‘Tumutunog na Tanso o Isang Kumakalatong na Pompiyang’
Sino ba ang may ibig na maging isa lamang malaking ingay? “Kung ako’y . . . walang pag-ibig,” ang sabi ni apostol Pablo, “Ako’y nagiging isang tumutunog na kapirasong tanso o isang kumakalatong na pompiyang.” (1 Corinto 13:1) Kasasabi-sabi lamang ni Pablo ang lubhang pangangailangan na gamitin ang natatanging mga kaloob na tinanggap sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos alang-alang sa kapakinabangan ng buong kongregasyong Kristiyano. Kung walang pag-ibig, ang pagmamataas at kapalaluan ang mag-uudyok sa isang Kristiyano na mapatulad sa isang maingay, gumagaralgal, nakabibinging ingay na kayayamutan imbis na makaakit sa iba.—Tingnan ang 1 Corinto 12:4-9, 19-26.
Madali nating maintindihan ang ideya ng isang pompiyang na kumakalatong malapit sa atin, ngunit kumusta naman ang iba pang paghahalimbawa na ginamit ni Pablo, “ang tumutunog na kapirasong tanso”? (Griego, khal·kosʹ e·khonʹ) Ang pagkasalin dito ng iba ay “maingay na gong” (Today’s English Version) at “kumakalatong na gong” (New International Version). Si William Harris, sa kaniyang isinulat sa Biblical Archaeology Review, ay nagpapaliwanag na ang e·khonʹ ay galing sa kaparehong ugat na pinagkunan ng salitang Ingles na “echo,” samakatuwid ay nariyan ang ideya ng pag-ugong o pag-alingawngaw. Gayunman, sinasabi rin niya: “Ang pangalang chalkos ay ginagamit upang tumukoy sa sarisaring bagay na minolde buhat sa pinaghalong tanso at lata at tinatawag na bronse o brass—baluti, kutsilyo, kaldero, salamin, salapi, pati mga tableta. Subalit walang patotoo na ang salita’y ginagamit para sa isang instrumento sa musika.” Kung gayon, ano ba ang kaniyang ipinahihiwatig?
Siya’y bumabanggit ng isang aklat na isinulat ni Vitruvius, isang arkitekto na nabuhay noong unang siglo B.C.E. Si Vitruvius ay sumulat tungkol sa problema ng kung paano maririnig ang mga tinig sa mga teatro na yari sa mga materyales na tulad ng marmol at sinabi niya na pantanging kagamitan na pansugpo sa ugong at tinatawag na e·kheiʹa ang ginamit. Ito’y mga tumutunog na mga plorera na yari sa bronse at inilagay nang maayos sa likod ng isang ampiteatro upang makatulong na palakasin at sa gayu’y marinig ang tunog. Ang ilan sa mga ito ay dinala sa Roma galing sa isang teatro sa Corinto na pinagnakawan ng mga mandarambong mga isandaang taon pa bago isinulat ni Pablo ang kaniyang liham sa kongregasyon sa Corinto.
Si Plato, ayon sa sinabi sa atin, ay may binanggit na isang plorerang bronse na patuloy na umaalingawngaw, gaya ng ilang mga tagapagtalumpating salita nang salita nang walang kabuluhan. Ito’y kasuwato ng sinabi ni Shakespeare na “ang walang lamang mga sisidlan ang pinakamaiingay.” Marahil ay may gayunding ideya si Pablo na naiisip nang kaniyang banggitin yaong mga taong gumagamit ng lubusan sa kanilang natatanging kaloob ngunit kulang ng pinakadakilang kaloob sa lahat—ang pag-ibig. Sila’y malakas ang hugong ngunit walang tunay na kabuluhan. Sila’y mistulang ingay na mabagsik at walang harmonya imbis na magbigay ng kaakit-akit at nakahihikayat na tunog. Kumusta ka naman? Ang iyo bang mga kilos at pananalita ay udyok ng pag-ibig, o ikaw ba ay ‘tumutunog na tanso o kumakalatong na pompiyang’?