Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • fy kab. 3 p. 27-38
  • Dalawang Susi sa Panghabang-Buhay na Pag-aasawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dalawang Susi sa Panghabang-Buhay na Pag-aasawa
  • Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANG UNANG SUSI
  • ANG IKALAWANG SUSI
  • TULAD-KRISTONG PAGKAULO
  • PAGPAPASAKOP NG ASAWANG BABAE
  • MABUTING PAG-UUSAP
  • Pagpapakita ng Pag-ibig at Paggalang Bilang Isang Asawang Lalaki
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Paano Magiging Masaya ang Pamilya Mo?​—Bahagi 1
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Ginagawang Matagumpay ang Buhay-Pamilya
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Huwag Paghiwalayin ang Pinagtuwang ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
fy kab. 3 p. 27-38

IKATLONG KABANATA

Dalawang Susi sa Panghabang-Buhay na Pag-aasawa

1, 2. (a) Hanggang kailan itinakdang magtatagal ang pagsasama ng mag-asawa? (b) Papaano ito magiging posible?

NANG pag-isahing-dibdib ng Diyos ang unang lalaki at babae, walang anumang pahiwatig na ang pagsasama nila’y magiging pansamantala lamang. Sina Adan at Eva ay itinakdang magsasama habang-buhay. (Genesis 2:24) Ang pamantayan ng Diyos sa isang marangal na pag-aasawa ay ang pag-iisang-dibdib ng isang lalaki at isang babae. Tanging ang malubhang imoralidad lamang sa sekso sa bahagi ng isa o kapuwa ng mag-asawa ang naglalaan ng maka-Kasulatang dahilan na makapagdiborsiyo taglay ang posibilidad na muling makapag-asawa.​—Mateo 5:32.

2 Posible ba para sa dalawang indibiduwal na magsama nang maligaya hanggang sa panahong walang-takda? Oo, at ipinakikita ng Bibliya ang dalawang mahalagang salik, o susi, na tutulong upang ito’y maging posible. Kung gagamitin ang mga ito ng kapuwa mag-asawa, mabubuksan nila ang pinto patungo sa kaligayahan at sa maraming pagpapala. Ano ba ang mga susing ito?

ANG UNANG SUSI

Larawan sa pahina 28

Ang pag-ibig at paggalang sa isa’t isa ay umaakay sa ikapagtatagumpay ng pag-aasawa

3. Anong tatlong uri ng pag-ibig ang dapat pagyamanin ng mag-asawa?

3 Ang unang susi ay ang pag-ibig. Kapansin-pansin, may iba’t ibang uri ng pag-ibig na ipinakikilala sa Bibliya. Ang isa ay ang mainit, personal na pagmamahal sa iba, ang uri ng pag-ibig na umiiral sa pagitan ng magkaibigan. (Juan 11:3) Ang isa pa ay ang pag-ibig na sumisibol sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya. (Roma 12:10) Ang ikatlo ay ang romantikong pag-ibig na maaaring iukol ng isa para sa isang miyembro ng di-kasekso. (Kawikaan 5:15-20) Mangyari pa, ang lahat ng ito ay dapat pagyamanin ng mag-asawa. Subalit may ikaapat na uri ng pag-ibig na higit na mahalaga kaysa sa nabanggit na.

4. Ano ang ikaapat na uri ng pag-ibig?

4 Sa orihinal na wika ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salita para sa ikaapat na uri ng pag-ibig na ito ay a·gaʹpe. Ang salitang iyan ay ginamit sa 1 Juan 4:8, na doo’y sinabihan tayo: “Ang Diyos ay pag-ibig.” Sa katunayan, “tayo ay umiibig, sapagkat [ang Diyos] ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Pinagyayaman ng isang Kristiyano ang gayong pag-ibig una muna sa Diyos na Jehova at pagkatapos ay sa kapuwa. (Marcos 12:29-31) Ang salitang a·gaʹpe ay ginamit din sa Efeso 5:2, na ganito ang sabi: “Patuloy na lumakad sa pag-ibig, kung paanong inibig din kayo ng Kristo at ibinigay ang kaniyang sarili para sa inyo.” Sinabi ni Jesus na makikilala ang kaniyang tunay na mga tagasunod sa pamamagitan ng uring ito ng pag-ibig: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig [a·gaʹpe] sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Pansinin din ang paggamit ng a·gaʹpe sa 1 Corinto 13:13: “Nananatili ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, ang tatlong ito; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay pag-ibig [a·gaʹpe].”

5, 6. (a) Bakit higit na dakila ang pag-ibig kaysa sa pananampalataya at pag-asa? (b) Ano ang ilang dahilan kung bakit makatutulong ang pag-ibig upang magtagal ang pagsasama ng mag-asawa?

5 Ano ang dahilan at higit na dakila ang pag-ibig a·gaʹpe na ito kaysa sa pananampalataya at pag-asa? Ito’y inuugitan ng mga simulain​—mga tamang simulain​—na masusumpungan sa Salita ng Diyos. (Awit 119:105) Ito ang walang-pag-iimbot na hangaring makagawa sa iba ng tama at mabuti ayon sa pananaw ng Diyos, maging waring karapat-dapat man o hindi ang tatanggap nito. Ang pag-ibig na ito ay magpapangyari sa mag-asawa na masunod ang payo ng Bibliya: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” (Colosas 3:13) Ang nagmamahalang mag-asawa ay nagtataglay at nagpapaunlad ng “masidhing pag-ibig [a·gaʹpe] sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:8) Pansinin na ang pag-ibig ay nagtatakip ng mga pagkukulang. Hindi nito inaalis ang mga iyon, yamang walang di-sakdal na tao ang hindi nagkakamali.​—Awit 130:3, 4; Santiago 3:2.

6 Kapag ang pag-ibig na iyan sa Diyos at sa isa’t isa ay pinagyaman ng mag-asawa, ang kanilang pagsasama’y magtatagal at magiging maligaya, yamang “ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Corinto 13:8) Ang pag-ibig ay “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Kung ikaw ay may-asawa, papaano ninyo kapuwa mapagyayaman ang uring ito ng pag-ibig? Magkasama ninyong basahin ang Salita ng Diyos araw-araw, at pag-usapan ito. Pag-aralan ang halimbawa ni Jesus ng pag-ibig at sikaping tularan siya, upang mag-isip at kumilos na gaya niya. Karagdagan pa, dumalo sa mga Kristiyanong pulong, na doo’y itinuturo ang Salita ng Diyos. At manalangin na tulungan kayo ng Diyos na mapasulong ang mataas na uring ito ng pag-ibig, na isang bunga ng banal na espiritu ng Diyos.​—Kawikaan 3:5, 6; Juan 17:3; Galacia 5:22; Hebreo 10:24, 25.

ANG IKALAWANG SUSI

7. Ano ang paggalang, at sino ang dapat magpakita ng paggalang sa pag-aasawa?

7 Kung tunay na nagmamahalan ang mag-asawa, kung gayon ay may paggalang din naman sila sa isa’t isa, at ang paggalang ang ikalawang susi sa isang maligayang pag-aasawa. Ang kahulugan ng paggalang ay ang “pagbibigay ng konsiderasyon sa iba, na binibigyang-dangal ang mga ito.” Pinapayuhan ng Salita ng Diyos ang lahat ng Kristiyano, kasali na ang mga mag-asawa: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Sumulat si apostol Pedro: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama [ng inyo-inyong asawa] sa katulad na paraan alinsunod sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, ang isa na may katangiang pambabae.” (1 Pedro 3:7) Ang asawang babae ay pinapayuhan “na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Kung nais mong igalang ang isang tao, ikaw ay mabait sa taong iyon, may paggalang sa kaniyang dignidad at mga pananaw, at handang paunlakan ang anumang makatuwirang hilingin sa iyo.

8-10. Ano ang ilang paraan na tutulong ang paggalang upang gawing matatag at maligaya ang pagsasama ng mag-asawa?

8 Yaong mga nagnanais magtamasa ng isang maligayang pag-aasawa ay nagpapakita ng paggalang sa kani-kanilang kabiyak kapag “itinutuon ang mga mata, hindi sa personal na interes ng [kanilang] sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong [sa kani-kanilang kabiyak].” (Filipos 2:4) Hindi lamang nila tinitingnan kung ano ang mabuti sa kanilang sarili​—yamang ito’y magiging isang kasakiman. Sa halip, tinitingnan din nila kung ano ang pinakamabuti sa kani-kanilang kabiyak. Ang totoo, iyon ang kanilang inuuna.

9 Ang paggalang ay tutulong sa mag-asawa na kilalanin ang pagkakaiba-iba ng pananaw. Hindi makatuwiran na asahang magtaglay ang dalawang tao ng magkatulad na pangmalas sa lahat ng bagay. Ang mahalaga sa asawang lalaki ay maaaring hindi naman ganoong kahalaga sa asawang babae, at ang gusto ng asawang babae ay baka hindi naman gusto ng asawang lalaki. Subalit sila’y dapat na gumalang sa pananaw at kagustuhan ng isa’t isa, hangga’t ang mga ito’y ayon pa rin sa mga batas at simulain ni Jehova. (1 Pedro 2:16; ihambing ang Filemon 14.) Isa pa, dapat na igalang ng bawat isa ang dignidad ng kabiyak sa pamamagitan ng pag-iwas na ang isang iyon ay maging tampulan ng nakahihiyang pamumuna o panunukso, sa harap man ng mga tao o sa sarilinan.

10 Oo, ang pag-ibig sa Diyos at sa isa’t isa at ang paggagalangan ang dalawang mahalagang susi sa isang matagumpay na pag-aasawa. Papaano maikakapit ang mga ito sa ilang mas mahahalagang pitak ng buhay may asawa?

TULAD-KRISTONG PAGKAULO

11. Ayon sa Kasulatan, sino ang ulo sa pag-aasawa?

11 Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang lalaki’y nilalang taglay ang mga katangiang magpapangyari sa kaniya na maging isang matagumpay na ulo ng pamilya. Dahil dito, ang lalaki ang may pananagutan sa harap ni Jehova ukol sa espirituwal at pisikal na kapakanan ng kaniyang asawa at mga anak. Dapat na gumawa siya ng timbang na mga pagpapasiya na nagpapabanaag ng kalooban ni Jehova at maging isang mabuting halimbawa ng maka-Diyos na pag-uugali. “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kanilang mga asawang lalaki gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon.” (Efeso 5:22, 23) Gayunman, sinasabi ng Bibliya na ang asawang lalaki ay may ulo rin, Isa na may awtoridad sa kaniya. Sumulat si apostol Pablo: “Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Corinto 11:3) Natututo ang matalinong asawang lalaki na gumanap ng pagkaulo sa pamamagitan ng pagtulad sa kaniyang ulo, si Kristo Jesus.

12. Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ni Jesus kapuwa sa pagpapasakop at sa pagganap ng pagkaulo?

12 Si Jesus man ay may ulo rin, si Jehova, at siya’y wastong nagpapasakop sa Kaniya. Sabi ni Jesus: “Hinahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 5:30) Napakagaling na halimbawa! Si Jesus “ang panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Siya ang naging Mesiyas. Siya’y nakatakdang maging Ulo ng kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano at ang piniling Hari ng Kaharian ng Diyos, na mataas pa sa lahat ng mga anghel. (Filipos 2:9-11; Hebreo 1:4) Sa kabila ng gayong tinitingalang kalagayan at sa gayong itinaas na tungkulin sa hinaharap, ang lalaking si Jesus ay hindi mabalasik, mapagmatigas, o labis na mapaghanap. Hindi siya naghahari-harian, anupat paulit-ulit na ipinaaalaala sa kaniyang mga alagad na siya’y dapat nilang sundin. Si Jesus ay mapagmahal at madamayin, lalo na sa mga naaapi. Sabi niya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang pagpapanariwa ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mateo 11:28-30) Tunay na nakagagalak na makasama siya.

13, 14. Papaano gaganapin ng mapagmahal na asawang lalaki ang kaniyang pagkaulo, bilang pagtulad kay Jesus?

13 Makabubuti para sa asawang lalaki na naghahangad ng isang maligayang pamilya na isaalang-alang ang maiinam na katangian ni Jesus. Ang isang mabuting asawang lalaki ay hindi mabalasik at naghahari-harian, anupat may-kamaliang ginagamit ang kaniyang pagkaulo bilang panghataw upang takutin ang kaniyang asawa. Sa halip, iniibig niya ito at iginagalang. Kung “mababa ang puso” ni Jesus, higit na may dahilan ang asawang lalaki na maging gayon sapagkat, di-gaya ni Jesus, siya’y nagkakamali. Kapag nagkakamali, hinahangad niya ang pang-unawa ng kaniyang asawa. Dahil dito, inaamin ng mapagpakumbabang asawang lalaki ang kaniyang mga pagkakamali, bagaman ang pananalitang, “Pasensiya ka na; tama ka nga,” ay napakahirap sabihin. Higit na magiging madali para sa isang asawang babae na igalang ang pagkaulo ng isang mababang-loob at mapagpakumbabang asawang lalaki kaysa sa isa na mapagmataas at mapagmatigas. Sa kabilang dako naman, ang magalang na asawang babae ay humihingi rin ng paumanhin kapag siya’y nagkakamali.

14 Nilalang ng Diyos ang babae na may maiinam na katangian na makatutulong sa pagkakaroon ng isang maligayang pag-aasawa. Kikilalanin ito ng isang matalinong asawang lalaki at hindi niya siya pipigilan. Marami sa kababaihan ang mas madaling mahabag at may matalas na pakiramdam, mga katangiang kailangan sa pangangalaga ng pamilya at sa paghubog ng pag-uugnayan ng mga tao. Karaniwan nang ang babae ang higit na may kasanayan na magawang isang kaayaayang dako ang tahanan upang tirahán. Ang “may-kakayahang asawang babae” na inilarawan sa Kawikaan kabanata 31 ay nagtataglay ng maraming kahanga-hangang katangian at pambihirang kakayahan, at lubusang pinakikinabangan ng kaniyang pamilya ang mga ito. Bakit? Sapagkat ang puso ng kaniyang asawa ay “tumitiwala” sa kaniya.​—Kawikaan 31:10, 11.

15. Papaano makapagpapakita ang asawang lalaki ng tulad-Kristong pag-ibig at paggalang sa kaniyang asawa?

15 Sa ilang kultura, gayon na lamang ang pagpapahalaga sa awtoridad ng isang asawang lalaki, kung kaya maging ang pagtatanong lamang sa kaniya ay itinuturing nang isang kawalang-galang. Maaari niyang pakitunguhan ang kaniyang asawa na halos parang alipin. Ang gayong maling pagganap ng pagkaulo ay nagbubunga ng marupok na pakikipag-ugnayan hindi lamang sa kaniyang asawa kundi maging sa Diyos. (Ihambing ang 1 Juan 4:20, 21.) Sa kabilang dako naman, kinaliligtaan ng ilang asawang lalaki na manguna, anupat hinahayaan ang kani-kanilang asawa na siyang manaig sa sambahayan. Ang asawang lalaki na wastong nagpapasakop kay Kristo ay hindi nagsasamantala sa kaniyang asawa o nag-aalis dito ng kaniyang dignidad. Sa halip, tinutularan niya ang mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig ni Jesus at isinasagawa ang gaya ng payo ni Pablo: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyong mga asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efeso 5:25) Gayon na lamang ang pag-ibig ni Kristo Jesus sa kaniyang mga tagasunod anupat siya’y namatay alang-alang sa kanila. Ang isang mabuting asawang lalaki ay magsisikap na tularan ang walang-pag-iimbot na saloobing iyan, anupat hinahangad ang kabutihan ng kaniyang asawa, sa halip na maging mapaghanáp sa kaniya. Kapag nagpapasakop kay Kristo ang isang asawang lalaki at nagpapamalas ng tulad-Kristong pag-ibig at paggalang, mauudyukan ang kaniyang asawa na ipasakop ang kaniyang sarili sa kaniya.​—Efeso 5:28, 29, 33.

PAGPAPASAKOP NG ASAWANG BABAE

16. Anong mga katangian ang dapat ipamalas ng asawang babae sa pakikisama niya sa kaniyang asawa?

16 Mga ilang panahon pagkatapos lalangin si Adan, “Nagpatuloy ang Diyos na Jehova sa pagsasabi: ‘Hindi mabuti para sa lalaki na magpatuloy na mag-isa. Gagawa ako ng isang katulong para sa kaniya, bilang isang kapupunan niya.’” (Genesis 2:18) Nilalang ng Diyos si Eva bilang “isang kapupunan,” hindi bilang isang kaagáw. Ang pag-aasawa ay hindi dapat maging gaya ng isang barko na may nag-aagawang kapitan. Ang asawang lalaki ay dapat magpakita ng maibiging pagkaulo, at ang asawang babae naman ay dapat magpamalas ng pag-ibig, paggalang, at kusang pagpapasakop.

17, 18. Ano ang ilang paraan na ang asawang babae ay nagiging isang tunay na katulong sa kaniyang asawa?

17 Gayunman, ang isang mabuting asawang babae ay hindi lamang mapagpasakop. Nagsisikap siyang maging isang tunay na katulong, umaalalay sa kaniyang asawa sa kaniyang mga pagpapasiya. Mangyari pa, mas madali para sa kaniya kung sang-ayon siya sa mga desisyon nito. Ngunit kung hindi man siya sang-ayon, ang kaniyang pakikiisa ay makatutulong sa ikapagtatagumpay ng desisyon nito.

18 Makatutulong ang asawang babae sa kaniyang kabiyak upang ito’y maging mabuting ulo sa iba pang paraan. Maaari niyang ipahayag ang kaniyang pagpapahalaga sa mga pagsisikap nito sa pangunguna, sa halip na pintasan siya o ipadama sa kaniya na hindi niya kailanman makakayang paluguran siya. Sa pakikitungo sa kaniyang asawang lalaki sa positibong paraan, dapat niyang tandaan na ang “mahinahong espiritu [ay] may napakalaking halaga sa mga mata ng Diyos,” hindi lamang sa mga mata ng kaniyang kabiyak. (1 Pedro 3:3, 4; Colosas 3:12) Papaano naman kung ang asawang lalaki ay hindi kapananampalataya? Kapananampalataya man siya o hindi, hinihimok ng Kasulatan ang mga asawang babae na “ibigin ang kani-kanilang mga asawa, na ibigin ang kanilang mga anak, na maging matino sa pag-iisip, malinis, mga manggagawa sa tahanan, mabuti, nagpapasakop sa kanilang mga asawa, upang ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan nang may pang-aabuso.” (Tito 2:4, 5) Kapag may bumangong bagay na may kinalaman sa budhi, malamang na igalang ng di-sumasampalatayang asawang lalaki ang posisyon ng kaniyang asawa kung ito’y iniharap taglay ang “mahinahong kalooban at matinding paggalang.” Ang ilang di-sumasampalatayang asawang lalaki ay ‘nawawagi nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kanilang mga asawang babae, dahil sa pagiging mga saksing nakakita sa kanilang malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.’​—1 Pedro 3:1, 2, 15; 1 Corinto 7:13-16.

19. Papaano kung hilingin ng asawang lalaki sa kaniyang kabiyak na labagin ang batas ng Diyos?

19 Papaano kung hilingin ng asawang lalaki sa kaniyang kabiyak na gumawa ng isang bagay na ipinagbabawal ng Diyos? Kung mangyayari iyan, hindi niya dapat kalimutan na ang Diyos ang kaniyang pangunahing Tagapamahala. Kukunin niyang halimbawa ang ginawa ng mga apostol nang sila’y hilingan ng mga awtoridad na labagin ang batas ng Diyos. Ganito ang sabi ng Gawa 5:29: “Sinabi ni Pedro at ng iba pang mga apostol: ‘Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.’”

MABUTING PAG-UUSAP

20. Ano ang isang mahalagang pitak na doo’y kailangan ang pag-ibig at paggalang?

20 Ang pag-ibig at paggalang ay kailangan sa isa pang pitak ng pag-aasawa​—sa pag-uusap. Makikipag-usap ang mapagmahal na asawang lalaki sa kaniyang kabiyak tungkol sa mga gawain nito, sa kaniyang mga suliranin, sa kaniyang mga pananaw tungkol sa iba’t ibang bagay. Kailangan ito ng asawang babae. Ang asawang lalaki na may panahong makipag-usap sa kaniyang kabiyak at talagang nakikinig sa mga sinasabi nito ay nagpapakita ng kaniyang pag-ibig at paggalang sa kaniya. (Santiago 1:19) Idinaraing ng ilang asawang babae na ang kani-kanilang asawa ay halos hindi nakikipag-usap sa kanila. Nakalulungkot iyan. Totoo nga, sa abalang panahong ito, maaaring nagtatrabaho nang mahabang oras ang mga asawang lalaki sa labas ng tahanan, at dahil sa kalagayan sa kabuhayan maaaring maging dahilan ito upang ang ilang asawang babae ay magtrabaho na rin. Subalit ang mag-asawa ay dapat na maglaan ng panahon para sa isa’t isa. Kung hindi, baka hindi na nila kailanganin ang isa’t isa. Hahantong ito sa malulubhang suliranin kapag sila’y nakadama ng pangangailangan para sa isang madamaying kasama na hindi nila asawa.

21. Papaano makatutulong ang wastong pagsasalita upang mapanatiling maligaya ang pag-aasawa?

21 Ang paraan ng pag-uusap ng mag-asawa ay mahalaga. “Ang mga kaayaayang salita ay . . . matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.” (Kawikaan 16:24) Sumasampalataya man o hindi ang isang kabiyak, kumakapit pa rin ang payo ng Bibliya: “Hayaang ang inyong pananalita ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin,” alalaong baga’y, masarap pakinggan. (Colosas 4:6) Kapag naging maproblema sa isa ang maghapon, napakalaki ng magagawa ng ilang mababait, madamaying pananalita na manggagaling sa asawa. “Mistulang mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang sinalita sa tamang panahon para doon.” (Kawikaan 25:11) Ang tono ng boses at pagpili ng mga salita ay napakahalaga. Halimbawa, sa pagalít at pautos na paraan, maaaring sabihin ng isa sa kaniyang asawa: “Isara mo nga ang pintong iyan!” Subalit tunay na “tinimplahan ng asin” ang pananalita, na sinabi sa isang mahinahon, maunawaing tinig gaya ng, “Pakisara mo naman ang pinto, puwede ba?”

22. Anong mga katangian ang kailangan ng mag-asawa upang mapanatili ang mabuting pag-uusap?

22 Nagkakaroon ng mabuting pag-uusap kapag may malumanay na pananalita, magiliw na tingin at pagkilos, kabaitan, pang-unawa, at paglalambing. Sa pagsisikap na mapanatili ang mabuting pag-uusap, madarama kapuwa ng mag-asawa na malaya nilang nasasabi ang kanilang mga pangangailangan, at sila’y maaaring pagmulan ng kaaliwan at tulong ng isa’t isa sa panahon ng kabiguan o kaigtingan. “Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo,” ang paghimok ng Salita ng Diyos. (1 Tesalonica 5:14) May mga panahong nasisiraan ng loob ang asawang lalaki at may mga panahong gayundin ang asawang babae. Sila’y maaaring “magsalita nang may pang-aliw,” anupat pinatitibay ang isa’t isa.​—Roma 15:2.

23, 24. Papaano makatutulong ang pag-ibig at paggalang kapag may di-pagkakasunduan? Magbigay ng isang halimbawa.

23 Hindi mamalasin ng mag-asawang nagpapakita ng pag-ibig at paggalang ang bawat di-pagkakasunduan bilang malaking problema. Sila’y magsisikap na huwag “magalit nang may-kapaitan” sa isa’t isa. (Colosas 3:19) Dapat nilang alalahanin kapuwa na “ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot.” (Kawikaan 15:1) Mag-ingat na huwag hamakin o hatulan ang asawa na nagtatapat ng kaniyang niloloob. Sa halip, malasin ang gayong pagpapahayag bilang isang pagkakataon upang maarok ang kaniyang pananaw. Pagsikapan ninyong lutasin nang magkasama ang mga di-pagkakaunawaan at magkasundo kayo.

24 Gunitain ang pangyayari nang imungkahi ni Sara sa kaniyang asawa, kay Abraham, ang kalutasan sa isang suliranin at ito’y hindi kasuwato ng kaniyang damdamin. Gayunman, sinabi ng Diyos kay Abraham: “Makinig ka sa kaniyang tinig.” (Genesis 21:9-12) Nakinig si Abraham, at siya’y pinagpala. Gayundin naman, kapag nagmungkahi ang asawang babae na iba sa nasa isip ng kaniyang asawa, dapat siyang makinig man lamang. Kasabay nito, ang asawang babae ay hindi dapat mangibabaw sa pag-uusap kundi dapat na laging makinig sa sasabihin ng kaniyang asawa. (Kawikaan 25:24) Ang laging paggigiit ng sariling kagustuhan ng sinuman sa mag-asawa ay salat sa pag-ibig at paggalang.

25. Papaano makadaragdag sa kaligayahan ang mabuting pag-uusap may kinalaman sa pinakamatalik na pitak ng buhay may-asawa?

25 Ang mabuting pag-uusap ay mahalaga rin sa seksuwal na ugnayan ng mag-asawa. Ang pagkamakasarili at kawalan ng pagpipigil sa sarili ay maaaring makapinsala nang malubha sa pinakamatalik na ugnayang ito ng pag-aasawa. Ang tapatang pag-uusap, kasabay ng pagpaparaya, ay kailangan. Kapag sila’y kapuwa nagmamalasakitan sa kapakanan ng isa’t isa, hindi magiging malaking problema ang tungkol sa sekso. Dito na gaya rin sa ibang bagay, “patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.”​—1 Corinto 7:3-5; 10:24.

26. Bagaman ang bawat pag-aasawa ay magkakaroon ng sariling tagumpay at pagkabigo, papaano makatutulong sa mag-asawa ang pakikinig sa Salita ng Diyos upang masumpungan ang kaligayahan?

26 Anong inam ng payo na iniaalok ng Salita ng Diyos! Totoo, bawat pag-aasawa ay may tagumpay at pagkabigo. Ngunit kung ang mag-asawa ay pasasailalim sa pag-iisip ni Jehova, gaya ng isinisiwalat sa Bibliya, at isasalig ang kanilang ugnayan sa may-simulaing pag-ibig at paggalang, sila’y makaaasa na ang kanilang pagsasama’y magiging habang-buhay at maligaya. Sa gayon ay igagalang nila hindi lamang ang isa’t isa kundi maging ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa, ang Diyos na Jehova.

PAPAANO MAKATUTULONG ANG MGA SIMULAING ITO NG BIBLIYA . . . SA MAG-ASAWA UPANG MAGTAMASA NG PANGHABANG-BUHAY, MALIGAYANG PAG-AASAWA?

Ang mga tunay na Kristiyano ay nag-iibigan sa isa’t isa.​—Juan 13:35.

Ang mga Kristiyano ay handang magpatawad sa isa’t isa.​—Colosas 3:13.

May wastong kaayusan ng pagkaulo.​—1 Corinto 11:3.

Mahalaga na sabihin ang tamang bagay sa tamang paraan.​—Kawikaan 25:11.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share