Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 3/15 p. 21-23
  • Paano Tayo “Lubusang Makalulugod” kay Jehova?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Tayo “Lubusang Makalulugod” kay Jehova?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kumusta ang Ating mga Kaisipan?
  • Kumusta Naman ang Ating Pananalita?
  • “Lubusang Makalugod” kay Jehova sa Pamamagitan ng Ating Paggawi at mga Gawa
  • Ginagawa Mo Ba ang Hinihiling ng Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Ikaw Ba ay Isang Buong-Panahong Saksi?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1997
  • Magtakda ng mga Tunguhin Upang Mapanatiling Malakas ang Inyong Pananampalataya
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1988
  • Kailangang Matutuhan Mo ang Tungkol sa Diyos
    Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos!
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 3/15 p. 21-23

Paano Tayo “Lubusang Makalulugod” kay Jehova?

SA NGAYON, iilan-ilan ang nababahala tungkol sa kung nakalulugod baga sa Diyos ang kanilang mga kaisipan, pananalita, at mga gawa! Kahit na yaong namamaraling nababahala nga ay waring naghahandog sa Diyos ng wala kundi papuri sa labi. Ang totoo, tungkol sa lubhang karamihan ay masasabi: “Sila’y hindi nakalulugod sa Diyos.”​—1 Tesalonica 2:15.

Ang mga ibang nag-aangking Kristiyano ay naniniwala na habang hindi nila nilalabag ang Sampung Utos, sila ay nakalulugod sa Diyos. Subalit hindi nga ganiyan! Ang ating Halimbawa na si Jesu-Kristo ay nagsabi tungkol sa Diyos: “Sa tuwina’y ginagawa ko ang mga bagay na nakalulugod sa kaniya.” (Juan 8:29) Oo, kaniyang pinalugdan ang kaniyang Ama sa pamamagitan ng paggawa ng kinakailangang mga bagay. Kailangan ang mismong pagkilos, gaya ng makikita natin sa panalangin ni apostol Pablo alang-alang sa kaniyang mga kapananampalataya sa Colosas. Siya’y nanalangin na sila sana ay “makalakad na karapat-dapat kay Jehova sa layuning lubusang makalugod sa kaniya [habang sila’y] nagbubunga sa bawat mabuting gawa.”​—Colosas 1:9, 10.

Datapuwat, talaga bang posible na “lubusang makalugod” kay Jehova? Bueno, palibhasa’y di-sakdal, ang mga Kristiyano ay hindi ngayon maaaring makalugod sa Diyos nang may kasakdalan. Gayunman, sila ay maaaring masikap na gumawa tungo sa layuning iyan, upang “lubusang makalugod” sa kaniya. Yamang binanggit ni Pablo ang ‘pagbubunga sa bawat mabuting gawa,’ kailangan ang positibong mga gawa. Mangyari pa, dito’y hindi natin matatalakay ang lahat ng gayong gawain. Subalit maaari tayong magbigay ng mga ilang bagay na mapag-iisipan. Kung ipinakikita ng mga puntong ito na mayroong mga pitak sa iyong buhay na doo’y dapat kang gumawa ng mga ilang pagbabago, matitiyak mo na pagpapalain ni Jehova ang iyong pagsisikap na makalugod sa kaniya. Ang totoo ay na upang “lubusang makalugod” kay Jehova kailangan na pag-ingatan natin ang ating mga kaisipan, pananalita, at pagkilos.

Kumusta ang Ating mga Kaisipan?

Sinasabi ng Salita ng Diyos na “walang anumang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin, kundi lahat ng bagay ay hubad at nakalantad sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.” (Hebreo 4:13) Ang mga tao o mga demonyo man ay hindi makababasa ng ating mga iniisip, ngunit magagawa iyan ng Diyos. Kung gayon, ibig nating ang mismong mga pag-iisip natin ay makalugod sa kaniya. Kaya’t makabubuting tanungin ang ating sarili: Ano ba ang ibig kong isipin pagka hindi kailangan na gamitin ko ang aking isip sa gawain na kailangang gawin sa kasalukuyan? Ano ba ang direksiyon, wika nga, na doon natural na nakaturo ang karayom ng pinaka-compass ng aking isip?

Maitatanong din natin: Mahilig ba akong magtayo ng kastilyong buhangin at mangarap na ako’y mayaman, tanyag, o dinadakila dahilan sa aking mga dakilang nagawa? Ako ba’y nag-iisip nang paurong, tulad baga ng mga reklamo, na pinauulit-ulit ko iyon sa aking isip? Mahilig ba akong ang laging isipin ay ang mga kaluguran na nakukuha sa sekso? O ako ba’y laging nag-iisip ng mga plano at mga paraan upang kumita ng salapi?

Ngayon pag-isipan ito: Tayo ba’y ‘lubusang makalulugod’ kay Jehova kung pupunuin natin ang ating isip ng ganiyang mga kaisipan? Tunay na hindi nga! Kung gayon, sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin at sa tulong ng Diyos, alisin natin sa isip ang mga ito at punuin ang isip ng mabubuti, positibo, kalugud-lugod, malilinis, at kaibig-ibig na mga kaisipan. (Filipos 4:8) Lalong mabuti na ating disiplinahin ang ating mga isip upang mag-isip tayo ng mga bagay na may kaugnayan sa ating pagsamba kay Jehova! Isipin ang Kaharian ng Diyos, na pagkalapit-lapit na. Isipin ang mga punto na natutuhan kamakailan sa Salita ng Diyos. Repasuhin sa isip ang paksang tatalakayin sa darating na mga pulong ng kongregasyon, at lalo na anumang bahagi na mayroon ka sa programa. Pag-isipan kung paano mo mapasusulong ang iyong paglilingkod sa larangan. Tandaan na ikaw, una sa lahat, ay isang ministrong Kristiyano.

Ang iba ay natulungan sa pamamagitan ng pagrerepaso sa kanilang isip ng mga talata na kanilang isinaulo, at gayundin ng paghiging ng mga awiting pang-Kaharian. Upang magsilbing paalaala, ang isang Kristiyano ay natulungan na gumawa ng ganitong tula at pag-isipan ito:

“Oh Diyos pakisuyong tulungan ako na pailalim,

Sa iyong kalooban at sa ipinahihintulot ng pag-ibig.

Oh harinawang huwag akong maghimagsik kailanman,

Yamang ginagawa mong mahusay ang lahat ng bagay.”

Oo, patuloy na manalangin na gaya ng ginawa ni Haring David: “Harinawang ang . . . pagbubulaybulay ng aking puso ay maging kalugud-lugod”​—samakatuwid nga, makalugod​—“sa harap mo, Oh Jehova.”​—Awit 19:14.

Kumusta Naman ang Ating Pananalita?

Si David ay nanalangin din: “Ang mga salita ng aking bibig . . . ay maging kalugud-lugod nawa sa harap mo, Oh Jehova.” (Awit 19:14) Gaya ng natutuhan natin sa Santiago 3:2-12, tanging ang isang sakdal na tao ang lubusang makapipigil ng kaniyang dila. Subalit magsikap na pigilin ito kung maaari kung ibig nating “lubusang makalugod” kay Jehova.

Maraming salita ang nasasabi natin sa araw-araw, at, mangyari pa, ang ating sinasabi ay hindi lamang mga bagay na tungkol sa Kasulatan. Gayunman, anuman ang ating sinasabi maaari nating isipin na tayo’y makalugod kay Jehova. Halimbawa, alam natin na ang masamang bibig, o magaspang at mahalay na pananalita ay hindi makalulugod sa ating makalangit na Ama. Kaya’t iwasan natin ang gayong pagsasalita.​—Efeso 5:3, 4.

Isa pa, kung ibig nating makalugod sa ating Maylikha kung tungkol sa ating pananalita, iwasan natin ang mga salitang naninira at humahamak sa iba. Tungkol sa atin ay ganito ang sana’y masabi: “Siya’y hindi nanirang-puri ng kaniyang dila. Sa kaniyang kasamahan ay hindi siya gumawa ng anumang masama, at hindi siya dumusta sa kaniyang matalik na kakilala.” Bagama’t tayo’y dumaranas ng kaapihan, mag-ingat tayo na huwag “magsalita nang masama tungkol kaninuman.”​—Awit 15:3, Tito 3:2.

Anong mga pagkakataon mayroon tayo upang “lubusang makalugod” kay Jehova tungkol sa ating pananalita kung oras ng pagkain! Natural, hindi ito panahon para sa mga salitang bunga ng galit o nagpapagalit. Maraming magagandang bagay na mapag-uusapan! Lalo nang dapat tayong maging listo sa gayong mga pagkakataon kung tayo ay mga panauhin o tayo’y mayroong mga panauhin. Malimit na ang pinakamasalita imbis na ang maygulang na mga Kristiyano ang nangingibabaw sa usapan. Ikaw ba’y magkakabisita ng isang Kristiyano na marami nang taon ang karanasan sa buong-panahong ministeryo? Siya ba’y may malawak na kaalaman sa Salita ng Diyos? Kung gayo’y gumamit ng matalas na pagkaunawa upang mailabas ang kaniyang niloloob. “Ang payo sa puso ng isang tao ay parang malalim na tubig, ngunit ang taong may pang-unawa ang iigib niyaon,” at makikinabang ang lahat ng naroroon.​—Kawikaan 20:5.

Isa pa, upang “lubusang makalugod” kay Jehova sa ating pananalita, tayo’y maging listo sa mga pagkakataon para sa impormal na pagpapatotoo tungkol sa pangalan at Kaharian ng Diyos. Sa katunayan, kung minsan ang isang ministrong Kristiyano ay maaaring makagawa ng malaki sa pamamagitan ng gayong impormal na pagpapatotoo. Datapuwat, ang pangunahing paraan upang makalugod kay Jehova sa pamamagitan ng ating pananalita, samantalang pinagpapala rin ang iba, ay ang pagbabahay-bahay na dala ang balita ng Kaharian.​—Gawa 20:20.

Upang ang ating mga salita ay “lubusang makalugod” kay Jehova pagka tayo’y nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano sa larangan, sikapin nating patuloy na mapahusay ang ating paghaharap ng balita ng Kaharian. Yamang tayo’y pinagkatiwalaan ng “mabuting balita,” tayo, tulad ni apostol Pablo, ay nagnanais na “magsalita, na nakalulugod, hindi sa mga tao, kundi sa Diyos, na siyang nagpapatunay sa ating mga puso.” At huwag ding kaliligtaan ang obligasyon na gamitin ang ating mga labi sa pangmadlang pagpapahayag ng ating pananampalataya sa mga pulong Kristiyano, na kung saan maaari nating pukawin ang iba sa pag-ibig at mabubuting gawa.​—1 Tesalonica 2:4; Hebreo 10:23-25.

“Lubusang Makalugod” kay Jehova sa Pamamagitan ng Ating Paggawi at mga Gawa

Upang tayo’y “lubusang makalugod” kay Jehova, pakaingatan din natin ang ating araw-araw na paggawi, kasali na ang ating paglilibang. Oo, kahit na kung tayo’y naglilibang, hindi natin maaatim na kalimutan ang Diyos. Iyan ba ay waring kalabisan na? Hindi, sapagkat sinabi ni Pablo: “Kumakain ka man o umiinom o gumagawa ng ano pa man, gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.” Isaisip natin ang babala na “silang lumalakad ng ayon sa laman ay hindi makalulugod sa Diyos.” Kung gayon, higit sa lahat, kailangan na ang ating paglilibang ay kapaki-pakinabang.​—1 Corinto 10:31; Roma 8:8.

Gawin nating katamtaman at nasa tamang panahon ang ating paglilibang. Upang “lubusang makalugod” kay Jehova, ang paglilibang ay ilagay natin sa tamang dako, gawing pangalawa lamang at hindi siyang pinakamahalaga. Kung tayo’y naglilibang, halimbawa kung nanonood ng isang natatanging programa sa TV o nanonood ng isang laro, huwag nating hayaang makasagabal ito sa ating pagdalo sa mga pulong Kristiyano o sa palagiang pakikibahagi sa ministeryo sa larangan.​—Mateo 6:33.

Upang “lubusang makalugod” kay Jehova ay kailangang tayo’y gumawa ng mabuti sa ating mga kapatid na Kristiyano, pagka tayo’y may pagkakataon at kung may pangangailangan. Sa bagay na ito, mababasa natin: “Huwag kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang bahaginan ang iba ng mga bagay-bagay, sapagkat lugod na lugod ang Diyos sa gayong mga hain.” Sinabi ni apostol Pablo na ang kabaitan na ipinakita sa kaniya ng mga Kristiyano sa Filipos ay “isang kalugud-lugod na hain, na totoong nakalulugod sa Diyos.”​—Hebreo 13:16; Filipos 4:18.

Paanong ang mga bata ay ‘lubusang makalulugod’ kay Jehova kung tungkol sa kanilang paggawi? Ipinakita ni Pablo na ang isang napakamakabuluhang paraan ay sa pamamagitan ng pagsunod sa kanilang mga magulang na “kaisa ng Panginoon.” Sinasabi rin niya: “Kayong mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito’y nakalulugod na mainam sa Panginoon.”​—Efeso 6:1-3; Colosas 3:20.

Lahat ng nag-alay na mga lingkod ng Diyos ay nakalasap na ng totoong maraming kagandahang-loob kay Jehova at sa kaniyang makalupang alulod kung kaya, bunga ng pag-ibig at pasasalamat, laging pag-isipan natin na lubusang makalugod sa kaniya. Oo, dahil sa pag-ibig at pasasalamat kailangan na tanggapin natin “ang di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos at huwag sayangin ito.” (2 Corinto 6:1) Ang pagnanasang makalugod na lubusan kay Jehova ang matuwid, nararapat, na bagay na dapat gawin, sapagkat siya ang Pansansinukob na Soberano. At, ang pagsisikap na “lubusang makalugod” kay Jehova ang pinakapantas na dapat gawin, sapagkat mapapakinabangan ngayon at may pangako ng buhay na darating.​—1 Timoteo 4:8.

Oo, ibig nating pakaingatan ang ating mga kaisipan, ang ating pananalita, at ang ating paggawi at mga gawa. Sa tulong ni Jehova, ito’y gagawin natin upang makalugod sa kaniya nang lalong higit. At sa paggawa ng gayon, huwag tayong manghimagod. Sa halip, harinawang laging sundin natin ang payo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Katapus-tapusan nga, mga kapatid, kayo’y aming pinamamanhikan at inaaralan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus na ayon sa tinanggap ninyo sa amin, kung paanong kayo’y dapat magsilakad at magbigay-lugod sa Diyos, na gaya ng inyong paglakad, na inyong patuloy na gawin ito nang higit at higit.”​—1 Tesalonica 4:1.

[Larawan sa pahina 23]

Huwag hayaang ang paglilibang ay makahadlang sa gawaing Kristiyano

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share