Ipinakikilala “ang Taong Tampalasan”
“Mahahayag ang tampalasan, na papatayin ng Panginoong Jesus.”—2 TESALONICA 2:8.
1, 2. Bakit mahalaga na ating makilala ang taong tampalasan?
TAYO’Y nabubuhay sa isang panahon ng katampalasanan. Ito’y nangyayari sa buong daigdig. Sa lahat ng dako ay may pangamba sa tampalasang mga mapagsamantala at panganib na napapaharap sa atin at sa ating mga ari-arian. Subalit, mayroong lalong higit na nakapipinsalang masamang loob na gumagana na sa loob ng maraming daan-daang taon. Sa Bibliya ito ay tinatawag na “ang taong tampalasan.”
2 Mahalaga na ating makilala ang taong tampalasan na ito. Bakit? Sapagkat siya’y disididong sirain ang ating mabuting kaugnayan sa Diyos at ang ating pag-asang buhay na walang-hanggan. Papaano? Sa pamamagitan ng paghila sa atin na iwanan ang katotohanan at sa halip ay maniwala sa mga kabulaanan, sa gayo’y inilalayo tayo sa pagsamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23) Mahahalata buhat sa kaniyang mga kilos na ang tampalasang ito ay sumasalungat sa Diyos at sa kaniyang mga layunin, pati na sa kaniyang nag-alay na bayan.
3. Papaano itinatawag-pansin sa atin ng Bibliya ang tungkol sa taong tampalasan?
3 Ang taong tampalasang ito ay tinutukoy ng Bibliya sa 2 Tesalonica 2:3. Yamang kinasihan ng espiritu ng Diyos, si apostol Pablo ay sumulat: “Huwag kayong padaya kaninuman sa anumang paraan, sapagkat [ang araw ni Jehova na pagpuksa sa balakyot na sistemang ito] ay hindi darating maliban na dumating muna ang apostasya at mahayag ang taong tampalasan.” Dito inihula ni Pablo na uunlad ang apostasya at isang taong tampalasan ang lilitaw bago maganap ang wakas ng sistemang ito. Sa katunayan, sinabi ni Pablo sa 2Tes 2 talatang 7: “Ang hiwaga ng katampalasanang ito ay gumagawa na.” Kaya noong unang siglo, ang tampalasang ito ay nagsimula nang magpakita ng kaniyang sarili.
Ang Pinagmulan ng Taong Tampalasan
4. Sino ang nagpasimula at sumusuporta sa taong tampalasan?
4 Sino ang nagpasimula at sumusuporta sa taong tampalasang ito? Si Pablo ang sumasagot: “Ang pagkanaririto ng tampalasan ay ayon sa paggawa ni Satanas na taglay ang bawat makapangyarihang gawa at kabulaanang mga tanda at babala at taglay ang bawat daya ng kalikuan para sa mga napapahamak, bilang ganti sapagkat hindi nila tinanggap ang pag-ibig sa katotohanan upang sila’y mangaligtas.” (2 Tesalonica 2:9, 10) Samakatuwid si Satanas ang ama at tagapagtaguyod sa taong tampalasan. At kung papaanong si Satanas ay salungat kay Jehova, sa Kaniyang mga layunin, at sa Kaniyang bayan, ganoon din ang taong tampalasan, natatalos man niya o hindi ang bagay na ito.
5. Anong hantungan ang naghihintay sa taong tampalasan at sa mga sumusunod sa kaniya?
5 Yaong mga kaisa ng taong tampalasan ay patungo rin sa ganoong hatungan na naghihintay sa kaniya—pagkapuksa: “Mahahayag ang tampalasan, na papatayin ng Panginoong Jesus . . . at lilipulin sa pamamagitan ng pagkahayag ng kaniyang pagkanaririto.” (2 Tesalonica 2:8) Ang panahong iyan para sa paglipol sa taong tampalasan at sa kaniyang mga tagapagtaguyod (ang “mga napapahamak”) ay darating sa madaling panahon “sa pagkahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa nagliliyab na apoy, samantalang pinasasapit niya ang paghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga ayaw sumunod sa mabuting balita hinggil sa ating Panginoong Jesus. Ang mga ito nga ang magdaranas ng hatol na parusa ng walang-hanggang pagkapuksa.”—2 Tesalonica 1:6-9.
6. Ano pang impormasyon ang ibinibigay ni Pablo tungkol sa taong tampalasan?
6 Inilalarawan pa ni Pablo ang tampalasang ito, sa pagsasabi: “Siya’y sumasalansang at nagmamataas laban sa lahat ng tinatawag na ‘diyos’ o isang sinasamba, anupa’t siya’y nauupo sa templo ng Ang Diyos, na nagtatanyag ng kaniyang sarili na isang diyos.” (2 Tesalonica 2:4) Kaya’t si Pablo ay nagbababala na si Satanas ay babangon na isang tampalasan, isang palsipikadong bagay na magtataas pa sa kaniyang sarili sa ibabaw ng kautusan ng Diyos.
Ipinakikilala ang Taong Tampalasan
7. Bakit masasabi nating ang tinutukoy ni Pablo ay hindi isang indibiduwal, at sa ano kumakatawan ang taong tampalasan?
7 Ang tinutukoy ba ni Pablo ay iisang indibiduwal? Hindi, sapagkat sinasabi niya na ang “taong” ito ay hayag na noong kaarawan ni Pablo at patuloy na iiral hanggang sa siya’y puksain ni Jehova sa katapusan ng sistemang ito. Samakatuwid, siya’y umiiral na sa loob ng maraming daan-daang taon. Maliwanag, walang literal na tao na nabuhay nang ganiyang katagal. Kaya ang pananalitang “taong tampalasan” ay tiyak na kumakatawan sa isang grupo, o uri, ng mga tao.
8. Sino ang taong tampalasan, at ano ang mga ilang bagay na mapagkakakilanlan sa kanila?
8 Sino sila? Ipinakikita ng ebidensiya na sila ay ang grupo ng mapagmataas, ambisyosong mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan, na noong lumipas na mga siglo ay nagtindig sa kanilang sarili bilang isang kautusan nga sa ganang sarili nila. Ito’y makikita sa bagay na may libu-libong iba’t ibang relihiyon at mga sekta sa Sangkakristiyanuhan, bawat isa’y may kaniyang klero, subalit bawat isa’y kasalungat ng iba sa mga ibang aspekto ng doktrina o gawain. Ang pagkakabaha-bahaging ito ay malinaw na ebidensiyang sila’y hindi sumusunod sa kautusan ng Diyos. Sila’y hindi maaaring nanggaling sa Diyos. (Ihambing ang Mikas 2:12; Marcos 3:24; Roma 16:17; 1 Corinto 1:10.) Nagkakaisa ang lahat ng mga relihiyong ito sa bagay na sila’y hindi sa mga turo ng Bibliya nanghahawakan, palibhasa’y nilabag nila ang alituntuning: “Huwag lalampas sa mga bagay na nasusulat.”—1 Corinto 4:6; tingnan din ang Mateo 15:3, 9, 14.
9. Anong di-maka-Kasulatang mga paniniwala ang inihalili ng tampalasan sa mga katotohanan ng Bibliya?
9 Samakatuwid, ang taong tampalasang ito ay binubuo ng maraming bahagi: ang relihiyosong klero ng Sangkakristiyanuhan. Lahat sila, sila man ay mga papa, pari, patriarka, o mga predikador na Protestante, ay pare-parehong may pananagutan sa mga kasalanan ng mga relihiyoso sa Sangkakristiyanuhan. Sa mga katotohanan ng Diyos ay inihalili nila ang mga kasinungalingang pagano, itinuro ang di-maka-Kasulatang mga doktrina kagaya baga ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, apoy ng impiyerno, purgatoryo, at Trinidad. Sila’y katulad ng mga lider ng relihiyon na pinagsabihan ni Jesus: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. . . . Siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Sa pamamagitan ng kanilang mga gawa ay napapabunyag sila bilang mga tampalasan, sapagkat sila’y nakikibahagi sa mga aktibidades na labag sa mga kautusan ng Diyos. Sa gayong mga tao ay sinasabi ni Jesus: “Magsilayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”—Mateo 7:21-23.
Pagtataas sa Kanilang Sarili
10. Ano ang naging kaugnayan ng tampalasan sa mga pinunong pulitikal?
10 Ipinakikita ng kasaysayan na yaong mga nasa uring taong tampalasang ito ay nagpakita ng pagmamataas at pagkaarogante na anupa’t sila’y naging aktuwal na mga diktador sa mga pinuno ng sanlibutan. Ginawang dahilan ng klero ang doktrina ng ‘banal na karapatan ng mga hari,’ upang kanilang masabi na sila ang mahalagang tagapamagitan na namamagitan sa mga pinuno at sa Diyos. Kanilang inilagay sa kapangyarihan at inalis sa kapangyarihan ang mga hari at mga emperador at ang masa ay kanilang napukaw upang kumampi o lumaban sa mga pinuno. Sa katunayan, gaya ng mga punong saserdoteng Judio na nagtakuwil kay Jesus, kanilang sinabi: “Wala kaming hari kundi si Caesar.” (Juan 19:15) Subalit, malinaw na itinuro ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.”—Juan 18:36.
11. Papaano itinaas ng klero ang kanilang sarili?
11 Upang itaas ang kanilang sarili nang mataas pa kaysa mga karaniwang tao, ang uring tampalasang ito ay nagbihis ng iba’t ibang kasuotan, karaniwan na ay itim. Gayundin, kanilang ginayakan ang kanilang sarili ng lahat ng uri ng hahangaang mga kagayakan, tulad halimbawa ng mga korona, krus, at mitra. (Ihambing ang Mateo 23:5, 6.) Subalit si Jesus at ang kaniyang mga tagasunod ay hindi nagsuot ng ganiyang kasuotan; sila’y nanamit na gaya ng mga karaniwang tao. Ang klero ay nagkapit din sa kanilang sarili ng mga titulong gaya ng “Padre,” “Banal na Ama,” “Reverendo,” “Most Reverend,” “Kaniyang Kamahalan,” at “Kaniyang Kadakilaan,” na karagdagan pa sa kanilang ‘pagtataas ng kanilang sarili nang higit sa kanino pa man.’ Gayunman, ganito ang turo ni Jesus tungkol sa mga titulong relihiyoso: “Huwag ninyong tatawaging inyong ama ang sinuman sa lupa.” (Mateo 23:9) Si Elihu rin naman, sa pagsagot sa mga nagpapanggap na mang-aaliw ni Job, ay nagsabi: “Huwag itulot sa akin, isinasamo ko sa inyo, na ako’y magpakita ng pagtatangi sa isang tao; at sa isang makalupang tao ay hindi ako gagamit ng isang titulo.”—Job 32:21.
12. Sino ang sinabi ni Pablo na aktuwal na pinaglilingkuran ng klero?
12 Nang sabihin ni Pablo na noon pang kaniyang kaarawan nagsimula na ng kaniyang pagkilos ang taong tampalasan, sinabi rin niya tungkol sa mga makikitaan ng saloobin ng tampalasang iyon: “Sapagkat ang gayong mga tao ay mga bulaang apostol, magdarayang mga manggagawa, na nagkukunwaring mga apostol ni Kristo. At hindi katakataka, sapagkat si Satanas man ay patuloy na nagkukunwaring isang anghel ng liwanag. Kaya hindi malaking bagay na ang kaniyang mga ministro man ay patuloy na magkunwari rin na mga ministro ng katuwiran. Subalit ang kanilang kahihinatnan ay masasang-ayon sa kanilang mga gawa.”—2 Corinto 11:13-15.
Paghihimagsik Laban sa Tunay na Pagsamba
13. Ano ang apostasya na inihula ni Pablo?
13 Sinabi ni Pablo na ang taong tampalasang ito ay uunlad kaalinsabay ng apostasya. Sa katunayan, ang unang pahiwatig na ibinigay sa atin ni Pablo tungkol sa kung sino baga ang uring tampalasang ito ay na “ang araw ni Jehova [kapag nililipol na ni Jehova ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay] . . . ay hindi darating maliban nang dumating muna ang apostasya.” (2 Tesalonica 2:2, 3) Subalit ano ba ang ibig sabihin ng “apostasya”? Sa kontekstong ito, hindi nangangahulugan na ito’y isa lamang pagkahulog o pagkaligaw dahilan sa espirituwal na kahinaan. Ang salitang Griego na ginamit dito para sa “apostasya” ay nangangahulugan, bukod sa iba pang mga bagay, ng isang “pagtalikod” o isang “paghihimagsik.” May ilang mga salin na gumamit ng salitang “rebelyon.” Ang bersiyon ni William Barclay ay nagsasabi: “Ang araw na iyan ay hindi darating hangga’t hindi nagaganap ang Dakilang Rebelyon.” Sa The Jerusalem Bible ay tinatawag iyon na “ang Dakilang Paghihimagsik.” Samakatuwid, sa konteksto ng tinatalakay ni Pablo, ang “apostasya” ay nangangahulugan na isang paghihimagsik laban sa tunay na pagsamba.
14. Kailan talaga nagsimulang umunlad ang apostasya?
14 Papaano umunlad ang apostasyang ito, ang rebelyong ito? Sa 2 Tesalonica 2:6, tungkol sa kaniyang kaarawan ay sumulat si Pablo hinggil sa “bagay na nakapipigil” sa taong tampalasan. Ano ba iyon? Iyon ay ang pumipigil na lakas ng mga apostol. Ang kanilang pagkanaroroon, taglay ang kanilang makapangyarihang mga katangian na ipinagkaloob ng banal na espiritu, ang humadlang sa apostasya upang huwag lumaganap na gaya ng isang salot. (Gawa 2:1-4; 1 Corinto 12:28) Subalit nang mamatay ang mga apostol, noong may bandang katapusan na ng unang siglo, nawala na ang pumipigil na puwersang iyon.
Umunlad ang Labag-Kasulatang Uring Klero
15. Anong kaayusan ang itinatag ni Jesus para sa kongregasyong Kristiyano?
15 Ang kongregasyong itinatag ni Jesus ay umunlad noong unang siglo sa ilalim ng patnubay ng matatanda (mga tagapangasiwa) at ministeryal na mga lingkod. (Mateo 20:25-27; 1 Timoteo 3:1-13; Tito 1:5-9) Ang mga ito ay doon kinuha sa kongregasyon. Sila’y may kakayahang mga espirituwal na lalaki na wala namang natatanging pagsasanay sa teolohiya, kung papaanong si Jesus ay hindi nagkaroon ng gayong pagsasanay. Oo, nanggilalas ang kaniyang mga kalaban: “Papaanong nakaalam ang taong ito ng mga kaalaman, gayong hindi naman nag-aral sa mga paaralan?” (Juan 7:15) At tungkol sa mga apostol, ganoon din ang napansin ng mga pinunong relihiyoso: “Ngayon nang kanilang makita ang pagkatahasang magsalita ni Pedro at ni Juan, at mapagkilala nila na ito’y mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan, sila’y nagtaka. At kanilang nakilala na ang mga ito ay naging kasa-kasama ni Jesus.”—Gawa 4:13.
16. Papaano pinangyari ng apostasya ang paglihis sa unang-siglong Kristiyanong huwaran para sa organisasyon ng kongregasyon?
16 Gayunman, ang apostasya ay nagdala ng mga ideya na kuha sa klerong Judio at sa wakas sa paganong relihiyosong kaayusan ng Roma. Habang lumalakad ang panahon at nagaganap ang pagtalikod sa tunay na pananampalataya, umunlad ang isang uring klerong labag ang kaayusan sa Kasulatan. Isang papang pinutungan ng korona ang nagsimulang nagpunò sa isang kolehiyo ng mga kardinal, na ito naman ay mga hinugot sa daan-daang mga obispo at mga arsobispo, na mga napataas sa tungkulin buhat sa pagiging mga paring sinanay sa seminaryo. Kaya naman, hindi nagluwat pagkatapos ng unang siglo, isang mistikong uring klero ang naghari sa Sangkakristiyanuhan. Ang huwaran ng uring ito ay hindi ang unang-siglong Kristiyanong matatanda at ministeryal na mga lingkod kundi yaong katulad ng nasa mga paganong sistemang relihiyoso.
17. Kailan, lalo na, lubhang tumibay ang kapangyarihan ng tampalasan?
17 Sing-aga ng ikatlong siglo C.E., ang karaniwang mga mananampalataya ay napaurong sa panegundang-uring kalagayan ng lego. Ang apostatang taong tampalasan ay unti-unting humawak ng mga renda ng kapangyarihan. Ang kapangyarihang ito ay lubhang tumibay noong panahon ng paghahari ng Romanong emperador Constantino, lalo na pagkatapos ng Konsilyo ng Nicaea noong 325 C.E. Pagkatapos ay naging isa ang Simbahan at Estado. Sa gayon, ang taong tampalasan—ang klero ng Sangkakristiyanuhan—ay naging isang siglu-siglong hanay ng mga apostata na naghimagsik laban sa tunay na Diyos, si Jehova. Ang mga batas at mga kaayusan na kanilang sinunod ay yaong sa kanilang sarili at hindi sa Diyos.
Mga Turong Pagano
18. Anong mapamusong na mga turong pagano ang sinunod ng tampalasan?
18 Ang umuunlad na taong tampalasan ay humiram din naman ng mga turong pagano. Halimbawa, isang misteryosong, di-mawaring Trinitaryong diyos ang inihalili sa Isa na nagsasabi: “Ako’y si Jehova. Iyan ang aking pangalan; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking sariling kaluwalhatian.” “Ako’y si Jehova, wala nang iba pa. Maliban sa akin ay walang Diyos.” (Isaias 42:8; 45:5) Pinalawak ang ganitong paghahalili sa mga katotohanan ng Diyos ng mga turong galing sa mga tao, sa mga pagano pa nga, upang magpatuloy ang lalong higit na pamumusong: ang pagsamba sa tinutukoy ng Bibliya na mapagpakumbabang si Maria na kinilalang “Ina ng Diyos” ng Sangkakristiyanuhan. Sa gayon, ang mga promotor ng gayong kasinungalingang mga turo, ang uring klero, ay naging siyang pinakamasamang “mga damong pansira” na inihasik ni Satanas upang mahadlangan sa pagtubo ang mabuting binhing inihasik ni Kristo.—Mateo 13:36-39.
19. Papaanong ang Sangkakristiyanuhan ay nagkabaha-bahagi sa paglakad ng daan-daang taon, ngunit ano ang nagpatuloy?
19 Nagkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi at mga di-pagkakaunawaan, kaya ang Sangkakristiyanuhan ay nagkabaha-bahagi naman sa daan-daang mga relihiyon at mga sekta. Ngunit bawat bagong relihiyon o sekta, maliban sa iilan, ay nanatiling may bahaging klero at bahaging lego. Sa gayon, ang uring taong tampalasan ay nagpatuloy hanggang sa araw na ito. At ito ay nagpapatuloy pa rin na isinasampa ang kaniyang sarili nang mataas kaysa karaniwang mga tao at may natatanging kasuotan at matatayog-pakinggang mga titulo. Maliwanag, hindi pinasobrahan ni Pablo ang kaniyang sinabi nang kaniyang sabihin na ang uring taong tampalasan ay magpaparangal at magtataas sa kaniyang sarili sa isang posisyon na tulad ng sa isang diyos.
Ang Papado
20. Papaano inilalarawan ng isang diksiyunaryong Katoliko ang papa?
20 Ang halimbawa ng gayong pagdakila ay yaong sa papado ng Roma. Isang relihiyosong diksiyunaryo ni Lucio Ferraris, lathala sa Italya, ang naglalarawan sa papa bilang “may gayon na lamang kalawak na karangalan at kataasan anupa’t siya’y hindi lamang tao kundi, wika nga, Diyos, at ang Kahalili ng Diyos.” Ang kaniyang korona ay isang tatlong andanang korona “bilang hari ng langit, ng lupa at ng impiyerno.” Ang diksiyunaryo ring iyan ay nagpapatuloy pa: “Ang papa ay, wika nga, Diyos sa lupa, ang tanging prinsipe ng mga tapat kay Kristo, ang pinakadakilang hari sa lahat ng hari.” Isinusog pa nito: “Ang papa ay maaari kung minsan na sumalungat sa batas ng Diyos.” Gayundin, ang The New Catholic Dictionary ay nagsasabi tungkol sa papa: “Ang kaniyang mga embahador ay una sa lahat ng mga iba pang miyembro ng lupong diplomatiko.”
21. Ipakita ang pagkakaiba ng mga kilos ng papa at ng mga kilos ni Pedro at ng isang anghel.
21 Di-tulad ng mga alagad ni Jesus, ang papa kalimitan na ay may napakagarang kasuotan at tinatanggap niya ang papuri ng mga tao. Pinapayagan ng papa na ang mga tao’y yumukod sa kaniya, humalik sa kaniyang singsing at pasanin siya sa kanilang mga balikat sa isang bukod-tanging silya. Anong laking karangyaan ang ipinakita ng mga papa sa loob ng lumipas na mga siglo! Ibang-iba nga sa mapakumbabang simpleng pagkatao ni Pedro, na nagsabi kay Cornelio, ang opisyal ng hukbong Romano na lumuhod sa paanan ni Pedro upang magbigay-galang sa kaniya: “Tumindig ka, . . . ako’y isa lamang hamak na tao”! (Gawa 10:25, 26, Katolikong Jerusalem Bible) At anong laking pagkakaiba sa anghel na nagbigay kay apostol Juan ng Apocalipsis! Sinubok ni Juan na yumukod na taglay ang saloobin na sumamba sa anghel na iyan, ngunit sinabi ng anghel: “Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! Ako’y isa lamang kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta at ng mga nagsisitupad ng mga salita nitong balumbon ng aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.”—Apocalipsis 22:8, 9.
22. Sa pamamagitan ng anong alituntunin sa Kasulatan maaaring makilala ang taong tampalasan?
22 Ang ganito bang pagpapakilala sa uring klero ay totoong mabagsik? Ito’y matitiyak natin sa pamamagitan ng pagkakapit ng alituntunin na ibinigay ni Jesus upang makilala ang mga bulaang propeta: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.” (Mateo 7:15, 16) Kung gayon, ano ba ang naging bunga ng klero sa lumipas na mga siglo at sa ating sariling ika-20 siglo? Ano ba ang magiging hantungan ng taong tampalasang ito, at sino ang makakasama niya sa hantungang iyan? Kung tungkol sa tampalasang ito ano ba ang pananagutan niyaong mga talagang natatakot sa Diyos? Ang sumusunod na mga artikulo ang tatalakay sa mga puntong ito.
Mga Tanong sa Repaso:
◻ Ano ba ang taong tampalasan, at kailan ito nahayag?
◻ Papaano ipinakikilala ng Bibliya ang autor nitong uring tampalasan?
◻ Papaano itinaas ng klero ang kanilang sarili sa ibabaw ng mga tao?
◻ Anong mga turo at mga gawain ng apostata ang pinaunlad ng klero?
◻ Papaanong ang saloobin ng mga papa ay naiiba kaysa saloobin ni Pedro at ng isang anghel?
[Larawan sa pahina 14]
Si apostol Pedro, di-tulad ng mga papa, ay hindi pumayag na yumukod sa kaniya ang isang tao