Pagpapalaganap ng Samyo ng Kaalaman sa Diyos
“Salamat sa Diyos na laging nangunguna sa atin sa parada ng tagumpay kasama ni Kristo at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag ang samyo ng pagkakilala sa kaniya sa bawat dako!”—2 CORINTO 2:14.
1. Anong samyo ang ating tinatalakay rito, at papaano dapat malasin ang pribilehiyo ng pagpapalaganap nito?
SINGHOT, singhot! M-m-m-m! Naaamoy mo ba ang mabangong samyo? Hindi natin tinutukoy rito ang samyo ng namumukadkad na mga bulaklak kundi, sa halip, ang makasagisag na samyo na nanggagaling sa pinakapiling kasulatan sa lupa. Ang mga kasulatang ito ay hindi yaong nagmumula sa tao lamang kundi ang makasagisag na pumpon ng bulaklak na kinasihan ng Isa na siyang lumikha rin ng mababangong bulaklak na nagpapaganda sa lupa. Ang pribilehiyo na pagpapalaganap ng samyong ito ng kaalaman sa Diyos ay isang kaylaki-laking kayamanan. Oo, ito’y isang paglilingkod na may natatanging halaga—na hindi pag-aari ng lahat, hindi lahat ng tao ay nakikibahagi.
2. Kailan nagpasimulang magpalaganap ng makasagisag na samyo ang mga alagad ni Kristo, at ano ang resulta?
2 Ang mahalagang kayamanang ito ay ipinagkaloob sa mga alagad ni Kristo nang sila’y mapaharap sa pagpapasimula sa aktibong paglilingkod sa Diyos na Jehova noong araw ng Pentecostes noong taóng 33 ng ating Panlahatang Panahon. Puspos ng banal na espiritu, sila’y nagsimulang magpalaganap ng isang makasagisag na samyo, na nagpapaliwanag ng “mga makapangyarihang gawa ng Diyos.” (Gawa 2:1-4, 11) Sa pamamagitan nila ang samyo ng kaalaman sa Diyos ay maibabahagi sa iba, hindi lamang sa natural na tinuling mga Judio kundi rin naman sa di-tuling mga bansa, tribo, bayan, at wika. (Gawa 10:34, 35) Ang paglilingkod na ito ay itinuring ng mga tunay na alagad bilang higit na mahalaga kaysa lahat ng materyal na kayamanan na tinitipon ng mga tao para sa kanilang sarili.
3. Sa anong lawak isinasagawa ang pagpapalaganap ng samyo ng kaalaman sa Diyos, at anong tanong ang kailangang itanong natin sa ating sarili?
3 Sa ngayon, ang dakilang gawain na pagpapalaganap ng samyo ng kaalaman sa Diyos ay isinasagawa sa buong lupa—sa lawak na lalong malaki kaysa kailanman sa kasaysayan ng tao. Kasali na rito ang pagpapatotoo sa lahat ng tao tungkol sa ngayo’y natatatag na Kaharian ng Diyos sa ilalim ng kaniyang hinirang na Hari, si Jesu-Kristo. (Mateo 6:10; Gawa 1:8) Ang pag-aanunsiyo ba sa Hari at sa kaniyang Kaharian ay itinuturing mo na isang walang-katumbas na kayamanan? Si Jesu-Kristo, na nanguna sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian niya, ay ganiyan na lamang ang pagpapahalaga riyan, na nagsilbing halimbawa.—Mateo 4:17; 6:19-21.
Pinababango ang Dinaraanan ng Parada ng Tagumpay
4. Sang-ayon sa 2 Corinto 2:14, papaano inaakay ngayon ng Diyos ang kaniyang mga lingkod sa lupa, at sa anong sinaunang kaugalian tumutukoy ang mga salita ni Pablo?
4 Bakit ba ang paglilingkod sa Diyos ay isang bagay na dapat pakamahalin? Ang isang dahilan ay sapagkat kahit na ngayon ang mga naglilingkod kay Jehova ay may kahanga-hangang pribilehiyo na akayin ng Diyos tungo sa isang dakilang parada ng tagumpay. Sang-ayon sa New International Version, ang 2 Corinto 2:14 ay nagsasabi: “Salamat sa Diyos, na laging nangunguna sa atin sa parada ng tagumpay kay Kristo at sa pamamagitan natin ay pinalalaganap sa lahat ng dako ang samyo ng kaalaman sa kaniya [“ang ating kaalaman sa kaniya ay pinalalaganap sa buong sanlibutan na gaya ng isang kaakit-akit na pabango!” Phillips].” Ang mga salitang iyan ni apostol Pablo ay waring tumutukoy sa isang sinaunang kaugalian tungkol sa mga parada ng tagumpay.a
5, 6. (a) Ano ang naganap sa panahon ng sinaunang mga parada ng tagumpay ng mga Romano, at ano ang ipinahiwatig sa iba’t ibang mga tao ng mabangong samyo? (b) Ano ang espirituwal na katuparan ng ilustrasyon sa 2 Corinto 2:14-16?
5 Noong kaarawan ng republikang Romano, isa sa pinakamataas na karangalang maipagkakaloob ng Senado sa isang nanakop na heneral ay ang payagan siya na ipagdiwang ang kaniyang tagumpay sa pamamagitan ng isang magastos na parada ng tagumpay. Ang paradang Romano ay dahan-dahang umuusad sa Via Triumphalis at paakyat sa paliku-likong daan tungo sa templo ni Jupiter sa taluktok ng Capitoline Hill. Ang mga hari, prinsipe, at mga heneral na nabihag sa digmaan, kasama na ang kanilang mga anak at mga utusan, ay inaakay na nakatanikala, kadalasa’y hubo’t hubad, sa kanilang pagkaaba at kahihiyan.
6 Habang ang parada ay dumaraan at bumabagtas sa siyudad ng Roma, ang mga mamamayan ay naghahagis ng mga bulaklak sa daraanan ng karo ng nagtagumpay, at ang buong rutang pinagdaraanan ay pinababango ng nagliliyab na kamangyan. Ang mabangong samyong ito ay nagpapahiwatig ng karangalan at ng isang lalong matiwasay na buhay para sa nagtagumpay na mga kawal. Ngunit ito’y nagpapahiwatig ng kamatayan sa walang-kapatawarang mga bihag na papatayin pagkatapos ng parada. Ito’y nagpapaliwanag ng tungkol sa espirituwal na katuparan ng ilustrasyon sa 2 Corinto 2:14-16. Ang larawang iyan ay nagtatanghal kay Pablo at sa mga kapuwa Kristiyano bilang masunuring mga sakop ng Diyos, “kasama ng [ang] Kristo,” na pawang nangakasunod sa nagtagumpay na mga tagasunod ng Diyos at inaakay Niya sa isang dakilang parada ng tagumpay na dumaraan sa isang rutang kaybangu-bango.
Ang Samyo ng Buhay o ang Alingasaw ng Kamatayan
7, 8. (a) Papaano pinalalaganap ng mga Saksi ni Jehova ang mabangong samyo ng kaalaman sa Diyos? (b) Samantalang pinalalaganap ng mga Saksi ang makasagisag na samyo, ano ang epekto nito sa mga naliligtas? (c) Ano ang epekto sa mga napapahamak?
7 Sa pamamagitan ng pagpapalaganap sa lahat ng dako ng mga katotohanan ng Bibliya tungkol sa Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo, pinalalaganap, itinatanghal, at ipinakikilala sa lahat ng dako ng mga Saksi ni Jehova ang mabangong samyo ng kaalaman sa mapagbiyayang Diyos na ang katotohanan niya ang nagpalaya sa kanila buhat sa huwad na relihiyon. Sila’y matagumpay na nagmamartsa samantalang nasa paglilingkod kay Jehova. Ang kanilang handog na paglilingkod bilang mga Saksi niya at ng kaniyang Hari ay mistulang kalugud-lugod na kamangyan kay Jehova. Kung gayon, masasakyan natin ang ibig sabihin ng apostol nang kaniyang sabihin: “Sa Diyos tayo ay mabangong samyo ni Kristo sa mga naliligtas at sa mga napapahamak; sa huli ay samyo mula sa kamatayan tungo sa kamatayan, sa una ay samyo mula sa buhay tungo sa buhay [“isang mahalagang samyo na nagdadala ng buhay,” The New English Bible; “ang nakarerepreskong samyo ng mismong buhay,” Phillips].”—2 Corinto 2:15, 16.
8 Ang tapat na mga tao na may tulad-tupang kalooban ang nakadarama ng kabanguhan ng kaalaman kay Jehova na pinalalaganap ng kaniyang mga Saksi. Sa gayong mga tao ang gawaing pagpapatotoo ay may samyo ng kalusugan at buhay, ng buháy, nagbibigay-buhay na katotohanan. Sila’y nagpapasalamat kay Jehova at sa kaniyang Hari, anupa’t alang-alang sa mga ito ginaganap ang kanilang parada ng tagumpay, at sila’y malakas na nag-aawitan: “Ang kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.” (Apocalipsis 7:10) Kanilang nilalanghap ang halimuyak ng katotohanan sa Kaharian, na isang nakarerepreskong samyo ng buhay tungo sa buhay. Ngunit ang ginawa ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ay iniligaw ang pang-amoy ng mga nangungunyapit sa huwad na relihiyon, kung kaya’t kanilang pinipisil ang kanilang mga ilong at nandidiring tinatanggihan ang katotohanan. Sa “mga napapahamak,” ang katotohanan at ang tapat na mga tagapagdala nito ay nagpapalaganap ng isang amoy ng kamatayan na umaakay tungo sa kamatayan. O gaya ng pagkasalin ng New International Version: “Sa isang iyon tayo ay alingasaw ng kamatayan.” Ganito ang pagkasalin ng Phillips: “Sa huli waring iyon ay mistulang nakamamatay na alingasaw ng kapahamakan.”
9. Ano ngayon ang tanong ni Pablo, at ano ang sagot mo, at bakit?
9 “At sino ang may sapat na kakayahan para sa mga bagay na ito?” ang tanong naman ngayon ng apostol. (2 Corinto 2:16) Na ang ibig sabihin, “at sino ang maaaring maging kuwalipikado para sa gawaing katulad nito?” (The Jerusalem Bible) “At para sa gayong paglilingkod na gaya nito sino ang mahusay?” (Weymouth) Ang maka-Kasulatang sagot ay: mga Saksi ni Jehova! Bakit? Sapagkat tangi lamang ang mga nag-alay na tapat, taimtim, at hindi naghahangad ng mapag-imbot na kapakinabangan at nagsasalita ng katotohanan, malinaw at walang pakikipagkompromiso sa huwad na relihiyon, ang kuwalipikado para sa gawaing ito na pagpapalaganap ng samyo ng kaalaman sa Diyos.—Colosas 1:3-6, 13; 2 Timoteo 2:15.
10. Bakit ang klero ay walang kakayahan para sa gawain na pagpapalaganap ng samyo ng kaalaman sa Diyos?
10 Ang klero ng Sangkakristiyanuhan, na naghahangad ng isang mabuting katayuan sa sanlibutang ito, ay walang kakayahan at di-mahusay para sa walang-imbot na paglilingkod na ito. Bakit? Sapagkat hindi sila nakaaabot sa kahilingan na binanggit sa sinabi ni Pablo: “Hindi kami mga tagapaglako ng salita ng Diyos gaya ng marami, kundi sa pagtatapat, oo, gaya ng mga nangagmula sa Diyos, sa paningin ng Diyos, kami’y nangagsasalita, kasama ni Kristo.” (2 Corinto 2:17) O gaya ng pagkasalin ng New International Version: “Di-tulad ng lubhang marami, hindi namin inilalako ang salita ng Diyos para makinabang. Bagkus, kay Kristo kami ay nagsasalita sa harap ng Diyos nang may kataimtiman, tulad ng mga taong sugo mula sa Diyos.”
11, 12. (a) Bakit ang mga Saksi ay hindi “mga tagapaglako ng salita ng Diyos” dahilan sa pagtanggap ng mga abuloy? (b) Ibang-iba sa hinaluang bersiyon ng pagka-Kristiyano na binili ng marami, ano ang inihaharap ng mga Saksi ni Jehova?
11 Ang mga Saksi ni Jehova ay sugo mula sa Diyos, at kanilang ginagawa ang kanilang pagpapatotoo sa ilalim ng paningin ng Diyos. Bagaman sila’y naglalaan ng mahalagang mga aklat at iba pang mga publikasyon na nagpapaliwanag ng Salita ng Diyos sa mga taong interesado at sila’y tumatanggap ng kusang-loob na mga abuloy para sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral ng Kaharian, ang ganiyang gawain ay hindi paglalako o paghahalo sa Salita ng Diyos. Ang totoo, ang gayong mga abuloy ay isa lamang pantulong para sa pagpapalaganap sa mga iba pa ng kaalaman sa Diyos.
12 Napakarami sa ngayon, sa alam man nila o hindi, ang bumili ng isang hinaluang bersiyon ng pagka-Kristiyano, sapagkat ito’y bumabagay sa kanilang mapag-imbot na hangarin at hindi gumigipit sa kanila sa kanilang istilo ng pamumuhay. Sila’y naniniwala na tinatanggap sila ng Diyos dahilan sa kanilang pag-aangkin na sila’y buong pusong umiibig sa kaniya. Gayunman, pagka ang Salita ng Diyos ay ipinakikitang salungat sa kanilang paniwala at asal, kanilang pinipilipit ang Kasulatan upang ang kanilang personal na mga opinyon ay mangibabaw sa tumpak na pagkaunawa sa Bibliya. (Mateo 15:8, 9; 2 Pedro 3:16) Ngunit ang mga Saksi ni Jehova ay naghaharap ng dalisay, walang-halong katotohanan buhat sa Bibliya, sa gayo’y lumilikha ng mabangong samyo na nakalulugod sa Diyos at sa kaniyang tunay na mga mananamba. Sa pamamagitan nito’y kanilang inaalis ang lahat ng relihiyosong mga tradisyon at mga humahadlang sa pagtatamo ng tunay na kaalaman sa Diyos.
13. Sino, bukod sa pinahirang mga Kristiyano, ang nasa parada ng tagumpay ng Diyos, at ano ang kanilang ginagawa saanman sila pumunta?
13 Tunay, ang pagiging naroroon sa parada ng tagumpay ng Diyos kasama ni Kristo ay isang walang-katulad na pribilehiyong tinatamasa hindi lamang ng pinahirang mga Kristiyano kundi pati na rin ng “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” kahit na ngayon, sapagkat ang tagumpay ng Kaharian ay naririto na. (Apocalipsis 7:4, 9; Juan 10:16) Samantalang ating inaasam-asam ang higit pang mga pagtatagumpay ng ating nananakop na Hari, saanman tayo pumunta ay pinalalaganap natin ang nagbibigay-buhay na kaalaman sa Diyos na mistulang pabango, o mahalagang kamangyan, sa mga taong ang puso’y nasasabik sa katotohanan at katuwiran. Anong laking pribilehiyo para sa mga taong kuwalipikado para sa kahanga-hangang gawaing ito!—Juan 17:3; Colosas 3:16, 17.
Autorisado na Maging mga Taong Nagpapalaganap ng Bango
14. Bakit yaong mga nagpapalaganap ng samyo ng kaalaman sa Diyos ay hindi nangangailangan ng sertipiko ng autorisasyon buhat sa mga tao?
14 Subalit yaon bang mga nagpapalaganap ng samyo ng kaalaman sa Diyos at sa kaniyang Kaharian ay nangangailangan ng diploma o ng isang sertipiko na nagbibigay-autorisasyon sa kanila buhat sa mga tao? Hindi! Tayo ay sinugo na, o hinirang, bilang mga Saksi ukol sa Kataas-taasang Isa sa sansinukob. Kung gayon, tayo’y hindi kailangang mag-atubili pa ng pagpunta sa larangan upang palaganapin doon ang samyo ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Laging isaisip na si Jehova ang nangunguna sa atin. Ang ministeryo ni Jesus ay isinagawa sa harap ng “pag-alipusta ng mga makasalanan.” (Hebreo 12:3) Gayunman, ang ulat ni Jesus ng paglilingkod sa larangan, gaya ng matatagpuan sa Bibliya, ay totoo pa rin, at ang kaniyang gawain sa larangan ay nagbibigay ng komendasyon sa kaniya at nangangatuwiran sa pagsuporta sa kaniyang pagiging isang tunay na ministro ng Diyos na Jehova.
15. Papaano ipinakita ni apostol Pablo na ang mga tunay ng Kristiyano ay hindi nangangailangan ng “mga liham na rekomendasyon”?
15 Si apostol Pablo ay tumugon sa isang nahahawig na hamon noong kaniyang kaarawan sa pamamagitan ng ganitong katuwiran: “Muli baga naming pinasisimulan na irekomenda [ipagkapuri] ang aming sarili? O kami baga, tulad ng ibang mga lalaki, ay nangangailangan ng mga liham na rekomendasyon [pagmamapuri] sa inyo o buhat sa inyo? Kayo nga ang aming liham, na isinulat sa aming mga puso at kilala at binabasa ng lahat ng tao. Sapagkat ipinakikitang kayo’y isang liham ni Kristo na isinulat namin bilang mga ministro, isinulat hindi ng tinta kundi ng espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas ng bato, kundi sa mga tapyas ng laman, sa mga puso ng tao.”—2 Corinto 3:1-3.
16. Anong uri ng liham ang inihaharap ng mga Saksi ni Jehova bilang patotoong ebidensiya na ang kanilang ministeryo ay galing sa Diyos?
16 Ang pagkasugo sa atin bilang mga Saksi ni Jehova ay hindi kinikilala ng makasanlibutang mga autoridad. Ngunit hayaang ang ating gawaing pagpapalaganap ng samyo ng kaalaman kay Jehova ang magsalita para sa ganang sarili! Ang gawaing ito ay hindi maaaring mabura, bagaman may mga taong tumatangging basahin ang nagpapatotoong ebidensiya ng ating ministeryo. Ang inihaharap ng mga klerigo’y ang kanilang mga dokumento ng katibayan buhat sa mga namamahalang lupon ng klero. Subalit, ang gayon ay mga kapirasong papel lamang, salita ng tao. Ang mga Saksi ni Jehova, bukod sa pagsipi ng suporta buhat sa Salita ng Diyos, ay siyang mga patotoo na mga taong laman at dugo. Ang lubhang karamihan ng mga ibang tupa na narating ng mabuting balita ng Kaharian ay nangatitipon na rin sa kanan ng Hari ni Jehova. (Mateo 25:33, 34) Lahat na ito ay ating liham na rekomendasyon, isang liham na bilang mga Saksi ni Jehova’y dala-dala natin saanman tayo pumaroon sa ating mga puso at isip at ating maipakikita nang may pagtitiwala. Yaong mga naninindigan sa panig ng pansansinukob na soberanya ng Diyos at nakikibahagi sa paglilingkod sa Diyos kasama ng mga Saksi ni Jehova ay sa ganang sarili isang dokumentong rekomendasyon na hindi makaiiwas na sila’y basahin at makilala ng lahat ng tao.
17. Papaano isinusulat ang ating “liham ni Kristo,” at bakit sinasabi ni Pablo na ito ay isinusulat sa mga puso?
17 Mangyari pa, ito’y nagpapagalit sa mga huwad na relihiyonista at sila’y nangaiinggit pagka kanilang binabasa ito. Gayumpaman, ang patuloy na dumaraming lubhang karamihan ng mga ibang tupa ay isang liham na rekomendasyon buhat kay Jesu-Kristo, ang Mabuting Pastol, na siyang gumagamit sa lahat ng mga Saksi ni Jehova sa kaniyang gawaing pagpapastol. Tayo ang pansulat, o instrumentong tao, na kaniyang ginagamit upang maisulat ang liham na ito. Ang liham ay hindi isinulat sa tinta na maaaring mabura, kundi ito’y isinulat at kalakip ng aktibong puwersa, o espiritu, ng Diyos, na kumikilos sa atin. Ito’y hindi gaya ng kaso ni Moises nang ang batas ng Sampung Utos ay isinulat ng daliri ng Diyos sa dalawang tapyas na bato. Ang ating liham ay nasusulat sa mga tapyas na laman ng mga puso ng tao, yamang ang ating espirituwal na ministeryo ay lumilikha ng pagbabago ng isip at puso ng mga tumatanggap sa mabangong mabuting balita.
18. Anong resulta ang gumagawa upang ang mga tumatanggap ng mabuting balita ay maging isang liham ng rekomendasyon?
18 Ang ating gawain sa paggamit sa Salita ng Diyos ay nakagawa ng impresyon sa nagpapahalagang tumatanggap ng mabuting balita at nakalikha ng kahanga-hangang mga pagbabago. Ang kanilang pasiya na maglingkod sa Diyos ay napatunayan na hindi lamang isang paninindigan na bunga ng bugso ng sandali dahil sa silakbo ng damdamin na napukaw sa kanila ng isang emosyonal na predikador. Bagkus, ito’y isang permanenteng pagbabago ng kanilang pamumuhay na nakasalig sa sinlinaw-kristal na mga katotohanan ng Banal na Bibliya. Ang pag-ibig sa tunay na Diyos, si Jehova, ang motibong nagpapakilos sa kanila na ‘hubarin ang kanilang dating pagkatao na may mapandayang mga hangarin at magbihis ng bagong pagkatao,’ na makikitaan ng “bunga ng espiritu.” (Efeso 4:20-24; Galacia 5:22, 23) Samakatuwid, ang resulta ang gumagawang sila’y maging isang liham na rekomendasyon. Ito’y nagsasalita ng lalong malinaw kaysa anumang sulat-kamay na liham natin o ng anumang nakikitang organisasyon na maaaring magsugo sa atin.
19. Papaano inilalarawan ni Pablo ang mga kakayahan ng “mga ministro ng isang bagong tipan,” at ano ang epekto ng kanilang gawain sa malaking pulutong?
19 Sa 2 Corinto 3:4-6 si Pablo’y nagpapatuloy: “Ngayon sa pamamagitan ng Kristo taglay namin ang ganitong uri ng pagtitiwala sa Diyos. Hindi sa bagay na kami sa aming sarili ay may sapat na kakayahan upang isiping ang anuman ay mula sa ganang aming sarili, kundi ang aming sapat na kakayahan ay mula sa Diyos, na nagbigay sa amin ng sapat na kakayahan upang maging mga ministro ng isang bagong tipan.” Bagaman yaon lamang mga kabilang sa pinahirang nalabi ang “mga ministro ng isang bagong tipan,” ang kanilang gawain ay nagkaroon ng epekto sa malaking pulutong ng mga ibang tupa, at ito’y patuloy na magkakaroon pa rin ng epekto sa di-mabilang na gayong mga ibang tupa na titipunin pa. Ito ang pagtitiwala sa Diyos na Jehova na taglay ng lahat ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus. Buong pasasalamat na pinatitibay-loob ng nalabi ang malaking pulutong ng mga ibang tupa upang makibahagi nang buong-puso sa ministeryo ng ‘pagsulat-ng-liham’ na inihula ni Jesu-Kristo sa Mateo 24:14 at Mateo 28:19, 20.
20. (a) Ano ang ipinakikita ng ulat ng Yearbook tungkol sa mga nagpapalaganap ng samyo ng kaalaman sa Diyos? (b) Ano ang masasabi nating lahat tungkol sa ating mga kakayahan para sa ministeryo ng pagsulat-ng-liham?
20 Iyan ang kanilang nagawa, gaya ng pinatutunayan ng ulat ng 1990 Yearbook na kung saan ang mga Saksi ni Jehova ay ipinakikitang nagpapalaganap ng samyo ng kaalaman sa Diyos sa 212 bansa. Ang bilang nila ay mahigit na 3,787,000 aktibong mamamahayag, at noong nakalipas na taon lamang sila’y gumugol ng mga 835,000,000 oras sa pangangaral sa mabuting balitang ito ng Kaharian. Sa Hapunan ng Panginoon noong nakaraang taon, 9,479,064 ang dumalo. Kapuwa ang pinahirang nalabi at ang mga miyembro ng malaking pulutong ng mga ibang tupa ay makapagsasabi: “Ang aming sapat na kakayahan ay mula sa Diyos.” O gaya ng pananalita ng The Jerusalem Bible: “Lahat ng aming kakayahan ay galing sa Diyos.”
21. Ano ang dapat na ginagawa nating lahat, at bakit?
21 Kung gayon, ikalat ang mabango, nagbibigay-buhay na samyo ng kaalaman sa Diyos sa bawat dako! Hayaang ang kapaligiran ng teritoryo ng inyong kongregasyon ay managana sa kabanguhan ng kaalaman kay Jehova. Pagkatapos, bilang isang nagtagumpay na teokratikong Heneral, kaniyang aakayin kayo sa kaniyang parada ng tagumpay samantalang lahat ng kaniyang mga Saksi ay patuloy na sumusulong sa modernong-panahong ministeryong ito ng kaluwalhatian!
[Talababa]
a Para sa higit pang detalye, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 1128-9, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong ilustrasyon ang ginagamit ni Pablo sa 2 Corinto 2:14-16?
◻ Ano ang epekto sa iba ng pagpapalaganap ng samyo ng kaalaman sa Diyos?
◻ Sino lamang ang may kakayahan para sa gawaing ito, at bakit?
◻ Bakit ang mga taong tagapagpalaganap ng bango ay hindi nangangailangan ng nasusulat na mga liham na rekomendasyon para sa kanilang gawain?