Pagtupad sa Iyong Panata sa Pag-aasawa!
ANG araw ng kasal ay isang maligayang araw. Ito rin ay isang napakaseryosong okasyon. Ang magkasintahan ay gumagawa ng isang taimtim na pangako na habang-buhay na makaaapekto sa kanila. Yaong naroroon sa kasalan bilang mga panauhin ay mga saksi sa taimtim na pangakong ito, subalit ang Diyos na Jehova ang pangunahing Saksi.
Ang Bibliya ay hindi humihiling ng espesipikong mga hakbang o isang pantanging uri ng seremonya ng kasal. Gayunman, bilang pagkilala sa banal na pinagmulan nito, ang pag-aasawa ay karaniwan nang ginaganap sa pamamagitan ng paggamit ng mga panata sa kasal sa panahon ng relihiyosong seremonya. May ilang taon nang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang sumusunod na panata sa pag-aasawa: “Ako —— ang kumukuha sa iyo —— upang maging aking pinakasalang (asawang babae/asawang lalaki), upang ibigin at pakamahalin (Kasintahang babae: at taimtim na igalang) ayon sa batas ng Diyos na nakasaad sa Banal na Kasulatan para sa Kristiyanong (mga asawang babae/mga asawang lalaki), habang tayo ay kapuwa magkasamang nabubuhay sa lupa alinsunod sa kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa.”a
Isang bagay na Dapat Pag-isipan
Kung binabalak mong mag-asawa, napakahalagang pag-isipan ang tungkol sa lalim at kahulugan ng panatang ito bago ang araw ng kasal. Sinabi ni Solomon: “Huwag kang pakabigla ng iyong bibig; at huwag magmadali ang iyong puso na magsalita ng ano mang bagay sa harap ng tunay na Diyos.” (Eclesiastes 5:2) Kumusta naman kung may asawa ka na? Kung gayon ay makikinabang ka buhat sa pagbubulay-bulay sa kahalagahan ng taimtim na pangako na iyong ginawa sa harap ni Jehova. Tinutupad mo ba ito? Pinaninindigan ng mga Kristiyano ang kanilang mga pangako. Nagpatuloy si Solomon: “Tuparin mo ang iyong ipinanata. Mas maigi ang huwag kang mamanata kaysa mamanata ka at hindi mo tuparin. Huwag mong hayaang papagkasalahin ng iyong bibig ang iyong laman, ni magsabi man sa harap ng anghel na iyon ay isang pagkakamali.”—Eclesiastes 5:4-6.
Ang isang parirala-por-pariralang pagsasaalang-alang ng panata sa kasal ay walang-dudang magpapasulong sa iyong pagkaunawa sa taimtim na pangakong ito.
“Ako —— ang kumukuha sa iyo”: Ito ang panimulang mga salita ng panata. Itinatampok nito na tinatanggap mo ang personal na pananagutan sa iyong pasiya na mag-asawa.
Sa ilalim ng Kristiyanong kaayusan, walang maka-Kasulatang pananagutan na mag-asawa. Si Jesu-Kristo mismo ay nanatiling walang asawa at nagrekomenda ng pagkabating para roon sa “makapaglalaan ng dako rito.” (Mateo 19:10-12) Sa kabilang panig, karamihan sa mga apostol ni Jesus ay may asawa. (Lucas 4:38; 1 Corinto 9:5) Maliwanag na ang pasiya na mag-asawa ay isang personal na bagay. Walang tao ang may maka-Kasulatang awtoridad upang pilitin ang iba na mag-asawa.
Kaya naman, ikaw ang may pananagutan sa pagpapasiya na mag-asawa. alamang, ikaw ang pumili sa isa na iyong pakakasalan. Kapag gumagawa ka ng panata sa pag-aasawa, anupat sinasabi, ‘Kinukuha kita ——,’ kinukuha o tinatanggap mo ang taong iyon lakip na ang kaniyang mabubuting katangian—at gayundin ang kaniyang mga pagkukulang.
Sa kalaunan ay malamang na matutuklasan mo ang hindi inaasahang katangian ng personalidad ng iyong asawa. Magkakaroon ng paminsan-minsang pagkasiphayo. Sinasabi ng Bibliya na “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Kaya baka kailanganin mong gumawa ng mga pagbabago upang mapakitunguhan ang iyong kabiyak. Ito’y maaaring maging mahirap, at kung minsan ay baka madama mo na para bang gusto mo nang sumuko. Subalit tandaan, ang panata sa pag-aasawa ay ginawa sa harap ni Jehova. Matutulungan niya kayong magtagumpay.
“Upang maging aking pinakasalang (asawang babae/asawang lalaki)”: Sa unang kasalan mismo, nang ibigay si Eva bilang asawa ni Adan, sinabi ni Jehova na “sila’y magiging isang laman.” (Genesis 2:24; Mateo 19:4-6) Kung gayon ang pagsasama bilang mag-asawa ang siyang pinakamalapit na ugnayan na maaaring umiral sa pagitan ng dalawang tao. Dinadala ka ng pag-aasawa sa isang bagong pakikipagkamag-anak. Tinatanggap mo ang isang tao bilang iyong “pinakasalang asawang babae” o “pinakasalang asawang lalaki.” Ito ay hindi katulad ng alinmang ibang ugnayan. Ang mga pagkilos na nagdudulot ng munting pinsala sa ibang ugnayan ay maaaring maging sanhi ng matinding kirot sa kaayusang pangmag-asawa.
Kuning halimbawa ang maka-Kasulatang payo na masusumpungan sa Efeso 4:26. Doon ay sinasabi ng Bibliya: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.” Marahil ay hindi mo laging nilulutas agad ang iyong mga suliranin sa mga kamag-anak at kaibigan. Subalit ang iyong kabiyak ay mas malapit kaysa sa kaninumang kamag-anak o kaibigan. Ang pagkabigong lutasin agad ang mga bagay-bagay kasama ng iyong asawa ay maaaring magsapanganib sa inyong pantanging ugnayan.
Pinahihintulutan mo bang ang di-pagkakasundo ninyong mag-asawa ay maging sanhi ng patuloy na pagkayamot o pagkainis? Namamayani ba sa loob ng maraming araw ang mga di-pagkakaunawaan at mga nakasisiphayong kalagayan? Upang makatupad sa iyong panata, huwag mong pahintulutang lumipas ang isang araw na hindi nakikipagpayapaan sa iyong kabiyak kapag bumangon ang mga suliranin. Ito ay nangangahulugan ng pagpapatawad at paglimot pati na ng pagkilala sa iyong pagkukulang at pagkakamali.—Awit 51:5; Lucas 17:3, 4.
“Upang ibigin”: Ang lalaking mapapangasawa ay gumagawa ng panata na ‘iibigin at mamahalin’ ang kaniyang magiging kabiyak. Kasali sa pag-ibig na ito ang romantikong pag-ibig na malamang ay siyang naglapit sa kanila. Subalit hindi sapat ang romantikong pag-ibig. Ang pag-ibig na isinusumpa ng isang Kristiyano para sa kaniyang lalaki o babaing kabiyak ay mas malalim at mas malawak.
Sinasabi ng Efeso 5:25: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyong mga asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon.” Ang pag-ibig ni Jesus sa kongregasyon ay tiyak na hindi katulad ng romantikong pag-ibig sa pagitan ng dalawang sekso. Ang terminong “ibigin” at “inibig” na ginamit sa kasulatan ay nanggaling sa salitang a·gaʹpe, na tumutukoy sa pag-ibig na ginagabayan ng simulain. Dito ay iniuutos ng Bibliya sa mga asawang lalaki na magpakita ng hindi nagbabago, tapat, walang-maliw na pag-ibig sa kanilang asawa.
Iyon ay hindi lamang isang “iniibig kita dahil iniibig mo ako” na uri ng damdamin. Hinahanap ng asawang lalaki ang kapakanan ng kaniyang asawa nang higit sa kaniyang sarili, at iniibig ng asawang babae ang kaniyang asawa sa gayunding paraan. (Filipos 2:4) Ang pagpapaunlad ng malalim na pag-ibig ukol sa iyong kapareha ay tutulong sa iyo na makatupad sa iyong panata sa pag-aasawa.
“Pakamahalin”: Ayon sa isang diksiyunaryo, ang “pakamahalin” ay nangangahulugang ‘pakaibigin, ipadama o ipakita ang pagmamahal.’ Kailangang ipahayag mo ang iyong pag-ibig kapuwa sa salita at sa gawa! Ang asawang babae ay lalo nang nangangailangang palaging makadama ng pag-ibig ng kaniyang asawa. Maaaring mahusay na nailalaan ng kaniyang asawa ang kaniyang mga pisikal na pangangailangan, subalit hindi ito sapat. May mga asawang babae na may sapat na pagkain at isang maalwang tahanan subalit lubhang di-maligaya dahil sa nakaliligtaan o napapabayaan ng kanilang asawa.
Sa kabilang panig, ang isang asawang babae na nakababatid na siya ay iniibig at minamahal ay may lahat ng dahilan upang lumigaya. Sabihin pa, totoo rin ito sa asawang lalaki. Ang tunay na pag-ibig ay lubhang napatitingkad sa pamamagitan ng wagas na kapahayagan ng pagmamahal. Sa Awit ni Solomon, ang mangingibig na pastol ay bumulalas: “Anong ganda ng iyong mga kapahayagan ng pagmamahal, O kapatid ko, aking kasintahan! Tunay na mas mainam ang iyong mga kapahayagan ng pagmamahal kaysa alak at ang bango ng iyong mga langis kaysa sa lahat ng uri ng pabango!”—Awit ni Solomon 4:10.
“At taimtim na igalang”: Sa nakalipas na mga siglo may mga lalaki na umabuso at humamak sa mga babae. Kahit ngayon, ayon sa magasing World Health, ang “karahasan laban sa mga babae ay nagaganap sa lahat ng bansa at sa lahat ng antas sa lipunan at ekonomiya. Sa maraming kultura, ang panggugulpi sa asawang babae ay itinuturing na karapatan ng lalaki.” Marahil ang karamihan sa mga lalaki ay hindi gumagawi ng gayon. Gayunman, waring maraming lalaki ang nabibigong magpakita ng tunay na interes sa mga isyung may kinalaman sa mga babae. Bunga nito, maraming babae ang nagkaroon ng negatibong saloobin tungkol sa mga lalaki. Ang ilang asawang babae ay narinig na nagsasabi, “Iniibig ko ang aking asawa, subalit talagang hindi ko siya magawang igalang!”
Gayunman, pinahahalagahan ng Diyos na Jehova ang babae na nagsisikap na igalang ang kaniyang asawa—kahit kung nagkukulang ito sa kaniyang mga inaasahan paminsan-minsan. Kinikilala niya na ang lalaki ay may bigay-Diyos na atas, o posisyon. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:23) Ang taimtim na paggalang sa kaniyang asawa ay bahagi kung gayon ng kaniyang pagsamba at pagsunod kay Jehova. Hindi kinaliligtaan ng Diyos ang pagkamasunurin ng maka-Diyos na mga babae.—Efeso 5:33; 1 Pedro 3:1-6; ihambing ang Hebreo 6:10.
Ang paggalang sa isa’t isa ay nararapat sa pag-aasawa, at ito ay dapat na matamo bunga ng pagiging karapat-dapat sa halip na asahan o hingin lamang. Halimbawa, ang nang-uuyam o nakasasakit na pananalita ay walang puwang sa kaayusang pangmag-asawa. Hindi pagiging maibigin o magalang ang magsalita nang may paghamak tungkol sa iyong asawa. Hindi kapaki-pakinabang na isiwalat sa iba ang mga pagkukulang ng iyong kabiyak o magsalita tungkol dito sa publiko. Kahit sa pagbibiro ay maaaring ipamalas ng isa ang malubhang kawalang-galang sa bagay na ito. Ang mga salita sa Efeso 4:29, 32 ay kumakapit sa kapuwa asawang lalaki at asawang babae. Doon ay sinasabi ng Bibliya: “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig, kundi anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan . . . Maging mabait kayo sa isa’t isa, madamayin sa magiliw na paraan.”
“Ayon sa batas ng Diyos na nakasaad sa Banal na Kasulatan”: Nais ng Diyos na tayo ay magtamasa ng kalayaan sa pagpili at pagkilos. Hindi niya tayo pinabibigatan ng napakahabang listahan ng mga batas na umuugit sa buhay may-asawa. Gayunman, ipinasulat niya ang ilang mga panuntunan para sa kapakanan natin.
Sa ngayon, may napakaraming iba’t ibang lathalain tungkol sa pag-aasawa, at maraming tao ang may sariling pilosopiya. Subalit mag-ingat! Hinggil sa paksa tungkol sa pag-aasawa, marami sa mga impormasyon na ipinamamahagi ay salungat sa Bibliya.
Pansinin din na hindi pare-pareho ang mga kalagayan ng iba’t ibang mag-asawa. Sa isang paraan, ang mga mag-asawa ay parang maninipis na piraso ng niyebe; sa malayo ay waring magkakatulad ang mga ito, subalit ang totoo ang bawat isa ay natatangi, naiiba sa lahat ng iba pa. Ang pinagsamang personalidad ninyong mag-asawa ay hindi nakakatulad ng alinmang iba pang mag-asawa sa daigdig. Kaya huwag magmadali sa pagtanggap ng personal na pangmalas ng iba. Walang gawang-taong pormula na kumakapit sa lahat ng pag-aasawa!
Sa kabaligtaran, lahat ng utos ng Bibliya ay totoo at maaaring ikapit. Sumulat si apostol Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay.” (2 Timoteo 3:16; Awit 119:151) Kung babasahin mo ang Bibliya at tatanggapin ang mga turo nito bilang giya sa iyong pang-araw-araw na pamumuhay, makatutupad ka sa iyong panata sa pag-aasawa.—Awit 119:105.
“Habang tayo ay kapuwa magkasamang nabubuhay sa lupa”: Ito’y tumutukoy sa isang pangmatagalang pagsasama. Iniuutos ng Diyos na “iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa.” (Genesis 2:24) Nais ni Jehova na kayo ay magsama. Paglingkuran ang Diyos nang magkasama. Magkasamang pag-aralan ang kaniyang Salita. Gumugol ng panahon na lumakad na magkasama, umupong magkasama, kumaing magkasama. Masiyahan sa buhay na magkasama!
Ang ilang mag-asawa ay nagsisikap na maglaan ng panahon araw-araw upang makipag-usap lamang sa isa’t isa. Kahit na pagkalipas ng maraming taon ng pagsasama, ang ganitong pagkamalapit ay mahalaga sa kaligayahan ng pag-aasawa.
“Alinsunod sa kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa”: Ang pag-aasawa ay isang kaloob mula sa Diyos na Jehova, na siyang nagtatag sa kaayusan sa pag-aasawa. (Kawikaan 19:14) Ang pagkabigong sumunod sa kaniyang kaayusan ay hindi lamang magsasapanganib sa inyong kaligayahan sa pag-aasawa kundi pati sa inyong kaugnayan sa Maylalang. Sa kabilang panig, kapag nililinang ng mag-asawa ang isang mabuting kaugnayan kay Jehova, anupat ipinaaaninaw sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga kaayusan, magkakaroon sila ng mapayapang kaugnayan sa iba, pati na sa isa’t isa.—Kawikaan 16:7.
Huwag kalimutan na si Jehova ang pangunahing Saksi sa inyong panata sa pag-aasawa. Patuloy na mamuhay sa taimtim na pangakong ito, at ang inyong pag-aasawa ay magiging isang pinagmumulan ng papuri at pagluwalhati sa Diyos na Jehova!
[Talababa]
a Sa ilang lugar ay maaaring kailanganing gumamit ng ibinagay na bersiyon ng panatang ito upang masunod ang lokal na mga batas. (Mateo 22:21) Gayunman, sa maraming bansa ay ginagamit ng Kristiyanong magkasintahan ang nabanggit na panata.
[Blurb sa pahina 22]
Sa isang paraan, ang mag-asawa ay parang maninipis na piraso ng niyebe. Lahat ng mga ito ay waring magkakatulad buhat sa malayo, subalit ang totoo ang bawat mag-asawa ay talagang naiiba
[Credit Line]
Mga Kristal na Niyebe/Dover