Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 5/22 p. 18-20
  • Patuloy Ko Kayang Magiging Kaibigan ang Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patuloy Ko Kayang Magiging Kaibigan ang Diyos?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Isang Tinik sa Laman”
  • Tulong sa Pagbata sa mga Suliranin
  • Kung Paano Natatamo ang Tulong ng Diyos
  • Gumagawang Kasama ng Diyos
  • “Tikman at Tingnan Ninyo na si Jehova ay Mabuti”
  • Pagtatagumpay sa “Isang Tinik sa Laman”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Dinadakila ng Kahinaan ng Tao ang Kapangyarihan ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Malakas sa Kabila ng mga Kahinaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Nagtataglay Ka Ba ng “Isang Tinik sa Laman”?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1998
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 5/22 p. 18-20

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Patuloy Ko Kayang Magiging Kaibigan ang Diyos?

SI Haring David ay isang tao na nasiyahan sa pakikipagkaibigan sa Diyos. Subalit sa isang pagkakataon ay sinabi niya: “Ang kabagabagan ng aking puso ay dumami.” Si David ay nagdurusa hindi lamang dahil sa pagmamaltrato sa kaniya ng iba kundi dahil sa kaniyang sariling mga pagkakamali. Nadama niya na maging ang Diyos ay tumanggi sa kaniya, at siya’y nanalangin: “Ibaling mo ang iyong mukha sa akin, at pagpakitaan mo ako ng awa; sapagkat ako’y nag-iisa at nagdadalamhati.”​—Awit 25:11, 16-19.

Marahil ay nakadarama ka rin ng pagkabalisa. Marahil sa tahanan o sa paaralan ay nakararanas ka ng masamang kalagayan na totoong napakabigat. Minsan pa, baka mayroon kang malalang problema sa kalusugan o masumpungan mo ang iyong sarili na nasisiraan ng loob dahil sa ilang kahinaan na kinakaharap mo. Anuman ang kalagayan, hindi mo kailangang mag-isa sa pagdurusa; may kabutihang-loob na ipinagkakaloob ng Diyos ang kaniyang pakikipagkaibigan at tulong.a Kung nagawa mo nang magkaroon ng kaugnayan sa kaniya, maaaliw kang malaman na hindi niya iniiwan ang kaniyang mga kaibigan kapag nasa gipit silang kalagayan. Magkagayunman, kapag sinasalakay ka ng mga problema, maaaring akalain mong ang Diyos ay napakalayo. Para pa ngang hindi ka niya talaga tinutulungan. Subalit iyan nga ba talaga ang kalagayan?

“Isang Tinik sa Laman”

Una sa lahat, pakisuyong basahin ang 2 Corinto 12:7-10. Doon ay sinasabi sa atin ni apostol Pablo kung paano siya nagdusa mula sa isang bagay na tinatawag na “isang tinik sa laman.” Malamang, ang “tinik” ay isang uri ng pisikal na karamdaman, marahil nagsasangkot ito ng kaniyang paningin. Anuman ito, ito’y patuloy na “sumampal” sa kaniya sa emosyonal na paraan. Sa kabila ng tatlong taimtim na pagsusumamo sa Diyos na alisin ito, ang “tinik” ay nanatili.

Ipinagwawalang-bahala ba ni Jehova ang mga panalangin ni Pablo? Hinding-hindi! Ang sabi ng Diyos sa kaniya: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” Bagaman hindi ipinasiya ni Jehova na alisin ang “tinik” na iyon, hindi niya iniwan si Pablo. Sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, tinamasa ni Pablo ang matalik na pakikipagkaibigan sa kaniya. Iyan ay “sapat na” upang matulungan si Pablo na mapagtiisan ang kaniyang karamdaman. Habang nakikipagpunyagi si Pablo na gawin ito, naranasan din niya ang umaalalay na kapangyarihan ng Diyos sa bago at personal na paraan.

Tulong sa Pagbata sa mga Suliranin

Tulad ni Pablo, baka ikaw ay may “tinik,” o problema, na tumutusok sa iyo, na sanhi ng pesimismo at pagkasira ng loob. Gaya sa kalagayan ni Pablo, maaaring pahintulutan ng Diyos na manatili ang problema. Hindi iyan nangangahulugan na hindi mo na siya Kaibigan. Sinabi ng Diyos kay apostol Pablo: “Ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” Kung ikaw ay nagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa iyong sarili, mababata mo ito. Masusumpungan mo pa nga na sa pamamagitan ng tulong ng espiritu ng Diyos, magagawa mo ang mga bagay na hindi mo kailanman naisip na posible. Ang sabi ni Pablo: “Nalulugod ako sa mga kahinaan . . . Sapagkat kapag ako ay mahina, sa gayon ay makapangyarihan ako.”

Natuklasan ng isang dalagitang nagngangalang Robinb na ito’y totoo. Sa edad na 14 siya’y nabulag dahil sa glaucoma. Nang taon ding iyon ay biglang namatay ang kaniyang ina. “Si Jehova na lamang ang kasama ko,” ang sabi ni Robin tungkol sa pagbabata ng masasakit na “mga tinik” na ito. “Alam kong upang makayanan ko ito, kailangan kong maging malapit sa kaniya.” Ganiyan ang ginawa ni Robin, na sa wakas ay naglingkod bilang isang pambuong-panahong ebanghelisador. Aniya: “Hiniling ko kay Jehova na tulungan ako sa lahat ng bagay. Talaga ngang ginawa niya iyan.”

Nasumpungan ng maraming kabataan na ang pagdanas ng mga pagsubok ay talagang tumulong sa kanila na maging malapit sa Diyos. Kuning halimbawa ang kabataang si Jeff. Iniwan ng kaniyang ama ang kaniyang pamilya, anupat iniwan ang ina ni Jeff upang mag-aruga sa pitong anak. “Nadama ko ang kawalan ng init ng pagmamahal ng isang ama,” ang pag-amin ni Jeff, na noo’y 12 taóng gulang lamang. “Hinahanap-hanap ko ang isang tao na makapupuno sa puwang na iyon na nadama ko araw-araw.” Ano ang ginawa ni Jeff? “Nanalangin ako kay Jehova na tulungan akong punan ang pangangailangang iyon.” Kumilos si Jeff kasuwato ng kaniyang mga panalangin at naging abala sa kaniyang espirituwal na mga gawain. Nang maglaon, nadama niya ang tulong ni Jehova​—na inilaan sa pamamagitan ng kaniyang nakapagpapalakas na banal na espiritu at sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano. (Ihambing ang Awit 27:10.) Ngayon sa edad na 27 ay ganito ang kaniyang nagugunita: “Wala akong ibang maaaring mapuntahan para sa katiwasayan, kaya lumapit ako nang husto kay Jehova.” Naaalaala niya na ang malapit na kaugnayang iyon ay “isang walang katumbas na pagpapala na bunga ng pagsubok na iyon.”

Kung Paano Natatamo ang Tulong ng Diyos

Totoong tutulungan ka ng iyong makalangit na Kaibigan sa iyong mga suliranin. Subalit ano ang dapat mong gawin? Buweno, upang magtagumpay ang anumang pagkakaibigan, dapat ay magkaroon ng komunikasyon. Ang panalangin ang ating paraan ng pakikipag-usap sa Diyos. Sa pamamagitan nito ating naipaaalam sa kaniya na kailangan natin ang kaniyang tulong. Subalit, ang panalangin ay walang kabuluhan kung ito’y malamig o walang damdamin. Tulad ng mga kabataang nabanggit sa itaas, kailangan mong “buksan ang inyong puso” sa Diyos! (Awit 62:8) Baka kailangan mo pa ngang magsumamo. (Filipos 4:6) Ang mga pagsamo ay mga panalangin na totoong marubdob at taimtim.

Ipagpalagay na may problema ka na pumipigil sa iyong isipan o nahihirapan kang daigin ang isang masamang kinagawian. Magsumamo kay Jehova! Makiusap ka na tulungan ka niya sa panahong ikaw ay natutukso. Maaaring hindi ito laging madali. “Kapag nadarama ko ang matinding pagnanais na gumawa ng mali, pinipilit kong manalangin,” ang pag-amin ni Gary. “Kung minsan ay naiisip ko, ‘Paano ako makalalapit kay Jehova?’ Subalit, nagsusumamo pa rin ako sa kaniya upang humingi ng tulong. Binibigyan niya ako ng lakas na kailangan ko upang makapagtiis.” Kahit na mahirap ito sa pasimula, patuloy mong buksan ang iyong puso sa Diyos.

Subalit ano kung ang iyong mga panalangin ay waring hindi sinasagot? Halimbawa, si Lora ay nakikipagpunyagi sa kaniyang masamang kinagawian na masturbasyon. “May katapatan kong ipinakikipag-usap ang problema kay Jehova,” ang sabi niya, “subalit hindi ko ito maihinto.” Kung minsan ay pinahihintulutan ng Diyos na ipakita natin kung gaano tayo kaseryoso sa ating hinihiling sa kaniya. (Ihambing ang Awit 88:13, 14.) Kaya dapat tayong magtiyaga sa pananalangin! (Mateo 7:7; Roma 12:12) Ganiyan ang ginawa ni Lora. Kasabay nito, pinasimulan niyang ikapit ang mga mungkahi na lumabas sa mga materyales tungkol sa paksang ito na nasa mga publikasyon ng Watch Tower Society.c Nang maglaon, nakita niya ang mga resulta. Ganito ang kaniyang nagugunita: “Sa tuwing matagumpay kong napaglalabanan ang tukso, pinasasalamatan ko si Jehova sapagkat alam kong tinutulungan niya ako.” Totoo, maaaring maranasan mo ang magbalik sa dati habang sinisikap mong mapagtagumpayan ang iyong problema. Subalit hangga’t nakikipagpunyagi ka at hindi mo sinasadyang sumuko sa iyong mga kahinaan, malulugod ang Diyos sa iyong ‘taimtim na mga pagsisikap’ at mananatili siyang iyong Kaibigan.​—2 Pedro 1:5.

Gumagawang Kasama ng Diyos

Ang isa pang paraan upang matamo mo mismo ang tulong ng Diyos ay tanggapin ang kaniyang paanyaya na maging isa sa kaniyang “kamanggagawa.” (1 Corinto 3:9) Kasali rito ang pakikibahagi sa pagtulong sa iba na matuto tungkol sa Diyos. (Mateo 28:19, 20) Kapag nakadarama ka ng pagkabalisa o pagkasira ng loob, ang ideya ng pakikibahagi sa anumang uri ng gawain ay waring hindi kaakit-akit. Gayunman, ang “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon” ay totoong makatutulong sa iyo. (1 Corinto 15:58) Sa paano man, maaalis sa iyong isipan ang iyong sariling mga problema. (Ihambing ang Kawikaan 18:1.) Si Robin, na sinipi kanina, ay nagsabi ng ganito tungkol sa panahong siya’y nahihirapan: “Ang bagay na nakatulong sa akin upang makapagpatuloy ay ang aking gawain para kay Jehova!”

Ang paggawang kasama ng Diyos ay makatutulong din sa iyo na madaig ang anumang nagtatagal na damdamin na pinabayaan ka ng Diyos. Kapag magkasamang gumagawa ang dalawang tao bilang isang magkapangkat para sa iisang tunguhin, hindi ba’t malimit na sila’y nagiging mas malapit na magkaibigan? Habang nakikibahagi ka sa gawaing pangangaral, patuloy mong makakaharap ang mga hamon. Masusumpungan mo ang iyong sarili na bumabaling sa Diyos upang humingi ng tulong. At habang pinagpapala ng Diyos ang iyong mga pagsisikap, mas lalong nagiging tunay ang kaniyang pakikipagkaibigan. Natatalos mo na ang pagtitiwala na ibinibigay sa iyo ng Diyos bilang isang kamanggagawa. Ito’y maaaring maging isang tunay na pampalakas sa iyong pagtitiwala sa sarili.

Halimbawa, si Carol ay talagang walang katatagan sa kaniyang sarili. Ang kaniyang ina ay nagpatiwakal, at ang kaniyang mapang-abusong ama ay patuloy na humahamak sa kaniya. Subalit sa edad na 17 siya’y naging isa sa mga Saksi ni Jehova at nagpasimulang mangaral. Ngayon pagkalipas ng sampung taon bilang isang pambuong-panahong ebanghelisador, ang sabi niya: “Ang gawaing ito ang nakatulong sa akin nang malaki sapagkat nakita ko ang mga pagpapala sa akin ni Jehova. Ang sabi ko sa sarili ko, ‘Kung mahal ako ng Diyos, kung gayon ay may kabuluhan ako.’ Ang paggamit sa akin ni Jehova sa pagpapahayag ng kaniyang pangalan ay nagpangyari sa akin na maging matatag sa aking sarili.”

“Tikman at Tingnan Ninyo na si Jehova ay Mabuti”

“Iniligtas niya [ng Diyos] ako sa lahat ng aking katakutan,” ang sulat ni Haring David pagkatapos niyang magmuntik-muntikang di-makaligtas sa kalagayang nagsasapanganib ng buhay. (Awit 34:4, 6, superscription; 1 Samuel 21:10-12) Sa gayo’y masasabi ni David mula sa kaniyang karanasan: “Tikman at tingnan ninyo na si Jehova ay mabuti, O kayong mga tao; maligaya ang matipunong lalaki na nanganganlong sa kaniya.”​—Awit 34:8.

Bagaman ang iyong buhay ay hindi kailanman nanganganib na gaya ni David, tiyak na mararanasan mo, kung minsan, ang ilang kabalisahan at kagipitan. Kapag ang ‘kabagabagan ng iyong puso ay dumami,’ magsumamo ka sa Diyos. (Awit 25:17) Huwag kang matakot na babawiin ng Diyos ang kaniyang pakikipagkaibigan. Habang may pagtitiyaga kang nagbabata at nararanasan mo mismo ang tulong at pangangalaga ni Jehova, ‘matitikman at makikita’ mo mismo “na si Jehova ay mabuti.” At siya’y mananatiling iyong Kaibigan magpakailanman.​—Santiago 4:8.

[Mga talababa]

a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Talaga Bang Maaari Akong Maging Kaibigan ng Diyos?” sa aming labas ng Hulyo 22, 1995.

b Ang ilan sa pangalan ay pinalitan.

c Tingnan ang mga kabanata 25 at 26 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 19]

Iniiwan ba ng Diyos ang kaniyang mga kaibigan sa mga panahon ng kahirapan?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share