Ang Pangmalas ng Bibliya
Masama ba ang Kompetisyon sa Isport?
DALAWANG lalaking may edad na ang nakaupo sa parke isang mainit na araw, naglalaro ng dama. Sa malapit ay maririnig ang ingay ng mga batang nagsisigawan at nagtatakbuhan na nagtatayaan. Sa hindi kalayuan, isang grupo ng kabataang mga lalaki ang naglalaro ng basketball. Oo, sa paligid natin araw-araw, ang bata’t matanda ay nasisiyahan sa mga isport at laro. Kapag sila’y nakikibahagi, ginagawa ng karamihan ng mga taong naglalaro ang lahat ng makakaya nila. Marahil ay gayon ka rin.
Subalit masasabi ba na ang gayong palakaibigang anyo ng kompetisyon ay mali? Marami ang nakaaalam ng payo ni apostol Pablo sa Galacia 5:26, kung saan kaniyang sinabi na ang mga Kristiyano ay hindi dapat “nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa.” May kaugnayan dito, masama ba para sa mga Kristiyano na makipagkompetensiya sa mga isport at larong panlibangan?
Sa simpleng salita, hindi. Bakit gayon? Bago natin sagutin ang tanong na iyan, sandaling suriin natin ang kasaysayan ng mga isport at laro.
Ang Kasaysayan ng mga Isport at Laro
Ang pakikibahagi sa mga isport at laro ay nagsimula noong sinaunang panahon pa at palaging tampok sa buong kasaysayan—kasali na ang kasaysayan ng bayan ng Diyos. Ang salitang “bola” ay lumitaw pa nga sa Bibliya. Sa Isaias 22:18, kapag binabanggit ang paghatol ng Diyos na Jehova sa masasamang tao, ganito ang sabi: “Kaniyang babalutin (silang) mahigpit, gaya ng isang bola.” Ang ilang makabagong bola—gaya ng bola sa golf at baseball—ay yari pa rin sa pamamagitan ng masinsing balot ng materyal. Ganito ang salin ng Bibliyang King James sa bersikulo ring iyon: “Kaniyang . . . ihahagis sila na gaya ng bola.” Upang maging makabuluhan ang paghahambing na ito, ang mga bola ay dapat na ginagamit ng mga nabubuhay noong panahong iyon.
Karagdagan pa, nariyan sa Bibliya ang kalagayan ng patriyarkang si Jacob na nakipagbuno sa isang anghel. Waring ipinalalagay ng ulat na ito ang dati nang kasanayan ni Jacob, yamang ang pakikipagbuno ay walang tiyak na resulta na tumagal nang mga oras. (Genesis 32:24-26) Kapuna-puna, ayon sa ilang iskolar, ang ulat ay maaaring nagpapahiwatig na si Jacob ay nakababatid sa mga alituntunin ng pakikipagbuno (wrestling). Ang mga Israelita ay malamang na marunong din ng pamamanà (archery)—isa pang isport na humihiling ng pag-eensayo at kasanayan. (1 Samuel 20:20; Panaghoy 3:12) Ang pagtakbo ay isa pang atletikong gawain na inensayo at pinagsanayan ng mga lalaki noong una.—2 Samuel 18:23-27; 1 Cronica 12:8.
Ang mga laro na gumagamit ng isip—gaya ng pagbubugtungan—ay maliwanag na kilala at higit na pinahahalagahan. Marahil ang pinakakilalang halimbawa nito ay ang paglalahad ng bugtong ni Samson sa mga Filisteo.—Mga Hukom 14:12-18.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga isport at laro kung minsan ay ginagamit bilang mga metapora para sa Kristiyanong pamumuhay. Halimbawa, sa 1 Corinto 9:24, 25, binabanggit ni Pablo ang matinding pagsasanay ng isang manlalaro at ikinapit ito sa pangangailangan ng isang Kristiyano para sa pagpipigil-sa-sarili at pagbabata. Gayundin, maliwanag na inilakip ni Jehova ang bahid ng pagiging mapaglaro sa karamihan ng kaniyang nilikha, upang kapuwa ang tao at hayop ay makasumpong ng panahon na maglaro.—Job 40:20; Zacarias 8:5; ihambing ang Hebreo 12:1.
Kapag Lumabis ang Kompetisyon
Ano, kung gayon, ang sinasabi ni apostol Pablo sa kapuwa Kristiyano nang kaniyang sabihin sa kanila na hindi dapat “nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa”? (Galacia 5:26) Ang sagot ay nasa konteksto. Sinimulan ni Pablo ang pahayag na ito sa pagsasabi sa kanila na huwag ‘maging egotistiko’ o, gaya ng pagkasalin ng ibang Bibliya, huwag maging “mayabang,” “mapagmagaling,” “mapaghangad sa walang-kabuluhang kaluwalhatian.” Ang paghahangad ng katanyagan at kaluwalhatian ay laganap sa mga manlalaro noong panahon ni Pablo.
Gayundin naman sa ngayon sa daigdig ng kapalaluan, parami nang paraming manlalaro ang bumabaling sa pagmamalaki at pagtawag ng pansin sa kanilang mga sarili at kanilang mga kakayahan. Minamaliit pa ng ilan ang iba. Ang panunuya, panduduro, at panlalait sa salita, o ang tinatawag ng ilang manlalaro na “mapagmurang pagsasalita,” ay nagiging kalakaran sa ngayon. Ang lahat ng ito ay “nagsusulsol ng pagpapaligsahan,” na umaakay sa binanggit ni Pablo sa pangwakas na bahagi ng Galacia 5:26—inggit.
Pinakamasaklap, ang di-timbang na kompetisyon ay umaakay sa awayan at maging sa kamatayan. Isaalang-alang ang sagupaan sa pagitan ng mga tao ni Saul at ng mga tao ni David sa Gibeon, nang sina Abner at Joab ay sumang-ayon na “lumapit ang mga kabataang lalaki at lumaban [sa kanila].” (2 Samuel 2:14-32, Tanakh) Waring ito’y tumutukoy sa tila ba paligsahan sa pakikipagbuno. Anuman ang naging paligsahan, ito’y kagyat na nauwi sa matindi at madugong labanan.
Isang Timbang na Pangmalas
Ang mga isport at larong panlibangan ay dapat na nakapagpapasigla—hindi nakapanlulumo. Ito’y matatamo natin kung pananatilihin ang mga bagay sa timbang na pangmalas, tinatandaan na ang ating halaga sa Diyos at sa ating kapuwa ay walang kinalaman sa ating mga kakayahan sa mga isport o laro.
Isang kahangalan na pahintulutan ang damdamin ng pagiging nakatataas ang mag-umapaw sa atin dahil sa mga kakayahan sa pisikal o mental. Kaya ating iwasan ang di-karapat-dapat, makasanlibutang hilig na tumawag ng pansin sa ating mga sarili, baka maudyukan nating mainggit ang iba, sapagkat ang pag-ibig ay hindi naghahambog. (1 Corinto 13:4; 1 Pedro 2:1) At bagaman makatuwiran na umaasa sa kasiyahan, biglang sigalbo ng katuwaan at pagbabatian ng magkakapangkat, ayaw natin na maging walang-taros ang damdaming ito at maging mapagpasikat.
Hindi natin kailanman sinusukat ang halaga ng iba sa pamamagitan ng kanilang mga kakayahan sa mga isport at laro. Gayundin, hindi naman natin ibig na maliitin ang ating sarili dahil sa kawalan ng kakayahan. Nangangahulugan ba iyan na mali na magtala ng iskor? Hindi naman. Subalit dapat nating tandaan kung gaano kawalang-halaga ang anumang laro—ang tunay na halaga ng mga tao ay hindi nakasalig sa kung gaano sila kagaling maglaro. Sa laro ng koponan ang ilang pangkat ay karaniwang nagpapalitan ng mga manlalaro sa bawat pangkat upang walang sinumang pangkat ang laging nananalo.
Dapat ding laging isaisip ng mga Kristiyano na bagaman ang mga isport at laro ay binanggit sa Bibliya, ang mga ito’y binanggit lamang nang bibihira. Isang pagkakamali na ihinuha na ang basta pagbanggit ng isport sa Bibliya ay katumbas ng tuwirang pagsang-ayon sa lahat ng isport. (Ihambing ang 1 Corinto 9:26 sa Awit 11:5.) Gayundin, sinabi ni Pablo na ang “pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti; ngunit ang maka-Diyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay.”—1 Timoteo 4:8.
Kaya sa tamang dako nito, ang mga isport at laro ay kasiya-siya at nakapagpapasigla. Hinahatulan ng Bibliya, hindi ang lahat ng kompetisyon, kundi ang kompetisyon na pumupukaw ng kahambugan, alitan, kasakiman, inggit, o karahasan.