ARALIN 05
Ang Bibliya—Mensahe ng Diyos sa Atin
Nagbigay si Jehova ng isang napakagandang regalo sa atin—ang Bibliya. Mayroon itong 66 na aklat. Pero baka maisip mo: ‘Saan ba galing ang Bibliya? Sino ang awtor nito?’ Para masagot iyan, talakayin natin kung paano nakarating sa atin ang mensahe ng Diyos, ang Bibliya.
1. Kung tao ang sumulat ng Bibliya, paano natin nasabi na Diyos ang Awtor nito?
Isinulat ang Bibliya ng mga 40 tao sa loob ng mga 1,600 taon, mula 1513 B.C.E. hanggang mga 98 C.E. Iba’t iba ang kalagayan sa buhay o kakayahan ng mga manunulat nito. Pero hindi nagkokontrahan ang nilalaman nito. Paano nangyari iyon? Dahil Diyos ang Awtor ng Bibliya. (Basahin ang 1 Tesalonica 2:13.) Hindi sariling kaisipan, o opinyon, ang isinulat ng mga manunulat ng Bibliya kundi “nagsalita [sila] mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.”a (2 Pedro 1:21) Ginamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu para gabayan, o pakilusin, sila na isulat ang kaisipan niya.—2 Timoteo 3:16.
2. Posible bang mabasa ng lahat ang Bibliya?
Tiniyak ng Diyos na ang “bawat bansa at tribo at wika at bayan” ay makikinabang sa mabuting balita na nasa Bibliya. (Basahin ang Apocalipsis 14:6.) Ngayon, ang Bibliya ay available na sa mas maraming wika kumpara sa ibang aklat. Kaya halos lahat ay puwede nang magbasa nito, saanman sila nakatira o anumang wika ang sinasalita nila.
3. Paano iningatan ni Jehova ang Bibliya?
Isinulat ang Bibliya sa mga materyal na nasisira at hindi nagtatagal, gaya ng leather at papiro. Pero may mga tao na nagmamahal sa Bibliya. Paulit-ulit silang gumawa ng mga kopya nito. At kahit sinubukan ng mga awtoridad at lider ng relihiyon na alisin ang Bibliya, isinapanganib ng iba ang buhay nila para maingatan ito. Walang makakapigil kay Jehova sa pakikipag-usap sa atin. Sinasabi ng Bibliya: “Ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”—Isaias 40:8.
PAG-ARALAN
Alamin kung paano ginabayan ng Diyos ang mga tao para isulat ang Bibliya, kung paano niya ito iningatan, at kung ano ang ginawa niya para mabasa ito ng lahat ng tao.
4. Sinasabi ng Bibliya kung sino ang Awtor nito
Panoorin ang VIDEO, at basahin ang 2 Timoteo 3:16. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Kung mga tao ang sumulat ng Bibliya, bakit ito tinatawag na Salita ng Diyos?
Naniniwala ka ba na kayang ilagay ng Diyos ang kaisipan niya sa mga manunulat na tao?
Isang secretary ang nagsusulat ng liham, pero ang isinusulat niya ay galing talaga sa boss niya. Ganiyan din sa Bibliya, tao ang sumulat, pero ang mensahe ay galing sa Diyos
5. Pinrotektahan ang Bibliya mula sa mga gustong sumira nito
Kung galing sa Diyos ang Bibliya, sigurado tayo na iingatan niya ito. Sa buong kasaysayan, sinubukang sirain at itago ng mga nasa awtoridad at lider ng relihiyon ang Bibliya. Pero isinapanganib ng maraming tao ang buhay nila para maprotektahan ang Bibliya, kahit pahirapan sila at pagbantaan ang buhay nila. Kilalanin ang isa sa kanila. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Nang malaman mo na may mga tao na nagsapanganib ng buhay nila para protektahan ang Bibliya, mas gusto mo na bang basahin ito? Bakit?
Basahin ang Awit 119:97. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit isinapanganib ng marami ang buhay nila para maisalin at maipamahagi ang Bibliya?
6. Isang aklat para sa lahat
Sa buong kasaysayan, ang Bibliya ang may pinakamaraming salin at kopya na naipamahagi. Basahin ang Gawa 10:34, 35. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit gusto ng Diyos na maisalin at maipamahagi ang kaniyang Salita sa napakaraming tao?
Ano ang nagustuhan mo sa Bibliya?
Halos
100%
ng populasyon ng mundo
ang may access sa Bibliya sa wikang naiintindihan nila
Available na sa mahigit
3,000
wika
ang kumpletong Bibliya o bahagi nito
Tinatantiyang
5,000,000,000
kopya ang nagawa,
pinakamarami sa lahat ng aklat na nagawa sa buong kasaysayan
MAY NAGSASABI: “Tao lang ang sumulat ng Bibliya at luma na iyan.”
Ano sa tingin mo?
Anong mga ebidensiya ang nagpapatunay na Salita ng Diyos ang Bibliya?
SUMARYO
Ang Bibliya ay Salita ng Diyos, at tiniyak ng Diyos na mababasa ito ng lahat ng tao.
Ano ang Natutuhan Mo?
Ano ang ibig sabihin kapag sinabi nating ginabayan ng Diyos ang mga tao para isulat ang Bibliya?
Mula sa natutuhan mo sa araling ito, ano ang nagustuhan mo tungkol sa Bibliya?
Ano ang nararamdaman mo ngayong nalaman mo na nagsikap ang Diyos para makausap ka?
TINGNAN DIN
Basahin ang kasaysayan ng Bibliya—mula sa orihinal na mga manuskrito hanggang sa mga salin ngayon.
“Paano Naingatan ang Bibliya Hanggang sa Ating Panahon?” (Gumising!, Nobyembre 2007)
Alamin kung paano naprotektahan ang Bibliya mula sa tatlong banta.
“Ang Bibliya—Isang Kuwento ng Tagumpay” (Ang Bantayan Blg. 4 2016)
Tingnan kung paano isinapanganib ng mga tao ang buhay nila para maisalin ang Bibliya.
Maraming beses na kinopya at isinalin ang Bibliya. Paano mo masisiguro na hindi nabago ang mensahe ng Diyos?
“Nabago Ba o Sinadyang Baguhin ang Bibliya?” (Artikulo sa jw.org/tl)