Sino si Jesu-Kristo?
AYON sa mapananaligang kasaysayan, isang lalaking nagngangalang Jesus ang isinilang sa Betlehem, isang maliit na bayan sa lupain ng Judea, mahigit 2,000 taon na ang nakalilipas. Si Herodes na Dakila ang hari noon sa Jerusalem, at si Cesar Augusto naman ang emperador sa Roma. (Mateo 2:1; Lucas 2:1-7) Noong unang dalawang siglo, karaniwan nang iniiwasan ng mga istoryador na Romano ang pagbanggit kay Jesus, yamang sinisikap ng mga tagapamahala ng Roma nang panahong iyon na supilin ang Kristiyanismo.
Sa kabilang panig, ganito naman ang sabi ng The Historians’ History of the World: “Mas mahalaga ang epekto ng mga gawain [ni Jesus] sa kasaysayan, kahit sa sekular na pangmalas lamang, kaysa sa mga nagawa ng sinumang tao. Karaniwan nang kinikilala ng pangunahing mga sibilisasyon ng daigdig na nagsimula ang isang bagong panahon nang isilang si [Jesus].”
Iniulat ng magasing Time na mas maraming aklat ang naisulat tungkol kay Jesus kaysa sa sinumang tao sa kasaysayan. Pangunahin nang tinatalakay ng marami sa mga aklat na ito ang tanong hinggil sa pagkakakilanlan ni Jesus, samakatuwid nga, kung sino ba talaga siya. Marahil ay mas maraming kontrobersiya tungkol sa bagay na ito kaysa sa alinmang ibang paksa sa kasaysayan ng tao.
Unang mga Katanungan ng Pagkakakilanlan
Nang sabihin kay Maria na magkakaanak siya at na tatawagin niya itong Jesus, nagtanong siya: “Paano ito mangyayari, yamang wala akong pakikipagtalik sa lalaki?” Sumagot ang anghel ng Diyos na si Gabriel: “Ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay lililim sa iyo. Sa dahilan ding iyan kung kaya ang ipanganganak ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.”—Lucas 1:30-35.
Nang maglaon, gumawa ng mga himala si Jesus na ikinamangha ng kaniyang mga apostol. Nang muntik nang lumubog ang kanilang bangka sa Dagat ng Galilea dahil sa napakalakas na buhawi, pinahupa ni Jesus ang katubigan nang sabihin niyang “Tigil! Tumahimik ka!” Napabulalas sa panggigilalas ang kaniyang mga apostol: “Sino nga bang talaga ito?”—Marcos 4:35-41; Mateo 8:23-27.
Karaniwan nang itinatanong ng mga tao noong panahon ni Jesus ang tunay niyang pagkakakilanlan, kaya tinanong ni Jesus ang kaniyang mga apostol kung sino siya ayon sa sinasabi ng mga tao. “Ang ilan ay nagsasabing si Juan Bautista,” ang sagot nila, “ang iba ay si Elias, ang iba pa ay si Jeremias o isa sa mga propeta”—na pawang mga patay na noon. Pagkatapos ay nagtanong pa si Jesus: “ ‘Kayo naman, sino ako ayon sa sinasabi ninyo?’ Bilang sagot ay sinabi ni Simon Pedro: ‘Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.’ ” Maging ang mga demonyo—napakasasamang anghel—ay nagsabi tungkol kay Jesus: “Ikaw ang Anak ng Diyos.”—Mateo 16:13-16; Lucas 4:41.
Kung Sino si Jesus Ayon sa Kaniya
Bagaman bihirang sabihin ni Jesus na siya ang Anak ng Diyos, inamin naman niya na siya nga iyon. (Marcos 14:61, 62; Juan 3:18; 5:25, 26; 11:4) Gayunman, halos lagi niyang sinasabi na siya “ang Anak ng tao.” Sa pagpapakilala sa kaniyang sarili sa ganitong paraan, itinampok niya ang kaniyang pagsilang bilang tao—ang katotohanan na talagang tao siya. Sa gayon, isiniwalat din niya na siya ang “anak ng tao” na nakita ni Daniel sa pangitain na nasa harap ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat—ang “Sinauna sa mga Araw.”—Mateo 20:28; Daniel 7:13.
Sa halip na ipahayag na siya ang Anak ng Diyos, hinayaan ni Jesus na humantong sa gayong konklusyon ang iba. At bukod sa kaniyang mga apostol, humantong din sa gayong konklusyon ang ibang mga tao, pati na si Juan Bautista at ang kaibigan ni Jesus na si Marta. (Juan 1:29-34; 11:27) Naniwala ang mga ito na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Natutuhan nila na nabuhay siya sa langit bilang makapangyarihang espiritung persona at na ang kaniyang buhay ay makahimalang inilipat ng Diyos sa sinapupunan ng birheng si Maria.—Isaias 7:14; Mateo 1:20-23.
Kung Paano Siya Nakakatulad ng Unang Taong si Adan
Magkatulad sina Jesus at ang unang taong si Adan sa maraming paraan. Halimbawa, kapuwa sila sakdal na lalaki na walang amang tao. (Genesis 2:7, 15) Kaya sa Bibliya, tinatawag si Jesus na “huling Adan”—isang sakdal na tao na maaaring maging “katumbas na pantubos.” Ang buhay ni Jesus ay katumbas niyaong sa “unang taong si Adan,” na nilalang ng Diyos bilang sakdal na tao.—1 Corinto 15:45; 1 Timoteo 2:5, 6.
Ang unang Adan ay tinatawag sa Bibliya na “anak ng Diyos.” (Lucas 3:38) Gayunman, naiwala ng Adan na iyon ang kaniyang mahalagang kaugnayan bilang anak ng Diyos dahil sa kusang pagsuway sa Diyos. Sa kabilang panig naman, laging tapat si Jesus sa kaniyang makalangit na Ama, at nananatili siyang sinang-ayunang Anak ng Diyos. (Mateo 3:17; 17:5) Sinasabi ng Bibliya na ang lahat ng nananampalataya kay Jesus at tumatanggap sa kaniya bilang kanilang Tagapagligtas ay magtatamo ng buhay na walang hanggan.—Juan 3:16, 36; Gawa 5:31; Roma 5:12, 17-19.
Gayunman, ikinakatuwiran ng ilan na hindi lamang Anak ng Diyos si Jesus kundi siya mismo talaga ang Diyos. Sinasabi nila na siya at ang kaniyang Ama ay kapuwa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Tama ba sila? Bahagi nga ba ng Diyos si Jesus sa paanuman? Iyan ba ang sinabi ni Jesus, o ng sinumang manunulat ng Bibliya? Sino nga ba talaga ang tanging tunay na Diyos? Sino Siya ayon kay Jesus? Tingnan natin.
[Kahon/Larawan sa pahina 4]
Wala Nang Mas Kilalá Pa Kaysa sa Kaniya
Ang salaysay hinggil sa buhay ni Jesus ay iniulat ng apat sa kaniyang mga kapanahon—sina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan—dalawa sa mga ito ay malapít na kasamahan niya. Ang kanilang mga aklat, na isinunod sa pangalan nila, ay karaniwan nang tinatawag na Mga Ebanghelyo, at ang mga bahagi nito ay mababasa sa mahigit na dalawang libong wika. Ang maliliit na aklat na ito ay karaniwan nang kabilang sa iba pang mga aklat na siyang bumubuo sa Bibliya. Ang sirkulasyon ng Mga Ebanghelyo—ito man ay indibiduwal na mga aklat o bilang bahagi ng Bibliya—ay lubhang nakahihigit kaysa sa alinmang iba pang akda sa kasaysayan. Hindi nga kataka-taka na si Jesus ay mas kilalá pa kaysa sa sinumang tao na nabuhay kailanman!
[Larawan sa pahina 3]
“Sino nga bang talaga ito?” ang tanong ng mga apostol