Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 1/1 p. 29-31
  • “Ginagamit Nang Wasto ang Salita ng Katotohanan”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ginagamit Nang Wasto ang Salita ng Katotohanan”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pamimigay ng Gatas ng Salita ng Diyos
  • Ginagamit ang Matigas na Pagkain ng Salita ng Diyos
  • Tubig na Nakapagpapanariwa at Nakalilinis
  • Gamitin ang Salita ng Diyos Bilang Isang Salamin
  • Ang Salita ng Diyos Bilang Isang Tabak
  • Higit Pang Pagsasaliksik sa Salita ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Gatas
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kumakain Ka Bang Mabuti sa Espirituwal?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Isang Pulandit ng Gatas na Naging Isang Kutsarang Pinulbos na Gatas
    Gumising!—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 1/1 p. 29-31

“Ginagamit Nang Wasto ang Salita ng Katotohanan”

ANG Salita ng Diyos ay isang bangán ng mga simulain na mahalaga para sa isang matagumpay na buhay. Matutulungan nito ang isang ministro na magturo, sumaway, at magtuwid. (2 Timoteo 3:16, 17) Gayunman, upang makinabang nang lubusan mula sa bigay-Diyos na patnubay na ito, dapat tayong sumunod sa payo ni apostol Pablo kay Timoteo: “Gawin mo ang iyong sukdulang makakaya na iharap ang iyong sarili na sinang-ayunan ng Diyos, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.”​—2 Timoteo 2:15.

Liban sa iba pang bagay, itinutulad ang Salita ng Diyos sa nakapagpapalusog na gatas, matigas na pagkain, nakapagpapanariwa at nakalilinis na tubig, isang salamin, at isang matalas na tabak. Ang pagkaunawa sa ipinahihiwatig ng mga terminong ito ay tumutulong sa isang ministro na gamitin ang Bibliya nang mahusay.

Pamimigay ng Gatas ng Salita ng Diyos

Gatas ang pagkain na kailangan ng mga bagong-silang na sanggol. Habang ang sanggol ay lumalaki, unti-unti itong pinakakain ng matigas na pagkain, subalit sa simula, gatas lamang ang kaya nitong tunawin. Sa maraming bagay, yaong may kaunting alam tungkol sa Salita ng Diyos ay katulad ng mga sanggol. Ang isang tao man ay bago lamang nagkakainteres sa Salita ng Diyos o nakabatid na hinggil dito sa loob ng ilang panahon, kung siya’y may panimulang pagkaunawa lamang sa kung ano ang sinasabi ng Bibliya, siya ay isang sanggol sa espirituwal at nangangailangan ng madaling-tunawing pagkain​—ang espirituwal na “gatas.” Hindi pa niya kayang tunawin ang “matigas na pagkain,” ang malalalim na bagay ng Salita ng Diyos.​—Hebreo 5:12.

Ganito ang kalagayan sa bagong-tatag na kongregasyon sa Corinto nang si Pablo ay sumulat sa kanila: “Pinainom ko kayo ng gatas, hindi ng bagay na kinakain, sapagkat wala pa kayong sapat na lakas.” (1 Corinto 3:2) Kailangan munang matutuhan ng mga taga-Corinto ang “mga panimulang bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” (Hebreo 5:12) Sa kanilang naabot na pagsulong, hindi pa nila matutunaw “ang malalalim na bagay ng Diyos.”​—1 Corinto 2:10.

Gaya ni Pablo, ipinakikita ng mga Kristiyanong ministro sa ngayon ang kanilang malasakit sa espirituwal na mga sanggol sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng “gatas,” alalaong baga, sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makapanindigang matatag sa saligang doktrinang Kristiyano. Pinasisigla nila ang mga baguhan o di-may-gulang na mga indibiduwal na ‘magkaroon ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita.’ (1 Pedro 2:2) Ipinakita ni apostol Pablo na naunawaan niya ang pantanging pag-aasikaso na kailangan ng mga baguhan nang kaniyang isulat: “Ang bawat isa na nakikibahagi sa gatas ay walang-kabatiran sa salita ng katuwiran, sapagkat siya ay isang sanggol.” (Hebreo 5:13) Ang pagtitiis, konsiderasyon, pag-unawa, at pagkamalumanay ay kahilingan sa mga ministro ng Diyos habang kanilang ibinabahagi ang dalisay na gatas ng Salita sa mga baguhan at walang-karanasang mga indibiduwal sa pamamagitan ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya at sa kongregasyon.

Ginagamit ang Matigas na Pagkain ng Salita ng Diyos

Upang sumulong tungo sa kaligtasan, higit pa sa “gatas” ang kailangan ng isang Kristiyano. Minsang maunawaan nang lubusan at tanggapin ang mga panimulang katotohanan ng Bibliya, siya ay handa nang lumipat sa ‘matigas na pagkain na nauukol sa mga taong may-gulang.’ (Hebreo 5:14) Papaano niya magagawa ito? Una, sa pamamagitan ng regular na rutina ng personal na pag-aaral at pakikisama sa mga Kristiyanong pagpupulong. Ang gayong mabubuting kinaugalian ay tutulong upang ang isang Kristiyano ay maging malakas sa espirituwal, may-gulang, at mabisa sa ministeryo. (2 Pedro 1:8) Hindi natin dapat kaligtaan na karagdagan sa kaalaman, ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay mapapabilang din sa espirituwal na pagkain.​—Juan 4:34.

Sa ngayon, isang “tapat at maingat na alipin” ang inatasan upang tustusan ang mga lingkod ng Diyos ng pagkain sa tamang panahon at tulungan silang maunawaan “ang malawak na pagkakasari-sari ng karunungan ng Diyos.” Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, isinisiwalat ni Jehova ang malalalim na katotohanan ng Kasulatan sa pamamagitan ng tapat na aliping ito, na taos-pusong naglalathala ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45-47; Efeso 3:10, 11; ihambing ang Apocalipsis 1:1, 2.) Ang bawat indibiduwal na Kristiyano ay may pananagutang lubusang gamitin ang gayong inilathalang mga paglalaan.​—Apocalipsis 1:3.

Sabihin pa, may ilang bagay sa Bibliya na “mahirap unawain,” kahit ng may-gulang na mga Kristiyano. (2 Pedro 3:16) May mga palaisipang kapahayagan, hula, at mga ilustrasyon na humihiling ng higit na pag-aaral at pagbubulay-bulay. Kaya naman, kasali sa personal na pag-aaral ang pagsasaliksik sa Salita ng Diyos. (Kawikaan 1:5, 6; 2:1-5) Ang matatanda ay lalo nang may pananagutan hinggil dito kapag sila ay nagtuturo sa kongregasyon. Nangangasiwa man ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat o ng Pag-aaral sa Bantayan, nagbibigay ng mga pahayag pangmadla, o naglilingkod sa alinmang iba pang tungkulin sa pagtuturo, kailangang alam na alam ng matatanda ang kanilang materyal at maging handang magbigay-pansin sa kanilang “sining ng pagtuturo” habang kanilang inihahatid ang matigas na pagkain sa kongregasyon.​—2 Timoteo 4:2.

Tubig na Nakapagpapanariwa at Nakalilinis

Sinabi ni Jesus sa babaing Samaritana na nasa tabi ng balon na bibigyan niya siya ng maiinom na magiging “isang bukal ng tubig [sa kaniya] na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 4:13, 14; 17:3) Kasali sa nagbibigay-buhay na tubig na ito ang lahat ng mga paglalaan ng Diyos para sa pagtatamo ng buhay sa pamamagitan ng Kordero ng Diyos, at ang mga paglalaang ito ay ipinaliliwanag sa Bibliya. Bilang mga indibiduwal na nauuhaw sa gayong “tubig,” tinatanggap natin ang paanyayang ibinigay sa pamamagitan ng espiritu at ng kasintahang babae ni Kristo na “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 22:17) Ang pag-inom sa tubig na ito ay maaaring mangahulugan ng buhay na walang-hanggan.

Isa pa, binabalangkas ng Bibliya ang moral at espirituwal na mga pamantayan para sa tunay na mga Kristiyano. Habang ating ikinakapit ang bigay-Diyos na mga pamantayang ito, tayo ay nalilinis sa pamamagitan ng Salita ni Jehova, ‘nahugasang malinis’ sa lahat ng mga gawaing kinapopootan ng Diyos na Jehova. (1 Corinto 6:9-11) Sa dahilang ito, ang katotohanan na nakapaloob sa kinasihang Salita ay tinatawag na isang “paghuhugas ng tubig.” (Efeso 5:26) Kung hindi natin hahayaang linisin tayo ng katotohanan ng Diyos sa ganitong paraan, hindi magiging kalugud-lugod sa kaniya ang ating pagsamba.

Kapansin-pansin, ang matatanda na ‘gumagamit nang wasto sa salita ng katotohanan’ ay itinutulad din sa tubig. Sinasabi ni Isaias na sila ay “gaya ng mga ilog ng tubig sa lupaing salat sa tubig.” (Isaias 32:1, 2) Tinutupad ng maibiging matatanda ang paglalarawang ito kapag kanilang dinadalaw ang kanilang mga kapatid bilang espirituwal na mga pastol, na ginagamit ang nakapagpapanariwang Salita ng Diyos upang magbigay ng pampatibay-loob, pang-aliw, espirituwal na impormasyon na nagpapalakas at nagpapatibay.​—Ihambing ang Mateo 11:28, 29.a

May pananabik na inaasahan ng mga miyembro ng kongregasyon ang pagdalaw ng mga matatanda. “Alam ko kung gaanong ginhawa ang maidudulot ng matatanda, at tuwang-tuwa ako’t ginawa ni Jehova ang ganitong paglalaan,” ang sabi ni Bonnie. Ganito naman ang isinulat ni Lynda, isang nagsosolong ina: “Sa pamamagitan ng maka-Kasulatang pampatibay-loob, tinulungan akong makapanagumpay ng matatanda. Sila’y nakinig at nagpakita ng pagdamay.” Ganito ang sabi ni Michael: “Ipinadama nila sa akin na ako’y bahagi ng isang organisasyon na nagmamalasakit.” “Ang pagdalaw ng matatanda ay tumulong sa akin na mapanagumpayan ang mga panahon ng matinding panlulumo,” ang sabi ng isa pa. Ang isang nakapagpapatibay sa espirituwal na pagdalaw buhat sa isang matanda ay gaya ng isang malamig, nakarerepreskong inumin. Naaaliw ang mga tulad-tupang tao habang sila’y tinutulungan ng maibiging matatanda na maunawaan kung papaano kumakapit sa kanilang kalagayan ang maka-Kasulatang mga simulain.​—Roma 1:11, 12; Santiago 5:14.

Gamitin ang Salita ng Diyos Bilang Isang Salamin

Kapag kumakain ng matigas na pagkain ang isang indibiduwal, ang layunin ay hindi lamang ang masiyahan sa lasa. Sa halip, inaasahan niyang makakuha ng sustansiya na magpapangyaring siya’y makagawa. Kung siya ay isang bata, umaasa siya na ang pagkain ay tutulong sa kaniya na lumaki upang maging isang may sapat na gulang. Katulad ito ng espirituwal na pagkain. Ang personal na pag-aaral ng Bibliya ay maaaring maging kasiya-siya, subalit hindi lamang iyan ang dahilan ukol dito. Dapat tayong baguhin ng espirituwal na pagkain. Tumutulong ito sa atin na malaman at maipakita ang bunga ng espiritu at umaakay sa atin upang tayo’y makapanamit “ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago alinsunod sa larawan ng Isa na lumalang nito.” (Colosas 3:10; Galacia 5:22-24) Tinutulungan din tayong sumulong sa pagkamay-gulang ng espirituwal na pagkain, anupat ginagawang lalong madali para sa atin na magkapit ng maka-Kasulatang mga simulain sa pagharap sa ating mga suliranin at sa pagtulong sa iba na harapin ang sa kanila.

Papaano natin masasabi kung ang Bibliya ay mayroon ngang ganiyang epekto sa atin? Ginagamit natin ang Bibliya gaya ng isang salamin. Sinabi ni Santiago: “Maging mga tagatupad kayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang . . . Kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita, at hindi tagatupad, ang isang ito ay tulad ng isang tao na tumitingin sa kaniyang likas na mukha sa salamin. Sapagkat tinitingnan niya ang kaniyang sarili, at siya ay umaalis at kaagad-agad nalilimutan kung anong uri siya ng tao. Subalit siya na nagmamasid sa sakdal na batas na nauukol sa kalayaan at nagpapatuloy rito, ang taong ito, sa dahilang siya ay naging, hindi isang tagapakinig na malilimutin, kundi isang tagatupad ng gawain, ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.”​—Santiago 1:22-25.

“Nagmamasid” tayo sa Salita ng Diyos kapag ito’y sinusuri nating mabuti at inihahambing ang ating pagkatao sa pagkataong nararapat nating taglayin ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Sa paggawa nito, tayo ay magiging ‘tagatupad ng salita, at hindi tagapakinig lamang.’ Ang Bibliya ay magkakaroon kung gayon ng mainam na epekto sa atin.

Ang Salita ng Diyos Bilang Isang Tabak

Kahuli-hulihan, tinutulungan tayo ni apostol Pablo na maunawaan kung papaano natin magagamit ang Salita ng Diyos bilang isang tabak. Nang tayo’y bigyang-babala laban “sa mga pamahalaan, laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako,” hinimok niya tayong “tanggapin . . . ang tabak ng espiritu, alalaong baga, ang salita ng Diyos.” (Efeso 6:12, 17) Ang Salita ng Diyos ay isang napakahalagang sandata na magagamit natin upang tagpasin ang anumang idea na “naibangon laban sa kaalaman sa Diyos.”​—2 Corinto 10:3-5.

Walang duda, “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Si Jehova ay nakikipag-usap sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga pahina ng kaniyang kinasihang Salita. Lubusang gamitin ito sa pagtuturo sa iba at sa paglalantad sa huwad na mga doktrina. Samantalahin ang paggamit nito upang ang iba ay pasiglahin, patibayin, papanariwain, aliwin, pakilusin, at palakasin sa espirituwal. At harinawang si Jehova ay “magsangkap sa inyo ng bawat mabuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban,” upang lagi ninyong gawin kung ano “yaong nakalulugod nang mainam sa kaniyang paningin.”​—Hebreo 13:21.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulo sa Bantayan na pinamagatang “Sila’y Maawaing Nagpapastol sa Maliliit na Tupa,” Setyembre 15, 1993, pahina 20-3.

[Larawan sa pahina 31]

Pinalalakas-loob ng matatanda ang iba, na “ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share