayroon ding malawak na pagkakasari-sari ang walang-buhay na mga nilalang. “Ang bituin ay naiiba sa bituin sa kaluwalhatian,” sabi ni Pablo, matagal na panahon bago pa natuklasan ng siyensiya ang mga bagay sa langit tulad ng mga blue star, red giant, at mga white dwarf. Dahil dito, hindi ba makatuwiran na makapaglalaan ang Diyos ng angkop na espiritung katawan para sa binuhay na muling mga pinahiran?​—1 Corinto 15:39-41.

7. Ano ang kahulugan ng kawalang-kasiraan? ng imortalidad?

7 Pagkatapos ay sinabi ni Pablo: “Kaya gayundin ang pagkabuhay-muli ng mga patay. Inihahasik ito sa kasiraan, ibinabangon ito sa kawalang-kasiraan.” (1 Corinto 15:42) Ang katawan ng tao, kahit sakdal pa nga, ay nasisira. Maaari itong patayin. Halimbawa, sinabi ni Pablo na ang binuhay na muling si Jesus ay “itinalagang huwag nang bumalik pa sa kasiraan.” (Gawa 13:34) Hindi na siya kailanman bubuhaying muli na taglay ang isang nasisira, bagaman sakdal pa nga, na katawan ng tao. Ang mga katawan na ibinibigay ng Diyos sa binuhay na muling mga pinahiran ay walang-kasiraan​—hindi mamamatay o mabubulok. Nagpatuloy si Pablo: “Inihahasik ito sa kawalang-dangal, ibinabangon ito sa kaluwalhatian. Inihahasik ito sa kahinaan, ibinabangon ito sa kapangyarihan. Inihahasik itong isang katawang pisikal, ibinabangon itong isang katawang espirituwal.” (1 Corinto 15:43, 44) Gayundin, sinabi ni Pablo: “Ito na mortal ay dapat na magbihis ng imortalidad.” Ang imortalidad ay nangangahulugan ng buhay na walang katapusan at di-masisira. (1 Corinto 15:53; Hebreo 7:16) Sa ganitong paraan, taglay ng mga binuhay muli “ang larawan ng isa na makalangit,” si Jesus, na nagpangyaring maging posible ang kanilang pagkabuhay-muli.​—1 Corinto 15:45-49.

8. (a) Paano natin nalalaman na ang mga binuhay na muli ay gayon pa ring mga indibiduwal noong sila’y nabubuhay pa sa lupa? (b) Anong mga hula ang matutupad kapag naganap ang pagkabuhay-muli?

8 Sa kabila ng pagbabagong ito, ang mga binuhay na muli ay gayon pa ring mga indibiduwal bago sila namatay. Ibabangon sila taglay ang gayon pa ring alaala at mahuhusay na katangiang Kristiyano. (Malakias 3:3; Apocalipsis 21:10, 18) Sa ganito sila nakakahawig ni Jesu-Kristo. Nagbago siya mula sa espiritu tungo sa anyong tao. Pagkatapos ay namatay siya at binuhay na muli bilang isang espiritu. Gayunman, “si Jesu-Kristo ay gayon pa rin kahapon at ngayon, at magpakailanman.” (Hebreo 13:8) Tunay na isang maluwalhating pribilehiyo ang taglay ng mga pinahiran! Sinabi ni Pablo: “Ngunit kapag ito na nasisira ay nagsuot ng kawalang-kasiraan at ito na mortal ay nagbihis ng imortalidad, kung magkagayon ay magaganap ang kasabihan na nasusulat: ‘Ang kamatayan ay nilulon magpakailanman.’ ‘Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong tibo?’ ”​—1 Corinto 15:54, 55; Isaias 25:8; Oseas 13:14.

Pagkabuhay-Muli sa Lupa?

9, 10. (a) Sa konteksto ng 1 Corinto 15:24, ano “ang wakas,” at ano ang mga mangyayari may kinalaman dito? (b) Ano ang kailangang maganap upang ang kamatayan ay madala sa wala?

9 Mayroon bang kinabukasan ang milyun-milyon na hindi nagtataglay ng pag-asang imortal na espiritung buhay sa langit? Tunay na mayroon! Matapos ipaliwanag na magaganap ang makalangit na pagkabuhay-muli sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, binalangkas ni Pablo ang kasunod na mga pangyayari, sa pagsasabing: “Sumunod, ang wakas, kapag ibinigay niya ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama, kapag dinala na niya sa wala ang lahat ng pamahalaan at ang lahat ng awtoridad at kapangyarihan.”​—1 Corinto 15:23, 24.

10 “Ang wakas” ay ang katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, na doo’y buong-pagpapakumbaba at buong-katapatang ibibigay ni Jesus ang Kaharian sa kaniyang Diyos at Ama. (Apocalipsis 20:4) Natupad na sa panahong iyon ang layunin ng Diyos na “muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo.” (Efeso 1:9, 10) Subalit pupuksain muna ni Kristo “ang lahat ng pamahalaan at ang lahat ng awtoridad at kapangyarihan” na salungat sa Soberanong kalooban ng Diyos. Higit pa ang nasasangkot dito kaysa sa pagkapuksa na isasagawa sa Armagedon. (Apocalipsis 16:16; 19:11-​21) Sinabi ni Pablo: “Kailangang [si Kristo] ay mamahala bilang hari hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay dadalhin sa wala.” (1 Corinto 15:25, 26) Oo, lahat ng bakas ng Adanikong kasalanan at kamatayan ay papawiin na. Kailangan, kung gayon, na ubusin ng Diyos ang laman ng “mga alaalang libingan” sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa mga patay.​—Juan 5:28.

11. (a) Paano natin nalalaman na maaaring muling lalangin ng Diyos ang mga patay na kaluluwa? (b) Anong uri ng katawan ang ilalaan sa mga muling bubuhayin sa lupa?

11 Nangangahulugan ito ng muling paglikha sa mga kaluluwa ng tao. Imposible ba? Hindi, sapagkat tinitiyak sa atin ng Awit 104:29, 30 na kayang gawin iyon ng Diyos: “Kung iyong kinukuha ang kanilang espiritu, sila’y pumapanaw, at bumabalik sila sa alabok. Kung iyong isinusugo ang iyong espiritu, sila’y nangalalalang.” Bagaman ang mga bubuhaying-muli ay magiging gayon pa ring mga indibiduwal bago sila namatay, hindi nila kakailanganin ang gayon pa ring mga katawan. Katulad niyaong mga ibinangon sa langit, bibigyan sila ng Diyos ng isang katawan ayon sa ikinalulugod niya. Tiyak na ang kanilang bagong katawan ay malusog at makatuwirang katulad niyaong sa kanilang orihinal na katawan upang sila’y makilala ng kanilang mga mahal sa buhay.

12. Kailan magaganap ang makalupang pagkabuhay-muli?

12 Kailan magaganap ang pagkabuhay-muli sa lupa? Ganito ang sabi ni Marta tungkol sa kaniyang patay na kapatid, si Lazaro: “Alam ko na siya ay babangon sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” (Juan 11:24) Paano niya nalaman iyon? Ang pagkabuhay-muli ay isang paksang pinagtatalunan noong kaniyang kaarawan, yamang ang mga Fariseo ay naniniwala rito ngunit ang mga Saduceo ay hindi. (Gawa 23:8) Gayunpaman, tiyak na alam ni Marta ang tungkol sa mga saksi bago ang panahong Kristiyano na umasa sa pagkabuhay-muli. (Hebreo 11:35) Gayundin, maaaring naunawaan niya mula sa Daniel 12:13 na ang pagkabuhay-muli ay magaganap sa huling araw. Maaaring nalaman pa nga niya ito mula kay Jesus mismo. (Juan 6:39) Ang “huling araw” na iyon ay kasabay ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. (Apocalipsis 20:6) Gunigunihin ang pananabik sa “araw” na iyon na magsisimula ang dakilang pangyayaring ito!​—Ihambing ang Lucas 24:41.

Sino ang Babalik?

13. Anong pangitain tungkol sa pagkabuhay-muli ang iniulat sa Apocalipsis 20:12-​14?

13 Sa Apocalipsis 20:12-​14 ay nakaulat ang pangitain ni Juan tungkol sa makalupang pagkabuhay-muli: “Nakita ko ang mga patay, ang malalaki at ang maliliit, na nakatayo sa harap ng trono, at nabuksan ang mga balumbon. Ngunit may iba pang balumbon na nabuksan; ito ang balumbon ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan ayon doon sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon alinsunod sa kanilang mga gawa. At ibinigay ng dagat yaong mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades yaong mga patay na nasa kanila, at hinatulan sila nang isa-isa alinsunod sa kanilang mga gawa. At inihagis ang kamatayan at ang Hades sa lawa ng apoy. Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy.”

14. Sino ang mapapabilang sa mga muling bubuhayin?

14 Makakasali sa pagkabuhay-muli “ang malalaki at ang maliliit,” kapuwa ang prominente at di-kilalang mga tao na nabuhay at namatay. Aba, kahit ang mga sanggol ay mapapabilang sa mga ito! (Jeremias 31:15, 16) Sa Gawa 24:15, isa pang mahalagang detalye ang isinisiwalat: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” Prominente sa “mga matuwid” ang tapat na mga lalaki at babae noong unang panahon, gaya nina Abel, Enoc, Noe, Abraham, Sara, at Rahab. (Hebreo 11:1-40) Gunigunihin ang pagkakataong makausap ang mga taong iyon at malaman ang tuwirang nakita na mga detalye ng mga pangyayari sa Bibliya noong matagal na panahon! Sa “mga matuwid” ay kasali rin ang libu-libong may-takot-sa-Diyos na mga indibiduwal na namatay nitong nakalipas na panahon at hindi nagtataglay ng makalangit na pag-asa. Mayroon ka bang isang miyembro ng pamilya o minamahal na maaaring kabilang sa mga ito? Anong laking kaaliwan na malamang maaari mo silang makitang muli! Subalit sino naman ang “mga di-matuwid” na indibiduwal na magbabalik din? Kasali sa kanila ang milyun-milyon, marahil bilyun-bilyon, na namatay nang hindi nagkaroon ng pagkakataon na makaalam at magkapit ng katotohanan sa Bibliya.

15. Ano ang ibig sabihin ng bagay na ang mga bumabalik ay ‘hahatulan ayon doon sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon’?

15 Paanong ang mga bumabalik na ito ay ‘hahatulan ayon doon sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon alinsunod sa kanilang mga gawa’? Ang mga balumbon na ito ay hindi rekord ng kanilang nakaraang mga gawa; nang mamatay sila, sila’y napawalang-sala na sa mga nagawa nila noong sila’y nabubuhay pa. (Roma 6:7, 23) Gayunman, nasa ilalim pa rin ng Adanikong kasalanan ang mga taong binuhay na muli. Kung gayon, tiyak na isinasaad sa mga balumbon na ito ang mga tagubilin ng Diyos na dapat sundin ng lahat upang makinabang nang lubusan mula sa hain ni Jesu-Kristo. Habang ang huling bakas ng Adanikong kasalanan ay pinapawi, “ang kamatayan ay dadalhin sa wala” sa ganap na diwa. Pagsapit ng katapusan ng sanlibong taon, ang Diyos ay magiging “ang lahat ng bagay sa bawat isa.” (1 Corinto 15:28) Hindi na kakailanganin ng tao bilang tagapamagitan ang isang Mataas na Saserdote o Manunubos. Ang buong sangkatauhan ay naibalik na sa sakdal na kalagayang tinamasa ni Adan noong una.

Isang Maayos na Pagkabuhay-Muli

16. (a) Bakit makatuwiran na maniwalang magiging maayos ang pagkabuhay-muli? (b) Sino ang malamang na mapabilang sa mga unang babalik mula sa mga patay?

16 Yamang maayos ang makalangit na pagkabuhay-muli, na “bawat isa ay sa kaniyang sariling katayuan,” maliwanag na ang makalupang pagkabuhay-muli ay hindi lilikha ng isang napakagulong pagdami ng populasyon. (1 Corinto 15:23) Mauunawaan naman, kakailanganing asikasuhin ang mga katatapos lamang na buhaying-muli. (Ihambing ang Lucas 8:55.) Kakailanganin nila ng panustos sa katawan at​—higit sa lahat​—espirituwal na tulong sa pagtatamo ng nagbibigay-buhay na kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. (Juan 17:3) Kung sabay-sabay na mabubuhay-muli ang lahat, magiging imposible na asikasuhin sila nang husto. Makatuwirang ipagpalagay na baytang-baytang na magaganap ang pagkabuhay-muli. Ang tapat na mga Kristiyano na nangamatay noong malapit nang magsimula ang wakas ng sistema ni Satanas ay malamang na kabilang sa mga unang ibabangon. Maaari rin nating asahan ang maagang pagkabuhay-muli ng tapat na mga tao noong unang panahon na magsisilbing “mga prinsipe.”​—Awit 45:16.

17. Ano ang ilang isyu hinggil sa pagkabuhay-muli na doo’y walang sinasabi ang Bibliya, at bakit hindi dapat mabahala ang mga Kristiyano tungkol sa gayong mga bagay?

17 Gayunpaman, hindi tayo dapat maging dogmatiko sa bagay na ito. Walang sinasabi ang Bibliya tungkol sa maraming isyu. Hindi nito nililiwanag ang mga detalye kung paano, kailan, o sa anong mga lugar magaganap ang pagkabuhay-muli ng mga indibiduwal. Hindi nito sinasabi sa atin kung paano bibigyan ng tirahan, pakakanin, at daramtan yaong mga bumabalik. Ni masasabi man natin nang may katiyakan kung paano ipatutupad ni Jehova ang mga bagay tulad ng pagpapalaki at pag-aalaga sa mga batang binuhay na muli o kung paano niya haharapin ang mga situwasyon na maaaring may kinalaman sa ating mga kaibigan at minamahal. Totoo, likas lamang na mag-isip tungkol sa gayong mga bagay; ngunit hindi magiging isang katalinuhan na gumugol ng panahon sa pagsisikap na sagutin ang mga tanong na sa kasalukuyan ay hindi masasagot. Ang dapat na pagtuunan natin ng pansin ay ang paglilingkod kay Jehova nang buong-katapatan at ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan. Inilalagak ng pinahirang mga Kristiyano ang kanilang pag-asa sa isang maluwalhating pagkabuhay-muli sa langit. (2 Pedro 1:10, 11) Ang “ibang mga tupa” naman ay umaasa sa isang walang-hanggang pamana sa makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos. (Juan 10:16; Mateo 25:33, 34) Kung tungkol sa maraming detalye hinggil sa pagkabuhay-muli na hindi pa alam, nagtitiwala na lamang tayo kay Jehova. Ang ating kaligayahan sa hinaharap ay panatag sa mga kamay ng Isa na ‘makasasapat sa nasa ng bawat bagay na may buhay.’​—Awit 145:16; Jeremias 17:7.

18. (a) Anong tagumpay ang itinatampok ni Pablo? (b) Bakit makapagtitiwala tayo sa pag-asa sa pagkabuhay-muli?

18 Tinapos ni Pablo ang kaniyang pangangatuwiran sa pamamagitan ng pagbulalas: “Salamat sa Diyos, sapagkat ibinibigay niya sa atin ang tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo!” (1 Corinto 15:57) Oo, nakamit ang tagumpay laban sa Adanikong kamatayan sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesu-Kristo, at kapuwa ang pinahiran at ang “ibang mga tupa” ay makikibahagi sa tagumpay na iyon. Sabihin pa, ang “ibang mga tupa” na buháy ngayon ay may pag-asa na natatangi sa salinlahing ito. Bilang bahagi ng patuloy na lumalagong “malaking pulutong,” sila’y maaaring maligtas sa dumarating na “malaking kapighatian” at hindi na kailanman makararanas pa ng pisikal na kamatayan! (Apocalipsis 7:9, 14) Gayunman, maging yaong mga namatay dahil sa “panahon at di-inaasahang pangyayari” o sa kamay ng mga kampon ni Satanas ay makapagtitiwala sa pag-asa sa pagkabuhay-muli.​—Eclesiastes 9:11.

19. Anong payo ang dapat sundin ng mga Kristiyano sa ngayon?

19 Kaya naman, buong-pananabik nating hinihintay ang maluwalhating araw na iyon na ang kamatayan ay dadalhin sa wala. Ang ating di-natitinag na tiwala sa pangako ni Jehova na pagkabuhay-muli ay nagbibigay sa atin ng makatotohanang pangmalas sa mga bagay-bagay. Anuman ang mangyari sa atin sa buhay na ito​—mamatay man tayo​—walang anumang makaaagaw sa atin ng gantimpalang ipinangako ni Jehova. Kung gayon, ang pangwakas na payo ni Pablo sa mga taga-Corinto ay angkop sa ngayon gaya rin noon mga dalawang libong taon na ang nakalipas: “Dahil dito, mga kapatid kong iniibig, maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.”​—1 Corinto 15:58.

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Paano sinagot ni Pablo ang tanong tungkol sa kung anong katawan ang tataglayin ng mga pinahiran kapag sila’y binuhay na muli?

◻ Paano at kailan na sa wakas ang kamatayan ay dadalhin sa wala?

◻ Sino ang mapapabilang sa makalupang pagkabuhay-muli?

◻ Ano ang dapat na maging saloobin natin hinggil sa mga bagay na hindi binabanggit ng Bibliya?

[Larawan sa pahina 20]

“Namamatay” ang isang binhi sa pamamagitan ng pagsasailalim sa isang malaking pagbabago

[Mga larawan sa pahina 23]

Makakabilang sa mga bubuhaying-muli ang tapat na mga lalaki at babae noong unang panahon, tulad nina Noe, Abraham, Sara, at Rahab

[Larawan sa pahina 24]

Tunay na isang panahon ng matinding kagalakan ang pagkabuhay-muli!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share