Lahat ng Tunay na Kristiyano ay Kailangang Maging mga Ebanghelisador
“Gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador [o, misyonero].”—2 TIMOTEO 4:5, talababa.
1. Ano ang mabuting balita na ipinangaral ng mga ebanghelisador noong unang siglo?
ANO ba ang ibig sabihin ngayon ng pagiging isang ebanghelisador? Ikaw ba ay isa rito? Ang salitang “ebanghelisador” ay galing sa salitang Griego na eu·ag·ge·li·stesʹ, na ang ibig sabihin “isang mángangarál ng mabuting balita.” Buhat sa pagkatatag ng kongregasyong Kristiyano noong 33 C.E., itinampok ng mabuting balitang Kristiyano ang kaparaanan ng Diyos ng kaligtasan at inihayag na si Jesu-Kristo ay babalik sa isang huling panahon upang pasimulan ang kaniyang paghahari sa Kaharian sa sangkatauhan.—Mateo 25:31, 32; 2 Timoteo 4:1; Hebreo 10:12, 13.
2. (a) Papaano may naparagdag pa sa mabuting balita sa kaarawan natin? (b) Anong obligasyon ang nakaatang sa lahat ng tunay na Kristiyano ngayon?
2 Mula noong 1914 pasulong, patuloy na nakita ang katunayan na natutupad na ang tanda na ibinigay ni Jesus tungkol sa kaniyang pagbabalik at di-nakikitang presensiya (pagkanaririto). (Mateo 24:3-13, 33) Minsan pa, sa mabuting balita ay maaaring makasali ang pananalitang “ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” (Lucas 21:7, 31; Marcos 1:14, 15) Oo, dumating na ang panahon upang ang hula ni Jesus na nasusulat sa Mateo 24:14 ay magkaroon ng isang malaking katuparan: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Samakatuwid, sa pangangaral ng ebanghelyo ngayon ay kasali ang masigasig na pagbabalita ng natatag na Kaharian ng Diyos at ng mga pagpapala na malapit nang dalhin nito sa masunuring sangkatauhan. Sa lahat ng Kristiyano ay iniuutos ang gawaing ito at ang ‘paggawa ng mga alagad.’—Mateo 28:19, 20; Apocalipsis 22:17.
3. (a) Anong karagdagang kahulugan ang taglay ng salitang “ebanghelisador”? (Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 770, tudling 2, parapo 2.) (b) Anong mga tanong ang ibinabangon nito?
3 Bukod sa pangangaral ng mabuting balita sa pangkalahatan, ginagamit ng Bibliya ang terminong “ebanghelisador” sa isang natatanging diwa tungkol sa mga aalis sa kanilang kinaroroonang teritoryo upang mangaral ng mabuting balita sa mga lugar na hindi pa napangangaralan. Noong unang siglo, may maraming misyonerong ebanghelisador, tulad halimbawa nina Felipe, Pablo, Bernabe, Silas, at Timoteo. (Gawa 21:8; Efeso 4:11) Subalit kumusta naman ang ating natatanging panahon mula noong 1914? Inihandog ba ng mga lingkod ni Jehova ang kanilang sarili sa gawaing ito bilang lokal at gayundin bilang mga misyonerong ebanghelisador?
Pagsulong Buhat Noong 1919
4, 5. Ano ang inaasahan tungkol sa gawain ng mga ebanghelisador pagkatapos ng 1914?
4 Nang matapos ang Digmaang Pandaigdig I noong 1918, ang mga lingkod ng Diyos ay nakaranas ng lumalaking pananalansang buhat kapuwa sa mga apostata at sa klero ng Sangkakristiyanuhan at sa kanilang mga kaalyadang pulitiko. Sa katunayan, ang tunay na pag-eebanghelyong Kristiyano ay halos napahinto noong Hunyo 1918 nang ang pangunahing mga opisyales ng Samahang Watch Tower sa Estados Unidos ay hinatulan ng 20 taóng pagkabilanggo sa ilalim ng walang-katotohanang mga paratang. Ang mga kaaway ba ng Diyos ay nagtagumpay sa pagpapahinto sa pangangaral ng mabuting balita?
5 Di-inaasahan, noong Marso 1919 ang mga opisyales ng Samahan ay pinalaya at nang bandang huli ay pinawalang-saysay ang mga maling paratang na dahilan ng kanilang pagkabilanggo. Sa kanilang bagong katatagpong kalayaan, natalos ng pinahirang mga Kristiyanong ito na marami pang gawain na kailangang matapos bago sila tipunin upang kamtin ang kanilang makalangit na gantimpala bilang kasamang mga tagapagmana sa Kaharian ng Diyos.—Roma 8:17; 2 Timoteo 2:12; 4:18.
6. Papaano ang gawain ng mga ebanghelisador ay sumulong sa pagitan ng 1919 at 1939?
6 Noong 1919 wala pang 4,000 ang bilang ng mga nag-uulat na nakikibahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Nang sumunod na dalawampung taon, may mga lalaking naghandog ng sarili bilang mga misyonerong ebanghelisador, at ang iba ay ipinadala sa mga bansa ng Aprika, Asia, at Europa. Noong 1939, pagkatapos ng 20 taóng pangangaral ng Kaharian, ang mga Saksi ni Jehova ay naragdagan hanggang maging mahigit na 73,000. Ang mahalagang pagsulong na ito, sa gitna ng malaking pag-uusig, ay kahalintulad ng naganap noong maagang mga taon ng kongregasyong Kristiyano.—Gawa 6:7; 8:4, 14-17; 11:19-21.
7. Noong mga taong 47 C.E. at 1939, anong nakakatulad na kalagayan ang umiral tungkol sa gawain ng mga ebanghelisador na Kristiyano?
7 Gayunman, ang karamihan ng mga Saksi ni Jehova noon ay natitipon sa mga bansang Protestante na Ingles ang wika. Sa katunayan, mahigit na 75 porsiyento ng 73,000 tagapagbalita ng Kaharian ay taga-Australia, Britanya, Canada, New Zealand, at Estados Unidos. Gaya ng nangyari noong mga 47 C.E., may pangangailangan na himukin ang mga ebanghelisador na magbigay ng higit na atensiyon sa di-gaanong nagagawang mga bansa sa lupa.
8. Noong 1992, ano na ang naisagawa ng Paaralang Gilead?
8 Ang mga paghihigpit at mga pag-uusig noong panahon ng digmaan ay hindi nakapigil sa makapangyarihang banal na espiritu ni Jehova ng pagpukaw sa kaniyang mga lingkod na maghanda para sa lalong higit na pagpapalawak. Noong 1943, samantalang nasa kasukdulan ang Digmaang Pandaigdig II, itinatag ng organisasyon ng Diyos ang Watchtower Bible School of Gilead upang lalong mapalawak ang pagpapalaganap ng mabuting balita. Noong Marso 1992, ang paaralang ito ay nakapagpadala ng 6,517 misyonero sa 171 iba’t ibang bansa. Bukod dito, may mga lalaking sinanay na mag-asikaso ng sangay ng Samahang Watch Tower sa mga bansang banyaga. Hanggang noong 1992, sa 97 coordinator ng Komite sa Sangay, 75 ang sinanay sa Gilead.
9. Anong mga programa sa pagsasanay ang gumanap ng bahagi sa pagsulong ng gawain ng mga ebanghelisador at ng paggawa ng mga alagad?
9 Bukod sa Paaralang Gilead, may iba pang mga programa sa pagsasanay na nagsangkap sa bayan ni Jehova na palawakin at pasulungin ang kanilang gawain bilang mga ebanghelisador. Halimbawa, ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay ginaganap sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa. Ang kaayusang ito, kasama ang lingguhang Pulong sa Paglilingkod, ang nagsanay sa milyun-milyong mamamahayag ng Kaharian upang maging epektibo sa pangmadlang ministeryo. Nariyan din ang Kingdom Ministry School, na nagsasanay sa matatanda at ministeryal na mga lingkod upang ang mga ito ay lalong mainam na makapag-asikaso sa lumalaking mga kongregasyon. Ang Pioneer Service School ay nakatulong sa maraming buong-panahong ebanghelisador na maging lalong epektibo sa kanilang gawaing pangangaral. Kamakailan, ang Ministerial Training School ay nagsimula sa iba’t ibang bansa upang tumulong sa binatang mga elder at ministeryal na mga lingkod upang maging modernong mga Timoteo.
10. Ano ang naging resulta ng lahat ng mainam na pagsasanay na inilaan sa pamamagitan ng organisasyon ng Diyos? (Isali ang impormasyon sa kahon.)
10 Ano ang naging resulta ng lahat ng pagsasanay na ito? Noong 1991, ang mga Saksi ni Jehova ay umabot sa isang peak na mahigit na apat na milyong mamamahayag ng Kaharian na aktibo sa 212 bansa. Gayunman, di-tulad ng kalagayan na umiral noong 1939, mahigit na 70 porsiyento nito ay buhat sa Katoliko, Ortodokso, di-Kristiyano, o iba pang mga lupain, na kung saan hindi Ingles ang pangunahing wika.—Tingnan ang kahon na “Pagpapalawak Buhat Noong 1939.”
Kung Bakit Matagumpay
11. Sino ang sinabi ni apostol Pablo na dahilan ng kaniyang tagumpay bilang isang ministro?
11 Ang kapurihan para sa pagsulong na ito ay hindi inaangkin ng mga Saksi ni Jehova. Sa halip, ang kanilang pananaw sa kanilang gawain ay gaya ng kay apostol Pablo, gaya ng kaniyang ipinaliwanag sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto. “Ano nga si Apolos? Oo, ano si Pablo? Mga ministro na sa pamamagitan nila kayo’y naging mga mananampalataya, kagaya ng ipinagkaloob sa bawat isa ng Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpalago; anupat walang anuman ang nagtatanim, ni ang nagdidilig, kundi ang Diyos na siyang nagpapalago. Sapagkat tayo ay mga kamanggagawa ng Diyos. Kayong mga tao ang bukid ng Diyos na nililinang, ang gusali ng Diyos.”—1 Corinto 3:5-7, 9.
12. (a) Anong bahagi ang ginagampanan ng Salita ng Diyos sa matagumpay na pag-eebanghelyong Kristiyano? (b) Sino ang hinirang bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, at ano ang isang mahalagang paraan upang maipakita ang ating pagpapasakop sa kaniyang pagka-ulo?
12 Walang alinlangan na ang pambihirang pagsulong na nararanasan ng mga Saksi ni Jehova ay dahil sa pagpapala ng Diyos. Ito ay gawain ng Diyos. Sa pagkaalam sa bagay na ito, sila’y nagpapatuloy sa regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos. Lahat ng kanilang itinuturo bilang mga ebanghelisador ay kanilang isinasalig sa Bibliya. (1 Corinto 4:6; 2 Timoteo 3:16) Isa pang susi sa kanilang matagumpay na pag-eebanghelyo ay ang kanilang lubos na pagkilala sa Isa na hinirang ng Diyos bilang Ulo ng kongregasyon, ang Panginoong Jesu-Kristo. (Efeso 5:23) Ipinakita ito ng mga Kristiyano noong unang siglo sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga hinirang ni Jesus bilang mga apostol. Ang mga lalaking ito, kasama ang ibang matatanda ng kongregasyon sa Jerusalem, ang bumuo ng lupong tagapamahala sa mga Kristiyano noong unang siglo. Buhat sa langit ginamit ng Panginoong Jesu-Kristo ang grupong ito ng maygulang na mga Kristiyano upang lumutas ng mga isyu at magsilbing patnubay sa gawaing pag-eebanghelyo. Ang masigasig na pakikipagtulungan ni Pablo tungkol sa banal na kaayusang ito ay nagbunga ng mga pagsulong sa mga kongregasyon na kaniyang dinalaw. (Gawa 16:4, 5; Galacia 2:9) Sa katulad na paraan ngayon, sa pamamagitan ng mahigpit na pagkapit sa Salita ng Diyos at masigasig na pakikipagtulungan sa pamamatnubay buhat sa Lupong Tagapamahala, ang mga ebanghelisador na Kristiyano ay nakatitiyak ng tagumpay sa kanilang ministeryo.—Tito 1:9; Hebreo 13:17.
Itinuturing na ang Iba’y Nakahihigit
13, 14. (a) Anong payo ang ibinigay sa atin ni apostol Pablo na nasusulat sa Filipos 2:1-4? (b) Bakit mahalaga na tandaan ang payong ito samantalang nakikibahagi sa gawain ng mga ebanghelisador?
13 Si apostol Pablo ay nagpakita ng tunay na pag-ibig sa mga humahanap ng katotohanan at hindi nagpakita ng isang saloobing nakahihigit siya o ang kaniyang lahi. Sa gayon, kaniyang napayuhan ang mga kapananampalataya na ‘ituring na ang iba’y nakahihigit.’—Filipos 2:1-4.
14 Sa katulad na paraan, ang tunay na mga ebanghelisador na Kristiyano ngayon ay walang saloobin ng pagmamataas pagka nakikitungo sa mga taong may iba’t ibang lahi at karanasan. Sabi ng isa sa mga Saksi ni Jehova mula sa Estados Unidos, na inatasang gumawa bilang isang misyonero sa Aprika: “Basta ang alam ko ay hindi naman kami nakahihigit sa iba. Marahil nga kami ay may lalong maraming salapi at ng tinatawag na pormal na edukasyon, subalit sila [ang lokal na mga mamamayan] ay may mga katangian na nakahihigit sa amin.”
15. Papaano yaong mga inatasang gumawa sa mga bansang banyaga ay makapagpapakita ng tunay na paggalang sa inaasahang magiging mga alagad?
15 Tiyak, sa pamamagitan ng tunay na paggalang sa mga taong dinadalhan natin ng mabuting balita, magiging lalong madali para sa kanila na tanggapin ang mensahe ng Bibliya. Nakatutulong din pagka ang isang misyonerong ebanghelisador ay nagpapamalas na siya’y nagagalak makipamuhay kasama ng mga taong iniatas sa kaniya na tulungan. Isang matagumpay na misyonero na gumugol nitong huling 38 taon sa Aprika ang nagpapaliwanag: “Sa loob ko ay aking nadarama na ito ang aking tirahan, at ang mga nasa kongregasyon na kinadestinuhan ko ay mga kapatid ko. Pagka ako’y bumabalik sa Canada kung bakasyon, talagang ang nadarama ko’y wala ako sa amin. At sa huling linggo humigit-kumulang ng paglagi ko sa Canada, sabik na sabik akong bumalik sa aking destino. Palagi akong ganiyan. Sinasabi ko sa aking mga inaaralan ng Bibliya at sa mga kapatid ang laki ng aking kagalakan na makabalik, at kanila namang pinahahalagahan ang aking naising makapiling sila.”—1 Tesalonica 2:8.
16, 17. (a) Anong hamon ang tinanggap ng maraming misyonero at lokal na mga ebanghelisador upang lalong maging epektibo sa kanilang ministeryo? (b) Ano ang karanasan ng isang misyonera dahilan sa pagsasalita sa lokal na wika?
16 Pagka nakasumpong sila sa kanilang lokal na teritoryo ng isang malaking lugar na kung saan maraming naninirahan na may sariling wika, ang iba ay nagsikap na matuto ng wika, ipinakikita sa pamamagitan nito na kanilang itinuturing na ang iba ay nakahihigit sa kanila. “Sa gawing timog ng Aprika,” ang napansin ng isang misyonero, “mayroon kung minsan na pagkawalang-tiwala sa pagitan ng mga taong tubo sa Aprika at ng mga taong tubo naman sa Europa. Subalit ang pagsasalita namin sa lokal na wika ay agad nag-aalis ng ganitong damdamin.” Ang pagsasalita ng wika ng mga taong dinadalhan natin ng mabuting balita ay isang malaking tulong sa pag-abot sa kanilang puso. Nangangailangan ito ng pagpapagal at ng mapakumbabang pagtitiyaga. Ipinaliwanag ng isang misyonero sa isang bansa sa Asia: “Ang laging pagkakamali samantalang patuloy naman na pinagtatawanan ka sa iyong mga kamalian ay maaaring maging isang pagsubok. Baka waring mas madali ang huminto ka na.” Gayunman, ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang tumulong sa misyonerong ito upang magtiyaga.—Marcos 12:30, 31.
17 Mauunawaan, kung bakit ang mga tao ay napupukaw pagka ang isang banyaga ay nagsikap na ihatid ang mabuting balita sa pamamagitan ng kanilang wika. Kung minsan ang resulta ay mga pagpapalang hindi inaasahan. Isang misyonera sa Aprikanong bansa ng Lesotho ang nakikipag-usap sa Sesotho sa isa namang babaing nagtatrabaho sa isang tindahan ng tapistri. Isang ministro ng gobyerno buhat sa isa pang bansa sa Aprika ang namamasyal sa palibot at narinig ang usapan. Siya’y lumapit at nagbigay rito ng masiglang komendasyon, at ito naman ay nagsimulang makipag-usap sa ministro ng gobyerno sa kaniyang sariling wika. “Bakit hindi ka pumaroon sa [aking bansa] at magtrabaho roon sa gitna ng aming mga mamamayan, yamang may alam ka rin sa Swahili?” ang tanong niya. Mataktika, tumugon ang misyonera: “Napakaganda po sana iyan. Ngunit ako po’y isa sa mga Saksi ni Jehova, at sa kasalukuyan ay ibinabawal ang aming gawain sa inyong bansa.” “Pakisuyo,” ang tugon niya, “huwag mong isipin na lahat kami ay salungat sa inyong gawain. Marami sa amin ang pabor sa mga Saksi ni Jehova. Baka balang araw ay payagan na kayong malayang magturo sa aming mga mamamayan.” Makalipas ang ilang panahon, ang misyonera ay galak na galak nang mabalitaan niya na ang mga Saksi ni Jehova ay pinagkalooban ng kalayaan ng pagsamba sa mismong bansang iyon.
Handang Ipagparaya ang mga Karapatan
18, 19. (a) Sa anong mahalagang paraan sinikap ni Pablo na tularan ang kaniyang Panginoon, si Jesu-Kristo? (b) Ilahad ang isang karanasan (yaong nasa parapo o ang iyong sariling karanasan) upang ipakita ang kahalagahan ng pag-iwas sa anumang dahilang ikatitisod niyaong mga dinadalhan natin ng mabuting balita.
18 Nang sumulat si apostol Pablo na: “Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko rin naman kay Kristo,” katatapos lamang niyang talakayin ang pangangailangang iwasan ang pagtisod sa iba, na nagsasabi: “Kumakain man kayo o umiinom o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos. Huwag kayong magbigay ng dahilang ikatitisod sa mga Judio pati sa mga Griego at sa kongregasyon ng Diyos, na gaya ko rin naman na nagbibigay-lugod ako sa lahat ng tao sa lahat ng bagay, na hindi ko hinahanap ang aking sariling kapakinabangan kundi ang sa marami, upang sila’y mangaligtas.”—1 Corinto 10:31-33; 11:1.
19 Ang mga ebanghelisador na tulad ni Pablo, na handang magsakripisyo alang-alang sa kapakanan ng mga taong kanilang pinangangaralan, ay tumatanggap ng mga pagpapala. Halimbawa, sa isang bansa sa Aprika, isang mag-asawang misyonero ang naparoon sa isang lokal na otel para kumain upang ipagdiwang ang anibersaryo ng kanilang kasal. Sa simula ay intensiyon nila na umorder ng alak kasama ng pagkain, yamang ang katamtamang paggamit ng mga inuming may alkohol ay hindi naman ibinabawal sa Bibliya. (Awit 104:15) Subalit nangyari na ipinasiya ng mag-asawang ito na huwag nang bumili kung makatitisod iyon sa mga tagaroon. “Makalipas ang ilang panahon,” naalaala pa ng asawang lalaki, “nakilala namin ang isang lalaking kusinero sa otel na iyon, at kami’y nakapagsimula sa kaniya ng isang pag-aaral sa Bibliya. Makalipas ang ilang panahon sinabi niya sa amin: ‘Natatandaan ba ninyo nang kayo’y pumunta sa otel para kumain? Kaming lahat ay nasa likod ng pinto sa kusina at nagmamasid sa inyo. Alam ninyo, ang mga misyonero ng simbahan ang may sabi sa amin na masama na kami’y uminom. Subalit, nang sila’y pumunta sa otel, umorder sila ng maraming alak. Kaya ipinasiya namin na kung kayo’y oorder ng alak na maiinom, kami’y hindi makikinig sa inyo pagpunta ninyo upang mangaral sa amin.’ ” Sa ngayon, ang kusinerong iyan at ang ilan pa na nagtatrabaho sa otel ay bautismadong mga Saksi.
Marami Pang Dapat Gawin
20. Bakit mahalaga na tayo’y magtiis bilang masisigasig na ebanghelisador, at anong masayang pribilehiyo ang sinasamantala ng marami?
20 Habang ang katapusan ng balakyot na sistemang ito ay mabilis na lumalapít, marami pa ang naghahangad na makarinig ng mabuting balita, at higit na apurahan kaysa kailanman na bawat Kristiyano ay magtiis bilang isang tapat na ebanghelisador. (Mateo 24:13) Maaari bang palawakin mo ang iyong bahagi sa gawaing ito sa pamamagitan ng pagiging isang ebanghelisador sa isang pantanging diwa katulad nina Felipe, Pablo, Bernabe, Silas, at Timoteo? Marami ang gumagawa ng nakakatulad niyan sa pamamagitan ng pagpapayunir at paghahandog ng kanilang sarili upang maglingkod sa mga lugar na kung saan may lalong malaking pangangailangan.
21. Sa papaano “isang malaking pintuan na patungo sa gawain” ang nabuksan para sa bayan ni Jehova?
21 Kamakailan, malalawak na larangan para sa mga ebanghelisador ang binuksan sa mga bansa ng Aprika, Asia, at Silangang Europa, na kung saan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay dating hinihigpitan. Tulad sa kaso ni apostol Pablo, “isang malaking pinto na patungo sa gawain ang nabuksan” para sa bayan ni Jehova. (1 Corinto 16:9) Halimbawa, ang mga misyonerong ebanghelisador na dumating kamakailan sa bansang Mozambique sa Aprika ay hindi sapat upang maglingkod sa lahat ng nagnanais mag-aral ng Bibliya. Anong tuwa natin at ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ginawang legal sa lupaing iyan magbuhat noong Pebrero 11, 1991!
22. Gawang-gawa man o hindi ang ating lokal na teritoryo, ano ang dapat na determinado tayong lahat na gawin?
22 Sa mga bansa na kung saan laging umiiral ang kalayaan ng pagsamba, ang ating mga kapatid ay nagtatamasa rin ng patuluyang mga pagsulong. Oo, saanman tayo nakatira, “marami [pa] ang gawain sa Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Kung gayon, patuloy na matalinong gamitin natin ang nalalabing panahon samantalang bawat isa sa atin ay ‘gumagawa ng gawain ng isang ebanghelisador, lubusang ginaganap ang ating ministeryo.’—2 Timoteo 4:5; Efeso 5:15, 16.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Ano ba ang isang ebanghelisador?
◻ Papaano naragdagan pa ang mabuting balita pagkatapos noong 1914?
◻ Papaano sumulong ang gawain ng mga ebanghelisador buhat noong 1919?
◻ Anong mga pangunahing dahilan ang tumulong sa pagtatagumpay ng gawain ng mga ebanghelisador?
[Kahon sa pahina 19]
Pagpapalawak Buhat Noong 1939
Isaalang-alang ang mga halimbawa buhat sa tatlong kontinente na pinagdestinuhan sa mga misyonerong nag-aral sa Gilead. Noong 1939 mayroon lamang 636 na tagapagbalita ng Kaharian ang nag-ulat buhat sa Kanlurang Aprika. Nang sumapit ang 1991 ang bilang na ito ay sumulong sa mahigit na 200,000 sa 12 bansa ng Kanlurang Aprika. Ang mga misyonero ay nakatulong din sa pambihirang mga pagsulong sa mga bansa ng Timog Amerika. Ang isa ay ang Brazil, na sumulong mula sa 114 na tagapagbalita ng Kaharian noong 1939 hanggang 335,039 noong Abril 1992. Isang nahahawig na pagsulong ang kasunod ng pagdating ng mga misyonero sa mga bansa ng Asia. Noong Digmaang Pandaigdig II, ang maliit na bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Hapón ay mahigpit na pinag-usig, at ang kanilang gawain ay napahinto. Pagkatapos, noong 1949, 13 misyonero ang dumating upang tumulong sa reorganisasyon ng gawain. Nang taóng iyon ng paglilingkod, wala pang sampung mamamahayag na katutubo roon ang nag-ulat ng paglilingkod sa larangan para sa buong Hapón, samantalang noong Abril 1992 ang kabuuang bilang ng mga mamamahayag ay umabot sa 167,370.
[Larawan sa pahina 21]
Ang Sangkakristiyanuhan at ang Suliranin sa Wika
Ang ilan sa mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay puspusang nagsikap na matuto ng isang wikang banyaga, subalit marami ang umaasang ang lokal na mga mamamayan ay magsasalita ng kanilang wikang Europeo. Gaya ng ipinaliliwanag ni Geoffrey Moorhouse sa kaniyang aklat na The Missionaries:
“Isang suliranin ay na ang pagkatuto ng isang katutubong wika’y kalimitang itinuturing na wala kundi isang paraan ng pagsasalin ng Kasulatan. Bahagyang pagsisikap ang ginawa, ng mga indibiduwal o dili kaya ng mga samahang pinagtatrabahuhan nila, sa pagbibigay katiyakan na ang isang misyonero ay makapagsasalita sa isang katutubong tagaroon sa kaniyang sariling wika taglay ang katatasan na ang resulta’y maliwanag na pagkakaunawaan ng dalawang tao. Bawat misyonero ay natututo nang kaunti sa lokal na talasalitaan . . . Higit diyan, ang komunikasyon ay karaniwan nang ginagawa sa nakapangingilabot at nakatutulirong indayog ng tinatawag na pidgin English, taglay ang lubos na palagay na ang katutubong Aprikano ay kailangang sumunod sa mga pamantayan ng panauhing Ingles. Sa pinakamasama, ito ay isa pang pagpapakita ng kahigitan ng isang lahi.”
Noong 1922 ang Paaralan ng Oriental at Aprikanong mga Pag-aaral sa London ay naglathala ng isang report tungkol sa suliranin ng wika. “Kami ay naniniwala,” ang sabi ng report, “na ang katamtamang antas ng kahusayan na nakakamit ng mga misyonero sa bernakular . . . ay nakalulungkot at totoong mababa nga.”
Ang mga misyonero ng Samahang Watch Tower ay sa tuwina naniniwalang ang pagkatuto ng lokal na wika ay kailangan, na tumutulong upang ipaliwanag ang kanilang tagumpay sa larangang misyonero.