LITID
Matitibay na hibla ng himaymay na nagdurugtong sa mga buto o sumusuporta sa mga sangkap ng katawan. Sinasabing ang tao ay pinagsugpung-sugpong sa pamamagitan ng mga buto at mga litid.—Job 10:11; tingnan din ang Job 40:15-18.
Ang salitang Griego na syn·deʹsmon (isang anyo ng synʹde·smos) sa Colosas 2:19 ay isinasalin ng iba’t ibang makabagong bersiyon ng Bibliya bilang “mga litid” (AS-Tg; BSP; MB; NPV; NW). Ang synʹde·smos ay nangangahulugang “yaong nagtatali upang magsama-sama, bigkis ng pagkakaisa, yaong nagkakabit” at ginagamit may kaugnayan sa mga litid. (A Greek-English Lexicon, nina H. G. Liddell at R. Scott, nirebisa ni H. Jones, Oxford, 1968, p. 1701) Ang terminong Griego ring ito ay ginagamit sa mga pananalitang “gapos ng kalikuan” (Gaw 8:23), “nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan” (Efe 4:3), at “sakdal na bigkis ng pagkakaisa” (Col 3:14).
Noong nakikipagbuno si Jacob sa isang anghel, hinipo ng anghel ang hugpungan ng kasukasuan ng hita ni Jacob anupat nalinsad ito. Ang ulat na isinulat ni Moises nang maglaon ay nagsasabi: “Iyan ang dahilan kung bakit ang mga anak ni Israel ay hindi nasanay na kumain ng litid ng ugat ng hita, na nasa hugpungan ng kasukasuan ng hita, hanggang sa araw na ito [ni Moises], sapagkat hinipo niya ang hugpungan ng kasukasuan ng hita ni Jacob sa litid ng ugat ng hita.” (Gen 32:32) Maraming Judio ang sumusunod pa rin sa kaugaliang ito, anupat inaalis nila ang sciatic nerve pati na ang mga arterya at mga litid ng hayop bago ito kainin. Ang tuntuning ito ay itinuturing ng ilang Judiong komentarista na isang paalaala hinggil sa paglalaan ng Diyos sa Israel gaya ng ipinaghahalimbawa ng karanasan ng patriyarkang si Jacob, na ama ng 12 tribo.
Makasagisag na Paggamit. Sa makasagisag na diwa, ang mga Israelita ay sinasabing may leeg na parang “litid na bakal,” nangangahulugang sila ay mapagmatigas, sutil, at matigas ang leeg. (Isa 48:4; ihambing ang Exo 32:9.) Ang espirituwal na pagpapanauli ng Diyos sa kaniyang bayan ay inilarawan ng pagsasama-sama ng mga buto at ng paglalagay sa mga ito ng laman at mga litid.—Eze 37:6-8.
Noong magbabala si Pablo laban sa “pakunwaring kapakumbabaan” ng isa na nag-aangking Kristiyano, sinabi niya: “Hindi siya mahigpit na nanghahawakan sa ulo, sa isa na mula sa kaniya ang buong katawan, na pinaglalaanan at magkakasuwatong pinagbubuklod sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid [syn·deʹsmon] nito, ay patuloy na lumalaki sa paglaki na ibinibigay ng Diyos.” (Col 2:18, 19) Dito, ang pinahirang kongregasyong Kristiyano ay inihahalintulad sa isang katawan na may ulo. Ang pagtutulungan ng mga sangkap, o mga miyembro, sa isa’t isa ay ipinakikita ng pananalita na ito ay “magkakasuwatong pinagbubuklod sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid nito,” sa gayon ay ginagamit ni Pablo ang “mga litid” bilang metapora may kaugnayan sa espirituwal na katawan ni Kristo, na ang ulo nito ay si Jesus. Bilang ulo, pinaglalaanan ni Jesus ang mga sangkap ng katawan ng mga bagay na kinakailangan nila sa pamamagitan ng “mga kasukasuan at mga litid,” ang mga paraan at mga kaayusan sa paglalaan ng espirituwal na pagkain, gayundin ng komunikasyon at koordinasyon. (Ihambing ang 1Co 12:12-30; Ju 15:4-10.) Sa literal na katawan ng tao, ang bawat sangkap ay may bahaging ginagampanan upang maging maayos ang paggana at paglaki nito, kapuwa sa pagtanggap ng pagkain at direksiyon at sa paghahatid ng mga iyon sa iba pang mga sangkap ng katawan. Ganito rin ang mga kalagayan sa kongregasyong katawan ni Kristo.