Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 2/15 p. 10-15
  • Isang Katumbas na Pantubos Para sa Lahat

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Katumbas na Pantubos Para sa Lahat
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Isyu na Lulutasin
  • Pantubos: Isang Pantakip
  • Isang Katumbas na Pantubos
  • Sino ang Naglalaan ng Pantubos?
  • “Naganap Na!”
  • Naglaan si Jehova ng “Pantubos na Kapalit ng Marami”
    Maging Malapít kay Jehova
  • Ang Pantubos—Pinakamahalagang Regalo ng Diyos
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Ang Pantubos—Ang Pinakamahalagang Regalo ng Diyos
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Paanong ang Hain ni Jesus ay Naging “Pantubos Para sa Marami”?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 2/15 p. 10-15

Isang Katumbas na Pantubos Para sa Lahat

“Ang Anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos kapalit ng marami.”​—MATEO 20:28.

1, 2. (a) Bakit masasabi na ang pantubos ang pinakadakilang regalo ng Diyos sa sangkatauhan? (b) Anong kapakinabangan ang dulot ng pagsusuri sa pantubos?

ANG pantubos ang pinakadakilang regalo ng Diyos sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng “katubusan dahil sa pantubos,” tayo’y maaaring magkamit ng “kapatawaran ng ating mga pagkakasala.” (Efeso 1:7) Ito ang pundasyon ng isang pag-asang buhay na walang-hanggan, maging sa langit man o sa isang lupang paraiso. (Lucas 23:43; Juan 3:16) At dahilan dito, ang mga Kristiyano ay maaaring magtamasa ng isang malinis na katayuan sa harap ng Diyos kahit na ngayon.​—Apocalipsis 7:14, 15.

2 Samakatuwid ang pantubos ay hindi isang bagay na malabo o mahirap unawain. Yamang ito’y may legal na pundasyon sa banal na mga simulain, ang pantubos ay makapagdadala ng tunay, nakikitang mga kapakinabangan. May mga bahagi ang doktrinang ito na maaaring “mahirap maunawaan.” (2 Pedro 3:16) Subalit makikita mo na sulit naman ang magpagal upang masuri nang maingat ang pantubos, sapagkat mababanaag dito ang walang katulad na pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ang pagkaunawa sa kahulugan ng pantubos ay pagkaunawa sa isang mahalagang bahagi ng di-malirip na “kayamanan at karunungan at kaalaman” ng Diyos.​—Roma 5:8; 11:33.

Mga Isyu na Lulutasin

3. Papaano kinailangan ang isang pantubos, at bakit hindi maaaring basta lamang patawarin ng Diyos ang pagkamakasalanan ng tao?

3 Kinailangan ang pantubos dahilan sa kasalanan ng unang tao, si Adan, na nagsalin sa kaniyang mga supling ng isang walang-kabuluhang pamanang sakit, karamdaman, kalungkutan, at kirot. (Roma 8:20) Dahilan sa kanilang minanang di-kasakdalan, lahat ng mga inapo ni Adan ay “mga anak ng kapootan,” na karapat-dapat sa kamatayan. (Efeso 2:3; Deuteronomio 32:5) Ang Diyos ay hindi maaaring padala sa walang-prinsipyong sentimyento at patawarin na lamang ang sangkatauhan. Ang kaniyang sariling Salita ay nagpapakita na “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) Kung basta lamang patatawarin ang kasalanan ng tao, ipagwawalang-bahala ng Diyos ang kaniyang sariling matuwid na mga pamantayan, upang mapawalang-bisa ang kaniyang sariling legal na katarungan! (Job 40:8) Gayunman, ang “katuwiran at kahatulan ang tatag na dako ng trono [ng Diyos].” (Awit 89:14) Ang anumang paglihis niya sa matuwid ay lalo lamang magpapatibay-loob sa kaninuman ukol sa paglabag sa kautusan at sisirain ang kaniyang posisyon bilang Pansansinukob na Soberano.​—Ihambing ang Eclesiastes 8:11.

4. Ang paghihimagsik ni Satanas ay nagbangon ng anong mga isyu?

4 Kinailangan din ng Diyos na lutasin ang iba pang mga isyu na ibinangon ng paghihimagsik ni Satanas, mga isyu na lalong mahalaga kaysa kinasuungan ng tao. Nilambungan ni Satanas ang mabuting pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibintang kay Jehova ng pagiging isang sinungaling at isang malupit na diktador na nagkakait sa kaniyang mga nilalang ng kaalaman at kalayaan. (Genesis 3:1-5) Isa pa, sa pamamagitan ng waring pagsugpo sa layunin ng Diyos na punuin ang lupa ng matuwid na mga tao, pinagtingin ni Satanas na ang Diyos ay nabigo. (Genesis 1:28; Isaias 55:10, 11) Si Satanas ay nangahas din na siraan ang tapat na mga lingkod ng Diyos, na nagparatang na sila’y naglilingkod sa Kaniya dahil lamang sa mapag-imbot na mga motibo. Kung gigipitin, ang pangangalandakan pa ni Satanas, wala isa man sa kanila ang mananatiling tapat sa Diyos!​—Job 1:9-11.

5. Bakit hindi maaaring palampasin ng Diyos ang mga hamon ni Satanas?

5 Ang mga hamong ito ay hindi maaaring palampasin. Kung ang mga ito ay palalampasin, ang pagtitiwala at pagsuporta sa pamamahala ng Diyos ay sa wakas maglalaho. (Kawikaan 14:28) Kung wala nang batas at kaayusan, hindi ba napakalaking kapinsalaan ang maghahari sa buong sansinukob? Kaya obligado ang Diyos sa kaniyang sarili at sa kaniyang matuwid na mga daan na ipagbangong-puri ang kaniyang soberanya. Siya’y obligado sa kaniyang tapat na mga lingkod na payagan sila na ipakita ang kanilang di-masisirang katapatan sa kaniya. Ito’y nangangahulugan ng pakikitungo sa kalagayan ng makasalanang sangkatauhan sa paraan na ang inuuna’y ang pinakamahalagang mga isyu. Nang malaunan ay sinabi niya sa Israel: “Ako​—ako ang Isa na siyang pumapawi ng iyong mga pagsalansang alang-alang sa akin.”​—Isaias 43:25.

Pantubos: Isang Pantakip

6. Ano ang ilan sa mga terminong ginagamit sa Bibliya upang ilarawan ang paraan ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan?

6 Sa Awit 92:5, ating mababasa: “Kaydakila ng iyong mga gawa, Oh Jehova! Ang iyong mga pag-iisip ay totoong malalalim.” Samakatuwid ay nangangailangan na tayo’y magpagal upang maintindihan kung ano ang ginawa ng Diyos para sa sangkatauhan. (Ihambing ang Awit 36:5, 6.) Nakatutuwa naman, ang Bibliya’y tumutulong sa atin na maunawaan ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng paggamit ng ilang termino na nagpapaliwanag o naghahalimbawa sa dakilang mga gawa ng Diyos buhat sa sarisaring punto-de-vista. Sa Bibliya tinutukoy ang pantubos sa mga terminong may kinalaman sa pagbili, pagkakasundo, pagpayapa, pagtubos, at pagtatakip. (Awit 49:8; Daniel 9:24; Galacia 3:13; Colosas 1:20; Hebreo 2:17) Ngunit marahil ang pangungusap na pinakamagaling na nagpapaliwanag ng mga bagay ay yaong ginamit ni Jesus mismo sa Mateo 20:28: “Ang Anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos [Griego, lyʹtron] kapalit ng marami.”

7, 8. (a) Ano ang ating natututuhan buhat sa mga salitang Griego at Hebreo para sa pantubos? (b) Ipaghalimbawa kung papaano sa pagtubos ay kasangkot ang pagtutulad.

7 Ano ba ang isang pantubos? Ang salitang Griegong lyʹtron ay galing sa isang pandiwa na ang ibig sabihin “luwagan.” Ito ay ginamit upang tumukoy sa salaping ibinayad kapalit ng pagpapalaya sa mga preso sa digmaan. Gayunman, sa Kasulatang Hebreo ang salita para sa pantubos, koʹpher, ay galing sa isang pandiwa na ang ibig sabihin ay “takpan” o “talukbungan.” Halimbawa, sinabi ng Diyos kay Noe na takpan (ka·pharʹ) ng sahing ang daong. (Genesis 6:14) Kung gayon, buhat sa ganitong punto-de-vista ang ibig sabihin ng tubusin, o pagbayaran ang mga kasalanan, ay takpan ang mga kasalanan.​—Awit 65:3.

8 Sa Theological Dictionary of the New Testament ay binabanggit na ang koʹpher ay “laging nangangahulugan ng isang katumbas,” o katulad. Sa gayon, ang takip (kap·poʹreth) ng kaban ng tipan ay may hugis na katulad ng kaban mismo. Sa katulad na paraan, sa pagbabayad ng kasalanan, o pagtubos, ang kahilingan ng katarungan ng Diyos ay ‘kaluluwa sa kaluluwa, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa.’ (Deuteronomio 19:21) Gayunman, kung minsan ang katarungan ay nasasapatan kung isang katumbas ang inihahandog sa halip na lapatan ng mahigpit na parusa. Bilang halimbawa: ang Exodo 21:28-32 ay bumabanggit ng isang toro na nanunuwag at pumapatay sa isang tao. Kung alam ng may-ari na gayong kalupit ang toro ngunit hindi siya gumawa ng nararapat na pag-iingat, siya’y maaaring hilingan na ang buhay ng namatay na biktima ay tumbasan, o bayaran ng kaniyang sariling buhay! Gayunman ano kung ang may-ari ay hindi naman siyang lubusang may pananagutan? Siya’y mangangailangan ng isang koʹpher, isang bagay na magtatakip ng kaniyang pagkakamali. Ang hinirang na mga hukom ay maaaring magpataw sa kaniya ng kahilingang pantubos, o multa, bilang isang halagang tumutubos.

9. Papaanong ang isang kalagayan may kaugnayan sa mga panganay ng Israel ay nagpapakita na kailangang eksakto ang isang halagang pantubos?

9 Ang isa pang terminong Hebreo may kaugnayan sa “pagtubos” ay pa·dhahʹ, isang pandiwa na ang simpleng kahulugan ay “tubusin.” Sa Bilang 3:39-51 ay ipinaghahalimbawa kung gaano kaeksakto ang kailangan sa halaga na itutubos. Pagkatapos na sagipin ang mga panganay na Israelita buhat sa kamatayan noong Paskuwa ng 1513 B.C.E., sila’y pag-aari na ng Diyos. Sa gayo’y mahihilingan niya na ang bawat panganay na anak na Israelita ay maglingkod sa kaniya sa templo. Sa halip, ang Diyos ay tumanggap ng isang “halagang pantubos” (pidh·yohmʹ, isang pangngalan na galing sa pa·dhahʹ), na nag-uutos: “Kunin mo ang mga Levita para sa akin . . . kapalit ng lahat ng panganay sa mga anak ni Israel.” Ngunit ang palitan ay kailangang eksakto. Binilang ang mga nasa tribo ni Levi: 22,000 lalaki. Pagkatapos, binilang ang lahat ng mga panganay na Israelita: 22,273 lalaki. Sa pagbabayad lamang ng isang “pantubos na halaga” na limang siklo para sa bawat indibiduwal maaaring matubos ang 273 sobrang panganay, na malibre sa paglilingkod sa templo.

Isang Katumbas na Pantubos

10. Bakit ang mga haing hayop ay hindi sapat na makapagtatakip sa mga kasalanan ng sangkatauhan?

10 Ipinakikita ng naunang parapo na ang isang pantubos ay kailangang maging katumbas ng tinutubos, o tinatakpan niyaon. Ang mga haing hayop na inihandog ng mga taong sumasampalataya mula kay Abel pasulong ay hindi talagang makapagtakip ng mga kasalanan ng mga tao, yamang ang mga tao ay nakatataas sa hamak na mga ganid. (Awit 8:4-8) Kaya naman si Pablo ay sumulat na “hindi maaari na ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay pumawi ng mga kasalanan.” Ang gayong mga hain ay maaaring magsilbi lamang na isang larawan, o simbolo, na nagtatakip sa pag-asang may pantubos na darating.​—Hebreo 10:1-4.

11, 12. (a) Bakit hindi na kailangang libu-libong milyong mga tao ang mamatay bilang hain upang matakpan ang pagkamakasalanan ng sangkatauhan? (b) Sino lamang ang makapagsisilbing “isang katumbas na pantubos,” at sa anong layunin nagsisilbi ang kaniyang kamatayan?

11 Ang inihulang pantubos na ito ay kailangang eksaktong katumbas ni Adan, yamang ang parusang kamatayan na makatarungang ikinapit ng Diyos kay Adan ay nagbunga ng sumpa sa lahi ng tao. “Kay Adan lahat ay nangamamatay,” ang sabi ng 1 Corinto 15:22. Kaya hindi na kailangang libu-libong milyong mga indibiduwal na tao ang mamatay bilang katumbas na hain ng bawat isang indibiduwal na supling ni Adan. “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan.” (Roma 5:12) At “yamang ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng isang tao,” ang katubusan ng sangkatauhan ay maaaring dumating din “sa pamamagitan ng isang tao.”​—1 Corinto 15:21.

12 Ang taong maaaring maging pantubos ay kailangang isang sakdal na taong laman at dugo​—ang eksaktong katumbas ni Adan. (Roma 5:14) Ang isang espiritung nilalang o isang “Diyos-tao” ay hindi maaaring makatimbang bilang pag-ayon sa katarungan. Tanging ang isang sakdal na tao, isang wala sa ilalim ng sintensiyang kamatayan na hatol kay Adan, ang makapaghahandog ng “isang katumbas na pantubos,” isang katumbas na katumbas ni Adan. (1 Timoteo 2:6)a Sa pamamagitan ng kusang paghahain ng kaniyang buhay, itong “huling Adan” na ito ay makapagbibigay ng kabayaran para sa kasalanan ng “unang taong si Adan.”​—1 Corinto 15:45; Roma 6:23.

13, 14. (a) Si Adan at si Eva ba ay nakikinabang sa pantubos? Ipaliwanag. (b) Papaanong ang mga inapo ni Adan ay nakikinabang sa pantubos? Ipaghalimbawa.

13 Gayunman, si Adan ni si Eva ay hindi nakikinabang sa pantubos. Nasa Kautusang Mosaiko ang ganitong simulain: “Huwag kayong tatanggap ng pantubos sa kaluluwa ng isang mamamatay-tao na karapat-dapat mamatay.” (Bilang 35:31) Si Adan ay hindi nadaya, kaya ang kaniyang pagkakasala ay kinusa, sinadya. (1 Timoteo 2:14) Katulad na rin iyon ng pagpatay sa kaniyang mga supling, sapagkat sila ngayon ay nagmana ng kaniyang di-kasakdalan, sa gayo’y sumasailalim ng sintensiyang kamatayan. Maliwanag, si Adan ay karapat-dapat mamatay, sapagkat bilang isang sakdal na tao, kusang pinili niya na sumuway sa kautusan ng Diyos. Labag nga sa matuwid na mga simulain ni Jehova kung ang pantubos ay kaniyang gagamitin kay Adan. Gayunman, sa pamamagitan ng pagbabayad ng isang halaga sa kasalanan ni Adan ay napawawalang-bisa ang sintensiyang kamatayan sa mga supling ni Adan! (Roma 5:16) Sa diwang legal, ang kapahamakang dulot ng kasalanan ay agad nasusugpo sa mismong panggagalingan nito. Ang tagatubos ay ‘dumaranas ng kamatayan para sa bawat tao,’ dinadala niya ang mga naibunga ng kasalanan para sa lahat ng mga anak ni Adan.​—Hebreo 2:9; 2 Corinto 5:21; 1 Pedro 2:24.

14 Bilang halimbawa: Gunigunihin ang isang malaking pabrika na may daan-daang empleyado. Dahil sa isang mandarayang manedyer ng pabrika ay bumabagsak ang negosyo; nagsasara tukoy ang pabrikang iyon. Daan-daan ang ngayon ay walang trabaho at hindi makabayad ng kani-kanilang pagkakautang. Ang kanilang mga kabiyak, mga anak, at, oo, mga pinagkakautangan ay pawang dumaranas ng kahirapan dahilan sa katiwalian ng kaisa-isang taong iyon! At sádarating ang isang mayamang tagapagpala na nagbayad ng pagkakautang ng kompanya at muling binuksan ang pabrika. Ang pagkakaltas ng kaisa-isang pagkakautang na iyan, sa kabilang dako, ay nagdadala ng buong kaginhawahan sa maraming empleyado, sa kani-kanilang pamilya, at sa mga pinagkakautangan. Subalit ang nasabing manedyer ba ay nagkakaroon ng bahagi sa bagong kaunlaran? Hindi, siya’y nakabilanggo at sa gayo’y permanenteng wala na sa kaniyang trabaho! Sa katulad na paraan, ang pagkakaltas sa kaisa-isang pagkakautang ni Adan ay nagdudulot ng kapakinabangan sa milyun-milyon ng kaniyang mga inapo​—ngunit hindi kay Adan.

Sino ang Naglalaan ng Pantubos?

15. Sino ang makapaglalaan ng pantubos para sa sangkatauhan, at bakit?

15 Ang salmista’y nanaghoy: “Walang isa man sa kanila na makatutubos sa ano pa mang paraan kahit sa isang kapatid, ni makapagbibigay man sa Diyos ng pantubos para sa kaniya; (at ang halagang pantubos sa kanilang kaluluwa ay pagkamahal-mahal kung kaya’t naglilikat magpakailanman).” Ang The New English Bible ay nagsasabi na ang halagang pantubos ay “kailanman hindi abot ng kaniyang kaya na bayaran.” (Awit 49:7, 8) Sino, kung gayon, ang maglalaan ng pantubos? Tanging si Jehova ang makapaglalaan ng sakdal na “Kordero . . . na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29) Hindi isang anghel ang sinugo ng Diyos upang sumagip sa sangkatauhan. Siya’y gumawa ng pinakasukdulang sakripisyo na pagsusugo ng kaniyang bugtong na Anak, “ang isa na natatanging kinagigiliwan niya.”​—Kawikaan 8:30; Juan 3:16.

16. (a) Papaanong ang Anak ng Diyos ay naisilang bilang isang sakdal na tao? (b) Ano ang maitatawag kay Jesus sa isang diwang legal?

16 Sa kaniyang may kalugurang pakikibahagi sa banal na kaayusan, ang Anak ng Diyos ay “naghubad sa kaniyang sarili” ng kaniyang makalangit na kalikasan. (Filipos 2:7) Ang puwersa-ng-buhay at ang kaayusan ng personalidad ng kaniyang panganay na Anak sa langit ay inilipat ni Jehova sa bahay-bata ng isang birheng Judio na nagngangalang Maria. Pagkatapos ay ‘nililiman siya’ ng banal na espiritu, na nagbibigay ng garantiya na ang sanggol na lumalaki sa kaniyang bahay-bata ay banal, walang bahagya mang kasalanan. (Lucas 1:35; 1 Pedro 2:22) Bilang isang tao, siya’y tatawaging Jesus. Subalit sa diwang legal, siya’y matatawag na ‘ang ikalawang Adan,’ sapagkat siya’y katumbas na katumbas ni Adan. (1 Corinto 15:45, 47) Sa gayo’y maihahandog ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “isang korderong walang kapintasan at walang dungis,” isang pantubos para sa makasalanang sangkatauhan.​—1 Pedro 1:18, 19.

17. (a) Kanino ibinayad ang pantubos, at bakit? (b) Yamang ang Diyos ang kapuwa naglalaan at tumatanggap ng pantubos, bakit pa nga ginagawa ang palitan?

17 Kanino, nga ba, ibabayad ang pantubos na iyon? Sa loob ng daan-daang taon ipinangatuwiran ng mga teologo ng Sangkakristiyanuhan na iyon ay ibinayad kay Satanas na Diyablo. Ang totoo ay na “ipinagbili sa ilalim” ng kasalanan ang sangkatauhan at sa gayo’y napasa-ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. (Roma 7:14; 1 Juan 5:19) Kahit gayon, si Jehova pa rin, hindi si Satanas, ang “naglalapat ng parusa” sa gawang masama. (1 Tesalonica 4:6) Samakatuwid, gaya ng malinaw na sinasabi ng Awit 49:7, ang pantubos ay ibinabayad “sa Diyos.” Si Jehova ang naglalaan ng pantubos, subalit pagkatapos na maihain na ang Kordero ng Diyos, ang halaga ng kaniyang pantubos ay kailangang ibayad sa Diyos. (Ihambing ang Genesis 22:7, 8, 11-13; Hebreo 11:17.) Dahil dito ang pagtubos ay hindi napapauwi sa isang walang-saysay, automatikong palitan, na para bang ang isa’y dumukot ng salapi sa kaniyang bulsa at inilagay sa bulsa ng iba. Ang pagtubos ay hindi gaanong isang pisikal na palitan kundi isang legal na transaksiyon. Sa pagpipilit na ibayad ang isang pantubos​—kahit na magbayad ng malaking halaga sa ganang sarili niya​—​muling pinatunayan ni Jehova ang kaniyang walang-pagbabagong pagsunod sa matuwid na mga simulain.​—Santiago 1:17.

“Naganap Na!”

18, 19. Bakit kinailangan na si Jesus ay maghirap?

18 Nang tagsibol ng 33 C.E., panahon na iyon upang ibayad ang pantubos. Si Jesu-Kristo ay inaresto dahil sa mga maling bintang, hinatulan na nagkasala, at ipinako sa isang bibitayang tulos. Siya’y nagsumamo sa Diyos kasabay ng “malalakas na daing at pagluha” dahilan sa matinding kirot at sa kaabahang kasama niyaon. (Hebreo 5:7) Kailangan ba na magdusa nang gayon si Jesus? Oo, sapagkat sa pananatiling “tapat, walang-sala, walang-dungis, hiwalay sa mga makasalanan,” magpahanggang sa wakas, nilutas ni Jesus nang minsanan at magpakailanman ang isyu ng katapatan ng mga lingkod ng Diyos.​—Hebreo 7:26.

19 Ang mga paghihirap ni Kristo ay nagsilbing paraan din upang siya’y mapaging sakdal para sa kaniyang tungkulin bilang Mataas na Saserdote para sa sangkatauhan. Kung gayon, siya’y hindi maaaring maging isang malamig-damdamin, malayo sa kapuwa na burukrata. “Palibhasa’y naghirap siya nang malagay sa pagsubok, siya’y makasasaklolo sa mga nasa pagsubok.” (Hebreo 2:10, 18; 4:15) Nang siya’y naghihingalo na, si Jesus ay makahihiyaw sa tagumpay, “Naganap na!” (Juan 19:30) Ang kaniyang sariling integridad ay hindi lamang pinatunayan niya kundi siya’y nagtagumpay sa paglalatag ng saligan ukol sa kaligtasan ng sangkatauhan​—at lalong mahalaga, sa pagbabangong-puri ng pagkasoberano ni Jehova!

20, 21. (a) Bakit si Kristo ay binuhay buhat sa mga patay? (b) Bakit si Jesu-Kristo ay “binuhay sa espiritu”?

20 Gayunman, sa anong paraan aktuwal na gagamitin sa makasalanang sangkatauhan ang pantubos? Kailan? Papaano? Ang mga bagay na ito ay hindi ipinagbaka-sakali. Noong ikatlong araw pagkamatay ni Kristo, siya’y binuhay ni Jehova buhat sa mga patay. (Gawa 3:15; 10:40) Sa pamamagitan nitong makasaysayang pagkilos na ito, isang katotohanan na pinatutunayan ng daan-daang nakasaksi, hindi lamang ginantimpalaan ni Jehova ang tapat na paglilingkod ng kaniyang Anak kundi binigyan siya ng pagkakataon na tapusin ang kaniyang gawang pagtubos.​—Roma 1:4; 1 Corinto 15:3-8.

21 Si Jesus ay “binuhay sa espiritu,” anupa’t ang kaniyang makalupang mga labí ay iningatan at walang sinumang nakababatid kung nasaan. (1 Pedro 3:18; Awit 16:10; Gawa 2:27) Bilang isang espiritung nilalang, ang binuhay-muling si Jesus ay matagumpay na makababalik na ngayon sa langit. Tiyak na pagkasaya-saya sa langit nang maganap iyon! (Ihambing ang Job 38:7.) Si Jesus ay hindi bumalik upang tamasahin lamang ang kaligayahan ng pagtanggap sa kaniya. Siya’y naroroon upang ganapin ang iba pang mga gawain, kasali na ang paggawa upang ang buong lahi ng sangkatauhan ay makinabang sa kaniyang pantubos. (Ihambing ang Juan 5:17, 20, 21.) Kung papaano niya ginanap ito at kung ano ang kahulugan nito para sa sangkatauhan ay tatalakayin sa susunod na artikulo.

[Talababa]

a Ang salitang Griegong ginamit dito, na an·tiʹly·tron, ay hindi makikita saanman sa Bibliya. Ito’y kaugnay ng salitang ginamit ni Jesus para sa pantubos (lyʹtron) sa Marcos 10:45. Gayunman, sa The New International Dictionary of New Testament Theology binabanggit na sa an·tiʹly·tron ay ‘idiniriin ang ideya ng palitan.’ Angkop naman, ito’y isinasalin ng New World Translation na “katumbas na pantubos.”

Mga Tanong sa Repaso

◻ Anong mga isyu ang lalong higit na mahalaga kaysa kaligtasan ng sangkatauhan?

◻ Ano ang ibig sabihin ng “tubusin” ang mga makasalanan?

◻ Sino ang katumbas ni Jesus, at bakit?

◻ Sino ang naglalaan ng pantubos, at kanino ito ibinabayad?

◻ Bakit kailangan na si Jesus ay buhayin sa mga patay bilang isang espiritu?

[Larawan sa pahina 13]

Ang mga haing hayop ay di-sapat upang magtakip sa mga kasalanan ng tao; inilarawan ng mga ito ang lalong dakilang haing darating

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share