Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 7/8 p. 25-27
  • Mahalaga ba Kung Ano ang Pinaniniwalaan Mo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mahalaga ba Kung Ano ang Pinaniniwalaan Mo?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Apektado ba ng mga Paniniwala ang Paggawi?
  • Kung Bakit Kailangan Natin ang Tumpak na Kaalaman
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Bakit Ka Naniniwala sa mga Pinaniniwalaan Mo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Magkasalungat ba ang Pananampalataya at Katuwiran?
    Gumising!—2011
  • Ano ang Makatutulong sa Atin Upang Magamit Nang Wasto ang Salita ng Katotohanan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 7/8 p. 25-27

Ang Pangmalas ng Bibliya

Mahalaga ba Kung Ano ang Pinaniniwalaan Mo?

“MAS GUSTONG PANIWALAAN NG TAO KUNG ANO ANG IPINALALAGAY NIYANG TOTOO.”​—FRANCIS BACON, 1561-1626, INGLES NA MANUNULAT NG SANAYSAY AT ESTADISTA.

PAGDATING sa relihiyosong mga doktrina, maraming tao ang nag-aakala na basta taimtim na naniniwala ang isa na ‘May nakatataas sa langit’ at iniibig niya ang kaniyang kapuwa, hindi mahalaga kung ano ang pinaniniwalaan niya. Ang ilan ay maaaring tumingin sa nagkakasalungatang mga idea na itinataguyod ng relihiyosong mga grupo tungkol sa Diyos, sa kaniyang mga layunin, at kung paano siya sasambahin at naghihinuha na ang mga pagkakaiba ay bahagya lamang, tulad ng iba’t ibang istilo ng pananamit na isinusuot ng iisang tao. Maaaring akalain pa nga nila na yaong gumagawa ng malaking isyu tungkol sa mga pagkakaibang iyon ay lubusang hindi natagpuan ang diwa ng tunay na Kristiyanismo.

Kinikilala ng Kasulatan na hindi lahat ng talakayan tungkol sa relihiyosong mga turo ay kapaki-pakinabang. Halimbawa, sa kaniyang kinasihang mga sulat kay Timoteo, tinukoy ni apostol Pablo ang mga lalaking nagsusulsol ng “mararahas na pagtatalo tungkol sa maliliit na bagay.” Inilarawan sila ni Pablo na “may-sakit sa isip may kinalaman sa mga pagtatanong at mga debate tungkol sa mga salita.” (1 Timoteo 6:4, 5) Tinagubilinan niya si Timoteo na “tanggihan ang mangmang at walang-kaalamang mga pagtatanong, yamang nalalaman na ang mga ito ay lumilikha ng mga pag-aaway,” at tagubilinan ang mga kongregasyon na “huwag makipag-away tungkol sa mga salita, isang bagay na walang anumang pakinabang.” (2 Timoteo 2:14, 23) Ang karamihan ng mga debate tungkol sa relihiyon sa ating panahon ay angkop sa paglalarawang ito at napatunayang walang-kabuluhang pag-aaksaya ng panahon.

Gayunman, ibig bang sabihin niyan na ang lahat ng pag-uusap tungkol sa relihiyosong paniniwala ay walang-kabuluhan? Buweno, hindi tayo lubusang humihinto sa pagsusuot ng damit dahil lamang sa ang ilang damit ay hindi angkop na isuot, di ba? Kaya bakit natin ituturing na hindi mahalaga ang lahat ng paksa tungkol sa relihiyosong paniniwala dahil lamang sa ang ilang mga katanungan may kinalaman sa doktrina ay hindi karapat-dapat isaalang-alang? Ang konteksto ng mga salita ni Pablo na sinipi kanina ay nagpapakita na itinuturing niya ang bagay na may kinalaman sa mga doktrina na mahalaga. Paulit-ulit siyang nagbabala na ang huwad na mga turo ay maaaring maglayo sa isa sa pananampalataya, at tinagubilinan niya si Timoteo na “pag-utusan mo ang ilan na huwag magturo ng kakaibang doktrina.” (1 Timoteo 1:3-7; 4:1; 6:3-5; 2 Timoteo 2:14-18, 23-26; 4:3, 4) Tunay, hindi niya magagawa ang gayong mariing pananalita malibang mahalaga kung ano ang pinaniniwalaan niyaong unang-siglong mga Kristiyano.

Kung gayon, bakit ang payo na tanggihan ang mga tanong tungkol sa doktrina? Sapagkat ang ilang lalaki noong panahon ni Pablo​—na inilarawan niya na “napasamâ ang pag-iisip at naagawan ng katotohanan”​—ay nagbabangon ng mga isyu tungkol sa doktrina na ang tanging layon ay sirain ang pananampalataya ng iba. (1 Timoteo 6:5) Tungkol lamang sa mga tanong na ibinangon niyaong tiwaling mga lalaking iyon na pinayuhan ni Pablo si Timoteo na huwag makipag-usap tungkol sa relihiyosong mga paniniwala.

Apektado ba ng mga Paniniwala ang Paggawi?

Gayunman, maaaring tanungin ng ilan kung ang ating relihiyosong mga paniniwala ba ay may malaking epekto sa kung magiging anong uri ng tao tayo​—ang ating personal na mga katangian at paggawi. Maaari nilang malasin ang mga paniniwala at paggawi bilang dalawang magkaiba at hindi magkaugnay na bagay, tulad ng isang dyaket at pantalon na maaaring pagsamahin o iterno ayon sa kagustuhan ng magsusuot. Gayunman, sa Bibliya, ang mga paniwala at paggawi ay tulad ng terno na makukuha lamang na magkaterno.

Isinisiwalat ng Bibliya ang tuwirang kaugnayan sa pagitan ng kung ano ang pinaniniwalaan natin at ng kung nagiging anong uri tayo ng tao. Ang matuwid-sa-sariling mga Fariseo noong kaarawan ni Jesus ay isang halimbawa ng naligaw na mga paniniwala na nakaaapekto sa paggawi. (Mateo 23:1-33; Lucas 18:9-14) Sa kabilang dako, ang Colosas 3:10 ay nagpapayo: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago alinsunod sa larawan ng Isa na lumalang nito.” Pansinin na ang kapangyarihang umakay sa isang maka-Diyos na buhay ay iniuugnay sa pagkakaroon ng tumpak na kaalaman ng Diyos.

Ang salitang Griego na isinaling “tumpak na kaalaman,” na lumilitaw ng 20 ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay tumutukoy sa eksakto, tumpak, o ganap na kaalaman. Inilalarawan ito ng Griegong iskolar na si Nathanael Culverwel na nagiging “higit na pagkilala sa isang bagay na dati ko nang alam; isang mas eksaktong pagtingin ng isang bagay na nakita sa malayo.” Kaya kung paanong sinusuri ng isang mag-aalahás ang isang mahalagang hiyas upang mataya ang mga katangian at halaga nito, dapat suriin ng isang Kristiyano ang Salita ng Diyos upang maalaman niya ang eksakto, tumpak, at ganap na kaalaman ng Diyos na pinaglilingkuran niya. Kabilang dito ang pagkilala sa personalidad ng Diyos, sa kaniyang mga layunin, sa kaniyang mga pamantayan, at sa lahat ng mga turo na bumubuo sa “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita”​—malayung-malayo sa basta paniniwala lamang na ‘May nakatataas sa langit.’​—2 Timoteo 1:13.

Ang isang halimbawa ng uri ng bunga kung nakikilala lamang ng isa ang Diyos mula sa malayo ay nakatala sa unang kabanata ng kinasihang sulat sa mga taga-Roma. Doon, binanggit ang ilang lalaki na, “bagaman kilala nila ang Diyos, . . . hindi nila sinang-ayunang ituring ang Diyos ayon sa tumpak na kaalaman.” Ang mga resulta ng kanilang maling mga paniniwala ay inilahad ni apostol Pablo: “Ibinigay sila ng Diyos sa isang di-sinang-ayunang kalagayan ng isip, upang gawin ang mga bagay na hindi naaangkop, palibhasa’y puspos sila ng lahat ng kalikuan, kabalakyutan, kaimbutan, kasamaan, punô ng inggit, pagpaslang, alitan, panlilinlang, mapaminsalang disposisyon, na mga mapagbulong, mga mapanira sa talikuran, mga napopoot sa Diyos, mga walang-pakundangan, mga palalo, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga mangangatha ng nakapipinsalang mga bagay, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang unawa, mga bulaan sa mga kasunduan, mga walang likas na pagmamahal, mga walang-awa.”​—Roma 1:21, 28-31.

Walang alinlangan, ang mga pinaniniwalaan ng mga lalaking iyon ay tuwirang nakaapekto sa kanilang kakayahang mamuhay ng Kristiyanong pamumuhay. Gayundin sa ngayon, ang mga paniniwala at paggawi ay maihahambing sa damit na walang tahi, di-mapaghihiwalay na magkasamang hinabi. Kaya nga, mahalaga na tiyakin ng lahat ng nagnanais magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos na ang kanilang relihiyosong mga paniniwala ay talagang totoo, lubusang nakasalig sa Salita ng Diyos. Sapagkat “kalooban [ng Diyos] na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”​—1 Timoteo 2:4.

[Larawan sa pahina 25]

Ipinababanaag ng pagiging matuwid-sa-sarili ng Fariseo ang kaniyang mga paniniwala

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share