Ang Pangmalas ng Bibliya
“Hindi Bahagi ng Sanlibutan”—Ano ang Kahulugan Nito?
NOONG ikaapat na siglo C.E., iniwan ng libu-libong nag-aangking mga Kristiyano ang kanilang mga ari-arian, kamag-anak, at paraan ng pamumuhay upang mamuhay nang nakabukod sa disyerto sa Ehipto. Sila’y nakilala bilang mga anchorite, mula sa salitang Griego na a·na·kho·reʹo, na nangangahulugang “humihiwalay ako.” Inilalarawan sila ng isang mananalaysay na lumalayo sa kanilang mga kapanahon. Ipinalalagay ng mga anchorite na sa pamamagitan ng paglayo mula sa lipunan ng mga tao, sinusunod nila ang kahilingan sa Kristiyano na maging “hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 15:19.
Ang Bibliya ay totoong nagpapayo sa mga Kristiyano na “ingatan ang sarili na walang batik mula sa sanlibutan.” (Santiago 1:27) Ang Kasulatan ay maliwanag na nagbababala: “Mga mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ibinibilang ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.” (Santiago 4:4) Kaya, nangangahulugan ba ito na ang mga Kristiyano ay inaasahang maging mga anchorite, na humihiwalay sa iba sa literal na paraan? Dapat ba silang lumayo sa mga taong hindi nila kapareho ang relihiyosong mga paniniwala?
Hindi Antisosyal ang mga Kristiyano
Ang konsepto ng pagiging hindi bahagi ng sanlibutan ay tinatalakay sa maraming ulat sa Bibliya na nagtatampok ng pangangailangan para sa mga Kristiyano na ihiwalay ang kanilang mga sarili sa karamihan sa lipunan ng tao na hiwalay mula sa Diyos. (Ihambing ang 2 Corinto 6:14-17; Efeso 4:18; 2 Pedro 2:20.) Kaya, may katalinuhang iniiwasan ng tunay na mga Kristiyano ang saloobin, pagsasalita, at paggawi na salungat sa matuwid na paraan ni Jehova, gaya ng masikap na pagtataguyod ng sanlibutan sa kayamanan, katanyagan, at pagpapakalabis sa kalayawan. (1 Juan 2:15-17) Sila rin ay humihiwalay mula sa sanlibutan sa pamamagitan ng pananatiling walang pinapanigan tungkol sa digmaan at pulitika.
Sinabi ni Jesu-Kristo na ang kaniyang mga alagad ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” Subalit siya’y nanalangin din sa Diyos: “Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila mula sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot.” (Juan 17:14-16) Maliwanag, ayaw ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay maging antisosyal, anupat umiiwas sa lahat ng pakikisalamuha sa mga di-Kristiyano. Ang totoo, ang paghiwalay ay makahahadlang sa isang Kristiyano na tuparin ang kaniyang atas na mangaral at magturo “nang hayagan at sa bahay-bahay.”—Gawa 20:20; Mateo 5:16; 1 Corinto 5:9, 10.
Ang payo na manatiling walang batik mula sa sanlibutan ay hindi nagbibigay sa mga Kristiyano ng anumang saligan upang ituring ang kanilang mga sarili na nakatataas sa iba. Yaong may takot kay Jehova ay namumuhi sa “pagdakila sa sarili.” (Kawikaan 8:13) Ang Galacia 6:3 ay nagsasabi na “kung ang sinuman ay nag-iisip na siya ay kung sino samantalang siya ay walang anuman, nililinlang niya ang kaniyang sariling isipan.” Dinadaya niyaong mga nakadarama na sila’y nakatataas sa iba ang kanilang mga sarili sapagkat “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.”—Roma 3:23.
“Huwag Magsalita Nang Nakapipinsala Tungkol sa Kaninuman”
Noong kaarawan ni Jesus ay may mga tao na humahamak sa lahat na hindi kabilang sa kanilang pantanging relihiyosong grupo. Kabilang dito ang mga Fariseo. Sila ay bihasa sa Batas Mosaiko gayundin sa kaliit-liitang bahagi ng tradisyong Judio. (Mateo 15:1, 2; 23:2) Ipinagmamalaki nila ang maselan na pagsunod sa maraming relihiyosong ritwal. Ang mga Fariseo ay gumagawi na para bang sila’y nakatataas sa iba dahil lamang sa kanilang angking talino at relihiyosong kalagayan. Ipinahahayag nila ang kanilang pagiging relihiyoso at mapanghamak na saloobin sa pagsasabing: “Ngunit ang pulutong na ito na hindi nakaaalam ng Batas ay mga taong isinumpa.”—Juan 7:49.
Ang mga Fariseo ay may mapandustang bansag pa nga sa mga hindi-Fariseo. Ang Hebreong katagang ‛am ha·’aʹrets ay orihinal na ginamit sa positibong paraan upang tawagin ang pangkaraniwang miyembro ng lipunan. Subalit sa paglipas ng panahon ay binago ng mapagmataas na relihiyosong mga lider ng Juda ang diwa ng ‛am ha·’aʹrets tungo sa mapang-alipustang paraan. Ginamit ng ibang grupo, kasali na ang nag-aangking mga Kristiyano, tulad ng mga “pagano” at “di-Kristiyano” ang mga kataga sa mapanghamak na paraan upang ipakilala ang mga tao na may relihiyosong paniwala na iba sa kanila.
Paano, kung gayon, minalas ng mga Kristiyano noong unang siglo ang mga taong hindi yumakap sa Kristiyanismo? Ang mga alagad ni Jesus ay pinayuhan na makitungo sa mga di-mananampalataya “taglay ang mahinahong kalooban” at “matinding paggalang.” (2 Timoteo 2:25; 1 Pedro 3:15) Si apostol Pablo ay nagbigay ng mabuting halimbawa sa bagay na ito. Siya’y madaling lapitan, hindi hambog. Sa halip na itaas ang kaniyang sarili sa iba, siya’y mapagpakumbaba at nakapagpapatibay. (1 Corinto 9:22, 23) Sa kaniyang kinasihang sulat kay Tito, si Pablo ay nagpapayo na “huwag magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman, huwag maging palaaway, maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.”—Tito 3:2.
Sa Bibliya ang katagang “di-mananampalataya” ay ginagamit kung minsan upang kilanlin ang mga di-Kristiyano. Gayunman, walang katibayan na ang salitang “di-mananampalataya” ay ginamit bilang opisyal na pangalan o tatak. Tiyak, hindi ito ginamit upang maliitin o hamakin ang mga di-Kristiyano, yamang ito’y magiging salungat sa mga simulain ng Bibliya. (Kawikaan 24:9) Iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang pagiging malupit o hambog sa mga di-mananampalataya. Itinuturing nilang kagaspangan na panganlan ng mapanghamak na mga bansag ang mga kamag-anak o mga kapuwa na di-Saksi. Sinusunod nila ang payo ng Bibliya, na ganito ang sabi: “Ang alipin ng Panginoon . . . ay kailangang maging banayad sa lahat.”—2 Timoteo 2:24.
“Gumawa Tayo ng Mabuti sa Lahat”
Mahalagang makilala ang panganib ng pagiging malapit sa sanlibutan, lalo na sa mga taong nagpapakita ng labis na kawalang-paggalang sa makadiyos na mga pamantayan. (Ihambing ang 1 Corinto 15:33.) Subalit, nang magpayo ang Bibliya tungkol sa ‘paggawa ng mabuti sa lahat,’ kalakip sa salitang “lahat” yaong mga hindi nakikibahagi sa Kristiyanong mga paniwala. (Galacia 6:10) Maliwanag, sa ilalim ng gayong mga kalagayan ay ibinabahagi ng mga Kristiyano noong unang siglo ang kanilang pagkain sa mga di-mananampalataya. (1 Corinto 10:27) Kaya, sa ngayon ay pinakikitunguhan ng mga Kristiyano ang mga di-mananampalataya sa timbang na paraan, na minamalas sila bilang kanilang kapuwa.—Mateo 22:39.
Magiging mali na ipalagay na ang isang tao ay hindi disente o imoral dahil lamang sa hindi niya alam ang mga katotohanan ng Bibliya. Ang mga kalagayan at mga tao ay nagkakaiba-iba. Kaya, ang bawat Kristiyano ay dapat na magpasiya kung hanggang saan niya dapat kontrolin ang kaniyang pakikisalamuha sa mga di-mananampalataya. Gayunman, hindi kinakailangan at hindi maka-Kasulatan para sa isang Kristiyano na ihiwalay ang kaniyang sarili gaya ng ginawa ng mga anchorite o makadamang siya’y mas nakatataas gaya ng ginawa ng mga Fariseo.