Pangangaral ng Mabuting Balita Taglay ang Matibay na Pananalig
1 Maaga noong unang siglo, inatasan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian at “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mat. 24:14; 28:19, 20) Dinibdib ng mga Saksi ni Jehova ang tagubilin niyang ito, anupat sa katapusan ng ika-20 siglo, lumago ang bilang ng ating Kristiyanong pagkakapatiran sa mahigit na 5,900,000 mga alagad sa 234 na mga lupain. Kay laking sigaw ng papuri para sa ating makalangit na Ama!
2 Tayo ngayon ay nakapasok na sa ika-21 siglo. Ang ating Kaaway ay may katusuhang nagsisikap na hadlangan ang ating pangunahing gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad. Kaniyang ginagamit ang panggigipit ng sistemang ito ng mga bagay upang pagsikapang ilihis ang ating pansin, ubusin ang ating panahon, at sairin ang ating lakas sa pamamagitan ng maraming di-kinakailangang mga alalahanin at mga interes. Sa halip na pahintulutan ang sistemang ito na siyang magdikta kung ano ang mahalaga sa buhay, pinatutunayan natin sa ating sarili mula sa Salita ng Diyos kung ano ang mahalaga sa lahat—ang paggawa ng kalooban ni Jehova. (Roma 12:2) Ito’y nangangahulugan ng pagsunod sa maka-Kasulatang payo na ‘ipangaral ang salita sa kaayaaya at maligalig na kapanahunan at lubusang ganapin ang ating ministeryo.’—2 Tim. 4:2, 5.
3 Pasulungin ang Matibay na Pananalig: Kailangan ng mga Kristiyano na ‘makatayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.’ (Col. 4:12) Ang salitang “pananalig” ay binigyan ng katuturan bilang “isang matibay na paniniwala o paninindigan; ang kalagayan ng pagiging nakumbinsi.” Bilang mga Kristiyano tayo ay dapat na makumbinsi na ang makahulang salita ng Diyos ay tiyak at na tayo ngayon ay nasa dulo na ng panahon ng kawakasan. Tayo’y kailangang magkaroon ng paniniwala na kasinlakas ng kay apostol Pablo, na nagsabi na ang mabuting balitang “ito, sa katunayan, ang kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas sa bawat isa na may pananampalataya.”—Roma 1:16.
4 Ginagamit ng Diyablo ang balakyot na mga tao at mga impostor, na sa ganang sarili ay nailigaw, upang maimpluwensiyahan at mailigaw ang iba. (2 Tim. 3:13) Dahil sa patiunang nababalaan hinggil dito, tayo’y gumagawa ng mga hakbangin upang palakasin ang ating pananalig na nasa atin ang katotohanan. Sa halip na hayaan ang mga kabalisahan ng buhay na magpalamig sa ating sigasig, ating patuloy na inuuna ang mga kapakanan ng Kaharian. (Mat. 6:33, 34) Ni gusto nating mawala sa isipan ang pagkaapurahan ng panahon, anupat makadamang ang katapusan ng sistemang ito ay malayo pa. Ito’y papalapit nang higit kailanman. (1 Ped. 4:7) Bagaman maaaring madama natin na may kaunting epekto lamang ang pagpapalaganap ng mabuting balita sa ilang lupain dahil sa patotoong naibigay na, ang gawaing pagbababala ay dapat na magpatuloy.—Ezek. 33:7-9.
5 Ang pinakasusing mga tanong sa huling panahong ito ay: ‘Dinidibdib ko ba ang atas ni Jesus na gumawa ng mga alagad? Kapag ako ay nangangaral ng mabuting balita, ipinamamalas ko ba ang matibay na pananalig na tunay ang Kaharian? Ako ba ay determinado na magkaroon ng pinakamalaking bahagi hangga’t maaari sa nagliligtas-buhay na ministeryong ito?’ Sa pagkaalam kung gaano kalawig na tayo sa panahon ng kawakasan, dapat tayong magbigay-pansin sa ating sarili at sa ating atas na pangangaral at pagtuturo. Sa paggawa nito ay ililigtas natin kapuwa ang ating sarili at yaong mga nakikinig sa atin. (1 Tim. 4:16) Paano nating lahat mapalalakas ang ating pananalig bilang mga ministro?
6 Tularan ang mga Taga-Tesalonica: Si apostol Pablo, sa paggunita sa pagpapagal ng mga kapatid sa Tesalonica, ay nagsabi sa kanila: “Ang mabuting balita na aming ipinangangaral ay hindi nasumpungan sa gitna ninyo sa pamamagitan ng pananalita lamang kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan din at sa pamamagitan ng banal na espiritu at matibay na pananalig, gaya ng nalalaman ninyo kung naging anong uri kami ng mga tao sa inyo ukol sa inyong mga kapakanan; at kayo ay naging mga tagatulad namin at ng Panginoon, yamang tinanggap ninyo ang salita sa ilalim ng labis na kapighatian na may kagalakan sa banal na espiritu.” (1 Tes. 1:5, 6) Oo, pinapurihan ni Pablo ang kongregasyon ng mga taga-Tesalonica sapagkat sa kabila ng maraming kapighatian sila’y nangaral nang masigasig at may matibay na pananalig. Ano ang nagpangyari upang kanilang maisagawa ito? Sa kalakhang bahagi, ang sigasig at pananalig na kanilang nakita kay apostol Pablo at sa kaniyang mga kamanggagawa ay nagkaroon ng positibong epekto sa kanila. Paano?
7 Ang mismong buhay ni Pablo at ng kaniyang mga kasama sa paglalakbay ay nagpapatunay na sila’y may espiritu ng Diyos at na sila’y buong pusong naniniwala sa kanilang ipinangangaral. Bago magtungo sa Tesalonica, sina Pablo at Silas ay walang pakundangang pinakitunguhan sa Filipos. Kahit walang paglilitis, sila’y pinalo, ibinilanggo, at inilagay sa mga pangawan. Gayunman, ang mahirap na karanasang ito ay hindi nagpalamig sa kanilang sigasig para sa mabuting balita. Ang pakikialam ng Diyos ang naging dahilan ng kanilang paglaya, na umakay sa pagkakumberte sa tagapagbilanggo at sa kaniyang sambahayan, at nagpangyaring maipagpatuloy ng mga kapatid na ito ang kanilang ministeryo.—Gawa 16:19-34.
8 Sa pamamagitan ng lakas ng espiritu ng Diyos, si Pablo ay sumapit sa Tesalonica. Doon siya ay nagtrabaho upang humanap ng kaniyang mga pangangailangan sa buhay at pagkatapos ay gamitin nang lubusan ang kaniyang sarili sa pagtuturo ng katotohanan sa mga taga-Tesalonica. Hindi niya ipinagkait ang paghahayag ng mabuting balita sa bawat pagkakataon. (1 Tes. 2:9) Ang pangangaral ni Pablo taglay ang matibay na pananalig ay nagkaroon ng gayong katinding epekto sa lokal na mamamayan anupat iniwan ng ilan ang kanilang dating pagsamba sa mga idolo at naging mga lingkod ng tunay na Diyos, si Jehova.—1 Tes. 1:8-10.
9 Hindi nahadlangan ng pag-uusig ang bagong mga mananampalataya sa pangangaral ng mabuting balita. Udyok ng kanilang bagong nasumpungang pananampalataya at pagiging lubos na kumbinsido na ang walang-hanggang mga pagpapala ay mapapasa kanila, ang mga taga-Tesalonica ay naudyukang magpahayag ng katotohanan na kanilang niyakap nang buong sigla. Naging napakaaktibo ng kongregasyon anupat ang balita tungkol sa kanilang pananampalataya at sigasig ay kumalat sa iba pang bahagi ng Macedonia at maging hanggang sa Acaya. Kaya, nang isulat ni Pablo ang kaniyang unang liham sa mga taga-Tesalonica, ang kanilang mabubuting gawa ay bantog na. (1 Tes. 1:7) Tunay na namumukod-tanging halimbawa!
10 Nauudyukan ng Pag-ibig sa Diyos at sa mga Tao: Paano natin mapananatili, tulad ng mga taga-Tesalonica, ang matibay na personal na pananalig kapag nangangaral ng mabuting balita sa ngayon? Tungkol sa kanila, si Pablo ay sumulat: ‘Walang-lubay na tinataglay namin sa isipan ang inyong tapat na gawa at ang inyong pagpapagal dahil sa pag-ibig.’ (1 Tes. 1:3, talababa sa Ingles) Maliwanag na sila’y nagtaglay ng taimtim, taos-pusong pag-ibig sa Diyos na Jehova at sa mga tao na kanilang pinangaralan. Gayon ding pag-ibig ang nag-udyok kay Pablo at sa kaniyang mga kasama na ibahagi sa mga taga-Tesalonica “hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang [kanilang] sariling mga kaluluwa.”—1 Tes. 2:8.
11 Gayundin, ang ating taimtim na pag-ibig kay Jehova at sa ating kapuwa tao ang nagpapakilos sa atin na magnais na lubusang makibahagi sa gawaing pangangaral na ibinigay ng Diyos upang isagawa natin. Taglay ang gayong pag-ibig, ating kinikilala na ating personal at bigay-Diyos na pananagutan na palaganapin ang mabuting balita. Sa pamamagitan ng positibo at may pagpapahalagang pagbubulay-bulay sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa atin upang akayin tayo tungo sa “tunay na buhay,” nauudyukan tayo na sabihin sa iba ang gayon ding kamangha-manghang mga katotohanan na ating pinaniniwalaan nang buong puso.—1 Tim. 6:19.
12 Habang tayo’y nananatiling abala sa gawaing pangangaral, ang ating pag-ibig kay Jehova at sa mga tao ay dapat na patuloy na lumalago. Kung magkagayon, tayo’y mapasisiglang pag-ibayuhin pa ang ating bahagi sa ministeryo sa bahay-bahay at itaguyod ang lahat ng iba pang anyo ng pagpapatotoo na bukas para sa atin. Ating sasamantalahin ang mga pagkakataong magpatotoo ng di-pormal sa mga kamag-anak, mga kapitbahay, at mga kakilala. Bagaman maaaring tumanggi ang karamihan ng tao sa mabuting balita na ating iniaalok at ang ilan ay magsisikap na humadlang sa paghahayag ng Kaharian, tayo ay nakararanas ng panloob na kagalakan. Bakit? Sapagkat alam natin na ating ginawa ang ating makakaya upang magpatotoo hinggil sa Kaharian at tumulong sa mga tao na magtamo ng kaligtasan. At pagpapalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap na makasumpong ng matuwid-pusong mga tao. Kahit dumatal sa atin ang mga panggigipit sa buhay at pagsikapan ni Satanas na alisin ang ating kagalakan, mapananatili pa rin natin ang ating matibay na pananalig at ang ating sigasig sa pagpapatotoo sa iba. Kapag ginawa nating lahat ang ating bahagi, ito’y magdudulot ng matitibay, masisigasig na kongregasyon kagaya ng nasa Tesalonica.
13 Huwag Susuko sa Ilalim ng Pagsubok: Ang pananalig ay kailangan din kapag tayo’y napapaharap sa iba’t ibang pagsubok. (1 Ped. 1:6, 7) Niliwanag ni Jesus sa kaniyang mga alagad na kung sila’y susunod sa kaniya, sila’y magiging “mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa.” (Mat. 24:9) Naranasan ito nina Pablo at Silas nang sila’y nasa Filipos. Ang ulat sa Gawa kabanata 16 ay nagsasabi na sina Pablo at Silas ay itinapon sa loobang bilangguan at inilagay sa mga pangawan. Sa pangkalahatan, ang prinsipal na bilangguan ay isang uri ng gusali o bulwagan na may mga selda sa palibot na may bentaha para sa liwanag at hangin. Gayunman, ang loobang bilangguan ay walang liwanag at limitado sa bentilasyon. Sina Pablo at Silas ay kailangang magtiis sa dilim, init, at alingasaw ng miserableng kulungang ito. Maguguni-guni ba ninyo ang kirot na kanilang naranasan dahil sa matagal na pagkakalagay sa mga pangawan na ang kanilang likod ay may mga sugat at nagdurugo dahil sa palo?
14 Sa kabila ng mga pagsubok na ito, sina Pablo at Silas ay nanatiling tapat. Sila’y nagpamalas ng taos-pusong pananalig, na nagpalakas sa kanila upang maglingkod kay Jehova sa kabila ng pagsubok. Ang kanilang pananalig ay itinampok sa talatang 25 ng Gaw kabanata 16, kung saan ito’y nagsasabi na sina Pablo at Silas ay “nananalangin at pinupuri ang Diyos sa pamamagitan ng awit.” Sa katunayan, bagaman sila’y nasa loobang bilangguan, sila’y nakatitiyak ng pagsang-ayon ng Diyos anupat sila’y umawit nang malakas upang marinig ng iba pang mga bilanggo! Dapat tayong magkaroon ng gayon ding pananalig sa ngayon kapag napapaharap sa mga pagsubok ang ating pananampalataya.
15 Marami ang mga pagsubok na ibinibigay sa atin ng Diyablo. Para sa ilan iyon ay maaaring pag-uusig mula sa pamilya. Marami sa ating mga kapatid ang napapaharap sa legal na mga suliranin. Maaaring masagupa natin ang pagsalansang mula sa mga apostata. Naririyan ang mga pasaning pinansiyal at ang kabalisahan kung paano pagkakasyahin ang kinikita. Ang mga kabataan ay napapaharap sa mga panggigipit ng mga kababata sa paaralan. Paano natin matagumpay na haharapin ang mga pagsubok na ito? Ano ang kailangan upang maipamalas ang pananalig?
16 Una at pinakapangunahin, kailangan nating mapanatili ang isang malapit na personal na kaugnayan kay Jehova. Nang sina Pablo at Silas ay nasa loobang bilangguan, hindi nila ginamit ang panahong iyon upang magreklamo sa kanilang kalagayan sa buhay o makadama ng kalungkutan sa ganang sarili. Karaka-raka silang bumaling sa Diyos sa panalangin at pinuri siya sa awit. Bakit? Sapagkat sila’y may malapit na personal na kaugnayan sa kanilang makalangit na Ama. Batid nilang sila’y nagdurusa alang-alang sa katuwiran at na ang kanilang kaligtasan ay nasa mga kamay ni Jehova.—Awit 3:8.
17 Kapag tayo’y napapaharap sa mga pagsubok ngayon, dapat din tayong umasa kay Jehova. Tayo’y pinasisigla ni Pablo bilang mga Kristiyano na ‘ipaalam ang ating mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa ating mga puso at sa ating mga kakayahang pangkaisipan.’ (Fil. 4:6, 7) Nakaaaliw nga na malaman na hindi tayo pababayaan ni Jehova na dumanas ng mga pagsubok nang nag-iisa! (Isa. 41:10) Siya’y laging kasama natin habang tayo’y naglilingkod sa kaniya na may tunay na pananalig.—Awit 46:7.
18 Ang isa pang mahalagang tulong sa pagpapamalas ng pananalig ay ang pananatiling abala sa paglilingkod kay Jehova. (1 Cor. 15:58) Sina Pablo at Silas ay ibinilanggo sapagkat sila’y naging abala sa pangangaral ng mabuting balita. Sila ba’y huminto ng pangangaral dahil sa mga pagsubok sa kanila? Hindi, sila’y nagpatuloy ng pangangaral kahit na nasa bilangguan, at pagkatapos na sila’y mapalaya, sila’y naglakbay sa Tesalonica at nagtungo sa sinagoga ng mga Judio upang ‘makipagkatuwiranan sa kanila mula sa Kasulatan.’ (Gawa 17:1-3) Kapag tayo’y may matibay na paniniwala o paninindigan kay Jehova at kumbinsido na taglay natin ang katotohanan, walang “makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.”—Roma 8:35-39.
19 Makabagong mga Halimbawa ng Matibay na Pananalig: Maraming namumukod-tanging halimbawa niyaong nasa ating kaarawan, kagaya nina Pablo at Silas, ang nagpamalas ng matibay na pananalig. Isang kapatid na babae na nakaligtas sa kampong piitan sa Auschwitz ang nagsaysay hinggil sa di-natitinag na pananampalataya at pananalig na ipinamalas doon ng mga kapatid na lalaki at babae. Siya’y nagsabi: “Minsan sa isang pagtatanong, isang opisyal ang lumapit sa akin na nakakuyom ang mga kamao. ‘Ano ang gagawin namin sa inyo?’ ang bulalas niya. ‘Kung arestuhin namin kayo, bale wala sa inyo. Kung ibilanggo namin kayo, hindi kayo nababahala. Kung ipadala namin kayo sa kampong piitan, hindi ninyo iniintindi. Kapag hinatulan namin kayo ng kamatayan, kayo’y basta nakatayo diyan na hindi nababalisa. Ano ang gagawin namin sa inyo?’ ” Kay laking pampatibay ng pananampalataya na makita ang pananampalataya ng ating mga kapatid sa gayong mahihirap na kalagayan! Sila’y patuloy na umaasa kay Jehova ukol sa tulong upang makapagbata.
20 Tunay na naaalaala natin ang pananalig ng marami sa ating mga kapatid sa harap ng etnikong pagkapoot na nahayag sa nakaraang mga taon. Kahit na nakikita nilang sila’y nasa mapanganib na mga kalagayan, hinangad ng responsableng mga kapatid na makitang ang kanilang mga kapatid na lalaki at babae ay napakakain sa espirituwal. Ang lahat ay patuloy na naging tapat taglay ang matibay na pananalig na ‘anumang sandata na anyuan laban sa kanila ay hindi magtatagumpay.’—Isa. 54:17.
21 Marami sa ating mga kapatid na lalaki at babae na may asawang di-kapananampalataya ang nagpapamalas din ng matibay na pananampalataya at pagbabata. Isang kapatid na lalaki sa Guadeloupe ang napaharap sa isang matinding pagsalansang mula sa kaniyang asawang di-kapananampalataya. Upang sirain ang kaniyang loob at hadlangan ang pagdalo niya sa Kristiyanong mga pagpupulong, hindi nito inihahanda ang kaniyang pagkain o nilalabhan, pinaplantsa, at sinusulsihan ang kaniyang mga damit. Sa mahabang panahon, hindi man lang ito nakikipag-usap sa kaniya. Subalit dahilan sa pagpapamalas ng taos-pusong pananalig sa paglilingkod kay Jehova at pagbaling sa kaniya sa panalangin ukol sa tulong, napagtiisan ng kapatid na ito ang lahat ng mga ito. Gaano katagal? Sa loob ng mga 20 taon—anupat pagkatapos ay unti-unting nagbago ang puso ng kaniyang asawang babae. Sa wakas, siya’y maaaring tunay na nagalak sapagkat tinanggap na rin nito ang pag-asa ng Kaharian ng Diyos.
22 Sa katapusan, hindi natin dapat kalimutan ang matibay na pananalig ng ating kabataang mga kapatid na lalaki at babae na nagsisipag-aral araw-araw at napapaharap sa panggigipit ng kanilang mga kababata at iba pang mga hamon. Hinggil sa panggigipit upang umayon sa paaralan, isang kabataang Saksing babae ang nagsabi: “Kapag ikaw ay nasa paaralan, ang lahat ay laging humihimok sa iyo na medyo maging mapaghimagsik. Lalo kang iginagalang ng mga bata kapag nag-uugali kang mapaghimagsik.” Ano ngang panggigipit ang napapaharap sa ating mga kabataan! Dapat nilang matatag na ipasiya sa isip at puso na labanan ang tukso.
23 Marami sa ating mga kabataan ang gumagawa ng mabuti upang mapanatili ang kanilang katapatan sa kabila ng mga pagsubok. Ang isang halimbawa ay tungkol sa isang kabataang sister na naninirahan sa Pransiya. Isang araw matapos ang pananghalian, sinikap siyang puwersahin ng ilang batang lalaki na halikan sila, subalit siya’y nanalangin at matatag na tumutol, anupat iniwan siya ng mga batang lalaki. Nang maglaon, isa sa kanila ang bumalik at nagsabi sa kaniya na siya’y humahanga sa kaniya dahil sa kaniyang tibay ng loob. Siya’y nakapagbigay sa kaniya ng isang mabuting patotoo hinggil sa Kaharian, na ipinaliliwanag ang matataas na pamantayan na itinakda ni Jehova para sa lahat ng nagnanais na makabahagi sa mga pagpapala nito. Sa panahon ng pasukan sa paaralan, naipaliwanag din niya ang kaniyang paniniwala sa buong klase.
24 Kay halaga ngang pribilehiyo na tayo’y makabilang sa mga kinalulugdang gamitin ni Jehova sa pagsasalita ng tungkol sa kaniyang kalooban taglay ang matibay na pananalig! (Col. 4:12) Karagdagan pa, tayo’y nagtataglay ng kamangha-manghang pagkakataon na patunayan ang ating katapatan kapag sinasalakay ng ating tulad-leong Kaaway, si Satanas na Diyablo. (1 Ped. 5:8, 9) Huwag kalilimutan na ginagamit ni Jehova ang mensahe ng Kaharian upang magdala ng kaligtasan kapuwa sa atin na nangangaral nito at sa mga nakikinig. Ang atin nawang mga kapasiyahan at ang ating pang-araw-araw na paraan ng pamumuhay ay magpatunay na ating inuuna ang Kaharian. Tayo’y magpatuloy sa pangangaral ng mabuting balita taglay ang matibay na pananalig!