Pagmamasid sa Kabila Pa ng Gawang-Taong “Kapayapaan at Katiwasayan”
Totoo naman, ang mga tao ay hindi kailanman makapagdadala ng tunay, na nananatiling kapayapaan. Bakit hindi? Sapagkat ang mga tao ay hindi siyang tunay na maninira ng kapayapaan, bagaman sila’y may bahagi sa kasalanan dahil sa kanilang tigmak-dugong kasaysayan. Ang tunay na maninira ng kapayapaan ay higit na makapangyarihan kaysa sa tao. Ito ay walang iba kundi si Satanas na Diyablo, na tinutukoy sa Bibliya bilang “dumaraya sa buong tinatahanang lupa.”—Apocalipsis 12:9.
ANG Bibliya ay nagsasabi: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng isang balakyot [si Satanas].” (1 Juan 5:19) Samakatuwid, upang magkaroon ng tunay na kapayapaan at walang-hanggang katiwasayan si Satanas ay kailangang alisin sa tanawin kasama na ang pansanlibutang pamamalakad na kaniyang itinayo at maliwanag na siya ang may kontrol. (Ihambing ang Isaias 48:22; Roma 16:20.) Hindi ito magagawa ng mga tao.
Kung gayon, papaano makakamit ang kapayapaan at katiwasayan? Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Isa na hindi mapapantayan ni Satanas ang lakas. Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay nagtakda ng panahon na kaniyang wawakasan ang ginagawa ni Satanas sa gitna ng mga tao. Pagdating ng panahong iyan, “ang biglang pagkapuksa” ay sasapit sa sanlibutan na nakalugmok sa kapangyarihan ni Satanas. (1 Tesalonica 5:3-7) Lahat ng ebidensiya ay nagpapakita na ang katuparan nito ay kaylapit-lapit na.
Kapayapaan at Katiwasayan Ngayon!
Subalit, kumusta naman ngayon? Sapat na tunay na kapayapaan at katiwasayan ang posible kahit na ngayon. Papaano? Hindi gaya ng sinubok na gawin ng maraming lider sa relihiyon, sa pamamagitan ng pagkasangkot sa pulitika ng sanlibutang ito, kundi, bagkus, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos at payo ng Diyos.
Ang ganiyan kayang hakbangin ay talagang nagbubunga ng kapayapaan? Oo, nagbubunga. Halimbawa, ang mga Saksi ni Jehova ay sumubok at kanilang napatunayan na talagang posible na magtamasa ng tunay na kapayapaan at gayundin ng sapat na katiwasayan. Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos na isinisiwalat ng Bibliya ay nagpapangyari na sila’y magkaisa sa isang internasyonal na organisasyon sa tunay na kapayapaan, anuman ang kanilang lahi, bansang pinagmulan, o wika.—Awit 133:1.
Bilang pagsunod sa kautusan ng Diyos, sa diwang makasagisag ay kanilang ‘pinanday na ang mga tabak upang maging mga sudsod at hindi na sila natututo ng pakikidigma.’ (Isaias 2:2-4) Sila’y matiwasay sa tinatamasang pag-ibig ng Diyos at may tiwala na ang kanilang espirituwal na mga kapatid ay interesado o may malasakit sa kanila. (Roma 8:28, 35-39; Filipos 4:7) Kung ikaw ay nag-aalinlangan kung ito’y totoo, inaanyayahan ka namin na dumalaw sa kanila sa isa sa kanilang mga Kingdom Hall at tingnan ang mga bagay para sa iyong sarili.
Kapayapaan at Katiwasayan sa Buong Daigdig
Gayunman, hindi ito ang pangkatapusang katuparan ng ipinangako ng Bibliya na tunay na kapayapaan at katiwasayan. Hinding-hindi nga! Isa lamang itong silahis ng kalalabasan ng sanlibutang ito kung lahat ay sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Hindi na magtatagal at ang silahis na iyan ay magiging isang katuparan.
Sinabi ni apostol Pablo: “Pagka sinasabi nila [yaong mga hindi naglilingkod sa Diyos]: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ [sa pag-aakalang sa wakas ay naitatag na nila ang kapayapaan at katiwasayan ayon sa kanilang sariling paraan] saka naman ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila.” (1 Tesalonica 5:3) Ang Diyos ang magpapasiya kung sapat na ang ginawa ni Satanas na pagdaya sa sangkatauhan. Kung magkagayo’y panahon na iyon upang alisin siya sa dakong kaniyang kinikilusan, kasama na ang balakyot na sistema ng sanlibutan na nasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan. Iyan ang panahon para sa katuparan ng hula ni Daniel: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang kaniyang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Ito ba’y magiging isang walang-katarungang pagkilos ng Diyos? Hindi-hindi. Ang biglang pagkapuksa ay doon lamang darating sa mga karapat-dapat doon ayon sa hatol ng Diyos, mga pamantayan ng Diyos. Ikaw ba’y nagtitiwala na ang Maylikha ay magpapasiya nang may katarungan sa bagay na ito? Tiyak na maaari nating sa kaniya ipabahala nang may pagtitiwala ang bagay na iyan! At ano ang magiging resulta ng kaniyang gawang paghatol? Ang kawikaan ay nagsasabi: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito. Ang mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa.” (Kawikaan 2:21, 22) Mayroon bang sinumang magdadalamhati sa pagkawala ng mga balakyot?
Pagka nawala na sa lupa ang mga tagapagwasak ng kapayapaan, tunay na kapayapaan at katiwasayan ang tatamasahin ng tao sa buong lupa sa ilalim ng mapagbiyayang paghahari ng Kaharian ng Diyos. “Sila’y hindi mananakit o lilikha ng anumang pinsala sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay mapupuno nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.” (Isaias 11:9) Ikaw ba ay naniniwala sa pangakong ito ng Bibliya? Ikaw ba ay nagtitiwala na ang mga bagay na ito ay mangyayari sa malapit na hinaharap? Kung ikaw ay may anumang pag-aalinlangan, hinihimok ka namin na patuloy na suriin ang bagay na iyan. Sa katunayan, ang paraan ng Diyos ang tanging paraan ng pagkakamit ng tao ng malaon nang hinahangad na talagang kapayapaan at tunay na katiwasayan.
[Mga larawan sa pahina 8]
Ang bayan ni Jehova ay nagtatamasa ng tunay na kapayapaan at sapat na katiwasayan sa ngayon