Manindigang Matatag Laban sa mga Pakana ni Satanas
“Magbihis kayo ng buong kagayakang baluti buhat sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana [Griego, “mga gawang katusuhan”] ng Diyablo.”—EFESO 6:11.
1. Anong patotoo na umiiral nga si Satanas ang pinatutunayan ng mga napaharap na tukso kay Jesus?
SI Satanas ba ay talagang umiiral? May mga taong nangangatuwiran na sa Bibliya, ang “Satanas” ay tumutukoy lamang sa kasamaan na nasa loob ng tao. Kanilang itinatatuwa ang kaniyang pag-iral bilang isang nilalang. Subalit ano ba ang sinasabi sa atin ng Kasulatan? Ang mga ulat ng Ebanghelyo ni Mateo at ni Lucas ay nagpapakita na si Kristo Jesus ay tuwirang tinukso nang makaitlo ni Satanas, at sa bawat pagkakataon siya ay tinanggihan ni Jesus, sa pamamagitan ng paggamit ng Kasulatan. Bakit ba sinagot siya ni Jesus buhat sa Kasulatang Hebreo? Sapagkat si Satanas ay lumapit sa kaniya at maling ikinapit yaong mismong Kasulatan upang hikayatin siya na magkasala at mabigo bilang ang Anak ng Diyos, ang ipinangakong Binhi.—Mateo 4:1-11; Lucas 4:1-13.
2. Bakit alam natin na hindi guniguni ni Jesus ang kaniyang pakikipag-engkuwentrong ito kay Satanas?
2 Maliwanag, ang mga pakikipag-engkuwentrong ito ay hindi guniguni ni Jesus, na isang taong sakdal. (Hebreo 4:15; 7:26) Ang nakaharap niya ay iyon ding isa na ang kapangyarihan ay nasa likod ng ahas sa Eden, ang kaniyang sariling dating kapatid na anghel na naghimagsik mahabang panahon na ang lumipas at ngayon ay disididong hadlangan ang katuparan ng Genesis 3:15. Nais ni Satanas na sirain ang integridad ng ipinangakong Binhi. Palibhasa’y matalisik sa kaniyang mga gawang katusuhan, buong katatagan na tinanggihan ni Jesus ang Manunukso. Ano ba ang ikinilos naman ni Satanas? “Kaya, nang matapos na ng Diyablo ang lahat ng panunukso, kaniyang hiniwalayan ito hanggang sa ibang kombinyenteng panahon.” Maliwanag, hindi ang kaniyang sarili ang hiniwalayan ni Jesus! Si Satanas, palibhasa’y nabigo, ay humiwalay sa kaniya, “at, narito! nagsidating ang mga anghel at naglingkod [kay Jesus].”—Lucas 4:13; Mateo 4:11.
3. Ano ang sabi ng isang historyador tungkol sa kinalaman ng pag-iral ng Diyablo sa Kristiyanismo?
3 Makatuwiran naman, isang historyador ang nagkomento: “Ang pagtatatuwa sa pag-iral at sa pinaka-sentrong kahalagahan ng Diyablo sa Kristiyanismo ay pagsalungat sa turong apostoliko at sa makasaysayang pag-unlad ng doktrinang Kristiyano. Yamang ang pagbibigay katuturan sa Kristiyanismo sa mga terminong naiiba sa mga ito ay literal na walang kabuluhan, hindi rin matalinong itugma ang argumento na ang Kristiyanismo’y walang kinalaman sa Diyablo. Kung ang Diyablo’y hindi umiiral, kung gayo’y maling-mali ang Kristiyanismo sa isang mahalagang punto mula pa noong una.”a Ang konklusyong iyan ay naghaharap ng isang hamon para sa bawat tao sa lupa ngayon. Iyo bang kinikilala na umiiral ang isang di-nakikitang kaaway na disididong ibagsak ang pagkasoberano ng Diyos at ang katapatan dito ng tao?
Kung Sino Talaga si Satanas
4. Paanong ang isang sakdal na espiritung nilalang ay naging Satanas?
4 Si Satanas ay isang makapangyarihang espiritung nilalang na sa simula ay nilikha ng Diyos bilang isang anghel, isang espiritung anak na nakapagpaparoo’t parito sa makalangit na nasasakupan ni Jehova. (Job 1:6) Subalit, ginamit ni Satanas ang kaniyang malayang kalooban sa pagsalansang sa Diyos; taglay ang katusuhan ay hinikayat niya si Eva at, sa pamamagitan niya, si Adan sa pagsuway at kamatayan. (2 Corinto 11:3) Sa gayon, siya’y naging Satanas, na ang ibig sabihin ay “Kaaway”—isang rebelde, demonyo, mamamatay-tao, at sinungaling. (Juan 8:44) Anong pagkaangkup-angkop nga ang ipinahayag ni Pablo na “si Satanas mismo ay patuloy na nagkukunwaring isang anghel ng liwanag,” gayong sa aktuwal na pangyayari siya ay isang ‘pansanlibutang tagapamahala ng kadilimang ito’! (2 Corinto 6:14; 11:14; Efeso 6:12) Sa paghikayat sa iba pang mga anghel upang maghimagsik, kaniyang inilabas sila sa liwanag ng Diyos tungo sa kaniyang sariling kadiliman. Siya’y naging “ang pinuno ng mga demonyo.” Ipinakilala rin siya ni Jesus bilang “ang pinuno ng sanlibutang ito.” Maliwanag, upang maging isang pinuno, kailangang umiral siya bilang isang nilalang na espiritung persona.—Mateo 9:34; 12:24-28; Juan 16:11.
5. Gaano kalinaw ipinakikilala si Satanas ng Kristiyanong Griegong Kasulatan?
5 Bagama’t si Satanas ay pambihirang banggitin sa Kasulatang Hebreo, siya ay lubusang naibunyag sa Kristiyanong Griegong Kasulatan—kaya naman ang pangalang Satanas ay nababasa natin doon ng 36 na beses at ang salitang Diyablo, ng 33 beses. (Tingnan ang Comprehensive Concordance of the New World Translation of the Holy Scriptures.) Siya ay ipinakikilala rin sa ilalim ng ibang pangalan o titulo. Dalawa sa mga ito ang ginamit ni Juan sa Apocalipsis 12:9: “Kaya’t inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumadaya sa buong tinatahanang lupa.”—Tingnan din ang Mateo 12:24-27; 2 Corinto 6:14, 15.
6. Ano ang kahulugan ng salitang “Diyablo”?
6 Dito sa Apocalipsis ay lumilitaw ang salitang Griego na di·aʹbo·los, na isinaling “Diyablo.” Ayon sa iskolar sa Griego na si J. H. Thayer, sa literal ang kahulugan nito ay “isang sinungaling, tagapagparatang ng walang katotohanan, maninirang-puri.” (Ihambing ang 1 Timoteo 3:11; 2 Timoteo 3:3, Kingdom Interlinear.) Tinutukoy ni W. E. Vine ang Diyablo bilang “ang kasama-samaang kaaway ng Diyos at ng tao.”b
7. Bakit naibubuhos ni Satanas ang kaniyang lakas sa bayan ni Jehova?
7 Ang dakilang Kaaway ay hindi humihinto saglit man. (1 Pedro 5:8) Marahil iyan ang dahilan kung bakit isang kawikaan ang nagsasabi, “Ang Diyablo ay humahanap ng gawain para sa mga kamay na walang ginagawa.” Siya ay disidido na wasakin ang lahat ng tunay na Kristiyano. (2 Timoteo 3:12) At naibubuhos niya sa bayan ni Jehova ang kaniyang lakas likha ng isang simpleng dahilan—nasa kapangyarihan na niya ang natitirang bahagi ng sanlibutan! (1 Juan 5:19) Ang sanlibutan sa ngayon ay sanlibutan ni Satanas. Siya ang pinuno at diyos nito, ito ay nalalaman man o hindi ng mga tao. (Juan 12:31; 2 Corinto 4:4) Kaya naman, kaniyang gagamitin ang bawat tuso o magdarayang gawa o mungkahi upang sirain ang bayan ni Jehova, isa-isa man o sama-sama. Suriin natin ang ilan sa mga ginagamit niyang paraan.—Marcos 4:14, 15; Lucas 8:12.
Ang mga Gawang Kadayaan at Katusuhan ni Satanas
8. Ano ang bentaha marahil ni Satanas sa pagkilos laban sa atin?
8 Nagkaroon si Satanas ng mahabang panahon upang pag-aralan ang sikolohiya ng tao, upang suriin ang kalikasan ng tao at ang lahat ng likás at nakuhang mga depekto nito. Batid niya kung paano paglalaruan ang ating mga kahinaan at ang ating ipinagmamalaking sarili. Ngayon, ano ba ang kalagayan kung alam ng iyong kaaway ang iyong mga kahinaan at ikaw mismo ay hindi mo naman nakikilala ang mga ito? Kung magkagayo’y wala kang sapat na kasangkapan upang maipagtanggol ang iyong sarili, yamang hindi mo alam kung alin-aling bahagi ng iyong espirituwal na baluti ang may kahinaan. (1 Corinto 10:12; Hebreo 12:12, 13) Anong pagkaangkup-angkop nga ang mga salita ng isang makatang taga-Scotland: ‘Oh sana’y may kapangyarihan na magbibigay sa atin ng kaloob na makita natin ang ating sarili gaya ng pagkakita sa atin ng iba! Ito ang maglilibre sa atin sa maraming pagkakamaling malulubha.’
9. Ano ang baka maging malungkot na resulta kung hindi natin sinusuri ang ating sarili at hindi tayo nagbabago?
9 Tayo ba’y handang makita ang ating sarili na gaya ng pagkakita sa atin ng iba—lalo na gaya ng pagkakita sa atin ng Diyos o ni Satanas? Kailangan diyan ang taimtim na pagsusuri at pagtantiya sa sarili at ang pagkadisididong magbago. Ang panlilinlang sa sarili ay napakadali. (Santiago 1:23, 24) Kung minsan pa nga ay nangangatuwiran tayo upang ipagmatuwid ang ating ginawa! (Ihambing ang 1 Samuel 15:13-15, 20, 21, 24) At anong pagkadali-dali nga na sabihin, “Bueno, wala namang sinumang sakdal, alam mo iyan!” Iyan ang talagang alam ni Satanas, at kaniyang sinasamantala ang ating mga di-kasakdalan. (2 Samuel 11:2-27) Anong lungkot nga na ang isang tao’y makarating sa edad na nasa katanghalian ng buhay at matalos niya na dahilan sa ugaling paghahari-harian, di-makatao, o hindi mabait na pakikitungo sa kapuwa sa lumipas na maraming taon, ang isang tao ay nilayuan ng mga kaibigan; o matanto na ang isang tao’y nakagawa ng kaunti lamang o wala pa nga upang paligayahin ang mga ibang tao. Taglay ang kadayaan marahil tayo’y inakay ni Satanas sa buhay na anupa’t ginagamit ang ating likas na kaimbutan upang bulagin tayo. Hindi natin nasakyan ang pinakadiwa ng tunay na kaisipan ni Kristo—pag-ibig, habag, at kabaitan.—1 Juan 4:8, 11, 20.
10. Anong mga tanong ang maitatanong natin sa ating sarili, at bakit?
10 Samakatuwid, upang malabanan si Satanas, kailangang suriin natin ang ating sarili. Ikaw ba’y may kahinaan na maaaring samantalahin ni Satanas o sinasamantala na nga sa mismong sandaling ito? Ikaw ba ay mayroong problema tungkol sa pagkamakaako? Kailangan bang ikaw ay palaging numero uno? Ang pagmamataas ba ang iyong nakakubling motibo na nagpapakilos sa iyo? Ang paninibugho, inggit, o pag-ibig sa salapi ba ang nagpapapangit sa iyong pagkatao? Ikaw ba ay palaaway? Ikaw ba ay malamig at mapang-uyam? O ikaw ba ay labis-labis na maramdamin pagka ikaw ay binigyan ng mga mungkahi o pinintasan? Iyo bang ipinagdaramdam o tinatanggihan pa nga ang payo? Kung kilala natin ang ating sarili, maitutuwid natin ang gayong mga suliranin, kung tayo ay mapagpakumbaba. Kung hindi, hinahayaan natin ang ating sarili na bukás na nakahantad kay Satanas.—1 Timoteo 3:6, 7; Hebreo 12:7, 11; 1 Pedro 5:6-8.
11. Anong madayang paraan ang marahil ay gagamitin ni Satanas upang sirain ang ating espirituwalidad?
11 Maaaring sirain din ni Satanas ang ating espirituwalidad sa isang madaya, tusong paraan. Baka tayo ay nababalisa tungkol sa paraan ng pagsasagawa ng mga bagay-bagay sa kongregasyon o sa organisasyon. Kadalasan ay hindi naman natin taglay ang lahat ng mga katibayan, subalit dagling naghihinuha tayo na ganoo’t ganito. Kung ang ating kaugnayan kay Jehova ay mahina, ito’y isang maikling hakbang tungo sa negatibong kaisipan at mga pag-aalinlangan tungkol sa katotohanan. Ang mga iba naman ay baka humahanap ng isang paraan na ipinagmamatuwid ang sarili upang makalabas sa mga pananagutan na taglay ng pagiging nasa katotohanan. Kung magkagayo’y naghahasik si Satanas sa kanilang mga puso ng mga binhi ng di-katapatan at pagtataksil. Hindi nagtatagal at sila’y nagiging mga biktima ng apostasya, at natutuwa naman si Satanas.—Lucas 22:3-6; Juan 13:2, 27; 2 Juan 9-11.
12. (a) Paanong ang mga iba ay pinalakas-loob ni Satanas? (b) Paano sinisilo ni Satanas ang marami upang mahulog sa imoralidad?
12 Ang iba ay pinalalakas-loob ni Satanas hindi lamang upang gumawa ng malulubhang kasalanan na karapat-dapat sa pagtitiwalag kundi upang gumamit din naman ng mga kasinungalingan at pandaraya upang malinlang ang mga hinarang na matatanda sa kongregasyon. Katulad ni Ananias at ni Safira, akala nila ay kanilang madadaya ang mga anghel at ang banal na espiritu ng Diyos. (Gawa 5:1-10) Libu-Libo noong nakaraang mga taon ang nahulog sa silo ni Satanas ng imoralidad. Batid ng Diyablo na ang pita ng tao sa sekso ay matindi, at sa pamamagitan ng kaniyang pandaigdig na sistema, kaniyang itinatampok, pinasasamâ, at binabaluktot ang papel na ginagampanan ng sekso. (Bilang 25:1-3) Ang walang asawang mga Kristiyano ay maaaring matukso tungo sa pagkakasala ng pakikiapid, sa pagtataksil sa asawa na sinumpaan nilang hindi pagtataksilan.—1 Corinto 6:18; 7:1-5; Hebreo 13:4.
13. (a) Paano posibleng hubugin ng telebisyon ang ating kaisipan? (b) Paano natin madadaig ang gayong impluwensiya?
13 Tayo’y nabubuhay sa isang daigdig na kung saan ang kasinungalingan, pandaraya, at marahas na pagkagalit ay palasak. Lubusang ginagamit ni Satanas ang media upang itampok ang ganitong mababang uring kaisipan. Ang mga serye sa telebisyon o mga soap opera ay nagtatanghal ng kaakit-akit na mga taong namumuhay sa isang daigdigan ng pagbabalatkayo. Kung papayagan natin na ang ganiyang kaisipan ay makaapekto sa atin, hindi magtatagal at baka tayo ay mahila sa paggawa ng “maliliit” na kasalanan, na aakay sa “malalaking” pagkakasala. Ang mga tusong mungkahi ni Satanas ay madaling makakapasok sa ating kaisipan. Paano natin madadaig ang gayong mga impluwensiya? Kailanman ay huwag “payagang magkaroon ng dako ang Diyablo,” ang payo ni Pablo. Iyan ay nangangahulugan din na piliin ninyo ang anumang pinapayagan ninyong makapasok sa inyong tahanan sa pamamagitan ng telebisyon. Hindi ba dapat nating kasuklaman ang nangangahas pumasok na mararahas, imoral, malalaswang-bibig na mga tao na nagdadala ng dumi sa ating salas?—Efeso 4:23-32.
Paano Natin Malalabanan si Satanas at Tayo’y Makapananatiling Tapat sa Diyos?
14. Ano ang dalawahang-bahaging pasiya ang kailangan upang malabanan si Satanas, at ano ang kailangan dito?
14 Sa pagkakaroon ng ganiyang malakas na kaaway na nakatataas pa sa tao at laging nakaabang sa atin na di-sakdal na mga nilalang na tao, paano natin maiingatan ang ating katapatan? Ang susi ay nasa mga pananalita ni Santiago: “Ipasakop ninyo ang inyong sarili, samakatuwid, sa Diyos; ngunit salansangin ang Diyablo, at tatakas siya sa inyo.” (Santiago 4:7) Pansinin na ang payo ni Santiago ay dalawahang-bahagi. Samantalang sinasalansang natin ang Diyablo at ang kaniyang kalooban, kailangang ipasakop natin ang ating sarili sa kalooban ng Diyos. Kasali riyan ang pag-ibig natin sa kalooban ng Diyos at pagkapoot sa kalooban naman ni Satanas. (Roma 12:9) Kaya, sinabi ni Santiago, “Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong kamay, kayong makasalanan, at dalisayin ninyo ang inyong puso, kayong may dalawang akala.” (Santiago 4:8) Oo, sa ating paglaban kay Satanas, walang dako ang kahinaan ng loob at ang pagdadalawang akala. Hindi natin maaatim na isapanganib ang ating katapatan sa pamamagitan ng pagsubok ng kung hanggang saan tayo makalalapit sa hangganan ng kasamaan. Kailangang lubusan nating “kapootan ang masama.”—Awit 97:10.
15. Bakit ang “buong kagayakang baluti buhat sa Diyos” ay mahalaga? Magbigay ng halimbawa.
15 Ang mahalagang payo tungkol sa paglaban kay Satanas ay nasa Efeso kabanata 6. Paano sinasabi ni Pablo na ating malalabanan si Satanas sa kaniyang “katusuhan,” “mga pakana,” o “mga taktika”? (Efeso 6:11, Phillips, New International Version, The Jerusalem Bible) “Magbihis kayo ng buong kagayakang baluti buhat sa Diyos,” ang payo niya. Ang pananalitang ito na ‘buong kagayakan’ ay hindi nagbibigay-daan para sa isang saloobing mapagwalang-bahala sa pagka-Kristiyano, kagaya rin ng isang sundalong Romano na hindi maaatim na maging mapagwalang-bahala pagka naghahanda para sa digmaan. Ano ang mangyayari sa sundalo kung inihanda niya ang kaniyang sarili na suot ang buong baluti maliban sa kalasag at turbante? Baka isipin niya, ‘Talaga namang isang malaking kalasag iyon, at ang turbante ay napakabigat. Pabigat lamang, at talaga namang hindi ko na kailangan.’ Gunigunihin ang situwasyon—isang sundalong Romano na armadong makipaglaban ngunit wala ang kaniyang mga pangunahing pandepensa.—Efeso 6:16, 17.
16. (a) Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus sa paggamit sa ating “tabak”? (b) Paano natin maiingatan ang ating sarili laban sa “nagniningas na mga suligi” ni Satanas, at ano ang resulta?
16 Gunigunihin, din naman, ang isang sundalo na wala ang kaniyang tabak. “Ang tabak ng espiritu” ay isang mahusay na pandepensa, sapagkat ito’y ginagamit upang ilaban sa armas naman na ginagamit ni Satanas laban sa Kristiyano. Ang ating “tabak” ay dapat na laging handa. At magiging ganiyan nga kung hindi natin pinababayaan ang ating personal at pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Subalit lalong higit na, itong “tabak . . . ng Salita ng Diyos” ang siyang ating instrumentong ginagamit sa ating pagsalakay. Sa kapuwa paraan ginamit iyan ni Jesus. (Mateo 4:6, 7, 10; 22:41-46) Ganiyan din ang dapat nating gawin. Kailangang patuloy na patalasin natin ang ating pagpapahalaga sa katotohanan. Hindi natin mapananatili ang ating espirituwalidad batay lamang sa ating natutuhan sa ating mga unang ilang buwan o mga taon sa katotohanan. Kung hindi natin muli’t muling pananariwain ang espirituwal na mga sirkito ng ating isip, ang ating espirituwal na pangitain ay manlalabo. Ang ating sigasig sa tunay na pagsamba kay Jehova ay uurong. Tayo’y manghihina sa espirituwal. Hindi na natin masasalag ang mga pag-atake ng mga kamag-anak, kaibigan, kasama, at apostata na maaaring tumutuya sa ating mga paniniwala. Subalit tayo ay ililigtas ng Diyos sa Diyablo at sa kaniyang “nagniningas na mga suligi” kung patuloy na sinasangkapan natin ang ating sarili ng “buong kagayakang baluti buhat sa Diyos.”—Isaias 35:3, 4.
17, 18. Laban kanino tayo nakikipagbaka, at paano tayo makapagtatagumpay?
17 Oo, idiniin ni Pablo ang panganib na kasangkot sa pakikipagbakang Kristiyano nang sumulat siya: “Sapagkat ang ating pakikipagbaka ay hindi laban sa mga kaaway na tao, kundi laban sa mga kapangyarihan ng sanlibutan, laban sa mga awtoridad at mga tagapamahala ng madilim na daigdig na ito, laban sa nakatataas-taong mga hukbo ng kasamaan sa kalangitan.” (Efeso 6:12, The New English Bible) Paanong tayong pagkahamak-hamak na mga tao ay makalalaban at makapananalo sa ganiyang labanan na di-patas? Muling inulit ni Pablo ang kaniyang punto: “Dahil dito magsikuha kayo ng buong kagayakang baluti buhat sa Diyos, upang kayo ay makapanaig sa araw ng kabalakyutan at, kung magawa na ninyo nang lubusan ang lahat ng bagay, ay tumayong matatag.” (Efeso 6:13) Ang pinakasusing pananalita ay: “Kung magawa na ninyo nang lubusan ang lahat ng bagay.” Muli na namang hindi nag-iiwan ito ng dako para sa nanghihina ang loob o nalilitong pagka-Kristiyano.—1 Juan 2:15-17.
18 Kung gayon, tayo’y manindigang matatag sa katotohanan, na iniibig ang katuwiran ni Jehova, ipinangangaral ang mabuting balita ng kapayapaan, kumakapit nang mahigpit na taglay ang matibay na pananampalataya sa kaligtasan na ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus, samantalang tayo’y nanghahawakan sa Salita ng Diyos bilang ating gabay. (Efeso 6:14-17) Tandaan, mahal tayo ng Diyos, at tayo ay tutulungan niya upang magtagumpay sa mga pagsubok at mga pagkabalisa na napapaharap sa atin sa sistema ng mga bagay ni Satanas. Harinawang sundin natin ang babala: “Palaging talasan ang inyong pakiramdam, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila.” Oo, “labanan ninyo siya, nang matatag sa pananampalataya.”—1 Pedro 5:6-9.
19. (a) Ano pang mahalagang paglalaan ang kailangan nating gamitin upang malabanan si Satanas? (b) Ano sa wakas ang mangyayari kay Satanas?
19 Huwag nating kalilimutan ang mahalagang isinusog ni Pablo sa “kagayakang baluti.” Kaniyang sinasabi: “Samantalang sa pamamagitan ng lahat ng anyo ng panalangin at pagsusumamo ay nagsisipanalangin kayo sa bawat pagkakataon sa espiritu. At sa layuning iyan manatiling gising na palagi at may pagsusumamo alang-alang sa lahat ng mga banal.” (Efeso 6:18) Ang ating di-nakikitang kaaway ay totoong makapangyarihan kung kaya’t kailangan natin ang “lahat ng anyo ng panalangin at pagsusumamo.” Anong pagkatunay-tunay at pagkasarisari, kung gayon, ang dapat na maging mga panalangin natin! Ang ating lubusang pagkaumaasa kay Jehova ay mahalaga kung ibig nating magtagumpay sa pakikipagbaka at makapanatiling matapat. Siya lamang ang makapagbibigay ng “kapangyarihang higit kaysa karaniwan” na tutulong sa atin na labanan ang ating di-humihintong Kaaway. Anong laking kaaliwan na malaman na ang ating dakilang Kaaway ay ibubulid na sa kalaliman at sa wakas ay lilipulin magpakailanman!—2 Corinto 4:7; Apocalipsis 20:1-3, 10.
[Mga talababa]
a Satan—The Early Christian Tradition, ni Jeffrey Burton Russell, pahina 25
b An Expository Dictionary of New Testament Words.
Masasagot Mo Ba?
◻ Paano natin nalalaman na si Satanas ay isang tunay na persona?
◻ Bakit nga angkop kay Satanas ang mga ibang pangalan at titulo niya?
◻ Anong pagsusuri-sa-sarili ang makatutulong sa atin na labanan ang mga tusong pag-atake ni Satanas?
◻ Anong payo ang tutulong sa atin sa pananaig kay Satanas, at bakit?
[Larawan sa pahina 15]
Ang isang paraan upang labanan ang impluwensiya ni Satanas ay ang maging palakaibigan, matulungin, mapagmahal
[Larawan sa pahina 16]
Pag-ingatan natin na tayo’y huwag mapatulad kay Ananias at Safira, na napadala kay Satanas
[Larawan sa pahina 17]
Upang masalag ang mga suligi ni Satanas, hindi natin mapapayagang mawala ang anumang bahagi ng ating espirituwal na baluti