Ang Pangmalas ng Bibliya
Matutulungan Ba ng Bibliya ang Nalulumbay?
Ang buhay ay napakalungkot para sa matandang lalaki ngayong ang kaniyang asawang babae ay nasa isang “nursing home.” Sa paglipas ng mga linggo, ipinasiya niyang wala nang dahilan pa para manatiling buháy. Iyan ang dahilan kung bakit kumuha siya ng isang baril . . .
ANG kalumbayan ay tinawag na “ang sakit ng ika-20 siglo.” Hindi lamang ito nangyayari sa matatanda kundi ito rin ang sanhi ng pag-abuso sa droga, alkoholismo, at pagpapatiwakal pa nga sa gitna ng mga kabataan.
Oo, ang kalumbayan ay isang modernong-panahong salot. Ang mga pagsisikap na punán ang kahungkagan ng kalumbayan ay naging walang saysay. Ang iba ay nagsikap na paligiran ang kanilang sarili ng “mga kaibigan”—upang masumpungan lamang na ang gayong mga kaugnayan ay kadalasang mababaw at hindi kasiya-siya. Ang iba ay nagmadali sa pag-aasawa. Ganito ang sabi ng popular na sikologong si Dr. Joyce Brothers: “Ang pagmamadali sa pag-aasawa ay hindi siyang kasagutan [sa kalumbayan]. Bago ka masiyahan sa anumang kaugnayan, kailangan kang magkaroon ng higit na kabatiran tungkol sa iyong sariling mga problema.”
Ang Tamang Pangmalas
Ang Bibliya, gayunman, ay nagbibigay ng praktikal na pangmalas tungkol sa kalumbayan. Totoo, ang kalumbayan ay maaaring maging masakit, subalit ang pag-iisa ay hindi naman laging masama. Si Jesu-Kristo ay binabanggit na nasisiyahan sa sandaling mga panahon ng pag-iisa. (Mateo 14:13) Sa halip na malumbay o magsawalang-kibo, ginamit niya ang mga okasyong iyon para sa kinakailangang pamamahinga at panalangin.—Marcos 6:31; Lucas 9:18.
Ang leksiyon? Kung ikaw ay nag-iisa, hindi ka kailangang makadama ng kalungkutan! Oo, ang iyong pangmalas sa pag-iisa ay isang salik sa kung ano ang nadarama mo kaysa ang tungkol sa pisikal na pag-iisa. Kaya paano mo ba ginagamit ang iyong panahon kapag ikaw ay nag-iisa? Basta mo ba pinalilipas ang oras? Bakit hindi gamitin ang gayong panahon nang makabuluhan? Maraming kapaki-pakinabang na mga gawain na maaari mong gawin na mag-isa, gaya ng pakikinig sa musika o paggawa ng malaon-nang-naantalang gawain sa bahay. Ang pagbabasa ng Salita ng Diyos ay lalo nang kapaki-pakinabang. Ito’y “buháy at mabisa” at maaaring alisin nito sa ating isipan ang pag-iisip tungkol sa ating sarili. (Hebreo 4:12) Kung gagamitin nang wasto, ang mga sandali ng pag-iisa ay maaaring tumulong sa iyo na sumiglang-muli—sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan.
Mabuting Kaugnayan sa Iba
Gayunman, may mga panahon kung minsan na nais at kailangan mo ang pakikisama ng iba. Hindi kataka-taka, kung gayon, ang Bibliya ay mayroon ding payo tungkol sa paglinang ng kasiya-siyang mga kaugnayan sa ibang tao. Ang Kawikaan 18:24, halimbawa, ay nagsasabi: “May kaibigan na mahigit pa sa isang kapatid.” Samakatuwid hindi laging kailangan na magkaroon ng maraming kaibigan upang sugpuin ang kalumbayan. Maaari mong alagaan ang ilang matalik na pagkakaibigan.
Gayunman, nasusumpungan ng mga nalulumbay na tao na mahirap makipagkaibigan. Subalit ganito ang sabi ng isang tagapayo sa pamilya na taga-Canada: “Ang mga nalulumbay, lalo na yaong nasa mga edad 20’s, ay umaasa nang labis, subalit ayaw namang magbigay ng anumang bagay.” Binabanggit din ng Bibliya na ‘ang humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang nasà.’—Kawikaan 18:1.
Kaya kung ikaw ay nalulumbay, dapat kang magpakita ng higit na interes sa iba. Kapag nakikipagkilala sa maaaring maging bagong mga kaibigan, ikaw ba ay nagpapakita ng interes sa kanilang mga pag-aalala o inuugit mo ba ang usapan patungo sa iyong sarili? Upang masira ang siklo ng kalumbayan, ang isa ay dapat na maging isang tagabigay.
Sa Filipos 2:4 tayo ay hinihimok ni apostol Pablo na ‘tingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.’ Paano bang ang payong iyan ay makalulunas sa kalumbayan? Sa orihinal na wika ng Bibliya, ang pandiwang ginamit sa “tinitingnan” ay nangangahulugan na paggawa ng isang ‘mental na pagsasaalang-alang’ o ‘pagsisiyasat’ sa layuning maituro ang pinakakaaya-ayang panahon para kumilos. Kaya magmasid sa paligid at tingnan kung sino ang nangangailangan ng tulong, kung sino ang nangangailangan ng isang kaibigan. Minsang makita mo ang gayong tao—kumilos ka! Maraming tao na tumitingin lamang sa kanilang sariling kapakanan; ang lahat ng iba pa ay huli, kung titingnan pa sila. Iminumungkahi ng Bibliya ang kabaligtaran: Tingnan mo muna ang kapakanan ng iba.
Kaya, upang magkaroon ng mga kaibigan, dapat ka munang kumilos bilang isang kaibigan! Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ugaliin ninyo ang pagbibigay, at kayo’y bibigyan ng mga tao.” (Lucas 6:38) Isa pa, “may higit na kaligayahan ang magbigay kaysa tumanggap.”—Gawa 20:35.
“Hindi Ako Nag-iisa”
Ang mga kaugnayan ng tao, gayunman, ay hindi maaaring lubusang sapatan ang lahat ng ating mga pangangailangan. Ito’y dahil sa ang tao ay nilikha na may pangangailangan na maging malapit sa kaniyang Maylikha. (Ihambing ang Mateo 5:3.) Ang pakikipagkaibigan sa Diyos ay maaaring pagmulan ng katiwasayan, kahit na kung mabigo ang mga kaugnayan ng tao. Minsan ay sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Narito! Dumarating ang oras, oo, dumating na nga, na kayo’y mangangalat bawat isa sa inyo at ako’y iiwanan ninyong mag-isa.” Anong pagkalungkut-lungkot nga! Datapuwat maaaring sabihin ni Jesus: “Gayunma’y hindi ako nag-iisa, sapagkat ang Ama ay kasama ko.”—Juan 16:32.
Ang pakikipagkaibigan sa Diyos samakatuwid ang pinakamabuting lunas sa kalumbayan. Kaya maglaan ng panahon upang makilala siya. “Inyong tikman at tingnan ninyo na si Jehova ay mabuti” sa pamamagitan ng pagsisimula ng isang pag-aaral sa Bibliya. (Awit 34:8; Juan 17:3) Subalit hindi mo kailangang gawin iyon na mag-isa.
Ang Diyos ay kumuha ng “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Mahigit na tatlong milyong mga tao ngayon ang may pagmamalaking nagtataglay ng pangalang iyan bilang mga Saksi ni Jehova. Sila’y malulugod na tumulong sa iyo na matuto tungkol sa Diyos na ito. Natatandaan mo ba ang nalulumbay na matandang lalaki na binanggit sa pasimula? Bago siya magpakamatay, siya ay napuntahan ng mga Saksi ni Jehova. Tinulungan nila siya na pahalagahan na mayroong isang buháy na Diyos na nagmamalasakit sa kaniya. (1 Pedro 5:7) Ang kawalan ng pag-asa ay napalitan ng kagalakan nang simulan niya ang isang pag-aaral sa Bibliya.
Kawili-wili, ang pakikiisa sa tunay na mga Kristiyano ay nagbubukas din ng mga pagkakataon na magkaroon ng mga bagong kaibigan. Sapagkat ang gayong mga pagkakaibigan ay salig sa pag-ibig nila kapuwa sa Diyos, ito ay magiging namamalagi, nagtatagal na kaugnayan. Kaya hanapin ang bayan ni Jehova. Sa tulong nila at sa tulong ng Salita ng Diyos, matututuhan mong alisin ang mga hapdi ng kalumbayan.—Mateo 12:48-50; Juan 15:14.