Pagbubunga ng “Bawat uri ng Kabutihan”
“Ang bunga ng liwanag ay binubuo ng bawat uri ng kabutihan.”—EFESO 5:9.
1, 2. Anong dalawang grupo ang umiral na sapol noong sinaunang panahon, at gaano ang pagkakaiba ng kanilang mga kalagayan sa ngayon?
PAGKATAPOS ng paghihimagsik sa Eden, mga anim na libong taon na ngayon ang nakalipas, at muli pagkatapos ng Baha ng kaarawan ni Noe, ang sangkatauhan ay nahati sa dalawang grupo, o mga organisasyon, ang isa’y binubuo ng mga nagsikap na maglingkod kay Jehova, ang isa naman ay yaong mga sumunod kay Satanas. Ang mga organisasyon bang ito ay umiiral pa rin? Tiyak nga na umiiral pa rin! Binanggit ni propeta Isaias ang dalawang grupong ito at inihula ang kanilang kalagayan sa panahon natin: “Narito! Tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng masalimuot na dilim ang mga bayan; ngunit sisikat sa iyo si Jehova, at makikita sa iyo ang kaniya mismong kaluwalhatian.”—Isaias 60:1, 2.
2 Oo, ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang organisasyong ito ay napakalaki na anupa’t gaya iyon ng pagkakaiba ng kadiliman at liwanag. At gaya ng kung papaanong ang isang silahis ng liwanag ay makatatawag ng pansin ng isang taong naligaw sa kadiliman, gayundin na ang liwanag buhat kay Jehova na sumisikat sa madilim na sanlibutang ito ay nakaakit sa milyun-milyong matuwid-pusong mga tao tungo sa organisasyon ng Diyos. Gaya ng patuloy na pagsasabi ni Isaias: “Ang mga bansa [mga ibang tupa] ay tiyak na paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari [pinahirang mga tagapagmana ng Kaharian] sa kaningningan ng iyong liwanag.”—Isaias 60:3.
3. Sa anong mga paraan ipinamamalas ng mga Kristiyano ang kaluwalhatian ni Jehova?
3 Papaano ipinamamalas ng bayan ni Jehova ang kaluwalhatian ni Jehova? Unang-una, kanilang ipinangangaral ang mabuting balita ng natatag, makalangit na Kaharian ng Diyos. (Marcos 13:10) Ngunit higit pa sa riyan, kanilang tinutularan si Jehova, ang pangunahing halimbawa ng kabutihan, at sa gayon sa pamamagitan ng kanilang asal ang mga taong maaamo ay naaakit sa liwanag. (Efeso 5:1) Sinabi ni Pablo: “Noong una’y kadiliman kayo, ngunit ngayon ay liwanag na kayo may kaugnayan sa Panginoon. Patuloy na magsilakad kayong gaya ng mga anak ng liwanag.” Siya’y nagpatuloy pa: “Ang bunga ng liwanag ay binubuo ng bawat uri ng kabutihan at ng katuwiran at ng katotohanan. Patuloy na tiyakin ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon; at huwag kayong makibahagi sa kanila sa mga walang mapapakinabang na gawa ng kadiliman.” (Efeso 5:8-11) Ano ba ang ibig sabihin ni Pablo ng “bawat uri ng kabutihan”?
4. Ano ba ang kabutihan, at papaano ito nakikita sa isang Kristiyano?
4 Gaya ng ipinakikita ng ating nakaraang artikulo, ang kabutihan ay ang katangian o kalagayan ng napakagaling na asal, kagalingan. Sinabi ni Jesus na tanging si Jehova ang mabuti sa ganap na kahulugan. (Marcos 10:18) Gayunman, ang isang Kristiyano ay makatutulad kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kabutihan bilang isang bunga ng espiritu. (Galacia 5:22) Bilang komento sa a·ga·thosʹ, na salitang Griego para sa “mabuti,” ganito ang sinasabi ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, “[Ito] ay tumutukoy sa isang bagay na, palibhasa’y mabuti sa kaniyang katangian o kayarian, ay kapaki-pakinabang sa dulot na epekto.” Samakatuwid ang isang Kristiyanong nagpapaunlad ng kabutihan ay kapuwa magiging mabuti at gagawa ng mabuti. (Ihambing ang Deuteronomio 12:28.) Kaniyang iiwasan din ang mga bagay na salungat sa kabutihan, “ang mga walang mapapakinabang na gawa ng kadiliman.” Ang iba’t ibang paraan na maipakikita ng isang Kristiyano ang kabutihan sa kaniyang asal ay ang ‘mga uri ng kabutihan’ na binanggit ni Pablo. Ano ba ang ilan sa mga ito?
“Lagi Kang Gumawa ng Mabuti”
5. Ano ang isang uri ng kabutihan, at bakit dapat na paunlarin ito ng isang Kristiyano?
5 Tinukoy ni Pablo ang isa sa mga ito sa kaniyang liham sa mga taga-Roma. Nang banggitin niya ang pagpapasakop sa “nakatataas na mga autoridad,” kaniyang sinabi: “Ayaw mo ba, kung gayon, na matakot sa autoridad? Lagi kang gumawa ng mabuti, at kakamtin mo ang papuri nito.” Ang “mabuti” na kaniyang tinutukoy ay pagsunod sa mga batas at kaayusan ng makasanlibutang mga autoridad. Bakit ba ang isang Kristiyano’y dapat pasakop sa mga ito? Upang maiwasan ang di-kinakailangang pakikipag-alitan sa mga autoridad, sa gayo’y nanganganib siya na maparusahan at—lalong mahalaga—upang maingatan ang isang malinis na budhi sa harap ng Diyos. (Roma 13:1-7) Samantalang iniingatan ang kaniyang pangunahing pagkamasunurin kay Jehova, ang isang Kristiyano ay ‘gumagalang sa hari,’ hindi naghihimagsik laban sa mga autoridad na pinapayagan ng Diyos na Jehova na umiral pa. (1 Pedro 2:13-17) Sa ganitong paraan, ang mga Kristiyano ay mabubuting mga kapuwa, mabubuting mamamayan, at mabubuting halimbawa.
Makonsiderasyon sa Iba
6. (a) Ano ang isa pang anyo ng kabutihan? (b) Sino ang mga binabanggit sa Bibliya bilang nararapat pagpakitaan natin ng konsiderasyon?
6 Ang kabutihan ni Jehova ay ipinakikita sa kaniyang paglalaan para sa lahat ng tao sa lupa ng “ulan buhat sa langit at mga panahong sagana.” Ang resulta nito ay ‘kasaganaan ng pagkain at katuwaan’ at nagpapakitang siya’y isang tunay na makonsiderasyong Diyos. (Gawa 14:17) Matutularan natin siya sa bagay na ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng konsiderasyon sa iba sa maliliit at sa malalaking paraan. Sa kanino nga, sa partikular? Ang tinutukoy ni Pablo lalung-lalo na ay ang matatanda, “yaong mga nagpapagal sa inyo at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagpapaalaala sa inyo.” Kaniyang pinapayuhan ang mga Kristiyano na “pakamahalin sila nang higit kaysa karaniwang pag-ibig dahil sa kanilang gawain.” (1 Tesalonica 5:12, 13) Papaano natin magagawa ito? Sa pamamagitan ng lubusang pakikipagtulungan sa kanila—halimbawa, sa pakikibahagi sa kinakailangang gawain sa Kingdom Hall. Bagaman alam natin na tayo’y malayang makalalapit sa matatanda para humingi sa kanila ng tulong kung kinakailangan, hindi naman tayo dapat maging laging mapaghanap. Bagkus, sa anumang paraan na magagawa natin, ating sinisikap na pagaangin ang pasan ng nagpapagal na mga pastol na ito, na marami sa kanila ang may mga pananagutang pampamilya bukod pa sa kanilang mga tungkulin sa kongregasyon.
7. Sa anong mga paraan makapagpapakita tayo ng konsiderasyon sa mga may edad?
7 Ang mga may edad ay nararapat din na pagpakitaan natin ng konsiderasyon. Ang espesipikong utos ng Kautusang Mosaiko ay: “Titindig kayo sa harap ng may uban, at kayo’y magpapakita ng konsiderasyon sa pagkatao ng isang matandang lalaki, at katatakutan ninyo ang inyong Diyos. Ako ay si Jehova.” (Levitico 19:32) Papaano maipakikita ang konsiderasyong ito? Ang mga nakababata ay marahil nagnanais na magboluntaryo upang makatulong sa mga ito sa pamimilí o sa iba pang mga gawain. Makonsiderasyong aalamin ng mga elder kung ang sinumang mga may edad na ay nangangailangan ng tulong sa pagdalo sa mga pulong. Sa mga asamblea, ang mga bata pa at malalakas ay iiwas na matabig ang mas mababagal-kumilos na mga may edad na dahil sa pagkawala ng pasensiya at pagtatangkang mauna sila, at sila’y magpapasensiya kung ang isang may-edad na ay medyo mabagal sa pag-upo o pagkuha ng pagkain.
8. Papaano tayo makapagpapakita ng konsiderasyon sa isa pang grupong karapat-dapat na itinatangi sa Bibliya?
8 Binabanggit ng salmista ang isa pang grupong nangangailangan ng konsiderasyon: “Maligaya ang sinumang kumikilos nang may konsiderasyon sa dukha.” (Awit 41:1) Baka madali na maging makonsiderasyon sa mga taong prominente o mayayaman, subalit kumusta naman ang dukha o ang mahirap? Ang manunulat sa Bibliya na si Santiago ay bumanggit na ang pagpapakita ng katulad na konsiderasyon sa mga ito ay isang pagsubok sa ating pagkamatuwid at pag-ibig Kristiyano. Harinawang makapasa tayo sa pagsubok na ito sa pamamagitan ng pagiging maalalahanin sa lahat anuman ang kanilang kalagayan sa buhay.—Filipos 2:3, 4; Santiago 2:2-4, 8, 9.
“Patuloy na Maging Maawain”
9, 10. Bakit ang mga Kristiyano ay dapat na maging maawain, at papaano maipakikita ang ganitong uri ng kabutihan?
9 Ang isa pang uri ng kabutihan ay makikita sa ilan sa mga talinghaga ni Jesus. Sa isa sa mga ito, naglahad si Jesus tungkol sa isang Samaritano na naraanan ang isang taong pinagnakawan, ginulpi nang husto, at iniwanang nakabulagta sa daan. Ang taong napinsala ay nilampasan ng isang Levita at ng isang saserdote, na tumangging tumulong sa kaniya. Ngunit ang Samaritano ay huminto at sumaklolo sa kaniya, ginawa ang higit pa sa maaaring makatuwirang asahan. Ang kuwentong iyan ay malimit na tinatawag na ang talinghaga ng Mabuting Samaritano. Anong uri ng kabutihan ang ipinakita ng Samaritano? Kaawaan. Nang hilingin ni Jesus sa kaniyang tagapakinig na banggitin kung sino ang napatunayang kapuwa-tao ng taong nasugatan, ang tamang sagot na ibinigay ay: “Ang isang nagkawanggawa sa kaniya.”—Lucas 10:37.
10 Ang maawaing mga Kristiyano ay tumutulad kay Jehova, na tungkol sa kaniya’y sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Si Jehova na iyong Diyos ay isang maawaing Diyos. Hindi ka niya pababayaan ni lilipulin ka niya ni kalilimutan man ang tipan sa iyong mga ninuno na kaniyang isinumpa sa kanila.” (Deuteronomio 4:31) Ipinakita ni Jesus kung papaano dapat makaapekto sa atin ang awa ng Diyos: “Patuloy na maging maawain, gaya ng inyong Ama na maawain.” (Lucas 6:36) Papaano tayo makapagpapakita ng awa? Gaya ng tinukoy sa talinghaga ni Jesus, ang isang paraan ay maging handa na tumulong sa ating kapuwa, kahit na iyon ay may kasamang panganib o di-kombinyenteng kalagayan. Ang isang mabuting tao ay hindi magwawalang-bahala sa pagdurusa ng kaniyang kapatid kung siya’y nasa kalagayan na makatulong tungkol doon.—Santiago 2:15, 16.
11, 12. Sang-ayon sa talinghaga ni Jesus ng mga alipin, ano ang kasali sa kaawaan, at papaano natin maipakikita ito ngayon?
11 Sa isa pa sa mga talinghaga ni Jesus ay ipinakita na kasali sa maawaing kabutihan ang pagiging handa na magpatawad sa iba. Binanggit niya ang isang alipin na nagkautang sa kaniyang panginoon ng sampung libong talento. Dahil sa hindi makabayad, ang alipin ay humingi ng awa, at may kabaitan namang pinatawad ng kaniyang panginoon ang napakalaking utang na 60,000,000 denario. Ang alipin ay humayo at natagpuan niya ang isa pang alipin na may utang sa kaniya na sandaáng denario lamang. Walang-awang ipinabilanggo ng pinatawad na alipin ang may utang sa kaniya hanggang sa ito’y makabayad. Maliwanag, ang walang-awang alipin ay hindi isang mabuting tao, at nang mabalitaan ng panginoon ang nangyari, kaniyang tinawag ito upang hingan ng pagsusulit.—Mateo 18:23-35.
12 Tayo’y nasa kalagayan na katulad niyaong sa pinatawad na alipin. Salig sa hain ni Jesus, si Jehova’y nagpatawad ng isang napakalaking utang na kasalanan na nasa ating rekord. Kung gayon, tiyak na tayo’y dapat maging handa na magpatawad naman sa iba. Sinabi ni Jesus na tayo’y dapat maging handa na magpatawad “hanggang sa pitumpu’t pitong beses,” na walang limitasyon. (Mateo 5:7; 6:12, 14, 15; 18:21, 22) Kung gayon, ang isang maawaing Kristiyano ay hindi magtatanim ng sama ng loob. Siya’y hindi magkikimkim ng galit o tatangging makipag-usap sa isang kapuwa Kristiyano dahilan sa kinikimkim na galit. Ang ganiyang kakulangan ng awa ay hindi isang tanda ng kabutihang Kristiyano.
Bukás-Palad at Mapagpatuloy
13. Ano pa ang kasali sa kabutihan?
13 Ang kabutihan ay ipinakikita rin sa pamamagitan ng pagkabukás-palad at pagkamapagpatuloy. Minsan isang binata ang lumapit kay Jesus para humingi ng payo. Sinabi niya: “Guro, anong kabutihan ang kailangang gawin ko upang makamtan ang buhay na walang-hanggan?” Sinabi sa kaniya ni Jesus na dapat niyang sundin nang patuluyan ang mga utos ng Diyos. Oo, ang pagsunod sa mga utos ni Jehova ay isang bahagi ng kabutihan. Ang akala ng binata ay ginagawa na niya ito sa pinakamagaling na magagawa niya. Maliwanag, sa kaniyang kapuwa siya’y waring isang mabuting tao, gayunman ay nadama niyang mayroon pang kulang sa kaniya na isang bagay. Kaya sinabi ni Jesus: “Kung nais mong maging sakdal, humayo ka ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa dukha at ikaw ay magkakaroon ng kayamanan sa langit, at halika’t maging tagasunod ko.” (Mateo 19:16-22) Ang binata ay humayo na nalulungkot. Siya’y pagkayaman-yaman. Kung kaniyang sinunod ang payo ni Jesus, kaniya sanang naipakita na siya’y hindi materyalistiko. At siya’y nakagawa sana ng isang mabuting gawa ng pagiging bukás-palad na hindi alintana ang sarili.
14. Ano ang mainam na payo na ibinigay ni Jehova at gayundin ni Jesus tungkol sa pagkabukás-palad?
14 Ang mga Israelita ay hinimok ni Jehova na maging bukás-palad. Halimbawa, ating mababasa: “Sa anumang paraan ay bibigyan mo [ang iyong kapuwa na naghihirap], at ang iyong puso’y huwag magmamaramot sa iyong pagbibigay sa kaniya, sapagkat dahil sa bagay na ito ay pagpapalain ka ni Jehova mong Diyos sa lahat ng iyong gawa at sa lahat ng iyong ikikilos.” (Deuteronomio 15:10; Kawikaan 11:25) Si Jesu-Kristo ay personal na nagpayo na tayo’y maging bukás-palad: “Ugaliin ninyo ang pagbibigay, at kayo’y bibigyan ng mga tao. Ibubuhos nila iyon sa inyong kandungan na takal na mabuti, pikpik, liglig at umaapaw.” (Lucas 6:38) Bukod diyan, si Jesus mismo ay totoong bukás-palad. Minsan, siya’y nagtakda ng panahon upang makapahinga nang bahagya. Natuklasan ng karamihan ng mga tao kung nasaan siya at pinaroonan siya. Nakalimutan na ni Jesus ang pagpapahinga at kaniyang ginugol ang mga sandali sa kapakanan ng karamihan ng tao. Nang bandang huli, siya’y nagpakita ng natatanging pagkamapagpatuloy nang maglaan siya ng pagkain para sa malaking pulutong na iyon.—Marcos 6:30-44.
15. Papaanong isang napakainam na halimbawa ng pagkabukás-palad ang ipinakita ng mga alagad ni Jesus?
15 Sa pagsunod sa payo ni Jehova at ni Jesus, marami sa mga alagad ni Jesus ang totoong bukás-palad at mapagpatuloy. Nang mga unang araw ng kongregasyong Kristiyano, marami sa mga naparoon upang ganapin ang Pentecostes noong 33 C.E. ang nakabalita sa pangangaral ng mga apostol at naging mga mananampalataya. Nang sila’y manatili pa roon pagkatapos ng kapistahan upang matuto nang higit pa, sila’y kinulang ng mga panustos. Sa gayon, ang mga tagaroong mananampalataya ay nagbili ng kanilang mga ari-arian at nag-abuloy ng salapi upang matustusan ang kanilang mga bagong kapatid upang ang mga ito ay maging lalong matatag sa pananampalataya. Anong pagkabukás-palad nga!—Gawa 4:32-35; tingnan din ang Gawa 16:15; Roma 15:26.
16. Banggitin ang ilan sa mga paraan na sa ngayon ay maipakikita natin na tayo’y mapagpatuloy at bukás-palad.
16 Sa ngayon, ang isang nahahawig na tulad-Kristong pagkabukás-palad ay makikita pagka ang mga Kristiyano’y nag-abuloy ng panahon at salapi sa kanilang lokal na mga kongregasyon at sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral. Ito’y pinatutunayan din pagka kanilang tinulungan ang mga kapatid na dumaranas ng kahirapan bunga ng natural na kapahamakan o digmaan. Ito’y makikita pagka inaasikaso ang tagapangasiwa ng sirkito sa panahon ng kaniyang regular na pagdalaw. O kaya pagka ang “mga batang lalaking ulila” (at ang mga batang babaing ulila) ay bukás-palad na inaanyayahan na makibahagi sa libangan at pampamilyang mga pag-aaral sa Bibliya kasama ng ibang pamilyang Kristiyano, ito rin naman ay pagpapakita ng pagkamapagpatuloy, isang uri ng kabutihang Kristiyano.—Awit 68:5.
Pagsasabi ng Katotohanan
17. Bakit ang katotohanan ay isang hamon sa ngayon?
17 Nang ilarawan ni Pablo ang bunga ng liwanag, ang kabutihan ay kaniyang iniugnay sa katuwiran at katotohanan, at tama naman na sabihing ang katotohanan ay isa pang uri ng kabutihan. Ang mabubuting tao ay hindi nagsisinungaling. Gayumpaman, ang pagsasabi ng katotohanan ay isang pantanging hamon sa ngayon na ang pagsisinungaling ay totoong palasak. Maraming mga tao ang nagsisinungaling pagka kanilang sinusulatan ang mga blangko ng kanilang tax returns. Ang mga empleyado ay nagsisinungaling tungkol sa trabahong kanilang ginagawa. Ang mga estudyante ay nagsisinungaling at nagdaraya sa kanilang mga aralin at mga eksamen. Ang mga negosyante ay nagsisinungaling pagka pumapasok sa mga kasunduan sa negosyo. Ang mga anak ay nagsisinungaling upang makaiwas sa parusa. Ang malisyosong mga tsismosa ay nagsisinungaling at ipinahahamak ang mabuting pangalan ng iba.
18. Ano ang tingin ni Jehova sa mga sinungaling?
18 Ang pagsisinungaling ay kasuklam-suklam kay Jehova. Kabilang sa ‘pitong bagay’ na kaniyang kinapopootan ay ang “sinungaling na dila” at “sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan.” (Kawikaan 6:16-19) “Lahat ng sinungaling“ ay nakatala kabilang sa mga duwag, mga mamamatay-tao, at mga mapakiapid, na hindi magkakaroon ng dako sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Apocalipsis 21:8) Isa pa, sinasabi sa atin ng kawikaan: “Siyang lumalakad sa kaniyang katuwiran ay natatakot kay Jehova, ngunit siyang suwail sa kaniyang mga lakad ay humahamak sa Kaniya.” (Kawikaan 14:2) Ang isang sinungaling ay suwail sa kaniyang mga lakad. Kung gayon, ang isang sinungaling ay nagpapatunay na siya’y humahamak kay Jehova. Anong kakila-kilabot na kaisipan! Sa tuwina’y magsabi tayo ng katotohanan, kahit na kung iyon ay hahantong sa ating pagkadisiplina o pagkalugi sa pananalapi. (Kawikaan 16:6; Efeso 4:25) Ang mga nagsasabi ng katotohanan ay tumutulad kay Jehova, “ang Diyos ng katotohanan.”—Awit 31:5.
Paunlarin ang Kabutihan
19. Kung minsan ano ang nakikita sa sanlibutan, na isang kapurihan sa Maylikha?
19 Ang mga ito ay ilan lamang sa ‘uri’ ng kabutihan na dapat paunlarin ng isang Kristiyano. Totoo naman na ang mga tao sa sanlibutan ay nagpapakita ng isang antas ng kabutihan. Ang iba ay mapagpatuloy, halimbawa, at ang iba naman ay maawain. Oo nga, ang lubhang kapuna-puna sa talinghaga ng Mabuting Samaritano ay yaong bagay na binanggit ni Jesus ang isang di-Judio na nagpakita ng awa gayong ang matatanda sa kongregasyong Judio ay hindi gumawa nang gayon. Tunay ngang isang kapurihan sa Maylikha ng tao na ang gayong mga ugali ay makikita pa rin na likas sa ibang tao kahit na pagkatapos ng anim na libong taon ng di-kasakdalan.
20, 21. (a) Bakit ang kabutihang Kristiyano ay naiiba sa anumang kabutihan na marahil ay nakikita natin sa mga tao ng sanlibutan? (b) Papaano mapasusulong ng isang Kristiyano ang kabutihan, at bakit tayo dapat maging masigasig sa paggawa ng gayon?
20 Gayumpaman, para sa mga Kristiyano ang kabutihan ay higit pa kaysa isa lamang katangian na marahil mayroon sila o wala. Ito ay isang katangian na kailangang paunlarin nila sa lahat ng kaanyuan nito, yamang sila’y kailangang maging mga tagatulad sa Diyos. Papaano nga magagawa ito? Sinasabi sa atin ng Bibliya na maaari nating matutuhan ang kabutihan. “Turuan mo ako ng kabutihan,” ang dalangin ng salmista sa Diyos. Papaano? Siya’y nagpatuloy: “Sapagkat sa iyong mga utos ay sumampalataya ako.” Kaniyang isinusog: “Ikaw ay mabuti at gumagawa ng mabuti. Ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin.”—Awit 119:66, 68.
21 Oo, kung ating matututuhan ang mga utos ni Jehova at susundin ang mga ito, ating pauunlarin ang kabutihan. Laging tandaan na ang kabutihan ay isang bunga ng espiritu. Kung ating hinahanap ang espiritu ni Jehova sa pamamagitan ng panalangin, pakikihalubilo, at pag-aaral ng Bibliya, kung gayo’y tiyak na tayo’y matutulungan na paunlarin ang katangiang ito. Isa pa, ang kabutihan ay makapangyarihan. Nadadaig pa nito ang masama. (Roma 12:21) Kung gayon, mahalaga na gawan natin ng mabuti ang lahat, lalo na ang ating mga kapatid na Kristiyano. (Galacia 6:10) Kung gagawin natin iyan, makakabilang tayo sa mga taong nagtatamasa ng “kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan” na ipinangakong kakamtin ng “bawat gumagawa ng mabuti.”—Roma 2:6-11.
Masasagot Mo Ba?
◻ Papaano tayo laging makagagawa ng mabuti kung tungkol sa nakatataas na mga autoridad?
◻ Sino, bukod sa iba pa, ang karapat-dapat na bigyan natin ng konsiderasyon?
◻ Sa anu-anong paraan ipinakikita ang kaawaan?
◻ Anong mga gawa ng pagkabukás-palad at pagkamapagpatuloy ang makikita sa mga Kristiyano ngayon?
◻ Papaano mapauunlad ang kabutihan?
[Larawan sa pahina 20]
Ang konsiderasyon sa iba ay isang anyo ng kabutihan
[Larawan sa pahina 23]
Bilang ang Dakilang Guro, si Jesus ay bukás-palad na nagbigay ng kaniyang sarili