Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 4/1 p. 15-20
  • Mag-udyukan sa Pag-ibig at sa Maiinam na Gawa—Papaano?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mag-udyukan sa Pag-ibig at sa Maiinam na Gawa—Papaano?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Isaalang-alang ang Isa’t Isa”
  • ‘Mag-udyukan sa Isa’t Isa’
  • ‘Magpatibayang-Loob sa Isa’t Isa’
  • Isaalang-alang at Patibaying-Loob ang Isa’t Isa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Patibaying-Loob ang Isa’t Isa “Lalung-lalo Na” Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Patuloy na Patibayin ang Isa’t Isa Bawat Araw
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Kaaliwan at Pampatibay-loob—Mga Hiyas na Maraming Pitak
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 4/1 p. 15-20

Mag-udyukan sa Pag-ibig at sa Maiinam na Gawa​—Papaano?

“Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, . . . nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.”​—HEBREO 10:24, 25.

1, 2. (a) Bakit mahalaga na ang sinaunang mga Kristiyano ay makasumpong ng kaaliwan at pampatibay-loob sa kanilang pagtitipon? (b) Anong payo ni Pablo ang bumanggit ng pangangailangang magtipong sama-sama?

SILA’Y lihim na nagtitipon noon, nagpipisan sa likod ng nakapinid na pinto. Sa labas, nagbabanta ang panganib saanmang dako. Ang kanilang Lider, si Jesus, ay kamamatay lamang sa harap ng madla, at pinaalalahanan niya ang kaniyang mga tagasunod na sila’y pakikitunguhan din na katulad niyaon. (Juan 15:20; 20:19) Subalit habang sila’y nag-aanasan tungkol sa kanilang minamahal na si Jesus, sa papaano man ay nadarama nilang sila’y mas ligtas dahil sila’y magkakasama.

2 Sa paglipas ng mga taon, ang mga Kristiyano ay napaharap sa lahat ng uri ng mga pagsubok at pag-uusig. Gaya ng mga naunang alagad, sila’y kumuha ng kaaliwan at pampatibay-loob sa pagtitipong sama-sama. Kaya nga, si apostol Pablo ay sumulat sa Hebreo 10:24, 25: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.”

3. Bakit mo masasabi na ang Hebreo 10:24, 25 ay higit pa sa isang utos lamang na ang mga Kristiyano ay magtipong sama-sama?

3 Ang mga salitang iyan ay higit pa sa isang utos na patuloy na magtipong sama-sama. Ang mga ito’y nagbibigay ng isang banal na kinasihang pamantayan para sa lahat ng mga pagtitipong Kristiyano​—at tunay, para sa anumang okasyon kapag ang mga Kristiyano ay nagsasama-sama. Ngayon higit kailanman, na maliwanag na nakikita nating papalapit na ang araw ni Jehova, ang mga panggigipit at panganib ng balakyot na sistemang ito ang nagpapangyari na kailangang maging tulad sa isang ligtas na kanlungan ang ating mga pagtitipon, isang pinagmumulan ng lakas at pampatibay-loob para sa lahat. Ano ang magagawa natin upang makatiyak nito? Buweno, maingat nating suriin ang mga salita ni Pablo, na naghaharap ng tatlong pangunahing katanungan: Ano ang kahulugan ng “isaalang-alang ang isa’t isa”? Ano ang kahulugan ng ‘mag-udyukan sa isa’t isa sa pag-ibig at sa maiinam na gawa’? Sa katapusan, papaano tayo ‘magpapatibayang-loob sa isa’t isa’ sa mapanganib na mga panahong ito?

“Isaalang-alang ang Isa’t Isa”

4. Ano ang kahulugan ng “isaalang-alang ang isa’t isa”?

4 Nang himukin ni Pablo ang mga Kristiyano na “isaalang-alang ang isa’t isa,” ginamit niya ang Griegong pandiwa na ka·ta·no·eʹo, isang pinatinding anyo ng karaniwang terminong “mapag-unawa.” Ang Theological Dictionary of the New Testament ay nagsasabing ito’y nangangahulugang “akayin ang buong pag-iisip ng isa sa isang bagay.” Ayon kay W. E. Vine, maaari rin itong mangahulugang “unawaing lubusan, pag-isipang mabuti.” Samakatuwid, kapag ‘isinasaalang-alang [ng mga Kristiyano] ang isa’t isa,’ hindi lamang ang nasa labas ang nakikita nila kundi ginagamit nila ang lahat ng kanilang kakayahang pangkaisipan at nagsisikap na makita ang nasa likod pa nito.​—Ihambing ang Hebreo 3:1.

5. Ano ang ilang katangian ng isang tao na maaaring nakatago, at bakit natin dapat isaalang-alang ang mga ito?

5 Kailangang tandaan natin na mayroon pang nakatago sa isang tao bukod sa maaaring isiwalat ng nakikita nating panlabas niyang hitsura, gawain, o personalidad. (1 Samuel 16:7) Madalas na ang pagiging tahimik ay isang pagkukubli lamang ng tunay na damdamin o ng pagtataglay ng nakalulugod na katangian ng pagbibiro. Gayundin, malaki ang pagkakaiba ng mga kalagayan. Ang ilan ay nakaranas ng mahihigpit na pagsubok sa kanilang buhay; ang iba naman ay kasalukuyang nagbabata ng mga kalagayang hindi natin sukat akalain. Totoong napakadalas mangyari na nawawala ang ating pagkainis sa ilang kakatuwang ugali ng isang kapatid kapag nalaman natin nang higit ang tungkol sa mga karanasan o kalagayan ng taong iyon.​—Kawikaan 19:11.

6. Ano ang ilang paraan upang makilalang higit ang isa’t isa, at anong kabutihan ang maaaring maging resulta?

6 Mangyari pa, hindi naman ito nangangahulugang pakikialaman na natin ang buhay ng iba. (1 Tesalonica 4:11) Gayunman, tiyak na makapagpapakita pa rin tayo ng personal na interes sa isa’t isa. Ito’y nagsasangkot ng higit pa sa basta pagbabatian lamang sa Kingdom Hall. Bakit hindi pumili ng isa na ibig mo pang makilalang higit at sikaping makipag-usap nang ilang minuto bago o pagkatapos ng pulong? O mabuti pa, “sundan ang landasin ng pagkamapagpatuloy” sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa inyong tahanan ng isa o dalawang kaibigan para sa isang simpleng meryenda. (Roma 12:13) Magpakita ng interes. Makinig. Ang pagtatanong lamang kung papaano nakilala at inibig ng isa si Jehova ay maaaring magsiwalat pa nang higit. Gayunman, mayroon ka pang malalaman kung gagawa kayong magkasama sa ministeryo sa bahay-bahay. Ang pagsasaalang-alang sa isa’t isa sa ganitong mga paraan ay tutulong sa atin upang mapasulong ang tunay na damdamin ng pakikipagkapuwa, o empatiya.​—Filipos 2:4; 1 Pedro 3:8.

‘Mag-udyukan sa Isa’t Isa’

7. (a) Papaano nakaaapekto sa mga tao ang turo ni Jesus? (b) Bakit mapuwersa ang kaniyang turo?

7 Kapag isinasaalang-alang natin ang isa’t isa, mas handa tayong mag-udyok, humimok sa isa’t isa na kumilos. Ang Kristiyanong matatanda lalo na ang gumaganap ng isang mahalagang papel sa bagay na ito. Noong minsang magpahayag si Jesus sa madla, mababasa natin: “Ang naging bunga ay namangha nang lubha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo.” (Mateo 7:28) Sa isa pang pagkakataon maging ang mga sundalong isinugo upang siya’y dakpin ay umalis habang sinasabi: “Hindi kailanman nakapagsalita ang ibang tao nang tulad nito.” (Juan 7:46) Bakit naging mapuwersa ang pagtuturo ni Jesus? Dahil ba sa pagtatanghal ng labis na emosyon? Hindi; si Jesus ay nagsalita nang may dignidad. Gayunman, palagi niyang sinisikap na maabot ang puso ng kaniyang mga tagapakinig. Sapagkat isinaalang-alang niya ang mga tao, alam na alam niya kung papaano sila pakikilusin. Gumamit siya ng maliliwanag, mga simpleng ilustrasyon na nagpapaaninag ng mga katotohanan ng pang-araw-araw na buhay. (Mateo 13:34) Sa katulad na paraan, yaong gumaganap ng mga atas sa ating mga pulong ay dapat na tumulad kay Jesus sa pamamagitan ng pagbibigay ng maiinit, masisiglang presentasyon na nagpapakilos. Gaya ni Jesus, pagsikapan nating makasumpong ng mga ilustrasyon na angkop sa ating mga tagapakinig at sa gayo’y maabot ang kanilang mga puso.

8. Papaano nag-uudyok si Jesus sa pamamagitan ng halimbawa, at papaano natin siya matutularan sa bagay na ito?

8 Sa paglilingkod sa ating Diyos, tayong lahat ay makapag-uudyukan sa isa’t isa sa pamamagitan ng halimbawa. Tiyak na inudyukan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig. Mahal niya ang gawain ng ministeryong Kristiyano at dinakila niya ang ministeryo. Sinabi niyang ito’y parang pagkain para sa kaniya. (Juan 4:34; Roma 11:13) Ang gayong kasiglahan ay maaaring makahawa. Maipakikita mo rin ba ang iyong kagalakan sa ministeryo? Habang maingat na iniiwasan ang pagyayabang, ibahagi ang iyong magagandang karanasan sa iba sa kongregasyon. Kapag inaanyayahan mo ang iba na gumawang kasama mo, tingnan kung matutulungan mo silang makasumpong ng tunay na kaluguran sa pakikipag-usap sa iba hinggil sa ating Dakilang Maylalang, si Jehova.​—Kawikaan 25:25.

9. (a) Ano ang ilang paraan ng pag-uudyok sa iba na nanaisin nating iwasan, at bakit? (b) Ano ang dapat na magpakilos sa atin na ibigay ang sarili sa paglilingkod kay Jehova?

9 Gayunman, mag-ingat na maudyukan ang iba sa maling paraan. Halimbawa, maaaring sa di-sinasadya’y naipadarama natin sa kanilang sila’y nagkakasala dahil kaunti lamang ang kanilang nagagawa. Baka sa di-kinukusa’y hinihiya natin sila sa pamamagitan ng paghahambing sa kanila sa iba na nakikitang mas aktibo, o baka bumubuo pa nga tayo ng mahihigpit na mga pamantayan at pinipintasan yaong hindi nakasusunod. Anuman sa mga paraang ito ay maaaring makapag-udyok sa ilan na kumilos pansamantala, ngunit hindi isinulat ni Pablo na, ‘Mag-udyukan sa pagkakasala at sa maiinam na gawa.’ Hindi nga, dapat na mag-udyukan tayo sa pag-ibig, sa gayon ay kasunod ang mga gawa mula sa isang mabuting motibo. Walang isa man ang dapat na mapakilos dahil lamang sa pag-aalalá kung ano ang iisipin sa kaniya ng iba sa kongregasyon kung hindi niya maabot ang mga inaasahan.​—Ihambing ang 2 Corinto 9:6, 7.

10. Bakit dapat nating tandaan na tayo’y hindi mga panginoon sa pananampalataya ng iba?

10 Ang pag-uudyok sa iba ay hindi nangangahulugan ng pagsupil sa iba. Sa kabila ng kaniyang bigay-Diyos na mga awtoridad, si apostol Pablo ay mapagpakumbabang nagpaalaala sa kongregasyon sa Corinto: ‘Hindi kami ang mga panginoon sa inyong pananampalataya.’ (2 Corinto 1:24) Kung gaya niya ay buong-pagpapakumbaba nating napagtatanto na hindi natin tungkulin ang magtakda ng kung gaano ang dapat magawa ng iba sa paglilingkod kay Jehova, o ang pangasiwaan ang kanilang budhi para sa kanila hinggil sa iba pang personal na mga pagpapasiya, maiiwasan natin ang pagiging “matuwid nang labis,” walang-kagalakan, mahigpit, negatibo, o mahilig sa paggawa ng mga tuntunin. (Eclesiastes 7:16) Ang gayong mga katangian ay hindi nakapag-uudyok; ang mga ito’y sumisiil.

11. Ano ang nagpakilos sa pag-aabuloy noong kaarawan ng pagtatayo ng tabernakulo ng Israel, at papaano iyon maaaring totoo sa ating kaarawan?

11 Nais natin na ang lahat ng mga pagsisikap sa paglilingkod kay Jehova ay gawin sa katulad na espiritu gaya ng sa sinaunang Israel nang kailanganin ang mga abuloy para sa pagtatayo ng tabernakulo. Ang Exodo 35:21 ay kababasahan ng ganito: “Nang magkagayon ay pumaroon sila, bawat isa na ang kaniyang puso ay nag-udyok sa kaniya, at dinala nila, bawat isa na ang kaniyang espiritu ay nag-udyok sa kaniya, ang abuloy kay Jehova para sa gawain.” Sila’y hindi pinilit ng sinuman kundi sila’y kusang nagpumilit, mula sa puso. Sa katunayan, sa Hebreo ay literal na mababasa rito na “bawat isa na napasigla ng kaniyang puso” ang gumawa ng gayong paghahandog. (Amin ang italiko.) Ginagawa ang higit pa, magsikap tayong pasiglahin ang puso ng isa’t isa kailanman’t tayo’y magkakasama. Bahala na ang espiritu ni Jehova sa iba pa.

‘Magpatibayang-Loob sa Isa’t Isa’

12. (a) Ano ang ilang kahulugan ng salitang Griego na isinaling “magpatibayang-loob”? (b) Papaano nabigong patibaying-loob si Job ng kaniyang mga kasamahan? (c) Bakit dapat tayong magpigil sa paghatol sa isa’t isa?

12 Nang isulat ni Pablo na tayo’y dapat ‘magpatibayang-loob sa isa’t isa,’ ginamit niya ang isang anyo ng salitang Griego na pa·ra·ka·leʹo, na maaari ring mangahulugang ‘magpalakasan, mag-aliwan.’ Sa salin ng Greek Septuagint, ang salita ring ito ay ginamit sa Job 29:25, na doo’y inilarawan si Job bilang isa na umaaliw sa mga nagdadalamhati. Bilang kabalintunaan, nang si Job na mismo ang sumailalim sa matinding pagsubok, wala siyang natanggap na gayong pampatibay-loob. Ang tatlo niyang “mga mang-aaliw” ay abalang-abala sa paghatol sa kaniya at panunumbat sa kaniya anupat hindi nila siya naunawaan o dinamayan. Sa katunayan, sa buong panahon ng kanilang pagsasalita, ni minsan ay hindi nila siya tinawag sa kaniyang pangalang Job. (Ihambing ang Job 33:1, 31.) Maliwanag na itinuring nila siya bilang isang problema kaysa bilang isang tao. Hindi nga kataka-taka kung mapabulalas si Job ng ganito sa kanila dahil sa pagkasiphayo: “Kung ang inyong mga kaluluwa lamang ay nasa kalagayan ng aking kaluluwa”! (Job 16:4) Katulad din sa ngayon, kung ibig mong patibaying-loob ang isa, magkaroon ng empatiya! Huwag humatol. Gaya ng sinasabi sa Roma 14:4, “sino ka upang humatol sa tagapaglingkod sa bahay ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon ay tumatayo siya o nabubuwal. Tunay nga, siya ay patatayuin, sapagkat mapatatayo siya ni Jehova.”

13, 14. (a) Sa anong saligang katotohanan natin kailangang kumbinsihin ang mga kapatid upang maaliw sila? (b) Papaano pinalakas si Daniel ng isang anghel?

13 Ang isang anyo ng pa·ra·ka·leʹo at ang kaugnay na pangngalan nito ay isinasalin ding “umaliw” sa 2 Tesalonica 2:16, 17: “Bukod diyan, nawa’y ang ating Panginoong Jesu-Kristo mismo at ang Diyos na ating Ama, na umibig sa atin at nagbigay ng walang-hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan, ay umaliw sa inyong mga puso at magpatatag sa inyo sa bawat mabuting gawa at salita.” Pansinin na iniuugnay ni Pablo ang kaisipan na ang ating mga puso ay naaaliw ng saligang katotohanan na tayo’y iniibig ni Jehova. Kaya maaari tayong magpatibayang-loob at mag-aliwan sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagpapatunay sa mahalagang katotohanang iyan.

14 Minsan ang propetang si Daniel ay totoong nabahala pagkatapos na makita ang isang nakatatakot na pangitain anupat sinabi niya: “Ang aking sariling dignidad ay nabago sa akin tungo sa pagkapahamak, at hindi na ako nagtaglay pa ng lakas.” Nagsugo si Jehova ng isang anghel na maraming ulit na nagpaalaala kay Daniel na siya’y “lubhang kanasa-nasa” sa paningin ng Diyos. Ang resulta? Sinabi ni Daniel sa anghel: “Pinalakas mo ako.”​—Daniel 10:8, 11, 19.

15. Papaano titimbangan ng matatanda at ng mga naglalakbay na tagapangasiwa ng papuri ang pagtutuwid?

15 Narito pa ang isang paraan ng pagpapatibay-loob sa iba. Purihin sila! Napakadaling mahulog sa pagkakaroon ng mapamintas, malupit na saloobin. Ipagpalagay na nga, na may mga pagkakataong kailangan ang pagtutuwid, lalo na sa pamamagitan ng matatanda at ng mga naglalakbay na tagapangasiwa. Subalit mas makabubuti kung sila’y maaalaala dahil sa kanilang mapagmahal na pampatibay-loob sa halip na dahil sa pagiging mapamintas.

16. (a) Kapag pinatitibay-loob ang mga nanlulumo, bakit hindi palaging sapat nang basta himukin silang pag-ibayuhin pa ang paglilingkod kay Jehova? (b) Papaano tinulungan ni Jehova si Elias nang siya’y nanlulumo?

16 Lalo nang nangangailangan ng pampatibay-loob yaong mga nanlulumo, at si Jehova ay umaasa sa atin bilang mga kapuwa Kristiyano na maging isang pinagmumulan ng tulong​—lalo na kung tayo’y matatanda. (Kawikaan 21:13) Ano ang magagawa natin? Ang sagot ay maaaring hindi kasindali ng basta pagsasabi sa kanila na pag-ibayuhin pa ang paglilingkod kay Jehova. Bakit? Sapagkat baka iya’y magpahiwatig na ang kanilang panlulumo ay bunga ng kanilang pagkukulang. Hindi palaging ganiyan ang kalagayan. Minsan ay gayon na lamang ang panlulumo ng propetang si Elias anupat ibig na niyang mamatay; gayunma’y nangyari ito sa panahong siya’y lubhang abala sa kaniyang paglilingkod kay Jehova. Papaano siya pinakitunguhan ni Jehova? Nagsugo siya ng isang anghel upang maglaan ng praktikal na tulong. Binuksan ni Elias ang kaniyang puso kay Jehova, anupat isinisiwalat na nararamdaman niyang siya’y walang-halaga na gaya ng kaniyang yumaong mga ninuno, na ang kaniyang mga gawa ay nawalang lahat ng saysay, at na siya’y ganap na nag-iisa. Nakinig si Jehova at inaliw siya taglay ang nakasisindak na pagpapamalas ng Kaniyang kapangyarihan at taglay ang katiyakan na siya’y tunay na hindi nag-iisa at na ang mga gawang pinasimulan niya ay matatapos. Nangako rin si Jehova na bibigyan niya si Elias ng isang kasama upang sanayin na siyang papalit sa kaniya pagdating ng panahon.​—1 Hari 19:1-21.

17. Papaano mapatitibay-loob ng isang matanda ang isa na totoong mapamintas sa sarili?

17 Totoong nakapagpapatibay-loob! Sana’y patibaying-loob din natin yaong mga kasama natin na may bagbag na damdamin. Sikaping unawain sila sa pamamagitan ng pakikinig! (Santiago 1:19) Maglaan ng maka-Kasulatang pang-aliw na nababagay sa kanilang indibiduwal na mga pangangailangan. (Kawikaan 25:11; 1 Tesalonica 5:14) Upang mapatibay-loob yaong mga mapamintas sa sarili, may-kabaitang makapagbibigay ang matatanda ng maka-Kasulatang katibayan na sila’y iniibig at pinahahalagahan ni Jehova.a Ang pag-uusap tungkol sa pantubos ay maaaring maging isang makapangyarihang paraan ng pagpapatibay-loob sa mga nakadaramang sila’y walang-halaga. Baka kailangang ipakita sa isang namimighati dahil sa nakaraang kasalanan na siya’y nalinis na ng pantubos kung siya’y tunay na nakapagsisi na at ganap na niyang tinalikuran ang gayong gawa.​—Isaias 1:18.

18. Papaano magagamit ang turo tungkol sa pantubos upang mapatibay-loob ang isa na naging biktima ng iba, gaya ng panghahalay?

18 Mangyari pa, pag-iisipang mabuti ng isang matanda ang partikular na kaso upang angkop na magamit ang pagtuturong iyan. Tingnan ang isang halimbawa: Ang haing pantubos ni Kristo ay inilarawan ng paghahain ng mga hayop ng Batas Mosaiko, na kinakailangan para sa pagbabayad-sala sa lahat ng kasalanan. (Levitico 4:27, 28) Gayunman, walang kasunduan na ang isang biktima ng panghahalay ay kailangang magbigay ng gayong handog sa kasalanan. Sinabi ng batas na sila’y “huwag gagawa ng anuman” upang parusahan siya. (Deuteronomio 22:25-27) Kaya sa ngayon, kapag ang isang sister ay dinaluhong at hinalay at ito ang naging dahilan upang ituring niyang siya’y marumi at walang-halaga, magiging angkop ba na idiin ang kaniyang pangangailangan ng pantubos upang linisin siya mula sa kasalanang iyon? Hinding-hindi. Hindi niya kasalanan kung siya man ay hinalay. Ang manghahalay ang nagkasala at siyang kailangang linisin. Gayunman, ang pag-ibig na ipinamalas ni Jehova at ni Kristo sa paglalaan ng pantubos ay maaaring gamitin bilang katibayan na siya’y hindi narungisan sa paningin ng Diyos dahil sa kasalanan ng iba kundi na siya’y mahalaga kay Jehova at nananatili sa kaniyang pag-ibig.​—Ihambing ang Marcos 7:18-23; 1 Juan 4:16.

19. Bakit hindi natin dapat asahan na lahat ng ating pakikisama sa ating mga kapatid ay magiging nakapagpapatibay-loob, subalit ano ang dapat na maging pasiya natin?

19 Oo, anuman ang kalagayan ng isa sa buhay, anuman ang mapait na pangyayaring nagpadilim sa kaniyang nakaraan, makasusumpong siya ng pampatibay-loob sa kongregasyon ng bayan ni Jehova. At mangyayari iyon kung indibiduwal na magsisikap tayo na magsaalang-alang sa isa’t isa, mag-udyukan sa isa’t isa, at magpatibayang-loob sa isa’t isa kailanma’t tayo’y nagsasama-sama. Ngunit, palibhasa’y di-sakdal, lahat tayo’y hindi nakagagawa nito paminsan-minsan. Karaniwan na, binibigo natin ang isa’t isa at sinasaktan pa nga ang isa’t isa manaka-naka. Sikaping huwag ituon ang pansin sa mga pagkukulang ng iba sa bagay na ito. Kung ang iyong pansin ay palagi nang nasa mga pagkakamali, nanganganib na ikaw ay maging labis na mapamintas sa kongregasyon at maaari pa ngang mahulog ka sa mismong bitag na mula roo’y pinakamimithi ni Pablo na matulungan tayong iwasan, alalaong baga’y, pagpapabaya sa pagtitipon nating sama-sama. Huwag sanang mangyari iyan kailanman! Habang ang matandang sistemang ito ay lalo pang nagiging mapanganib at mapaniil, buong-tatag na magpasiya tayong gawin ang ating makakaya upang maging nakapagpapatibay ang ating pagsasamahan sa mga pulong​—at lalung-lalo na samantalang ating nakikita na papalapit na ang araw ni Jehova!

[Talababa]

a Maaaring piliin ng isang matanda na pag-aralan ang nakapagpapatibay-loob na mga artikulo sa Bantayan at Gumising! kasama ng isang iyon​—halimbawa, “Makikinabang Ka ba sa Di-Sana-Nararapat na Awa?” at “Pagtatagumpay Laban sa Panlulumo.”​—Ang Bantayan, Pebrero 15 at Marso 1, 1990.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Bakit mahalaga na ang ating mga pulong at pakikisama ay maging nakapagpapatibay-loob sa mga huling araw na ito?

◻ Ano ang kahulugan ng pagsasaalang-alang sa isa’t isa?

◻ Ano ang kahulugan ng pag-uudyukan sa isa’t isa?

◻ Ano ang nasasangkot sa pagpapatibayang-loob sa isa’t isa?

◻ Papaano mapatitibay-loob ang mga nanlulumo at nasisiraan ng loob?

[Larawan sa pahina 16]

Ang pagiging mapagpatuloy ay tumutulong sa atin na makilala pang higit ang isa’t isa

[Larawan sa pahina 18]

Nang si Elias ay nanlumo, siya’y buong-kabaitang inaliw ni Jehova

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share