Nilalabanan ba Ninyo ang Espiritu ng Sanlibutan?
“Tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos.”—1 CORINTO 2:12.
1, 2. Anong trahedya tungkol sa nakalalasong gas ang naganap sa Bhopal, India, subalit anong lalong nakamamatay na “gas” ang nalalanghap sa buong daigdig?
ISANG malamig na gabi ng Disyembre noong 1984, may nakagigitlang pangyayari sa Bhopal, India. Sa siyudad na iyan, may isang kemikal na planta, at nang gabing iyan ng Disyembre, isang barbula ang hindi umandar nang maayos sa isa sa mga tangkeng imbakan ng gas. Biglang-bigla, tone-toneladang methyl isocyanate ang nagsimulang bumuhos sa hangin. Palibhasa’y tangay ng hangin, ang nakamamatay na gas na ito ay umabot sa mga bahay at sa mga pamilyang natutulog. Ang bilang ng mga namatay ay umabot sa libu-libo, at marami pa ang napinsala at naging baldado. Iyon ang pinakamalubhang aksidente sa industriya hanggang sa panahong iyon.
2 Nagdalamhati ang mga tao nang marinig nila ang tungkol sa Bhopal. Subalit bagaman nakamamatay iyon, ang gas na sumingaw roon ay pumatay ng mas kakaunting tao kaysa pinapatay sa espirituwal na paraan ng isang “gas” na nalalanghap araw-araw ng mga tao sa buong daigdig. Iyon ay tinatawag ng Bibliya na “ang espiritu ng sanlibutan.” Iyon ang nakamamatay na hangin na ipinakita ni apostol Pablo ang kaibahan mula sa espiritu na buhat sa Diyos nang kaniyang sabihin: “Ngayon ay tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos, upang malaman natin ang mga bagay na may kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos.”—1 Corinto 2:12.
3. Ano ba “ang espiritu ng sanlibutan”?
3 Ano bang talaga “ang espiritu ng sanlibutan”? Ayon sa The New Thayer’s Greek English Lexicon of the New Testament, ang isang karaniwang kahulugan ng salitang “espiritu” (Griego, pneuʹma) ay “ang kapasiyahan o impluwensiya na pumupunô at umuugit sa kaluluwa ng sinuman.” Ang isang tao ay maaaring magkaroon ng isang mabuti o masamang espiritu, o kapasiyahan. (Awit 51:10; 2 Timoteo 4:22) Ang isang grupo ng mga tao ay maaari ring magkaroon ng isang espiritu, o nangingibabaw na kapasiyahan. Sumulat si apostol Pablo sa kaniyang kaibigang si Filemon: “Ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo ay mapasa espiritu na ipinakikita ninyo.” (Filemon 25) Gayundin—ngunit sa lalong malawakang paraan—ang sanlibutan sa pangkalahatan ay may nangingibabaw na kapasiyahan, at ito “ang espiritu ng sanlibutan” na tinukoy ni Pablo. Ayon sa Word Studies in the New Testament ni Vincent, “ang parirala ay nangangahulugan ng prinsipyo ng kasamaan na siyang motibong nagpapakilos sa masuwaying sanlibutan.” Ito ang makasalanang hilig na laganap sa kaisipan ng sanlibutang ito at lubhang nakaiimpluwensiya sa ikinikilos ng mga tao.
4. Sino ang pinagmumulan ng espiritu ng sanlibutan, at ano ang epekto ng espiritung ito sa mga tao?
4 Ang espiritung ito ay nakalalason. Bakit? Sapagkat ito ay nagmumula sa ‘tagapamahala ng sanlibutang ito,’ si Satanas. Oo, siya’y tinatawag na “[ang] tagapamahala ng awtoridad ng hangin, ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.” (Juan 12:31; Efeso 2:2) Ito’y mahirap takasang “hangin,” o “espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.” Ito ay nasa lahat ng dako sa lipunan ng tao. Kung ating nilalanghap ito, sinisimulan nating taglayin ang mga saloobin nito, ang mga layunin nito. Ang espiritu ng sanlibutan ay humihimok na ‘mabuhay ayon sa laman,’ samakatuwid nga, ayon sa ating makasalanang di-kasakdalan. Ito ay nagdudulot ng kamatayan, “sapagkat kung nabubuhay kayo ayon sa laman kayo ay tiyak na mamamatay.”—Roma 8:13.
Pag-iwas sa Espiritu ng Sanlibutang Ito
5. Papaano kumilos nang may karunungan ang isang Saksi nang nagaganap ang kapahamakan sa Bhopal?
5 Sa kapahamakang nangyari sa Bhopal, isang Saksi ni Jehova ang nagising sa ingay ng mga sirena at masangsang na amoy ng nakalalasong gas. Walang pagpapalibang ginising niya ang kaniyang pamilya at sila’y pinagmadali ng paglabas tungo sa kalye. Huminto siya saglit upang alamin ang direksiyon ng hangin, saka nagpunyagi na makalusot sa nalilitong karamihan at inakay ang kaniyang pamilya tungo sa taluktok ng isang burol sa labas ng siyudad. Doon ay nagawa nilang punuin ang kanilang mga baga ng sariwa, malinis na hangin na nanggagaling sa isang kalapit na loók.
6. Saan tayo makapupunta upang maiwasan ang espiritu ng sanlibutan?
6 Mayroon bang isang mataas na dako na maaari nating puntahan upang magkanlong buhat sa nakalalasong “hangin” ng sanlibutang ito? Sinasabi ng Bibliya na mayroon. Samantalang nakatanaw sa ating kaarawan, sumulat si propeta Isaias: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok, at tiyak na matataas sa itaas ng mga burol; at daragsa roon ang lahat ng bansa. At maraming bayan ang tiyak na paroroon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ Sapagkat mula sa Zion lalabas ang batas, at ang salita ni Jehova mula sa Jerusalem.” (Isaias 2:2, 3) Ang mataas na dako ng dalisay na pagsamba, ang itinaas na “bundok ng bahay ni Jehova,” ang tanging lugar sa planetang ito na walang sumasakal, nakalalasong espiritu ng sanlibutang ito. Doon malayang umaagos ang espiritu ni Jehova sa gitna ng tapat na mga Kristiyano.
7. Papaano nailigtas ang marami mula sa espiritu ng sanlibutan?
7 Marami na dating lumalanghap ng espiritu ng sanlibutang ito ang nagtatamasa ng kaginhawahang katulad ng nararanasan ng Saksing iyon sa Bhopal. Pagkatapos banggitin “ang mga anak ng pagsuway” na lumalanghap ng hangin, o espiritu, ng sanlibutang ito, si apostol Pablo ay nagsasabi: “Sa gitna nila tayong lahat noong una ay gumawi na kasuwato ng mga nasa ng ating laman, na ginagawa ang mga bagay na hinahangad ng laman at ng mga kaisipan, at tayo ay likas na mga anak ng poot gaya nga ng iba. Subalit ang Diyos, na mayaman sa awa, dahil sa kaniyang dakilang pag-ibig na kaniyang inibig sa atin, ay bumuhay sa atin kasama ng Kristo.” (Efeso 2:3-5) Ang mga taong walang nilalanghap kundi ang nakalalasong hangin ng sistemang ito ng mga bagay ay mga patay sa espirituwal na diwa. Subalit, dahil kay Jehova, milyun-milyon sa ngayon ang tumatakas tungo sa espirituwal na dakong mataas at nakaiiwas sa nakamamatay na kalagayang iyan.
Mga Anyo ng “Espiritu ng Sanlibutan”
8, 9. (a) Ano ang nagpapakita na tayo’y kailangang palaging nakabantay laban sa espiritu ng sanlibutan? (b) Papaano maaaring mahila tayo sa kasamaan ng espiritu ni Satanas?
8 Ang nakamamatay na hangin ni Satanas ay umiinog pa rin sa palibot natin. Tayo’y kailangang nakabantay at huwag maanod paibaba, pabalik sa sanlibutan, marahil hanggang sa tayo’y masakal sa espirituwal na diwa. Ito’y nangangailangan ng palagiang pagbabantay. (Lucas 21:36; 1 Corinto 16:13) Halimbawa, isaalang-alang ang bagay na ito. Lahat ng Kristiyano ay may kabatiran sa mga pamantayan ni Jehova sa moralidad at hindi sasang-ayon na ang karumal-dumal na mga gawain gaya ng pangangalunya, pakikiapid, at homoseksuwalidad ay maaaring payagan. Subalit, bawat taon mga 40,000 katao ang itinitiwalag buhat sa organisasyon ni Jehova. Bakit? Malimit na dahilan sa ganitong karumal-dumal na mga gawain. Papaano nangyayari iyan?
9 Dahilan sa lahat tayo ay di-sakdal. Ang laman ay mahina, at palaging kailangan na tayo’y makipagbaka laban sa masasamang hilig na nahahayag sa ating puso. (Eclesiastes 7:20; Jeremias 17:9) Gayunman, ang masasamang hilig na iyon ay pinasisigla ng espiritu ng sanlibutan. Marami sa mga nasa sanlibutang ito ang walang nakikitang masama sa imoralidad, at ang idea na kahit ano puwede ay bahagi ng hilig ng kaisipan sa sistema ng mga bagay ni Satanas. Kung inihahantad natin ang ating sarili sa ganiyang kaisipan, mangyari pa, malamang na tayo’y magsisimulang mag-isip na gaya ng sanlibutan. Hindi magtatagal, ang gayong maruruming kaisipan ay maaaring magbunga ng maling naisin na ang kahihinatnan ay malubhang pagkakasala. (Santiago 1:14, 15) Maliligaw tayo pababa sa bundok ng dalisay na pagsamba kay Jehova tungo sa nakapandidiring mga kapatagan ng sanlibutan ni Satanas. Walang sinuman na kusang nananatili roon ang magmamana ng buhay na walang-hanggan.—Efeso 5:3-5, 7.
10. Ano ang isang anyo ng hangin ni Satanas, at bakit ito dapat iwasan ng mga Kristiyano?
10 Ang espiritu ng sanlibutan ay pinatutunayan ng buong paligid natin. Halimbawa, nariyan ang walang-galang, mapanuyang saloobin ng marami sa kanilang paraan ng buhay. Palibhasa’y wala nang pagtitiwala dahil sa liko o di-marapat na mga pulitiko at sa imoral, masasakim na mga lider ng relihiyon, sila’y nagsasalita ng walang-galang kahit na tungkol sa seryosong mga bagay. Nilalabanan ng mga Kristiyano ang ganitong hilig. Bagaman tayo ay may mainam na katangiang magpatawa, ating iniiwasang magpasok sa kongregasyon ng isang mapanuyang espiritu ng kawalang galang. Sa pananalita ng isang Kristiyano ay mahahalata ang pagkatakot kay Jehova at ang kadalisayan ng puso. (Santiago 3:10, 11; ihambing ang Kawikaan 6:14.) Tayo man ay bata o matanda, dapat na ang ating pananalita ay “laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano [tayo] dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.”—Colosas 4:6.
11. (a) Ano ang ikalawang anyo ng espiritu ng sanlibutan? (b) Bakit naiiba ang mga Kristiyano sa mga makikitaan nito?
11 Isa pang karaniwang hilig na isang anyo ng espiritu ng sanlibutang ito ay ang poot. Ang sanlibutan ay nababahagi dahil sa mga pagkapoot at mga alitan na nakasalig sa lahi, tribo, bansa, at maging personal na mga di-pagkakaunawaan. Mas magaling nga ang mga bagay-bagay na kung saan aktibo ang espiritu ng Diyos! Sumulat si apostol Pablo: “Huwag gumanti ng masama para sa masama sa kaninuman. Maglaan ng maiinam na bagay sa paningin ng lahat ng tao. Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga iniibig, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ Ngunit, ‘kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya; kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom; sapagkat sa paggawa nito ay nagbubunton ka ng maapoy na mga uling sa kaniyang ulo.’ Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.”—Roma 12:17-21.
12. Bakit iniiwasan ng mga Kristiyano ang materyalismo?
12 Pinasisigla rin ng espiritu ng sanlibutang ito ang materyalismo. Palibhasa’y pinalalakas-loob ng daigdig ng komersiyo, marami ang nahuhumaling sa pinakabagong kasangkapan, pinakabagong uso, pinakabagong modelo ng kotse. Sila’y alipin ng “pagnanasa ng mga mata.” (1 Juan 2:16) Sinusukat ng karamihan ang kanilang tagumpay sa buhay sa pamamagitan ng laki ng kanilang bahay o sa dami ng kanilang salaping nasa bangko. Ang mga Kristiyano, na lumalanghap ng malinis na espirituwal na hangin sa mataas na bundok ng dalisay na pagsamba kay Jehova, ay lumalaban sa ganitong hilig. Batid nila na ang isang desididong paghanap ng materyal na mga bagay ay maaaring magpahamak. (1 Timoteo 6:9, 10) Ipinaalaala ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi resulta ng mga bagay na tinataglay niya.”—Lucas 12:15.
13. Ano ang ilang karagdagang anyo ng espiritu ng sanlibutang ito?
13 May iba pang anyo ng masamang “hangin” ng sanlibutang ito. Ang isa ay ang espiritu ng paghihimagsik. (2 Timoteo 3:1-3) Napapansin mo ba na maraming tao ang hindi na nakikipagtulungan sa awtoridad? Napuna mo ba sa iyong sekular na trabaho ang malaganap na kausuhan ng hindi pagtatrabaho maliban sa may isang nakabantay? Ilang tao ang kilala mo na lumabag sa mga batas—marahil nandaya sa kanilang mga buwis o nagnakaw sa kanilang trabaho? Kung ikaw ay nag-aaral pa, nasiraan ka na ba ng loob sa paggawa ng iyong pinakamagaling dahil hinahamak ng iyong mga kaklase ang mga nagtatagumpay sa kanilang pag-aaral? Lahat ng ito ay mga anyo ng espiritu ng sanlibutan na kailangang labanan ng mga Kristiyano.
Kung Papaano Mapaglalabanan ang Espiritu ng Sanlibutang Ito
14. Sa anong mga paraan naiiba ang mga Kristiyano buhat sa mga di-Kristiyano?
14 Kung gayon, papaano natin mapaglalabanan ang espiritu ng sanlibutan gayong tayo sa katunayan ay namumuhay sa sanlibutan? Tandaan natin na saanman tayo naroroon sa pisikal, sa espirituwal ay hindi tayo bahagi ng sanlibutan. (Juan 17:15, 16) Ang ating mga tunguhin ay hindi ang mga tunguhin ng sanlibutang ito. Ang ating pangmalas sa mga bagay ay iba. Tayo ay mga taong espirituwal, nagsasalita at nag-iisip “hindi sa pamamagitan ng mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan niyaong itinuro ng espiritu, habang isinasama natin ang espirituwal na mga bagay sa espirituwal na mga salita.”—1 Corinto 2:13.
15. Papaano natin madaraig ang espiritu ng sanlibutan?
15 Ano ba ang magagawa ng isang tao kung masumpungan niya ang kaniyang sarili sa isang lugar na may polusyon ng nakalalasong gas? Maaari siyang magsuot ng isang gas mask na nakakabit sa isang malinis na suplay ng hangin, o maaari siyang umalis sa lugar na iyon. Upang maiwasan ang hangin ni Satanas, ang mga paraang ito ay pinagsasama. Hangga’t maaari, tayo’y nagsisikap na lumayo sa anumang bagay na makatutulong sa espiritu ng sanlibutan upang makaapekto sa ating pag-iisip. Sa gayon, iniiwasan natin ang masasamang kasama, at hindi natin inilalantad ang ating sarili sa anumang uri ng libangan na nagtataguyod ng karahasan, imoralidad, espiritismo, paghihimagsik, o anupamang ibang gawa ng laman. (Galacia 5:19-21) Datapuwat, yamang tayo’y namumuhay sa sanlibutan, hindi natin lubusang maiiwasan na mapahantad sa mga bagay na ito. Kaya tayo’y kumikilos nang may karunungan kung tayo ay may pakikipag-ugnayan sa isang nagtutustos ng espirituwal na sariwang hangin. Ating pinúpunô ang ating espirituwal na baga, wika nga, sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa mga pulong, personal na pag-aaral, gawain at pakikisalamuhang Kristiyano, at panalangin. Sa ganitong paraan, kung may tumagas na hangin ni Satanas at makapasok sa ating espirituwal na baga, ang espiritu ng Diyos ang nagpapalakas sa atin upang tanggihan iyon.—Awit 17:1-3; Kawikaan 9:9; 13:20; 19:20; 22:17.
16. Papaano natin pinatutunayan na tayo’y may espiritu ng Diyos?
16 Ang espiritu ng Diyos ang bumabago sa isang Kristiyano upang maging isang taong naiiba sa mga taong bahagi ng sanlibutang ito. (Roma 12:1, 2) Sinabi ni Pablo: “Ang bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili. Laban sa gayong mga bagay ay walang batas.” (Galacia 5:22, 23) Ang espiritu ng Diyos ay nagbibigay rin sa isang Kristiyano ng isang lalong malalim na pagkaunawa sa mga bagay-bagay. Sinabi ni Pablo: “Walang sinumang nakaalam sa mga bagay ng Diyos, maliban sa espiritu ng Diyos.” (1 Corinto 2:11) Karaniwan nang “sa mga bagay ng Diyos” ay kasali ang mga katotohanang kagaya ng haing pantubos, Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo, ang pag-asa ng buhay na walang-hanggan, at ang napipintong pagkapawi ng balakyot na sanlibutang ito. Sa tulong ng espiritu ng Diyos, nalalaman at tinatanggap ng mga Kristiyano ang mga bagay na ito bilang katotohanan, at dahil dito ang kanilang pananaw sa buhay ay lubhang naiiba sa taglay ng mga tao sa sanlibutan. Sila’y kontento na masumpungan ang kanilang kagalakan sa paglilingkod kay Jehova ngayon, taglay ang pag-asang maglingkod sa kaniya nang walang-hanggan sa darating na panahon.
17. Sino ang nagpakita ng pinakamagaling na huwaran sa pananaig laban sa espiritu ng sanlibutan, at papaano?
17 Si Jesus ang pinakamagaling na huwaran para sa mga dumaraig sa espiritu ng sanlibutang ito. Di-nagtagal pagkabautismo ni Jesus, sinikap ni Satanas na ilayo siya buhat sa paglilingkuran kay Jehova sa pamamagitan ng paghaharap ng tatlong tukso. (Mateo 4:1-11) Ang huli ay tungkol sa posibilidad na makamit ni Jesus ang pamamahala sa buong sanlibutan kapalit ng isa lamang gawang pagsamba kay Satanas. Maaari sanang nangatuwiran si Jesus: ‘Buweno, gagawin ko ang gawang pagsamba, at pagkatapos na makamit ko na ang pamamahala sa sanlibutan, ako’y magsisisi at babalik sa pagsamba kay Jehova. Bilang tagapamahala ng sanlibutan, ako’y mapapasa lalong mainam na kalagayan upang pakinabangan ng sangkatauhan kaysa ngayon na ako’y isang karpintero buhat sa Nazaret.’ Hindi ganiyan ang naging pangangatuwiran ni Jesus. Siya’y handang maghintay hanggang sa ibigay sa kaniya ni Jehova ang pamamahala sa sanlibutan. (Awit 2:8) Nang pagkakataong iyon, at sa lahat ng iba pang pagkakataon sa kaniyang buhay, nilabanan niya ang nakalalasong impluwensiya ng hangin ni Satanas. Sa gayon, kaniyang dinaig ang sanlibutang ito na punô ng espirituwal na polusyon.—Juan 16:33.
18. Papaano nagdadala ng kapurihan sa Diyos ang pagdaig natin sa espiritu ng sanlibutan?
18 Sinabi ni apostol Pedro na tayo’y dapat sumunod nang maingat sa mga yapak ni Jesus. (1 Pedro 2:21) Ano pa ang mas magaling diyan na huwaran na matutularan natin? Sa mga huling araw na ito, sa impluwensiya ng espiritu ng sanlibutan, ang mga tao ay palubog nang palubog sa kasamaan. Kagila-gilalas nga na sa gitna ng gayong sanlibutan, ang mataas na dako ng pagsamba kay Jehova ay nakatayong dalisay at malinis! (Mikas 4:1, 2) Tunay, ang kapangyarihan ng espiritu ng Diyos ay nakikita sa bagay na milyun-milyon ang dumaragsa sa dako ng pagsamba sa Diyos, dinaraig ang malaganap na espiritu ng sanlibutang ito at nagdudulot ng karangalan at kapurihan kay Jehova! (1 Pedro 2:11, 12) Harinawang lahat tayo ay maging desidido na manatili sa mataas na dakong iyan hanggang sa alisin ng Haring pinahiran ni Jehova ang balakyot na sanlibutang ito at ibulid sa kalaliman si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga demonyo. (Apocalipsis 19:19–20:3) Kung magkagayon, ang espiritu ng sanlibutang ito ay mawawala na. Magiging isang pinagpalang panahon nga iyon!
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Ano ba ang espiritu ng sanlibutan?
◻ Ano ang epekto ng espiritu ng sanlibutang ito sa mga tao?
◻ Ano ang ilang anyo ng espiritu ng sanlibutan, at papaano natin maiiwasan ito?
◻ Papaano natin ipinakikita na taglay natin ang espiritu ng Diyos?
◻ Anong mga pagpapala ang natatamo ng mga dumaraig sa espiritu ng sanlibutan?
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ang espiritu ng sanlibutan ay nagmumula kay Satanas
Upang maiwasan ang espiritu ng sanlibutan, tumakas ka tungo sa mataas na dako ng pagsamba kay Jehova