Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 5/1 p. 8-13
  • Umawit ng mga Papuri kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Umawit ng mga Papuri kay Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Paraan na Ating Mapupuri si Jehova
  • Pag-awit ng mga Papuri kay Jehova Noong mga Panahon ng Bibliya
  • Pag-awit ng mga Papuri​—Isang Mahalagang Bahagi ng Ating Pagsamba
  • Magpakita ng Pagpapahalaga sa Kabutihan ni Jehova sa Pamamagitan ng Pag-awit
  • Umawit Nang Masaya!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • Ang Halaga ng Pag-awit sa Tunay na Pagsamba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Pagpuri kay Jehova sa Pamamagitan ng Awit
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1991
  • Ang Dako ng Musika sa Makabagong Pagsamba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 5/1 p. 8-13

Umawit ng mga Papuri kay Jehova

“Ako’y aawit kay Jehova, sapagkat siya’y naging lubhang dakila.”​—EXODO 15:1.

1. Anong mga kakayahan at mga katangian ni Jehova ang nagbibigay sa atin ng dahilan upang purihin siya?

LABING-TATLONG ulit na nagbibigay ang Awit 150 ng utos na purihin si Jehova o si Jah. Ang huling talata ay nagpapahayag: “Lahat ng bagay na humihinga​—hayaang purihin nito si Jah. Purihin ninyo si Jah, ninyong mga tao!” Bilang mga Saksi ni Jehova, batid natin na si Jehova ay karapat-dapat sa ating pagpuri. Siya ang Pansansinukob na Soberano, ang Kataas-taasan, ang Haring walang-hanggan, ang ating Maylikha, ang ating Tagapagpala. Siya ay walang-kasukat, pambihira, walang-katulad, walang-kapantay sa maraming paraan. Siya ay walang-hanggan sa kaalaman, walang-hanggan sa kapangyarihan, sakdal sa katarungan, at pinakauliran ng pag-ibig. Siya higit sa lahat ay mabuti; siya ay tapat. (Lucas 18:19; Apocalipsis 15:3, 4) Siya ba’y karapat-dapat sa ating pagpuri? Tunay na siya’y karapat-dapat!

2. Anong mga dahilan mayroon tayo sa pagpapasalamat kay Jehova?

2 Si Jehova ay karapat-dapat hindi lamang sa ating pagsamba at pagpuri kundi pati na sa ating pagkilala ng utang na loob at pasasalamat para sa lahat ng kaniyang ginawa para sa atin. Siya ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na regalo.” (Santiago 1:17) Siya ang Bukal, ang Pinagmumulan, ng lahat ng buhay. (Awit 36:9) Lahat ng bagay na tinatamasa natin bilang mga miyembro ng lahi ng sangkatauhan ay nagmumula sa kaniya, sapagkat siya ang ating Dakilang Maylikha. (Isaias 42:5) Siya rin ang Tagapagbigay ng lahat ng espirituwal na pagpapala na dumarating sa atin sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, ng kaniyang organisasyon, at ng kaniyang Salita. Tayo’y nagkakamit ng kapatawaran ng kasalanan salig sa paglalaan niya ng kaniyang Anak bilang ating pantubos. (Juan 3:16) Taglay natin ang pag-asa ng ‘mga bagong langit at isang bagong lupa na tatahanan ng katuwiran’ sa ilalim ng Kaharian. (2 Pedro 3:13) Tayo’y may mainam na pakikipagsamahan sa mga kapuwa Kristiyano. (Roma 1:11, 12) Taglay natin ang karangalan at mga pagpapala ng pagiging kaniyang mga Saksi. (Isaias 43:10-12) At taglay natin ang mahalagang pribilehiyo ng panalangin. (Mateo 6:9-13) Tunay, tayo’y maraming dahilan upang pasalamatan si Jehova!

Mga Paraan na Ating Mapupuri si Jehova

3. Sa anong sari-saring paraan mapupuri natin si Jehova at maipakikilala ang ating pagtanaw ng utang-na-loob sa kaniya?

3 Bilang tapat ng mga lingkod ni Jehova, papaano natin siya mapupuri at maipahahayag ang ating pagkilala ng utang na loob? Magagawa natin iyan sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano​—pagpapatotoo sa bahay-bahay, pagdalaw-muli, pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya, at pagpapatotoo sa lansangan. Mapupuri rin natin siya sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo kailanma’t may pagkakataon. At muli, mapupuri natin si Jehova sa pamamagitan ng ating matuwid na paggawi, maging sa pamamagitan ng ating masinop at mahinhing paraan ng pananamit at pag-aayos. Malimit na pinupuri ang mga Saksi ni Jehova dahil sa pagiging uliran sa mga bagay na ito. Higit diyan, mapupuri natin si Jehova at mapasasalamatan siya sa pamamagitan ng panalangin.​—Tingnan ang 1 Cronica 29:10-13.

4. Ano ang isa sa pinakamagagandang paraan na ating mapupuri ang ating maibiging Ama sa langit?

4 Bukod dito, isa sa pinakamagagandang paraan na ating mapupuri ang ating maibiging Ama sa langit ay ang pakapurihin siya at ang kaniyang mga kagalingan sa pamamagitan ng nakabibighaning mga awiting pang-Kaharian. Maraming manunugtog at mga kompositor ang sumasang-ayon na ang pinakamagandang instrumento sa musika ay ang tinig ng tao. Ang mga maestro ng musikang klasikal ay nagmimithing sumulat ng mga opera sapagkat may malaking kasiyahan sa pakikinig sa tinig ng tao na umaawit.

5. Sa anong mga dahilan kung kaya dapat nating dibdibin ang ating pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian?

5 Tiyak na nasiyahan si Jehova ng pakikinig sa pag-awit ng mga tao, lalo na pagka sila’y nagsisiawit ng mga awit ng papuri at pasasalamat! Tiyak kung gayon, dapat nating dibdibin ang ating pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian sa ating sari-saring pagtitipon​—mga pulong sa kongregasyon, mga pansirkitong asamblea, sa mga araw ng espesyal na asamblea, pandistritong mga kombensiyon, at internasyonal na mga kombensiyon. Sa ating aklat-awitan ay maraming tunay na magagandang himig, na ang kagandahan ay malimit na pinupuri ng mga tagalabas. Habang wiling-wili tayo ng pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian, lalo nang nadudulutan natin ng kaluguran ang iba at tayo’y nakikinabang.

Pag-awit ng mga Papuri kay Jehova Noong mga Panahon ng Bibliya

6. Papaano nagpasalamat ang Israel dahil sa kanilang pagkaligtas sa Pulang Dagat?

6 Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi sa atin na si Moises at ang iba pa sa mga Israelita ay umawit nang matagumpay matapos na sila’y iligtas buhat sa hukbo ni Faraon sa Pulang Dagat. Nagsimula ang kanilang awit sa mga pananalitang: “Ako’y aawit kay Jehova, sapagkat siya’y naging lubhang dakila. Ang kabayo at ang sakay niyaon ay kaniyang ibinulusok sa dagat. Si Jah ay aking lakas at aking kapangyarihan, sapagkat siya’y nagsilbing aking kaligtasan. Ito ang aking Diyos, at siya’y aking pupurihin.” (Exodo 15:1, 2) Maguguni-guni natin ang kasiglahan at kagalakan ng mga Israelita samantalang inaawit nila ang mga salitang iyon pagkatapos ng kanilang kahima-himalang pagkaligtas!

7. Ano pang ibang mahahalagang pangyayari ang iniuulat ng Kasulatang Hebreo tungkol sa pagpuri kay Jehova ng mga Israelita sa isang awit?

7 Sa 1 Cronica 16:1, 4-36, mababasa natin na si Jehova ay pinuri sa pamamagitan ng pag-awit at ng pagtugtog ng mga instrumento sa musika nang ang Kaban ay dalhin ni David sa Jerusalem. Tunay na iyan ay isang masayang okasyon. Nagkaroon din ng pag-awit ng papuri kay Jehova na sinaliwan ng musika nang panahon na ialay ni Haring Solomon ang templo sa Jerusalem. Mababasa natin sa 2 Cronica 5:13, 14: “Nangyari nga na nang ang mga trumpetero at mga mang-aawit ay magkakatugma-tugma upang magpatunog ng isang tunog na maririnig sa pagpuri at pasasalamat kay Jehova, at nang kanilang itaas ang kanilang tinig na katugma ng mga trumpeta at ng mga simbalo at mga instrumento ng awit at magsipuri kay Jehova, ‘sapagkat siya’y mabuti, sapagkat ang kaniyang maibiging-kabaitan ay hanggang sa panahong walang takda,’ nang magkagayon ang bahay ay napuno ng ulap, ang mismong bahay ni Jehova, at ang mga saserdote ay hindi makatayo upang mangasiwa dahilan sa ulap; sapagkat napuno ng kaluwalhatian ni Jehova ang bahay ng tunay na Diyos.” Ano ba ang ipinakikita niyan? Na si Jehova ay nakikinig sa nakabibighaning pagpuring ito at ikinagagalak din iyon, gaya ng ipinakikita ng di-pangkaraniwang ulap. Nang bandang huli, nag-awitan ang dalawang pangkat ng mga mang-aawit nang panahon na pasinayaan ang mga pader ng Jerusalem noong mga kaarawan ni Nehemias.​—Nehemias 12:27-42.

8. Ano ang nagpapakita na ang pag-awit ay dinibdib ng mga Israelita?

8 Sa katunayan, ang pag-awit ay gayon na lamang kahalaga bilang bahagi ng pagsamba sa templo kung kaya ibinukod ang 4,000 Levita para sa pagtugtog. (1 Cronica 23:4, 5) Ang mga ito ay sasaliw sa mga mang-aawit. Ang musika, lalo na ang mga mang-aawit, ay may mahalagang dako sa pagsamba, hindi upang magkintal ng mas mabibigat na mga bagay ng Batas, kundi upang magdulot ng tamang espiritu para sa pagsamba. Tumulong iyon sa mga Israelita upang sumamba kay Jehova sa isang determinadong paraan. Pansinin ang paghahanda at pansin hanggang sa detalye na iniukol sa bahaging ito: “Ang bilang nila pati ng kanilang mga kapatid na tinuruan sa pag-awit kay Jehova, pawang mga bihasa, ay dalawang daan at walumpu’t walo.” (1 Cronica 25:7) Pansinin kung gaano nila dinibdib ang pag-awit ng mga papuri kay Jehova. Sila’y sinanay sa pag-awit at mga bihasa!

9. Anong pagdiriin ang ibinigay sa pag-awit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan?

9 Noong unang siglo ng ating karaniwang panahon, ano ang makikita natin? Si Jesus, nang gabi ng pagkakanulo sa kaniya, bagaman maraming mahahalagang bagay ang nasa isip niya, ay nakadama pa rin ng pangangailangan na ang kaniyang pagdiriwang ng Paskuwa at ang pagtatatag ng Memoryal ng kaniyang kamatayan ay wakasan sa pamamagitan ng pag-awit ng mga papuri kay Jehova. (Mateo 26:30) Gayundin, mababasa natin na “nang mga kalagitnaan na ng gabi,” sina Pablo at Silas, pagkatapos na sila’y gulpihin at ibilanggo, “ay nananalangin at pinupuri ang Diyos sa pamamagitan ng awit; oo, naririnig sila ng mga bilanggo.”​—Gawa 16:25.

Pag-awit ng mga Papuri​—Isang Mahalagang Bahagi ng Ating Pagsamba

10. Anong mga utos ang ibinibigay sa atin ng Salita ng Diyos kung tungkol sa pagpuri sa kaniya sa isang awit?

10 Inaakala mo ba na ang pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian ay hindi gayong kahalaga upang bigyan mo ito ng iyong taos-pusong pansin? Kung gayon, hindi ba dapat mong suriing muli ang bagay na iyan, dahilan sa kahalagahang ibinibigay ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo sa pag-awit ng mga papuri? Aba, ang Salita ng Diyos ay punô ng mga utos na purihin si Jehova at umawit ng mga papuri sa kaniya! Halimbawa, sa Isaias 42:10, mababasa natin: “Magsiawit kayo kay Jehova ng isang bagong awit, at ng kapurihan niya mula sa wakas ng lupa, kayong mga lalaki na nagsisibaba sa dagat at ang buong nariyan, kayong mga kapuluan at kayong mga nananahan sa mga iyan.”​—Tingnan din ang Awit 96:1; 98:1.

11. Anong paalaala ang ibinigay ni apostol Pablo kung tungkol sa pag-awit?

11 Batid ni apostol Pablo na ang pag-awit ay magpapasaya sa atin, kaya tayo’y pinaalalahanan niya nang makalawa sa bagay na ito. Mababasa natin sa Efeso 5:18, 19: “Patuloy kayong mapuspos ng espiritu, na nagsasalita sa inyong mga sarili ng mga salmo at mga papuri sa Diyos at espirituwal na mga awit, na umaawit at sinasaliwan ang inyong mga sarili ng musika sa inyong mga puso kay Jehova.” At sa Colosas 3:16, mababasa natin: “Hayaang ang salita ng Kristo ay manahan sa inyo nang sagana sa buong karunungan. Patuloy na magturo at magpaalalahanan sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo, mga papuri sa Diyos, mga espirituwal na awit na may kagandahang-loob, na umaawit sa inyong mga puso kay Jehova.”

12. Anong mga halimbawa mayroon tayo ng ating mga awitin na tumutulong sa atin na magturo at magpaalalahanan sa isa’t isa?

12 Pansinin na sa bawat pagkakataon ay paulit-ulit na tinutukoy ni Pablo ang pag-awit, nang kaniyang banggitin ang ‘mga salmo, mga papuri sa Diyos, mga espirituwal na awit, umaawit taglay ang musika sa inyong mga puso.’ Gayundin, ang kaniyang paunang-salita sa mga taga-Colosas ay na sa pamamagitan nito tayo ay maaaring “magturo at magpaalalahanan sa isa’t isa.” At iyan ay talagang ginagawa natin, gaya ng makikita sa mismong titulo ng ating mga awit​—“Sangnilalang, Purihin si Jehova!” (numero 5), “Maging Matatag, Di-Natitinag!” (numero 10), “Magalak sa Pag-asa ng Kaharian!” (numero 16), “Huwag Matakot sa Kanila!” (numero 27), “Purihin si Jehovang Ating Diyos!” (numero 100), bilang ilan lamang sa mga halimbawa.

13. Papaano ipinakita ng ‘tapat at maingat na alipin’ ang kahalagahan ng pag-awit bilang bahagi ng ating pagsamba?

13 Kasuwato ng mga utos na ito, “ang tapat at maingat na alipin” ay nagsaayos na ang ating mga pagtitipon​—mga pulong ng kongregasyon, pansirkitong mga asamblea, mga araw ng pantanging asamblea, pandistritong mga kombensiyon, at internasyonal na mga kombensiyon​—ay pasimulan at tapusin sa pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian. (Mateo 24:45) Bukod dito, ang mga awit ay nakatakdang awitin sa iba pang mga panahon sa mga pagtitipong ito. Yamang ang ating mga pulong ay karaniwan nang pinasisimulan sa pag-awit ng isang awiting pang-Kaharian, hindi ba dapat na pagsikapan nating dumating sa oras, maaga upang makasali sa bahaging iyan ng ating pagsamba? At yamang ang mga pulong ay sinasarhan sa pamamagitan ng pag-awit, hindi ba dapat na tayo’y manatili hanggang sa pansarang awit at panalangin na isinusunod karaka-raka?

14. Tayo’y mayroon ng anong mga halimbawa ng pagpili ng angkop na mga awitin para sa ating mga programa?

14 Ang mga awit sa ating mga pulong ay maingat na pinili upang makasuwato ng programa. Halimbawa, sa “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong mga Kombensiyon noong 1993, ang awit numero 191, “Dibdibin Ninyo ang Katotohanan,” na humihimok sa mga Kristiyano na makipagbaka kay Satanas, sa sanlibutan, at sa makasalanang laman, ang karaka-raka’y kasunod ng tatlong pahayag na may kinalaman sa mga kaaway na ito. Gayundin, ang awit numero 164, “Mga Anak​—Mamahaling Kaloob Mula sa Diyos,” na sagana sa paalaala sa mga magulang, ang kasunod karaka-raka pagkatapos ng isang pahayag na nagtatampok sa mga obligasyon ng mga magulang na sanayin ang kanilang mga anak. Ang awit numero 70, “Tumulad kay Jeremias,” ay nauuna sa isang serye ng mga pahayag na salig sa mga hula ni Jeremias. At pagkatapos ng isang simposyum sa sari-saring pitak ng ating ministeryo sa Kaharian ay sumunod naman ang awit numero 156, “Ibig Ko,” isang awit na nakatutok sa paglilingkod. Nakakatulad na pag-iingat ang ginagamit sa pagpili ng mga awit para sa Pag-aaral ng Bantayan, Pulong sa Paglilingkod, at sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Kaya kung ang matatanda ay nagpapahayag sa madla at binabanggit ang awit na gagamitin sa pagbubukas ng programa, sila’y dapat pumili ng isang awit na angkop sa tema ng kanilang pahayag.

15. Papaano mapalalaki ng chairman sa pulong ang pagpapahalaga sa awit na gagamitin?

15 Sa pagbanggit sa awit na gagamitin, maaaring mapalaki ng chairman ang pagpapahalaga sa awit sa pamamagitan ng pagbanggit ng pamagat o tema niyaon. Tayo’y hindi umaawit ng mga numero kundi ng mga temang maka-Kasulatan. Gayundin, makatutulong sa kongregasyon na higit pang pahalagahan ang awit kung ang talatang ibinigay sa ilalim ng pamagat ay babanggitin. Kung gayon, marahil ay angkop namang bumanggit ng ilang bagay, gaya ng dapat ay madama ng lahat ang diwa na ipinahihiwatig ng awit.

Magpakita ng Pagpapahalaga sa Kabutihan ni Jehova sa Pamamagitan ng Pag-awit

16. Papaano natin madarama ang diwa ng ating mga awitin?

16 Yamang ang liriko ng ating mga awiting pang-kaharian ay punô ng kahulugan, kailangang nakapako ang isip natin sa mga salita habang tayo’y umaawit. Ibig nating madama ang diwa ng bawat awit. Ang ilan, tulad niyaong mga tungkol sa pag-ibig, na isang bunga ng espiritu, ay taos-puso. (Galacia 5:22) Ang mga ito ay ating inaawit na may tindi at init. Ang iba ay masasaya, at dapat sikapin na awitin natin ang mga iyon nang masaya. Ang iba namang awitin ay nangangailangan ng puwersa na may himig ng pagmamartsa, at ang mga ito ay dapat awitin nang may kasiglahan at matatag na pagtitiwala. Sa ating Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, tayo ay pinapayuhan na magpahayag ng init at damdamin gayundin ng kasiglahan sa ating mga presentasyon. Ang pagpapakita ng init, damdamin, at kasiglahan pagka umaawit ng ating mga awitin ay lalong mahalaga.

17. (a) Anong pagpuna ang ginawa sa di-tapat na mga Israelita na hindi natin ibig na mangyari sa ating pag-awit? (b) Ano ang mga resulta pagka diniribdib natin ang paalalang nasa ating mga awitin?

17 Kung aawitin natin ang ating mga awiting pang-Kaharian nang ang ating isip ay nasa ibang mga bagay, na hindi lubusang pinahahalagahan ang kahulugan ng mga salita, hindi ba tayo ay magiging halos kaparis na rin ng di-tapat na mga Israelita na pinuna dahil, samantalang pinupuri nila ang Diyos ng kanilang mga labi, ang kanilang puso ay malayung-malayo naman sa kaniya? (Mateo 15:8) Hindi natin ibig na punahin tayo dahil sa ating paraan ng pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian, hindi ba? Sa pamamagitan ng pag-awit na nagpapakita ng pagpapahalaga sa ating mga awiting pang-kaharian, pasisiglahin natin hindi lamang ang ating sarili kundi pati ang mga naroroon na nakaupong malapit sa atin sa Kingdom Hall, kasali na ang mga kabataan. Oo, kung dinidibdib ng lahat ng umaawit sa ating mga Kingdom Hall ang mga paalaala mula sa mga awiting ito, magiging isang mabisang pagpapatibay-loob ito upang maging masigasig sa ministeryo at maiwasan ang mga silo ng pagkakasala.

18. Ano ang naging epekto sa isang babae ng pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian?

18 Paulit-ulit, ang mga tagalabas ay humahanga sa ating pag-awit ng mga awiting pang-kaharian. Ang Bantayan ay minsan naglathala ng ganito: “Na ang [ating] pag-awit ay maaari ring magsilbing paraan upang ang mga tao ay magkaroon ng kaalaman sa Diyos na Jehova ay ipinakita ng isang karanasan ng isang babae na nabautismuhan noong 1973 ‘Banal na Tagumpay’ na Asamblea, sa Yankee Stadium, lunsod ng New York. Siya’y unang dumalaw sa lokal na Kingdom Hall nang siya lamang mag-isa at dumalo sa dalawang pulong. Habang umaawit ang kongregasyon ng . . . ‘Ipako ang Tingin sa Gantimpala!,’ siya’y totoong humanga sa kapuwa mga salita at sa paraan ng pagkaawit ng mga ito kung kaya ipinasiya niyang dito niya nais mapabilang. Pagkatapos ay lumapit siya sa isa sa mga Saksi at humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya, at [siya’y] patuloy na sumulong hanggang sa maging isang Kristiyanong saksi ni Jehova.”

19. Anong panghuling pampatibay-loob ang ibinibigay tungkol sa ating buong-pusong pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian?

19 Sa karamihan ng ating mga pulong, kakaunti lamang ang mga pagkakataon upang maipahayag ng mga tagapakinig ang kanilang damdamin at pagpapahalaga. Subalit lahat tayo ay makapagpapahayag ng ating nadarama tungkol sa kabutihan ni Jehova sa pamamagitan ng buong-pusong pagsali sa pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian. Bukod dito, pagka tayo’y nagsasama-sama, hindi ba katuwaan ang sumasaatin? Kaya dapat tayong makadama na gusto nating umawit! (Santiago 5:13) Oo, kung pinahahalagahan natin ang kabutihan ni Jehova at ang kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, tayo’y aawit nang buong-kaluluwa ng mga papuri sa kaniya.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Ano ang dalawang saligang mga dahilan sa pagpuri kay Jehova?

◻ Sa anong sari-saring paraan mapupuri natin si Jehova?

◻ Ano ang isa sa pinakamagagandang paraan na mapupuri natin si Jehova?

◻ Mayroon tayo ng anong maka-Kasulatang mga halimbawa ng pagpuri kay Jehova sa pag-awit?

◻ Papaano natin maipakikita ang nauukol na pagpapahalaga sa ating pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian?

[Kahon sa pahina 11]

Masiyahan sa mga Awiting Iyon!

Lumilitaw na ang ilan ay bahagyang nahihirapan sa pagkatuto ng ilan sa mga awitin. Gayunman, ang ilang kongregasyon ay hindi nagkaroon ng malaking suliranin sa pag-awit ng karamihan sa mga awiting ito. Baka kailangan lamang ang kaunti pang pagsisikap upang matutuhan ang sa una’y waring di-pamilyar. Minsang maging pamilyar na sa gayong mga awitin, kadalasan ay lalong pinahahalagahan ng kongregasyon ang mga iyon kaysa sa mga hindi nangangailangan ng pagsisikap upang matutuhan. Kung magkagayo’y lahat sa kongregasyon ay makakaawit ng mga ito nang may pagtitiwala. Oo, sila’y masisiyahan sa mga awiting iyon!

[Kahon sa pahina 12]

Umawit ng mga Awiting pang-Kaharian sa Sosyal na mga Pagtitipon

Ang pag-awit natin ng mga awiting pang-Kaharian ay hindi lamang doon ginagawa sa Kingdom Hall. Sina Pablo at Silas ay nagsiawit ng mga papuri kay Jehova samantalang nasa bilangguan. (Gawa 16:25) At ang alagad na si Santiago ay nagsabi: “Mayroon bang sinumang nagagalak? Umawit siya ng mga papuri sa Diyos.” (Santiago 5:13, talababa) Sa sosyal na mga pagtitipon lahat ay may kagalakan. Kaya bakit hindi umawit ng mga awiting pang-Kaharian? Ito’y lalo nang nakalulugod kung ang pag-awit ay sinasaliwan ng piano o ng gitara. Kung hindi, nariyan ang mga piano tape ng ating mga awiting pang-Kaharian; maraming pamilyang Saksi ang may album ng mga tape na ito. Ang mga ito ay hindi lamang nagsisilbing mainam sa pagsaliw sa mga pag-aawitan kundi napakainam din bilang magandang background music.

[Larawan sa pahina 8, 9]

Pagkatapos ng kanilang pagkaligtas sa Pulang Dagat, ipinahayag ng Israel ang kanilang kagalakan sa isang awit

[Larawan sa pahina 10]

Ang may-kagalakang pag-awit ay isang bahagi ng Kristiyanong pagsamba sa ngayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share