Takbuhin Nang May Pagbabata ang Takbuhan
“Takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin.”—HEB. 12:1.
1, 2. Saan inihalintulad ni apostol Pablo ang buhay ng mga Kristiyano?
TAUN-TAON, marami ang sumasali sa mga marathon na ginaganap sa iba’t ibang lugar. Ang pinakamahuhusay na mananakbo ay may iisang tunguhin—ang manalo. Pero simple lang ang pangarap ng ibang kalahok. Sapat na sa kanila ang makarating sa finish line.
2 Inihalintulad ng Bibliya sa takbuhan ang buhay ng mga Kristiyano. Sa unang liham ni apostol Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano sa sinaunang Corinto, isinulat niya: “Hindi ba ninyo alam na ang mga mananakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Tumakbo kayo sa paraang makakamit ninyo ito.”—1 Cor. 9:24.
3. Bakit sinabi ni Pablo na isang mananakbo lang ang mananalo?
3 Ibig bang sabihin ni Pablo na isa lang sa mga Kristiyanong iyon ang tatanggap ng gantimpalang buhay at lahat ng iba pa ay magiging talunan? Siyempre hindi! Ang mga mananakbo sa kompetisyon ay nag-eensayo at nagsisikap nang husto para manalo. Gusto ni Pablo na ganito rin ang gawing pagsisikap ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano sa kanilang takbuhan para makamit ang gantimpalang buhay na walang hanggan. Oo, sa takbuhang Kristiyano, ang lahat ng makararating sa finish line ay tatanggap ng gantimpalang buhay.
4. Ano ang dapat nating malaman tungkol sa takbuhang Kristiyano?
4 Nakapagpapatibay ang mga sinabi ni Pablo, pero pinag-iisip din nito ang lahat ng sumasali ngayon sa takbuhan ukol sa buhay. Bakit? Dahil ang gantimpala—buhay man sa langit o sa paraisong lupa—ay di-matutumbasan. Ang takbuhan ay mahaba at nakapapagod; maraming sagabal, pang-abala, at panganib. (Mat. 7:13, 14) Nakalulungkot, ang ilan ay nagmabagal, sumuko, o nabuwal pa nga sa daan. Anong mga sagabal at panganib ang nasa takbuhan ukol sa buhay? Paano mo maiiwasan ang mga ito? Ano ang magagawa mo para makarating sa finish line at manalo?
Kailangan ang Pagbabata Para Manalo
5. Ano ang ipinaliwanag ni Pablo sa Hebreo 12:1?
5 Sa kaniyang liham sa mga Kristiyanong Hebreo sa Jerusalem at Judea, binanggit uli ni Pablo ang tungkol sa takbuhan. (Basahin ang Hebreo 12:1.) Itinawag-pansin niya kung bakit dapat sumali sa takbuhang ito ang mga Kristiyano at kung ano ang dapat nilang gawin para manalo. Talakayin muna natin kung bakit sumulat si Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo at kung ano ang ipinayo niya sa kanila. Pagkatapos, pag-uusapan natin ang mga aral na matututuhan natin dito.
6. Ano ang ginawa ng mga lider ng relihiyon sa mga Kristiyano?
6 Ang mga Kristiyano noong unang siglo, lalo na ang mga nakatira sa Jerusalem at Judea, ay napapaharap sa maraming pagsubok. Ginigipit sila ng mga Judiong lider ng relihiyon na malakas pa rin ang impluwensiya sa mga tao. Mga tatlong dekada bago nito, ginamit ng mga lider na ito ang kanilang kapangyarihan para mahatulan at maipapatay si Jesu-Kristo. At wala silang planong tumigil sa pang-uusig. Sa aklat ng Mga Gawa, mababasa natin ang sunud-sunod na pagbabanta at pagsalakay nila sa mga Kristiyano, na nagsimula kaagad pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E. Tiyak na nagpahirap ito sa tapat na mga lingkod ng Diyos noon.—Gawa 4:1-3; 5:17, 18; 6:8-12; 7:59; 8:1, 3.
7. Bakit nabubuhay sa mahirap na panahon ang mga Kristiyanong sinulatan ni Pablo?
7 Bukod diyan, nabubuhay sila sa panahong malapit nang magwakas ang Judiong sistema ng mga bagay. Noong nasa lupa pa si Jesus, inihula na niya ang pagkapuksa ng di-tapat na bansang Judio. Sinabi rin niya sa kaniyang mga tagasunod kung ano ang mangyayari bago dumating ang wakas at binigyan sila ng espesipikong mga tagubilin kung paano makaliligtas. (Basahin ang Lucas 21:20-22.) Nagbabala si Jesus: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo.”—Luc. 21:34.
8. Bakit nagmabagal o sumuko sa takbuhan ang ilang Kristiyano?
8 Nang isulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga Hebreo, halos 30 taon na ang lumipas mula nang ibigay ni Jesus ang babalang iyon. Paano nakaapekto sa mga Kristiyanong iyon ang paglipas ng panahon? Ang ilan ay nagpadala sa araw-araw na panggigipit at pang-abala at hindi sumulong sa espirituwal, na nakapagpalakas sana sa kanila. (Heb. 5:11-14) Malamang na iniisip ng ilan na mas magiging maalwan ang buhay nila kung susunod na lang sila sa agos ng karamihan sa mga Judio. Baka iniisip nilang hindi ito mali dahil naniniwala naman sa Diyos ang mga Judio at sinusunod pa rin ng mga ito ang ilang bahagi ng Kautusan. Ang ibang Kristiyano naman ay naniwala o nagpatangay sa mga indibiduwal sa kongregasyon na naggigiit na kailangan pang sundin ang Kautusang Mosaiko at mga tradisyon. Ano kaya ang ipapayo sa kanila ni Pablo para makapanatili silang gising sa espirituwal at makapagbata sa takbuhan?
9, 10. (a) Sa bandang dulo ng Hebreo kabanata 10, anong pampatibay ang ibinigay ni Pablo? (b) Bakit isinulat ni Pablo ang tungkol sa pananampalataya ng sinaunang mga saksi?
9 Pansinin kung paano pinatibay ni Pablo ang mga Kristiyanong Hebreo. Sa kabanata 10 ng kaniyang kinasihang liham, binanggit niya na ang Kautusan ay “anino [lamang] ng mabubuting bagay na darating” at ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng haing pantubos ni Kristo. Sa bandang dulo ng kabanatang iyon, pinayuhan sila ni Pablo: “Nangangailangan kayo ng pagbabata, upang pagkatapos na magawa ninyo ang kalooban ng Diyos ay matanggap ninyo ang katuparan ng pangako. Sapagkat ‘kaunting-kaunting panahon’ na lamang, at ‘siya na pumaparito ay darating at hindi magluluwat.’”—Heb. 10:1, 36, 37.
10 Sa Hebreo kabanata 11, ipinaliwanag ni Pablo ang kahulugan ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Nagbigay siya ng mga halimbawa ng sinaunang mga lalaki at babaing nagpakita ng pananampalataya. Lumilihis ba siya sa paksa? Hindi naman. Gusto niyang maunawaan ng kaniyang mga kapuwa mananamba na kailangan ang lakas ng loob at pagbabata para maipakita ang pananampalataya. Ang magandang halimbawa ng sinaunang tapat na mga lingkod ni Jehova ay magpapatibay sa mga Kristiyanong Hebreo na harapin ang mga pagsubok. Kaya naman, pagkatapos talakayin ang tungkol sa pananampalataya ng mga lingkod na iyon ni Jehova, nasabi ni Pablo: “Yamang napalilibutan tayo ng ganito kalaking ulap ng mga saksi, alisin din natin ang bawat pabigat at ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin, at takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin.”—Heb. 12:1.
“Ulap ng mga Saksi”
11. Paano makatutulong sa atin ang pagsasaisip sa halimbawa ng malaking “ulap ng mga saksi”?
11 Ayon kay Pablo, ang mga lingkod ni Jehova na nabuhay bago ang panahong Kristiyano ay isang malaking “ulap ng mga saksi” na nakapalibot sa atin. Katulad sila ng mga mananakbong nakaabot na sa dulo ng takbuhan. Nanatili silang tapat kay Jehova hanggang kamatayan, at ipinakikita ng kanilang halimbawa na posibleng makapanatiling tapat kay Jehova ang mga Kristiyano kahit sa mahihirap na sitwasyon. Ang pagsasaisip sa kanilang halimbawa ay makapagpapatibay sa mga Kristiyanong Hebreo para ‘matakbo nila nang may pagbabata ang takbuhan.’ Magagawa rin natin iyan.
12. Ano ang matututuhan natin sa pananampalatayang ipinakita ng mga halimbawang binanggit ni Pablo?
12 May pagkakatulad ang kalagayan natin at ng tapat na mga lingkod ng Diyos na binanggit ni Pablo. Halimbawa, nabuhay si Noe nang malapit nang puksain ni Jehova ang sanlibutan noon. Nabubuhay naman tayo sa panahong malapit nang magwakas ang kasalukuyang sistema ng mga bagay. Inutusan sina Abraham at Sara na iwan ang kanilang sariling bayan alang-alang sa tunay na pagsamba at hintayin ang katuparan ng mga pangako ni Jehova. Pinapayuhan naman tayo na itatwa ang ating sarili para makamit ang pagpapala ni Jehova. Naglakbay si Moises sa nakatatakot na ilang patungo sa Lupang Pangako. Tumatahak naman tayo sa sistemang ito ng mga bagay na malapit nang magwakas, patungo sa ipinangakong bagong sanlibutan. Talagang makikinabang tayo kung isasaalang-alang natin ang pinagdaanan ng mga lingkod na ito—ang kanilang mga tagumpay at kabiguan, gayundin ang kanilang mga kalakasan at kahinaan.—Roma 15:4; 1 Cor. 10:11.
Kung Paano Sila Nagtagumpay
13. Anong mga hamon ang napaharap kay Noe, at ano ang nakatulong sa kaniya na magtagumpay?
13 Ano ang nakatulong sa mga lingkod na ito ni Jehova na magbata at magtagumpay sa takbuhan? Pansinin ang isinulat ni Pablo tungkol kay Noe. (Basahin ang Hebreo 11:7.) “Ang delubyo ng tubig sa ibabaw ng lupa [na lilipol sa] lahat ng laman” ay isang bagay na “hindi pa nakikita” ni Noe. (Gen. 6:17) Hindi pa ito nangyayari kailanman. Pero hindi inisip ni Noe na imposible ito. Bakit? Dahil nananampalataya siyang gagawin ni Jehova ang anumang sabihin Niya. Hindi nadama ni Noe na napakahirap ng ipinagagawa sa kaniya. Sa halip, “gayung-gayon ang ginawa niya.” (Gen. 6:22) Kung iisipin ang lahat ng kailangang gawin ni Noe—pagtatayo ng arka, pagtitipon ng mga hayop, pag-iimbak ng pagkain sa arka para sa mga tao at hayop, pangangaral ng babalang mensahe, at paglalaan ng espirituwal na pagkain sa kaniyang pamilya—hindi madaling gawin nang “gayung-gayon” ang iniutos sa kaniya. Pero dahil sa pananampalataya at pagbabata ni Noe, siya at ang kaniyang pamilya ay naligtas at pinagpala.
14. Paano nagbata ng mga pagsubok sina Abraham at Sara, at anong aral ang matututuhan natin dito?
14 Sina Abraham at Sara naman ang sumunod na binanggit ni Pablo sa talaan ng “ulap ng mga saksi.” Nagbago ang buhay nila nang utusan sila ng Diyos na iwan ang kanilang tahanan sa Ur. Parang walang kasiguruhan ang kanilang kinabukasan. Pero sila’y napakahusay na huwaran ng matibay na pananampalataya at pagkamasunurin sa harap ng mga pagsubok. Dahil sa lahat ng sakripisyo ni Abraham alang-alang sa tunay na pagsamba, tinawag siyang “ama ng lahat niyaong may pananampalataya.” (Roma 4:11) Hindi idinetalye ni Pablo ang lahat ng nangyari sa buhay ni Abraham dahil pamilyar na rito ang mga Kristiyano noon. Pero ang mga sinabi ni Pablo ay sapat na para maipakita ang tibay ng pananampalataya ni Abraham. Isinulat niya: “Sa pananampalataya ang lahat ng mga ito [pati na si Abraham at ang kaniyang pamilya] ay namatay, bagaman hindi nila nakamtan ang katuparan ng mga pangako, ngunit nakita nila ang mga iyon mula sa malayo at malugod na inasahan ang mga iyon at hayagang sinabi na sila ay mga taga-ibang bayan at mga pansamantalang naninirahan sa lupain.” (Heb. 11:13) Maliwanag na ang kanilang pananampalataya sa Diyos at kaugnayan sa kaniya ay nakatulong sa kanila na makatakbo nang may pagbabata.
15. Ano ang nagpakilos kay Moises na iwan ang maalwang buhay sa Ehipto?
15 Si Moises ay isa pang huwarang lingkod ni Jehova na kabilang sa “ulap ng mga saksi.” Iniwan ni Moises ang isang maalwang buhay at “pinili pang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos.” Ano ang nagpakilos sa kaniya na gawin iyon? Sumagot si Pablo: “Tumingin siyang mabuti sa gantimpalang kabayaran. . . . Nagpatuloy siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Basahin ang Hebreo 11:24-27.) Hindi hinayaan ni Moises na mailihis siya ng “pansamantalang kasiyahan sa kasalanan.” Matibay ang pagtitiwala ni Moises sa Diyos at sa Kaniyang mga pangako kaya nagpakita siya ng pambihirang lakas ng loob at pagbabata. Nagsikap siya nang husto na akayin ang mga Israelita mula sa Ehipto patungo sa Lupang Pangako.
16. Bakit hindi nasiraan ng loob si Moises kahit hindi siya pinahintulutang pumasok sa Lupang Pangako?
16 Gaya ni Abraham, hindi nakita ni Moises ang katuparan ng pangako ng Diyos. Noong nasa ilang ang mga Israelita, sina Moises at Aaron ay nayamot sa katigasan ng ulo ng bayan. Dahil dito, silang dalawa ay “naging masuwayin [sa Diyos] sa gitna ng mga anak ni Israel sa tubig ng Meriba.” Kaya naman, nang malapit nang pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, sinabi ng Diyos kay Moises: “Mula sa malayo ay makikita mo ang lupain, ngunit hindi ka makapapasok doon sa lupain na ibinibigay ko sa mga anak ni Israel.” (Deut. 32:51, 52) Nasiraan ba ng loob si Moises o naghinanakit? Hindi. Hiniling niya kay Jehova na pagpalain ang bayan. Ganito ang kaniyang huling mga salita: “Maligaya ka, O Israel! Sino ang gaya mo, isang bayan na nagtatamasa ng kaligtasan kay Jehova, ang kalasag na iyong tulong, at Siya na iyong tabak na marilag?”—Deut. 33:29.
Mga Aral Para sa Atin
17, 18. (a) Ano ang matututuhan natin sa “ulap ng mga saksi”? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
17 Batay sa pagtalakay natin tungkol sa ilang kabilang sa “ulap ng mga saksi,” maliwanag na kailangan natin ang matibay na pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang mga pangako para matapos natin ang takbuhan. (Heb. 11:6) Ang pananampalatayang ito ang dapat na maging sentro ng ating buhay. Di-gaya ng mga walang pananampalataya, alam ng mga lingkod ni Jehova ang mangyayari sa kinabukasan. Nakikita natin ang “Isa na di-nakikita,” kaya matatakbo natin nang may pagbabata ang takbuhan.—2 Cor. 5:7.
18 Hindi madali ang takbuhang Kristiyano. Pero kaya nating magtagumpay at makarating sa finish line. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang iba pang bagay na makatutulong sa atin.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Bakit isinulat ni Pablo ang tungkol sa pananampalatayang ipinakita ng tapat na mga saksi noon?
• Paano makatutulong sa atin ang halimbawang iniwan ng “ulap ng mga saksi”?
• Ano ang natutuhan mo sa halimbawa ng tapat na mga saksi na sina Noe, Abraham, Sara, at Moises?
[Larawan sa pahina 19]
Handang iwan nina Abraham at Sara ang maalwang buhay sa Ur