Natatandaan Mo Ba?
Maingat bang pinag-isipan mo ang mga labas kamakailan ng Ang Bantayan? Kung gayon, matatandaan mo marahil ang mga sumusunod:
◻ Ang ilan bang pinahirang Kristiyano ay makaliligtas sa “malaking kapighatian” at mamumuhay sa lupa ng kaunting panahon bago sila dalhin sa langit?—Apocalipsis 7:14.
Ang Bibliya ay hindi malinaw ang sinasabi tungkol dito. May mga ulat ang Bibliya na waring nagpapahiwatig na ang mga pinahiran ay maaaring mabuhay nang patuloy hanggang sa bagong sanlibutan. Gayunman, angaw-angaw na mga taong umaasang mabubuhay magpakailanman sa lupa ang tumatanggap na ng pagsasanay na kailangan upang mapasimulan ang bagong sanlibutan. Kung gayon, ang munting nalalabi ay hindi na kakailanganin sa gawaing ito, at maaaring magalingin ng Diyos na sila’y dalhin sa langit para sa “kasal ng Kordero” pagkatapos na lipulin ang relihiyosong patutot, ang “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 18:2, 10; 19:2, 7, 8)—8/15, pahina 31.
◻ Taglay ang anong mga motibo dapat ilagak ng isang lalaki ang kaniyang puso upang maging isang tagapangasiwang Kristiyano? (1 Timoteo 3:1)
Ang isang lalaki ay nararapat magsikap na makaabot sa tungkuling pagkatagapangasiwa, na ginagawa ito nang may pagpapakumbaba dahil sa ibig niyang maglingkod sa iba. Pagka siya’y pinakikilos kung gayon ng matuwid na mga motibo, ang ganitong pagkilos sa ganang kaniya ay maaaring magbunga ng espirituwal na pagpapala sa lahat ng kasangkot.—9/1, pahina 18.
◻ Bakit si apostol Pablo ay hindi nasiraan ng loob sa kabila ng lahat ng bagay na kinailangan niyang pagtiisan?
Ganito ang paliwanag ni Pablo: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay-lakas sa akin.” (Filipos 4:13) Kailanman ay hindi sinubok ni Pablo na pasaning mag-isa ang kaniyang mga pasanin. Bagkus, siya’y umasa kay Jehova bilang aalalay sa kaniya. (Awit 55:22)—9/1, pahina 30.
◻ Ano ang ibig sabihin ng pananalita ni Pablo sa Efeso 4:26: “Kayo’y mangagalit, gayunma’y huwag kayong magkasala”?
Kinikilala ng mga salitang ito na ang isang tao’y maaaring may katuwirang magalit, ngunit kung mangyari na nga ito, ang taong iyon ay hindi dapat manatiling ‘galit hanggang sa paglubog ng araw.’ (Efeso 4:26) Bakit? Sapagkat ito’y magbibigay sa Diyablo ng pagkakataon na samantalahin ang pagkakataon tungkol sa taong iyon, posible na hinihimok siya na gumawa ng masama, upang siya’y hindi kalugdan ng Diyos. (Awit 37:8, 9)—9/15, pahina 21.
◻ Ano ang malaking pagkakaiba ng paraan na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa pagtuturo at ng paraan ng klero ng Sangkakristiyanuhan?
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtuturo na taglay ang autoridad ng Salita ng Diyos, samantalang ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay nakasalig ang mga turo sa paganong relihiyosong tradisyon na salin-salin buhat pa sa Babilonya at Ehipto.—10/1, pahina 25.
◻ Sa anong pinakamahalagang dahilan naparito sa lupa ang Anak ng Diyos?
Si Jesus ay naparito sa lupa unang-una sa layuning lutasin ang isyu na ibinangon ni Satanas tungkol sa soberanya ni Jehova.—10/15, pahina 13.
◻ Kung tinatawag natin na “nakatataas” ang sekular na mga autoridad, sa anumang paraan ba ay pinangyayari nating mabawasan ang karangalan na nauukol kay Jehova? (Roma 13:1)
Hindi, yamang si Jehova ay makapupong higit pa kaysa “nakatataas” lamang. Siya “ang Soberanong Panginoon,” “ang Kataas-taasang Isa.” (Awit 73:28; Daniel 7:18, 22) Ang sekular na mga autoridad ay nakatataas lamang kung ihahambing sa mga ibang tao at ayon sa kanilang sariling larangan na ginagalawan. Sila’y may pananagutan na mamahala at bigyan ng proteksiyon ang mga pamayanan.—11/1, pahina 12.
◻ Bakit ang pag-ibig ang pinakadakila sa siyam na bunga ng espiritu ng Diyos na binanggit sa Galacia 5:22, 23?
Ang iba pang walong bunga ng espiritu ng Diyos ay mga kapahayagan, o sarisaring pitak, ng pag-ibig, ang unang binabanggit. Lahat ng iba pang bungang ito ng espiritu ay mga katangiang kinakailangan, ngunit hindi natin pakikinabangan kung wala tayong pag-ibig. (1 Corinto 13:3)—11/15, pahina 14.
◻ Ano ang mga kapakinabangan ng pananalangin para sa mga kapananamplataya?
Pagka ang espirituwal na kapakanan ng iba ay binabanggit natin sa panalangin, tayo’y nagiging lalong malapit sa kanila sa pag-iibigang pangmagkakapatid. Tayo’y mayroon ding simpatiya sa kanila, na nakikibahagi tayo sa kanilang mga intereses at nakikiramay sa kanilang mga kahirapan. Kaya naman, anumang kapaitan sa ating damdamin ay nabubuwag, nagbibigay-daan para sa nagpapatibay na mga kaisipan na umaakay sa atin na maging maibigin at may kagalakan.—11/15, pahina 21-2.
◻ Ano ang mahalagang mga dahilan upang sumamba sa Diyos na Jehova?
Tayo’y dapat sumamba kay Jehova sapagkat siya ang Maylikha at ang kaniyang mga katangian ang naglalapit sa atin sa kaniya. (Deuteronomio 32:3, 4; 1 Juan 4:8; Apocalipsis 10:6) Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang maka-Diyos na debosyon ay mapakikinabangan sa lahat ng bagay, sapagkat may pangako ng buhay ngayon at sa darating.” (1 Timoteo 4:8) Walang diyos maliban kay Jehova na makapangangako ng ganiyang kahihinatnan at pagkatapos ay tutuparin ang kaniyang pangako.—12/1, pahina 6-7.