Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 7/15 p. 15-20
  • Puspusang Magsikap Ukol sa Kaligtasan ng Inyong Sambahayan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Puspusang Magsikap Ukol sa Kaligtasan ng Inyong Sambahayan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kristiyanong mga Magulang at ang Kanilang Ginagampanang Papel
  • Pangangalaga sa Kanilang Emosyonal na mga Pangangailangan
  • Pangangalaga sa Kanilang Espirituwal na mga Pangangailangan
  • Pagdisiplina Taglay ang Katuwiran
  • Mga Sambahayang May Nagsosolong Magulang at mga Pamilya Mula sa Muling Pag-aasawa
  • Patuloy na Magsikap Ukol sa Kaligtasan ng Inyong Sambahayan!
  • Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Makapananagumpay ang mga Pamilyang May Nagsosolong Magulang!
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Mga Nagsosolong Magulang, Maraming Problema
    Gumising!—2002
  • Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak sa Maibiging Paraan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 7/15 p. 15-20

Puspusang Magsikap Ukol sa Kaligtasan ng Inyong Sambahayan

“Patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.”​—EFESO 6:4.

1, 2. Anong mga suliranin ang napapaharap sa mga magulang sa ngayon?

TINAWAG iyon ng isang popular na magasin bilang isang rebolusyon. Ito ay nasa isang artikulo na naglalarawan sa nakagugulat na mga pagbabago na nagaganap sa pamilya sa nakaraang mga taon. Sinasabing ang mga ito ay “resulta ng isang epidemya ng diborsiyo, muling pag-aasawa, muling pagdidiborsiyo, pagiging anak sa labas, at bagong tensiyon na umiiral sa di-natitinag na mga pamilya.” Ang gayong mga kaigtingan at mga tensiyon ay hindi nakapagtataka, sapagkat inihula ng Bibliya na ang mga tao ay haharap sa “mga panahong mapanganib” sa “mga huling araw” na ito.​—2 Timoteo 3:1-5.

2 Samakatuwid ang mga magulang sa ngayon ay nakaharap sa mga suliranin na hindi naranasan ng naunang mga salinlahi. Bagaman ang ilang magulang sa atin ay nagpalaki ng kanilang mga anak sa maka-Diyos na mga paraan “mula sa pagkasanggol,” maraming pamilya ang kamakailan lamang nagsimulang ‘lumakad sa katotohanan.’ (2 Timoteo 3:15; 3 Juan 4) Ang kanilang mga anak ay maaaring may edad na nang pasimulan ng mga magulang na turuan sila ng mga daan ng Diyos. Isa pa, dumaraming mga pamilya na may nagsosolong magulang at mga pamilya sa muling pag-aasawa ang masusumpungan sa gitna natin. Anuman ang inyong mga kalagayan, ang payo ni apostol Pablo ay kumakapit: “Patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.”​—Efeso 6:4.

Ang Kristiyanong mga Magulang at ang Kanilang Ginagampanang Papel

3, 4. (a) Anong mga salik ang nagpangyari na mabawasan ang papel na ginagampanan ng mga ama? (b) Bakit ang mga amang Kristiyano ay dapat na maging higit pa kaysa mga tagapaghanapbuhay?

3 Pansinin na ang mga salita ni Pablo sa Efeso 6:4 ay pangunahin nang iniukol niya sa “mga ama.” Ipinaliwanag ng isang manunulat na sa naunang mga salinlahi, “ang mga ama ang may pananagutan sa moral at espirituwal na pagpapalaki sa kanilang mga anak; ang mga ama ang may pananagutan sa edukasyon ng kanilang mga anak. . . . Subalit ang Rebolusyon sa Industriya ang nag-alis ng ganitong matalik na kaugnayan; iniwan ng mga ama ang kanilang mga bukid at mga talyer, iniwan ang kanilang mga tahanan upang magtrabaho sa mga pabrika at nang malaunan ay sa mga opisina. Naatang sa mga ina ang marami sa mga tungkulin na dati’y pananagutan ng mga ama. Patuloy, ang pagkaama ay nananatiling isang idea na lamang sa halip na isagawa.”

4 Mga lalaking Kristiyano: Huwag kayong maging kontento na maging mga tagapaghanapbuhay lamang, na ipinauubaya sa inyong asawa ang lahat ng pagsasanay at pagpapalaki sa inyong mga anak. Hinihimok ng Kawikaan 24:27 ang mga ama noong sinaunang mga panahon: “Ihanda mo ang iyong gawa sa labas, at ihanda mo sa iyo sa parang. Pagkatapos ay patibayin mo rin ang iyong sambahayan.” Gayundin sa ngayon, bilang isang taong nagtatrabaho, baka kailangang magpagal ka nang matagal at puspusan sa paghahanap-buhay. (1 Timoteo 5:8) Gayunman, pagkatapos, pakisuyong maglaan ng panahon upang “patibayin mo ang iyong sambahayan”​—sa emosyonal at espirituwal na paraan.

5. Papaano makapagsisikap ang Kristiyanong mga asawang babae ukol sa kaligtasan ng kanilang mga sambahayan?

5 Mga Kristiyanong asawang babae: Kayo man ay kailangang puspusang magsikap ukol sa kaligtasan ng inyong sambahayan. Sinasabi ng Kawikaan 14:1: “Ang tunay na pantas na babae ay nagtatayo ng kaniyang bahay.” Bilang mag-asawa, ikaw at ang iyong asawang lalaki ay kapuwa may bahagi sa pananagutan ng pagsasanay sa inyong supling. (Kawikaan 22:6; Malakias 2:14) Maaaring kasangkot dito ang pagdidisiplina sa inyong mga anak, na inihahanda sila para sa mga pulong Kristiyano at sa ministeryo sa larangan, o kahit na ang pagdaraos ng pampamilyang pag-aaral kapag hindi magagampanan iyon ng inyong asawang lalaki. Malaki rin ang magagawa ninyo upang turuan ang inyong mga anak ng mga gawaing-bahay, mabubuting asal, kalinisan ng katawan, at marami pang ibang nakatutulong na mga bagay. (Tito 2:5) Kapag nagtutulungan ang mga mag-asawa sa ganitong paraan, lalong mainam na matutugunan nila ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Ano ba ang ilan sa mga pangangailangang iyon?

Pangangalaga sa Kanilang Emosyonal na mga Pangangailangan

6. Anong mga papel ang ginagampanan ng mga ina at mga ama sa emosyonal na pag-unlad ng kanilang mga anak?

6 “Kapag ang isang nagpapasusong ina ay nag-aaruga sa kaniyang sariling mga anak,” kanilang nadarama na sila’y ligtas, tiwasay, at minamahal. (1 Tesalonica 2:7; Awit 22:9) Kakaunting ina ang makapagpipigil sa pagbubuhos ng atensiyon sa kanilang mga sanggol. Ganito ang tanong ni propeta Isaias: “Makalilimot ba ang isang asawang babae sa kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kaaawaan ang anak ng kaniyang tiyan?” (Isaias 49:15) Sa gayon ang mga ina ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa emosyonal na pag-unlad ng mga anak. Gayunpaman, gumaganap din ng isang mahalagang papel ang mga ama sa bagay na ito. Ganito ang sabi ng edukador sa pamilya na si Paul Lewis: “Kailanman ay hindi pa ako nagkaroon ng case worker na may ulat tungkol sa isang [delingkuwenteng] bata na nagsabing siya ay may mabuting kaugnayan sa kanilang ama. Walang isa man sa daan-daan.”

7, 8. (a) Ano ang patotoo na may matibay na buklod sa pagitan ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak? (b) Papaano makabubuo ang mga ama ng isang maibiging buklod sa kanilang mga anak?

7 Samakatuwid ay mahalaga na pagyamanin ng Kristiyanong mga ama ang isang maibiging buklod sa kanilang mga anak. Halimbawa, isaalang-alang ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo. Sa bautismo ni Jesus, ipinahayag ni Jehova: “Ikaw ang aking Anak, ang iniibig; ikaw ay aking sinang-ayunan.” (Lucas 3:22) Napakarami ang ipinahahayag sa iilang salitang iyon! Si Jehova ay (1) kumilala sa kaniyang Anak, (2) tahasang nagpahayag ng kaniyang pag-ibig kay Jesus, at (3) nagpahayag ng kaniyang pagsang-ayon kay Jesus. Gayunman, hindi ito ang tanging panahon na nagpahayag si Jehova ng kaniyang pag-ibig ukol sa kaniyang Anak. Nang malaunan ay sinabi ni Jesus sa kaniyang Ama: “Inibig mo ako bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan.” (Juan 17:24) Talaga naman, hindi ba lahat ng masunuring anak ay nangangailangang kilalanin, ibigin, at sang-ayunan ng kanilang mga ama?

8 Kung ikaw ay isang ama, malamang na malaki ang iyong magagawa upang bumuo ng isang maibiging buklod sa iyong mga anak sa pamamagitan ng regular na paggawa ng angkop na mga kapahayagan ng pag-ibig sa gawa at sa salita. Totoo, mahirap para sa ilang lalaki na ipakita ang kanilang pagmamahal, lalo na kung sila’y hindi nakatatanggap ng hayagang pagmamahal buhat sa kanilang sariling ama. Subalit kahit ang asiwang pagtatangkang magpahayag ng pag-ibig sa iyong mga anak ay maaaring magkaroon ng mabisang epekto. Sa kabila ng lahat, “ang pag-ibig ay nagpapatibay.” (1 Corinto 8:1) Kung nakadarama ang iyong mga anak ng katiwasayan dahilan sa iyong makaamang pag-ibig, sila’y higit na mahihilig na maging ‘tunay na mga anak’ at makadarama ng kalayaang magtapat sa iyo.​—Kawikaan 4:3.

Pangangalaga sa Kanilang Espirituwal na mga Pangangailangan

9. (a) Papaano pinangalagaan ng may takot sa Diyos na mga magulang na Israelita ang espirituwal na mga pangangailangan ng kanilang mga pamilya? (b) Anong mga pagkakataon ang taglay ng mga Kristiyano upang turuan ang kanilang mga anak sa impormal na paraan?

9 May espirituwal na mga pangangailangan din ang mga anak. (Mateo 5:3) Hinimok ni Moises ang mga magulang na Israelita: “At ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito ay sasa-iyong puso; at ikikintal mo sa isipan ng iyong anak at sasalitain mo ang mga yaon kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” (Deuteronomio 6:6, 7) Kung ikaw ay isang magulang na Kristiyano, ang malaking bahagi ng iyong pagtuturo ay magagawa sa impormal na paraan, “kapag ikaw ay lumalakad sa daan.” Ang panahong ginugugol habang sama-samang nakasakay sa kotse ng pamilya, namimili, o naglalakad kasama ng inyong mga anak sa pagbabahay-bahay sa ministeryong Kristiyano ay naglalaan ng maiinam na pagkakataon upang magturo sa isang maalwang kapaligiran. Ang mga oras ng pagkain ay isang lalo nang mabuting panahon para mag-usap-usap ang pamilya. “Ginagamit namin ang oras ng pagkain upang mag-usap tungkol sa mga bagay-bagay na napapaharap sa araw-araw,” paliwanag ng isang magulang.

10. Bakit kung minsan ay isang hamon ang pampamilyang pag-aaral, at anong determinasyon ang kailangang taglay ng mga magulang?

10 Gayunman, ang pormal na pagtuturo sa pamamagitan ng isang regular na pag-aaral ng Bibliya kasama ng inyong mga anak ay mahalaga rin. Aaminin na “ang kamangmangan ay nababalot sa puso” ng mga bata. (Kawikaan 22:15) Sinasabi ng ilang magulang na madali lamang para sa kanilang mga anak na gambalain ang pampamilyang pag-aaral. Papaano? Sa pamamagitan ng pagiging malikot at mainipin, sa pamamagitan ng paglikha ng nakaiinis na mga pang-abala (tulad halimbawa ng pakikipag-away sa mga kapatid), o sa pamamagitan ng pagkukunwaring walang-alam sa saligang mga katotohanan ng Bibliya. Kung ito’y umabot sa punto ng paglalabanan kung sino ang mas matibay, ang kalooban ng mga magulang ang kinakailangang maging pinakamatibay. Hindi dapat sumuko ang mga magulang na Kristiyano at hayaang mangibabaw ang mga anak sa sambahayan.​—Ihambing ang Galacia 6:9.

11. Papaano magagawang kasiya-siya ang pampamilyang pag-aaral?

11 Kung hindi nasisiyahan ang inyong mga anak sa pampamilyang pag-aaral, marahil ay makagagawa ng ilang pagbabago. Halimbawa, ang pag-aaral ba ay ginagamit bilang isang dahilan upang ungkatin ang nagawang kamalian ng inyong mga anak kamakailan? Marahil ang pinakamagaling ay talakayin nang sarilinan ang gayong mga suliranin. Ang inyo bang pag-aaral ay ginaganap nang regular? Kung inyong ipinagpapaliban iyon dahil sa isang paboritong palabas sa telebisyon o sa isport, malamang na hindi maging seryoso sa pag-aaral ang inyong mga anak. Kayo ba ay taimtim at masigla sa paraan ng inyong pangangasiwa sa pag-aaral? (Roma 12:8) Oo, dapat na maging kasiya-siya ang pag-aaral. Sikaping lahat ng anak ay makasali. Maging positibo at nakapagpapatibay, na binibigyan ng masiglang komendasyon ang inyong mga anak dahil sa kanilang pakikibahagi. Mangyari pa, huwag basta kubrehan lamang ang materyal, kundi sikaping maabot ang mga puso.​—Kawikaan 23:15.

Pagdisiplina Taglay ang Katuwiran

12. Bakit sa disiplina ay hindi laging kasangkot ang pamamalo?

12 Ang mga anak ay may matinding pangangailangan din ukol sa disiplina. Bilang isang magulang, dapat mo silang takdaan ng mga hangganan. Sinasabi ng Kawikaan 13:24: “Ang isa na nag-uurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak, ngunit ang isa na umiibig sa kaniya ay siyang naglalapat sa kaniya ng disiplina.” Gayunman, hindi sinasabi ng Bibliya na ang disiplina ay kailangang laging gawin sa pamamagitan ng pamamalo. Ang Kawikaan 8:33 ay nagsasabi: “Makinig sa disiplina,” at sa atin ay sinasabi na ang “isang saway ay gumagawang mas taimtim sa isa na may kaunawaan kaysa sandaang hampas sa isang mangmang.”​—Kawikaan 17:10.

13. Papaano dapat ilapat ang disiplina sa isang anak?

13 Paminsan-minsan, maaaring nararapat ang pamamalo. Gayunman, kung iyon ay inilapat kasabay ng galit, malamang na iyon ay lumabis at hindi maging mabisa. Nagpapaalaala ang Bibliya: “Kayong mga ama, huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.” (Colosas 3:21) Oo, “ang kalupitan ay maaaring magpakilos sa isang pantas na gaya ng isang baliw.” (Eclesiastes 7:7) Ang isang kabataan na sumamâ ang loob ay maaari pa ngang maghimagsik laban sa matuwid na mga pamantayan. Kung gayon ay dapat gamitin ng mga magulang ang Kasulatan sa pagdisiplina ng kanilang mga anak sa katuwiran sa isang matatag ngunit timbang na paraan. (2 Timoteo 3:16) Ang maka-Diyos na disiplina ay inilalapat na taglay ang pag-ibig at kahinahunan.​—Ihambing ang 2 Timoteo 2:24, 25.a

14. Ano ang dapat gawin ng mga magulang kung sila’y nakadarama ng hilig na magbigay-daan sa pagkagalit?

14 Mangyari pa, “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Santiago 3:2) Kahit na ang isang karaniwan nang maibiging magulang ay maaaring sumuko sa sandali ng kagipitan at magbitiw ng masasakit na salita o magpakita ng poot. (Colosas 3:8) Kung sakaling mangyari iyan, huwag hayaang lumubog ang araw na ang inyong anak ay nasa matinding pagkabalisa o kayo mismo ay nasa kalagayang pukáw sa galit. (Efeso 4:26, 27) Makipag-ayos sa inyong anak, na humihingi ng paumanhin kung waring iyan ay nararapat. (Ihambing ang Mateo 5:23, 24.) Ang gayong pagpapakumbaba ay maaaring lalong maglapit sa inyo at sa inyong anak. Kung nadarama ninyong hindi ninyo masupil ang inyong galit at kayo’y magbibigay-daan sa pagkagalit, humingi kayo ng tulong sa hinirang na matatanda sa kongregasyon.

Mga Sambahayang May Nagsosolong Magulang at mga Pamilya Mula sa Muling Pag-aasawa

15. Papaano matutulungan ang mga anak sa mga pamilyang may nagsosolong magulang?

15 Gayunman, hindi lahat ng anak ay suportado ng dalawang magulang. Sa Estados Unidos, 1 sa bawat 4 na anak ay pinalalaki ng isang nagsosolong magulang. Ang ‘mga batang lalaking walang-ama’ ay karaniwan noong mga panahon ng Bibliya, at ang pagkabahala ukol sa kanila ay paulit-ulit na binabanggit sa Kasulatan. (Exodo 22:22) Sa ngayon, ang Kristiyanong mga sambahayan na may nagsosolong magulang ay nakaharap din sa kagipitan at kahirapan, subalit sila’y nagkakaroon ng kaaliwan sa pagkaalam na si Jehova ay “isang ama ng mga batang lalaking walang-ama at isang hukom ng mga babaing balo.” (Awit 68:5) Hinihimok ang mga Kristiyano na “alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.” (Santiago 1:27) Malaki ang magagawa ng mga kapananampalataya upang tulungan ang mga pamilyang may nagsosolong magulang.b

16. (a) Ano ang dapat gawin ng nagsosolong mga magulang alang-alang sa kanilang sariling mga sambahayan? (b) Bakit maaaring maging mahirap ang pagdidisiplina, subalit bakit kailangang ikapit iyon?

16 Kung ikaw ay isang nagsosolong magulang, ano ang magagawa mo mismo upang makinabang ang iyong sambahayan? Kailangang maging masigasig ka sa pampamilyang pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa mga pulong, at sa ministeryo sa larangan. Subalit, ang disiplina ay maaaring maging isang mahirap na hamon. Marahil ay nagdadalamhati ka pa dahil sa pagkamatay ng isang minamahal na kabiyak. O maaaring ikaw ay nakikipagpunyagi sa pagkadama ng kasalanan o galit dahil sa paghihiwalay. Kung kayo ay kapuwa binigyan ng karapatang mangalaga, maaaring mangamba ka pa nga na baka mas naisin ng iyong anak na makasama ang iyong humiwalay o nakipagdiborsiyong kabiyak. Maaaring lalo nang mahirap sa damdamin na maglapat ng timbang na disiplina sa ilalim ng gayong mga kalagayan. Gayunman, sinasabi sa atin ng Bibliya na “ang batang pinababayaan ay nagdadala ng kahihiyan sa kaniyang ina.” (Kawikaan 29:15) Kaya huwag magbigay-daan sa pagkadama ng kasalanan, pagsisisi, o emosyonal na panggigipit ng isang dating kabiyak. Magtakda ng makatuwiran at di-nagbabagong mga pamantayan. Huwag ikompromiso ang mga simulain ng Bibliya.​—Kawikaan 13:24.

17. Papaano nagiging malabo ang papel na ginagampanan ng mga miyembro ng pamilya sa isang sambahayang may nagsosolong magulang, at ano ang maaaring gawin upang maiwasan ito?

17 Subalit, maaaring bumangon ang mga suliranin kung pinakikitunguhan ng isang nagsosolong ina ang kaniyang anak na lalaki bilang kahalili ng asawa​—ang ulo ng tahanan​—​o ang kaniyang anak na babae bilang isang kapalagayang-loob, na pinabibigatan siya ng personal na mga suliranin. Ang paggawa ng gayon ay hindi angkop at nakalilito sa isang anak. Kapag ang papel na ginagampanan ng magulang at ng anak ay naging malabo, maaaring masira ang disiplina. Hayaang malaman na ikaw ang magulang. Kung ikaw ay isang inang nangangailangan ng salig-sa-Bibliyang payo, hingin ang tulong ng matatanda o marahil ng isang maygulang na nakatatandang kapatid na babae.​—Ihambing ang Tito 2:3-5.

18, 19. (a) Ano ang ilang hamon na napapaharap sa mga pamilya mula sa muling pag-aasawa? (b) Papaanong ang mga magulang at mga anak sa isang pamilya mula sa muling pag-aasawa ay makapagpapakita ng karunungan at pang-unawa?

18 Napapaharap din sa mga hamon ang mga pamilya mula sa muling pag-aasawa. Kalimitan, nasusumpungan ng mga pangalawang magulang na ang mga anak ng kanyang asawa ay bihirang makitaan ng “kagyat na pagmamahal.” Halimbawa, ang mga anak sa una ay maaaring maging lubhang maramdamin sa anumang waring paboritismo may kinalaman sa tunay na mga anak. (Ihambing ang Genesis 37:3, 4.) Sa katunayan, ang mga anak sa una ay maaaring nakikipagpunyagi sa dalamhati sa pagkamatay ng magulang at nangangamba na ang pagmamahal sa isang pangalawang magulang ay magpapakita na siya’y hindi tapat sa kanilang tunay na ama o ina. Ang mga pagtatangkang magbigay ng kinakailangang disiplina ay maaaring tugunin ng isang malupit na paalaala, ‘Hindi naman ikaw ang aking tunay na magulang!’

19 Ang Kawikaan 24:3 ay nagsasabi: “Sa pamamagitan ng karunungan ay titibay ang isang sambahayan, at sa pamamagitan ng unawa ay magiging matatag.” Oo, nangangailangan ng karunungan at pang-unawa ng lahat upang magtagumpay ang isang pamilya mula sa muling pag-aasawa. Pagsapit ng panahon, kailangang tanggapin ng mga anak ang kadalasa’y masakit na katotohanan na nagbago na ang mga bagay-bagay. Ang mga pangalawang magulang ay kailangan ding matutong maging matiisin at maawain, hindi agad nagdaramdam kapag waring inayawan. (Kawikaan 19:11; Eclesiastes 7:9) Bago gampanan ang papel ng isang tagadisiplina, sikaping maging kaibigan ang isang anak sa una. Hangga’t hindi nagkakaroon ng gayong buklod, maaaring isaalang-alang ng ilan na mas mabuting ang tunay na magulang ang maglapat ng disiplina. Kapag bumangon ang mga tensiyon, kailangang sikaping makipagtalastasan. “Karunungan ang nasa mga nagsasanggunian,” ang sabi ng Kawikaan 13:10.c

Patuloy na Magsikap Ukol sa Kaligtasan ng Inyong Sambahayan!

20. Ano ang dapat na patuloy na gawin ng mga ulo ng pamilyang Kristiyano?

20 Ang matatag na mga pamilyang Kristiyano ay hindi nagkataon lamang. Kayong mga ulo ng pamilya ay kailangang patuloy na puspusang magsikap ukol sa kaligtasan ng inyong mga sambahayan. Maging mapagbantay, na pinupuna ang di-mabubuting ugali o ang makasanlibutang mga hilig. Magpakita ng mabuting halimbawa sa pagsasalita, paggawi, pag-ibig, pananampalataya, at kalinisan. (1 Timoteo 4:12) Ipakita ang bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Patitibayin ng pagtitiis, konsiderasyon, pagpapatawad, at pagkamalumanay ang inyong pagsisikap na ituro sa inyong mga anak ang mga daan ng Diyos.​—Colosas 3:12-14.

21. Papaano mapananatili ang isang masigla, maligayang kapaligiran sa tahanan?

21 Sa tulong ng Diyos, sikaping panatilihin ang isang maligaya, masiglang espiritu sa inyong tahanan. Gumugol ng panahon nang sama-sama bilang isang pamilya, na sinisikap kumain nang sama-sama kahit isang beses sa bawat araw. Mahalaga ang mga pulong Kristiyano, paglilingkod sa larangan, at pampamilyang pag-aaral. Gayunman, mayroon ding “panahon sa pagtawa . . . at panahon sa pagsasayaw.” (Eclesiastes 3:1, 4) Oo, magsaayos ng mga panahon ng nakapagpapatibay na paglilibang. Ang mga pagdalaw sa mga museo, mga zoo, at katulad na mga lugar ay kasiya-siya para sa buong pamilya. O maaaring isara ninyo ang TV at gumugol ng panahon sa pag-aawitan, pakikinig sa musika, paglalaro, at pag-uusap. Ito’y makatutulong sa pamilya upang sila’y higit na magkalapit-lapit.

22. Bakit dapat na puspusang magsikap ukol sa kaligtasan ng inyong sambahayan?

22 Harinawang lahat kayong mga magulang na Kristiyano ay patuloy na magsikap upang paluguran si Jehova nang lubos “samantalang patuloy kayong namumunga sa bawat mabuting gawa at lumalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.” (Colosas 1:10) Itayo ang inyong sambahayan sa ibabaw ng isang matibay ng pundasyon ng pagsunod sa Salita ng Diyos. (Mateo 7:24-27) At matitiyak ninyo na ang inyong pagsisikap na palakihin ang inyong mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova” ay tatanggap ng kaniyang pagsang-ayon.​—Efeso 6:4.

[Mga talababa]

a Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: ‘Ang Pamalong Disiplina’​—Lipas na Ba?” sa Gumising! ng Setyembre 8, 1992.

b Tingnan Ang Bantayan ng Marso 15, 1981, pahina 10-23.

c Tingnan Ang Bantayan ng Abril 15, 1985, pahina 24-9.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Papaano makapagtutulungan ang mag-asawa sa pagpapatibay ng kanilang sambahayan?

◻ Ano ang ilang emosyonal na pangangailangan ng mga anak, at papaano matutugunan ang mga ito?

◻ Papaano matuturuan ng mga ulo ng pamilya ang kanilang mga anak kapuwa sa pormal at impormal na paraan?

◻ Papaano makapagdidisiplina ang mga magulang na taglay ang katuwiran?

◻ Ano ang maaaring gawin ukol sa kapakinabangan ng mga pamilyang may nagsosolong magulang at mga pamilya mula sa muling pag-aasawa?

[Larawan sa pahina 16]

Ang pagmamahal at pagsang-ayon ng isang ama ay mahalaga sa emosyonal na pag-unlad ng isang anak

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share