Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ano ang “aklat ng buhay” ng Diyos, at paanong mapapasulat doon ang aking pangalan at mananatiling naroroon?
Iba’t ibang teksto sa Bibliya ang nagpapakita na ang Diyos na Jehova ay may isang “aklat,” o “balumbon,” na doo’y nakalista ang tapat na mga tao na nakahanay na tumanggap ng buhay na walang-hanggan, maging sa langit o maging sa lupa.
Mula sa langit ang tunay na Diyos ay nagmamasid sa mga tao na nagpapakita ng pananampalataya, at karapat-dapat sa kaniyang pagsang-ayon at pag-aalaala. Mababasa natin tungkol sa mga ilang Judio noong kaarawan ni Malakias: “Nang panahong iyon silang natatakot kay Jehova ay nagsang-usapan, . . . at patuloy na nakinig si Jehova at pinakinggan niya. At isang aklat ng alaala ang sinimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.”—Malakias 3:16.
Maliwanag, mula noong panahon ni Abel at patuloy, itinatala ng Diyos, na para bagang isinusulat iyon sa isang aklat, yaong mga nasa sanlibutan ng sangkatauhan na maaaring iligtas at alalahanin tungkol sa buhay na walang-hanggan. (Mateo 23:35; Lucas 11:50, 51) Ang pinahirang mga Kristiyano rin naman ay nakasulat ang kanilang ‘mga pangalan sa aklat na ito ng buhay,’ o aklat ng alaala para sa pagtanggap ng buhay na walang-hanggan, at para sa kanila yaon ay makalangit na buhay. (Filipos 3:14, 20; 4:3) Bilang pagkakaiba, ang Apocalipsis 17:8 ay nagsasabi tungkol sa mga “manggigilalas at hahanga” sa “mabangis na hayop”: “Ang kanilang mga pangalan ay hindi napasulat sa balumbon ng buhay mula sa pagkatatag ng sanlibutan.”
Ang isang taong nasa alaala at sinasang-ayunan (yamang “nasa aklat ng buhay” ang kaniyang pangalan) ay hindi nangangahulugan na siya’y garantisadong may buhay na walang-hanggan, na para bagang ito’y itinalaga na antimano o hindi na mababago. Tungkol sa mga Israelita, si Moises ay nagtanong kay Jehova: “Ngayon kung iyong ipatatawad ang kanilang kasalanan,—at kung hindi, ay pakisuyo ngang alisin mo ako sa iyong aklat na isinulat mo.” Ang tugon ng Diyos: “Sinumang magkasala laban sa akin, siya’y aalisin ko sa aking aklat.” (Exodo 32:32, 33) Oo, kahit na pagkatapos itala ng Diyos ang sinuman na kaniyang sinang-ayunan sa kaniyang “aklat,” baka ang indibiduwal ay sumuway o mawalan ng pananampalataya. Kung sakaling magkagayon, “papawiin [ng Diyos] ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay.”—Apocalipsis 3:5.
Sa kabilang dako, kung ang ating mga pangalan ay ngayon nasa “aklat ng buhay” ng Diyos, o “aklat ng alaala,” tayo’y dapat na patuloy na manampalataya. Sa ganiyang paraan ay mapananatili nating naroroon ang ating mga pangalan. Sa katulad na paraan, samantalang binubuhay ang mga tao sa darating na ‘pagkabuhay ng mga di-matuwid,’ sila’y may pagkakataon na manampalataya at sa gayo’y mapasulat ang kanilang mga pangalan sa aklat na iyan. (Gawa 24:15) Sa wakas, ang gayong mga indibiduwal na nakasulat doon ang mga pangalan ay makapagpapanatiling permanenteng naroroon ang kanilang mga pangalan. Iyan ay totoo tungkol sa mga pinahiran samantalang sila’y nananatiling “tapat hanggang kamatayan.” (Apocalipsis 2:10; 3:5) Tungkol sa mga may pag-asang mabuhay sa lupa, kung sila’y magpapatunay na tapat ngayon, hanggang sa Milenyong Paghahari ni Kristo, at makakalampas sila sa pagsubok na kasunod nito, ang kanilang mga pangalan ay permanenteng “mapapasulat sa aklat ng buhay.”—Apocalipsis 20:5-15.