-
Makatatagal Ba sa Apoy ang Iyong Gawa?Ang Bantayan—1998 | Nobyembre 1
-
-
13. Ano ang isinasagisag ng apoy sa ilustrasyon ni Pablo, at sa ano dapat maging alisto ang lahat ng Kristiyano?
13 May isang apoy na kinakaharap nating lahat sa buhay—ang mga pagsubok sa ating pananampalataya. (Juan 15:20; Santiago 1:2, 3) Kailangang malaman ng mga Kristiyano sa Corinto, kung paanong dapat din nating malaman sa ngayon, na ang lahat ng tinuturuan natin ng katotohanan ay susubukin. Kung mahina ang pagtuturo natin, baka nakalulungkot ang ibunga. Nagbabala si Pablo: “Kung ang gawa ng sinuman na itinayo niya rito ay manatili, tatanggap siya ng gantimpala; kung ang gawa ng sinuman ay masunog, daranas siya ng kawalan, ngunit siya mismo ay maliligtas; gayunman, kung gayon, ito ay magiging gaya ng sa pamamagitan ng apoy.”c—1 Corinto 3:14, 15.
14. (a) Paano maaaring “daranas ng kawalan” ang mga Kristiyanong gumagawa ng alagad, subalit paano nila matatamo ang kaligtasan na gaya sa pamamagitan ng apoy? (b) Paano natin mababawasan ang panganib na dumanas ng kawalan?
14 Tunay na seryosong mga pananalita! Napakasakit ang magpagal upang tulungan ang isa na maging isang alagad, upang pagkatapos ay makita lamang na nagpadaig ang taong iyon sa tukso o pag-uusig at sa dakong huli ay nilisan ang daan ng katotohanan. Ganiyang-ganiyan ang inamin ni Pablo nang sabihin niyang daranas tayo ng kawalan sa gayong mga kalagayan. Napakasakit na karanasan anupat ang ating kaligtasan ay inilarawan na “sa pamamagitan ng apoy”—gaya ng isang tao na nawalan ng lahat dahil sa sunog at muntik nang hindi masagip. Sa bahagi naman natin, paano natin mababawasan ang panganib na dumanas ng kawalan? Magtayo sa pamamagitan ng matitibay na materyales! Kung tinuturuan natin ang ating mga estudyante upang maabot ang kanilang puso, anupat pinakikilos sila na pahalagahan ang mahahalagang katangiang Kristiyano gaya ng karunungan, kaunawaan, pagkatakot kay Jehova, at tunay na pananampalataya, kung gayo’y nagtatayo tayo sa pamamagitan ng mga materyales na matibay at di-tinatablan ng apoy. (Awit 19:9, 10; Kawikaan 3:13-15; 1 Pedro 1:6, 7) Yaong mga nakapaglilinang ng ganitong mga katangian ay magpapatuloy na gawin ang kalooban ng Diyos; tiyak ang kanilang pag-asa na manatiling buháy magpakailanman. (1 Juan 2:17) Paano, kung gayon, praktikal na magagamit natin ang ilustrasyon ni Pablo? Tingnan ang ilang halimbawa.
-
-
Makatatagal Ba sa Apoy ang Iyong Gawa?Ang Bantayan—1998 | Nobyembre 1
-
-
c Pinag-aalinlanganan ni Pablo ang kaligtasan, hindi ng tagapagtayo, kundi ng “gawa” ng tagapagtayo. Ganito ang pagkasalin ng The New English Bible sa talatang ito: “Kung makatagal ang gusali ng isang tao, siya’y gagantimpalaan; kung masunog ito, kailangang pasanin niya ang kawalan; at gayunma’y makaliligtas siya, gaya ng maaaring mangyari sa isa mula sa apoy.”
-