“Ang Kapangyarihang Higit Kaysa Karaniwan”
GAANO bang pagdurusa ang matitiis ng isang Kristiyano? Sa ngayon, ang mga Kristiyano sa palibot ng daigdig ay nakaharap sa karalitaan, pagkakawatak-watak ng pamilya, panlulumo, sakit, digmaan, at pag-uusig. Makatuwiran bang asahan na sila’y mananatiling tapat sa kabila ng lahat ng ito? Ang sabi ni apostol Pablo ay oo. Siya’y sumulat: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay-lakas sa akin.”—Filipos 4:13.
Ipinakita ng kasaysayan na ang lakas na nanggagaling kay Jehova ay talagang sapat na para sa lahat ng bagay. Halimbawa, noong panahon ng rehimen ng mga Nazi sa Alemanya, dumanas ng napakalaking pag-uusig ang mga Saksi ni Jehova. Sila ba’y nagtiis? Ang aklat na Les Bibelforscher et le nazisme (Ang mga Estudyante ng Bibliya at ang Nasismo) ay nagsasabi: “Sa kabila ng lahat ng mga panggugulpi, pagbabanta, at pagbabawal, sa kabila ng mga panghihiya sa kanila sa madla, sa mga pagbibilanggo at pagkakulong sa mga concentration camp, ang mga Estudyante ng Bibliya [mga Saksi ni Jehova] ay hindi pumayag na sila’y ‘maindoktrinahan.’ ”
Sa mga concentration camp, ang mga Saksi ay makikilala sa pamamagitan ng maliliit na trianggulong lila na nasa manggas ng kanilang mga damit at ang mga ito ay nakahiwalay para paranasin ng natatanging kalupitan. Ito ba’y nakasira ng kanilang loob? Sinabi ng sikologong si Bruno Bettelheim na sila’y “hindi lamang nagpakita ng pambihirang sukdulang dignidad ng tao at moral na paggawi, ngunit waring protektado laban sa katulad na karanasan sa kampo na madaling nagpahamak sa mga taong lubhang naturuan ng aking mga kaibigang sikoanalitiko at ng aking sarili.”
Oo, sila’y may ‘lakas sa lahat ng bagay.’ Bakit? Sapagkat sila’y kay Jehova umaasa. Sinabi ni Pablo: “Taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang lupa, upang ang kapangyarihang higit kaysa karaniwan ay maging mula sa Diyos at hindi mula sa aming sarili.” (2 Corinto 4:7) Kung sakaling mapaharap ka sa isang pagsubok, kay Jehova ka tumingin nang may pagtitiwala na tutulungan ka. Pinalalakas ng kapangyarihang higit kaysa karaniwan na kaniyang inilalaan, ikaw ay makapagtitiis.—Lucas 11:13.