Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 11/15 p. 21-24
  • Papatayin Mo ba ang Isang Nagbabagang Mitsa?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Papatayin Mo ba ang Isang Nagbabagang Mitsa?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Sulyap sa Hula
  • Mga Epekto ng Pamumuna
  • Kumusta Naman ang Gawang Paghahambing?
  • Ilang Paraan Upang Makapagpatibay
  • Maging Palaging Nagpapatibay
  • Pagtupad sa Hula ni Isaias
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Pagtupad sa Hula ni Isaias
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
  • Tinupad ang Hula ni Isaias
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
  • Bagong Feature ng Pulong sa Gitnang Sanlinggo
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2017
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 11/15 p. 21-24

Papatayin Mo ba ang Isang Nagbabagang Mitsa?

IPINAHAYAG ni Jesu-Kristo ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa lahat ng uri ng mga tao. Marami sa kanila ay siniil at pinanghinaan ng loob. Subalit binigyan sila ni Jesus ng nakapagpapasiglang pabalita. Madamayin siya sa mga taong nagdurusa.

Itinampok ng manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo ang pagkamadamayin ni Jesus sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa isang hula na iniulat ni Isaias. Bilang pagsipi sa mga salitang tinupad ni Kristo, sumulat si Mateo: “Walang nasugatang tambo ang kaniyang dudurugin, at walang nagbabagang linong mitsa ang kaniyang papatayin, hanggang sa siya ay magpalabas ng katarungan na may tagumpay.” (Mateo 12:20; Isaias 42:3) Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito, at papaano tinupad ni Jesus ang hulang ito?

Isang Sulyap sa Hula

Ang tambo ay karaniwan nang tumutubo sa latian at ito’y hindi isang matibay at matatag na tanim. Ang isang “nasugatang tambo” ay tunay ngang magiging marupok. Iyon samakatuwid ay waring lumalarawan sa mga siniil o nagdurusang mga tao gaya ng isang lalaking natuyo ang kamay na pinagaling ni Jesus noong Sabbath. (Mateo 12:10-14) Ngunit kumusta naman ang makahulang pagbanggit sa isang mitsa ng ilawan?

Ang karaniwang ilawan sa bahay noong unang siglo C.E. ay isang maliit na lalagyang hugis-pitsel na yari sa putik na may pabilog na tatangnan. Ang ilawan ay palaging pinupunô ng langis ng olibo. Sa pamamagitan ng manipis na tubo, sinisipsip ng mitsang yari sa lino ang langis pataas upang sumindi ang apoy. Mangyari pa, ang ‘nagbabagang mitsa’ ay yaong isa na malapit nang mamatay ang apoy.

Ipinahayag ni Jesus ang kaniyang nakaaaliw na pabalita sa marami na siyang sumasagisag sa nasugatang tambo, binali at pinagsisipâ. Ang mga taong ito’y gaya rin ng nagbabagang linong mitsa yamang ang pinakahuling ningas ng kanilang buhay ay halos mamatay na. Sila’y tunay na siniil at nawalan ng pag-asa. Gayunman, hindi dinurog ni Jesus ang isang makasagisag na nasugatang tambo o pinatay man niya ang isang simbolikong nagbabagang mitsa. Ang kaniyang maibigin, malumanay, madamaying pananalita ay hindi nagpahina ng loob at nagpalungkot sa mga taong nagdurusa. Sa halip, sila’y nabuhayan ng loob dahil sa kaniyang mga sinabi at sa kaniyang pakikitungo sa kanila.​—Mateo 11:28-30.

Gayundin sa ngayon, marami ang nangangailangan ng pagdamay at pampasigla sapagkat sila’y napapaharap sa mga nakapagpapahinang suliranin. Maging ang mga lingkod ni Jehova ay hindi palaging malakas sa panahon ng kagipitan. Kung minsan ang ilan ay nakakatulad ng mga nagbabagang mitsa. Ang mga Kristiyano samakatuwid ay dapat na nakapagpapasigla​—pinapaypayan ang apoy, wika nga​—sa gayon ay nagpapalakasan sa isa’t isa.​—Lucas 22:32; Gawa 11:23.

Bilang mga Kristiyano nais nating makapagpatibay. Hindi natin sasadyaing pahinain ang sinumang naghahanap ng espirituwal na tulong. Tunay, nanaisin nating tularan ang halimbawa ni Jesus sa pagpapalakas sa iba. (Hebreo 12:1-3; 1 Pedro 2:21) Ang bagay na maaaring sa di-sinasadya’y madurog natin ang sinumang umaasa sa atin para mapasigla ay isang mabuting dahilan upang pag-isipang mabuti ang paraan ng ating pakikitungo sa iba. Tiyak na hindi natin nanaising ‘patayin ang isang nagbabagang mitsa.’ Anong maka-Kasulatang patnubay ang makatutulong sa atin sa bagay na ito?

Mga Epekto ng Pamumuna

Kapag ang isang Kristiyano ay ‘gumawa ng anumang maling hakbang, yaong may mga espirituwal na kuwalipikasyon ay magsisikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan.’ (Galacia 6:1) Gayunman, angkop kaya na hanapin ang mga kapintasan ng iba at samantalahin ang bawat pagkakataon upang maiwasto ang mga iyon? O tama kaya na pilitin silang pagbutihin pa ang ginagawa sa pamamagitan ng pagpapahiwatig na ang kanilang kasalukuyang pagsisikap ay kulang pa, anupat marahil ay nagiging dahilan upang makadama sila ng pagkakasala? Walang katibayan na gumawa si Jesus ng ganiyang bagay. Bagaman hangad nating makatulong sa iba upang sumulong, yaong pinagsasabihan ng nakasasakit na pamumuna ay maaaring manghina sa halip na mapalakas. Kahit ang pamumunang para sa ikabubuti ay maaari ring makapagpahina ng loob kapag labis na. Kung mamasamain pa ang buong-kayang pagsisikap ng isang tapat na Kristiyano, baka talagang itaas na lamang niya ang kaniyang mga kamay at sabihing, ‘Bakit pa ba ako nagpupumilit?’ Totoo naman, baka sumuko na lamang siya.

Bagaman mahalaga ang pagbibigay ng maka-Kasulatang payo, hindi naman dapat na palaging kakitaan ng ganitong espiritu ang inatasang matatanda o ang iba pa sa kongregasyon. Hindi pangunahing layunin ng mga pulong Kristiyano ang magbigay at tumanggap ng payo. Sa halip, tayo’y palagiang nagpupulong nang sama-sama upang magpatibayan at magpalakasan sa isa’t isa nang sa gayon ang lahat ay masiyahan sa kanilang pakikisama at sa kanilang sagradong paglilingkod sa Diyos. (Roma 1:11, 12; Hebreo 10:24, 25) Tunay ngang napakabuti kapag naaaninaw natin ang pagkakaiba ng maselang na kasiraan at ng di-kasakdalan anupat isang katalinuhan at pagpapakita ng pag-ibig na ito’y pagpaumanhinan!​—Eclesiastes 3:1, 7; Colosas 3:13.

Mas madaling tumugon ang mga tao sa pampatibay-loob kaysa sa pamumuna. Sa katunayan, kapag nadama ng mga indibiduwal na sila’y di-makatarungang pinupuna, baka lalo pa nilang pangatawanan ang ipinipintas na ugaling iyon! Ngunit kapag sila’y makatuwirang pinuri, sumisigla ang kanilang espiritu, at sila’y nauudyukang sumulong pa. (Kawikaan 12:18) Samakatuwid, gaya ni Jesus, magpatibay-loob tayo at huwag kailanman ‘patayin ang isang nagbabagang mitsa.’

Kumusta Naman ang Gawang Paghahambing?

Ang naririnig nating maiinam na karanasan ng ibang mga Kristiyano ay maaaring totoong nakagaganyak. Si Jesus mismo ay natuwa nang marinig niya ang tungkol sa tagumpay ng kaniyang mga alagad sa pangangaral ng pabalita ng Kaharian. (Lucas 10:17-21) Gayundin naman, kapag nakaririnig tayo ng tagumpay, magandang halimbawa, o katapatan ng iba sa pananampalataya, tayo’y napatitibay-loob at lalong nagiging determinado na manatili sa ating Kristiyanong landasin.

Ngunit, kumusta naman kung ang pag-uulat ay iniharap sa paraang nagpapahiwatig ng ganito, ‘Hindi ka kasinggaling ng mga Kristiyanong ito, at dapat na pagbutihin mo pang mainam ang iyong ginagawa’? Mahihimok kaya ang nakikinig na magpasimula ng isang masiglang programa ng pagpapasulong? Malamang na siya’y panghinaan ng loob at baka sumuko na lamang, lalo na kung madalas na gumagawa o kaya’y nagpapahiwatig ng paghahambing. Ito’y magiging gaya ng isang magulang na nagtatanong sa kaniyang anak, ‘Bakit ba hindi mo tularan ang iyong kapatid?’ Ang pagsasabi ng gayon ay maaaring magbunga ng hinanakit at panghihina ng loob, at ito’y malamang na hindi makapagpaunlad ng mas mabuting pag-uugali. Ang paghahambing ay maaaring may parehong epekto sa mga nakatatanda, nagiging dahilan pa nga ito upang sila’y medyo maghinanakit sa pinaghahambingan sa kanila.

Hindi natin maaasahan na pare-pareho ang magagawa ng lahat sa paglilingkod sa Diyos. Sa isa sa mga ilustrasyon ni Jesus, ang isang panginoon ay nagbigay sa kaniyang mga alipin ng isa, dalawa, o limang talentong pilak. Ang mga ito’y ibinigay “sa bawat isa ayon sa kaniyang sariling kakayahan.” Ang dalawang alipin na may-katalinuhang nangalakal at naparami ang kanilang talento ay pinapurihan sapagkat sila’y mga tapat, bagaman ang kanilang pagtatrabaho ay umani ng magkaibang bunga.​—Mateo 25:14-30.

Angkop lamang ang pagkasulat ni apostol Pablo: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan upang magsaya may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.” (Galacia 6:4) Kung gayon, upang maging tunay na nakapagpapatibay-loob sa iba, iwasan nating gumawa ng negatibong paghahambing.

Ilang Paraan Upang Makapagpatibay

Ano ang maaari nating gawin upang patibayin ang nasisiraan ng loob at maiwasan ang ‘pagpatay sa isang nagbabagang mitsa’? Buweno, ang pagpapatibay-loob ay hindi isang bagay na pagsunod sa isang espesipikong pormula. Gayunman, malamang na ang ating mga salita ay makapagpatibay sa iba kung ating ikakapit ang mga simulain ng Bibliya. Ano ang ilan sa mga ito?

Maging mapagpakumbaba. Sa Filipos 2:3, pinayuhan tayo ni Pablo na ‘huwag gumawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o sa egotismo.’ Sa halip, tayo’y dapat na magsalita at kumilos nang may pagpapakumbaba. ‘May kababaan ng pag-iisip na ituring nating ang iba ay nakatataas sa atin.’ Hindi naman sinasabi ni Pablo na ipagwalang-bahala na ang ating sarili. Gayunman, dapat na maunawaan natin na ang bawat tao ay nakatataas sa atin sa ilang paraan. Ang Griegong salita rito na isinaling “nakatataas” ay nagpapahiwatig na ang isang tao ay “naglalayo ng kaniyang paningin sa kaniyang sariling mga pribilehiyo, at maingat na nagbubulay-bulay sa talino ng iba na dito’y nakatataas siya.” (New Testament Word Studies, ni John Albert Bengel, Tomo 2, pahina 432) Kapag ginagawa natin ito at itinuturing na nakatataas ang iba, makikitungo tayo sa kanila sa mapagpakumbabang paraan.

Magpakita ng paggalang. Sa pamamagitan ng ating taimtim na pangungusap, malinaw na maipakikita natin na tayo’y may tiwala sa tapat na kapananampalataya, na minamalas sila bilang mga taong naghahangad na mapaluguran ang Diyos. Ngunit ipagpalagay nang sila’y nangailangan ng espirituwal na tulong. Kung gayon ay maglaan tayo ng tulong sa isang magalang na paraan taglay ang dignidad. Ganito ang pagkasabi ni Pablo sa bagay na ito: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.”​—Roma 12:10.

Maging isang mabuting tagapakinig. Oo, upang mapatibay-loob yaong napapaharap sa nakapanghihinang suliranin, dapat tayong maging mabubuting tagapakinig, hindi tagasermon. Sa halip na magbigay ng biglaan, di-makatotohanang mga mungkahi, gumugol tayo ng kinakailangang panahon upang makapaglaan ng mga patnubay mula sa Kasulatan na tunay na makatutugon sa kasalukuyang pangangailangan. Kung hindi natin alam ang sasabihin, ang pagsasaliksik sa Bibliya ay tutulong sa atin na makapagsalita nang may pang-aliw at makapagpalakas sa iba.

Maging maibigin. Dapat na madama natin ang pag-ibig sa mga nais nating mapatibay. Kapag ito’y ikinapit sa ating kapuwa mga lingkod ni Jehova, ang ating pag-ibig ay dapat na higit pa sa basta pagkilos lamang ukol sa kanilang pinakamabuting kapakanan. Dapat na sangkot dito ang matinding damdamin. Kung taglay natin ang gayong pag-ibig sa buong bayan ni Jehova, ang ating pananalita ay magiging tapat na pampatibay-loob sa kanila. Kahit na kung kailangang magmungkahi tayo para sa ikasusulong, malamang na maiwasan ang maling pagkaunawa sa ating sinasabi o kaya’y makapinsala kung ang ating motibo ay hindi lamang basta magbigay ng kuru-kuro kundi magbigay ng maibiging tulong. Gaya ng angkop na sinabi ni Pablo, “ang pag-ibig ay nagpapatibay.”​—1 Corinto 8:1; Filipos 2:4; 1 Pedro 1:22.

Maging Palaging Nagpapatibay

Sa mapanganib na “mga huling araw” na ito, napapaharap ang bayan ni Jehova sa maraming pagsubok. (2 Timoteo 3:1-5) Hindi nga nakapagtataka na kung minsan sila’y nagdurusa hanggang sa wari’y sukdulan ng kanilang pagbabata. Bilang mga lingkod ni Jehova, tiyak na hindi natin nanaising makapagsalita o makagawa ng mga bagay na maaaring maging dahilan upang ang sinuman sa ating kapuwa mananamba ay makadama na gaya ng nagbabagang mitsa na halos mamamatay na.

Samakatuwid, napakahalaga nga na tayo’y magpatibayang-loob sa isa’t isa! Gawin natin ang lahat ng pagsisikap na makapagpatibay sa pamamagitan ng pagiging mapagpakumbaba at magalang sa mga pinanghihinaan ng loob na mga kapuwa mananamba. Sana’y makinig tayong mabuti kapag sila’y nagtatapat sa atin at palaging sikaping makatulong sa kanila sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Higit sa lahat, magpamalas tayo ng pag-ibig, yamang ang bungang ito ng banal na espiritu ni Jehova ay tutulong sa atin na makapagpalakasan sa isa’t isa. Sana’y hindi tayo makapagsalita o makakilos sa anumang paraan na maaaring ‘pumatay sa isang nagbabagang mitsa.’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share