Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 3/1 p. 29-31
  • Isang Suliranin sa Teolohiya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Suliranin sa Teolohiya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pinagmulan at Paglaki ng Isang Suliranin
  • Naniwala Kaya si Pablo sa Isang “Intermediate State”?
  • Ang Pagkabuhay-Muli​—Isang Kahanga-hangang Katotohanan sa Bibliya
  • Magsagawa ng Pananampalataya Ukol sa Buhay na Walang-Hanggan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Gaano Katibay ang Inyong Paniniwala sa Pagkabuhay-Muli?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • May Kapangyarihan ang Pag-asa sa Pagkabuhay-Muli
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Ang Kaluluwa—Ikaw Ba? O Ito ba’y Nasa Loob Mo?
    Gumising!—1985
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 3/1 p. 29-31

Isang Suliranin sa Teolohiya

“ANG idea ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa at ng pananampalataya sa pagkabuhay-muli ng mga patay . . . ay dalawang lubhang magkasalungat na kaisipan, na sa pagitan nito ay kailangang gumawa ng pagpili.” Ang mga salitang ito ni Philippe Menoud ang siyang pinakabuod ng suliraning nakaharap sa mga teologong Protestante at Katoliko tungkol sa kalagayan ng mga patay. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli “sa huling araw.” (Juan 6:39, 40, 44, 54) Subalit ang pag-asa ng maraming mananampalataya, sabi ng teologong si Gisbert Greshake, “ay nakasalalay sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, na humihiwalay sa katawan sa kamatayan at bumabalik sa Diyos, samantalang halos napawi na, kung hindi man lubusan, ang pag-asa sa pagkabuhay-muli.”

Kung gayon, isang maselang na tanong ang bumabangon, ang paliwanag ni Bernard Sesboüé: “Ano ang kalagayan ng mga patay sa ‘yugto’ ng panahon sa pagitan ng kamatayan ng kanilang katawan at pangwakas na pagkabuhay-muli?” Ang tanong na iyan ay waring nasa sentro ng teolohikong debate sa nakalipas na ilang taon. Ano ang umakay rito? At higit na mahalaga, ano ang tunay na pag-asa ng mga patay?

Ang Pinagmulan at Paglaki ng Isang Suliranin

Maliwanag ang pagkaunawa ng mga unang Kristiyano tungkol dito. Batid nila buhat sa Kasulatan na ang mga patay ay walang kamalayan sa anuman, sapagkat sinasabi ng Hebreong Kasulatan: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit kung para sa mga patay, sila’y walang kamalayan sa anuman . . . Walang gawa ni katha ni kaalaman ni karunungan sa Sheol, ang dako na iyong patutunguhan.” (Eclesiastes 9:5, 10) Umasa ang mga Kristiyanong iyon sa isang pagkabuhay-muli na magaganap sa hinaharap na “pagkanaririto ng Panginoon.” (1 Tesalonica 4:13-17) Hindi sila umaasa ng isang may malay na pagkanaroroon sa iba pang dako samantalang hinihintay ang panahong iyon. Ganito ang sabi ni Joseph Ratzinger, ang kasalukuyang mataas na opisyal ng Vatican Congregation for the Doctrine of the Faith: “Walang pahayag sa doktrina na umiral sa sinaunang Iglesya tungkol sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa.”

Gayunman, ipinaliliwanag ng Nuovo dizionario di teologia, na kapag binabasa ang mga isinulat ng mga Ama ng Iglesya, tulad nina Augustine o Ambrose, “nababatid namin ang isang bagay na bago may kinalaman sa Biblikal na tradisyon​—ang paglitaw ng isang Griegong paniniwala tungkol sa hantungan ng tao, na talaga namang ibang-iba sa paniniwala ng mga Judiong Kristiyano.” Ang bagong turo na ito ay salig sa “pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, sa paghatol sa indibiduwal taglay ang gantimpala o kaparusahan karaka-raka pagkamatay.” Sa gayon, isang tanong ang ibinangon tungkol sa “intermediate state” (panahon sa pagitan ng kamatayan ng katawan at ng pagkabuhay-muli nito): Kung nagpapatuloy na buháy ang kaluluwa pagkamatay ng katawan, ano ang nangyayari rito samantalang hinihintay nito ang pagkabuhay-muli sa “huling araw”? Ito ang suliraning pinagsikapang lutasin ng mga teologo.

Noong ikaanim na siglo C.E., ipinahiwatig ni Pope Gregory I na sa kamatayan ay karaka-rakang nagtutungo ang mga kaluluwa sa dakong itinadhana sa kanila. Kumbinsido si Pope John XXII ng ika-14 na siglo, na tatanggapin ng mga patay ang kanilang panghuling gantimpala sa Araw ng Paghuhukom. Subalit, pinabulaanan ito ni Pope Benedict XII, ang kaniyang kahalili. Sa liham ng papa na Benedictus Deus (1336), ipinahayag niya na “ang mga kaluluwa ng mga namatay ay pumapasok sa isang kalagayan ng walang-kahulilip na kaligayahan [langit], paglilinis [purgatoryo], o paghatol [impiyerno] karaka-raka pagkamatay, upang makaisang-muli ng kanilang binuhay-muling mga katawan sa katapusan ng sanlibutan.”

Sa kabila ng kontrobersiya at pagtatalo, ito ang naging paninindigan ng mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan sa loob ng maraming siglo, bagaman ang mga simbahang Protestante at Ortodokso sa pangkalahatan ay hindi naniniwala sa purgatoryo. Gayunman, buhat noong katapusan ng nakaraang siglo, dumaraming iskolar ang nagpakita ng di-maka-Kasulatang pinagmulan ng doktrina ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, at bunga nito, “malimit na sinisikap ngayon ng modernong teolohiya na malasin ang tao bilang iisa na lubusang pumapanaw sa kamatayan.” (The Encyclopedia of Religion) Dahil dito, nahihirapan ang mga komentarista sa Bibliya na bigyang-katuwiran ang pag-iral ng “intermediate state.” Binabanggit ba ito ng Bibliya, o ito’y naghaharap ng naiibang pag-asa?

Naniwala Kaya si Pablo sa Isang “Intermediate State”?

Ganito ang sabi ng Catechism of the Catholic Church: “Upang bumangon kasama ni Kristo, kailangang mamatay tayo kasama ni Kristo: tayo’y kailangang ‘maging malayo sa katawan at manahang kasama ng Panginoon’. [2 Corinto 5:8] Sa ‘paglayong’ iyon na siyang kamatayan ang kaluluwa ay humihiwalay sa katawan. [Filipos 1:23]. Iyon ay magiging kaisang-muli ng katawan sa araw ng pagkabuhay-muli ng mga patay.” Ngunit sa mga tekstong sinipi rito, sinasabi ba ng apostol na nananatiling buháy ang kaluluwa pagkamatay ng katawan at pagkatapos ay naghihintay ng “Huling Paghuhukom” upang maging kaisang-muli ng katawan?

Sa 2 Corinto 5:1, tinutukoy ni Pablo ang kaniyang kamatayan at binabanggit ang tungkol sa “makalupang bahay” na “masisira.” Nasa isip ba niya ang katawan na iniwan ng walang-kamatayang kaluluwa nito? Hindi. Naniniwala si Pablo na ang tao ay isang kaluluwa, hindi na siya ay may kaluluwa. (Genesis 2:7; 1 Corinto 15:45) Si Pablo ay isang pinahiran-ng-espiritung Kristiyano na ang pag-asa, tulad ng kaniyang unang-siglong mga kapatid, ay ‘nakalaan sa mga langit.’ (Colosas 1:5; Roma 8:14-18) Ang kaniyang ‘marubdob na pagnanais,’ kung gayon, ay ang buhaying-muli sa langit bilang walang-kamatayang espiritung nilalang sa takdang panahon ng Diyos. (2 Corinto 5:2-4) Tungkol sa pag-asang ito, sumulat siya: “Tayong lahat ay babaguhin . . . sa panahon ng huling trumpeta. Sapagkat ang trumpeta ay tutunog, at ang mga patay ay ibabangong walang-kasiraan, at tayo ay babaguhin.”​—1 Corinto 15:51, 52.

Sa 2 Corinto 5:8, ganito ang sabi ni Pablo: “Kami ay may lakas ng loob at nalulugod na mainam na sa halip ay maging wala sa katawan at manahanang kasama ng Panginoon.” Naniniwala ang iba na ang mga salitang ito ay tumutukoy sa isang pagitang kalagayan ng paghihintay. Binabanggit din nila ang pangako ni Jesus sa kaniyang tapat na mga tagasunod na maghahanda siya ng isang dako na doo’y ‘tatanggapin sila sa kaniyang sarili.’ Ngunit kailan matutupad ang mga pag-asang ito? Sinabi ni Kristo na iyon ay kapag siya’y ‘muling dumating’ sa kaniyang panghinaharap na pagkanaririto. (Juan 14:1-3) Gayundin, sa 2 Corinto 5:1-10, sinabi ni Pablo na ang pag-asa para sa lahat ng pinahirang Kristiyano ay ang magmana ng makalangit na tahanan. Ito’y makakamit, hindi sa pamamagitan ng ipinagpapalagay na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, kundi sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo. (1 Corinto 15:23, 42-44) Ang manunuring tagapagpaliwanag ng Kasulatan na si Charles Masson ay nanghinuha na ang 2 Corinto 5:1-10 ay “mauunawaang mainam kung gayon nang hindi na bumabaling sa teoriya ng isang ‘intermediate state.’ ”

Sa Filipos 1:21, 23, ganito ang sabi ni Pablo: “Sa aking kalagayan ang mabuhay ay si Kristo, at ang mamatay, pakinabang. Ako ay nasa ilalim ng panggigipit mula sa dalawang bagay na ito; ngunit ang akin ngang ninanasa ay ang paglaya at ang pagiging kasama ni Kristo, sapagkat ito, sa katunayan, ay higit na lalong mabuti.” Bumabanggit ba si Pablo rito ng isang “intermediate state”? Gayon ang palagay ng iba. Gayunman, sinasabi ni Pablo na siya ay nasa ilalim ng panggigipit ng dalawang posibilidad​—buhay o kamatayan. “Ngunit ang akin ngang ninanasa,” sinabi pa niya, na binabanggit ang ikatlong posibilidad, “ay ang paglaya at pagiging kasama ni Kristo.” Ang “paglaya” upang makasama ni Kristo karaka-raka pagkamatay? Buweno, gaya ng nakita na natin, naniniwala si Pablo na ang tapat na mga pinahirang Kristiyano ay bubuhaying-muli sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo. Samakatuwid, ang nasa isip niya ay ang mga pangyayari sa panahong iyan.

Makikita ito sa kaniyang mga salita na masusumpungan sa Filipos 3:20, 21 at 1 Tesalonica 4:16. Ang gayong “paglaya” sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo Jesus ay magpapangyaring matanggap ni Pablo ang gantimpala na inihanda ng Diyos para sa kaniya. Na ito ang kaniyang pag-asa ay makikita sa kaniyang mga salita sa binatang si Timoteo: “Mula ngayon ay nakalaan para sa akin ang korona ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon, ang matuwid na hukom, bilang gantimpala sa araw na iyon, gayunma’y hindi lamang sa akin, kundi gayundin sa lahat niyaong mga umibig sa paghahayag sa kaniya.”​—2 Timoteo 4:8.

Ang Pagkabuhay-Muli​—Isang Kahanga-hangang Katotohanan sa Bibliya

Itinuring ng mga unang Kristiyano ang pagkabuhay-muli na isang pangyayaring magsisimula sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, at sila’y tumanggap ng lakas at kaaliwan buhat sa kahanga-hangang katotohanang ito sa Bibliya. (Mateo 24:3; Juan 5:28, 29; 11:24, 25; 1 Corinto 15:19, 20; 1 Tesalonica 4:13) Sila’y tapat na naghintay sa panghinaharap na kagalakang iyan, anupat tinanggihan ang apostatang mga turo tungkol sa isang walang-kamatayang kaluluwa.​—Gawa 20:28-30; 2 Timoteo 4:3, 4; 2 Pedro 2:1-3.

Mangyari pa, ang pagkabuhay-muli ay hindi lamang para sa mga Kristiyanong may makalangit na pag-asa. (1 Pedro 1:3-5) Ang mga patriyarka at iba pang sinaunang mga lingkod ng Diyos ay nanampalataya sa kakayahan ni Jehova na ibalik ang buhay ng mga namatay sa lupa. (Job 14:14, 15; Daniel 12:2; Lucas 20:37, 38; Hebreo 11:19, 35) Maging ang bilyun-bilyong hindi nakakilala sa Diyos sa nakalipas na mga siglo ay may pagkakataong magbalik sa buhay sa isang makalupang paraiso, yamang “magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15; Lucas 23:42, 43) Hindi ba ito isang kapana-panabik na pag-asa?

Sa halip na papaniwalain tayo na laging naririyan ang pagdurusa at kamatayan, itinatawag-pansin sa atin ni Jehova ang panahon na ang “huling kaaway, ang kamatayan,” ay mapapawi na magpakailanman at ang tapat na sangkatauhan ay mabubuhay nang walang-hanggan sa isinauling Paraiso sa lupa. (1 Corinto 15:26; Juan 3:16; 2 Pedro 3:13) Anong kamangha-manghang makitang binuhay-muli ang ating mga mahal sa buhay! Makapupong higit nga ang tiyak na pag-asang ito kaysa sa ipinagpapalagay na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao​—isang doktrinang salig, hindi sa Salita ng Diyos, kundi sa pilosopiyang Griego! Kung ilalagak mo ang iyong pag-asa sa maaasahang pangako ng Diyos, ikaw man ay makatitiyak na di na magtatagal at “hindi na magkakaroon ng kamatayan”!​—Apocalipsis 21:3-5.

[Larawan sa pahina 31]

Isang kahanga-hangang katotohanan sa Bibliya ang pagkabuhay-muli

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share