Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 10/15 p. 15-19
  • Asawang Lalaki at Matanda—Tinitimbang ang mga Pananagutan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Asawang Lalaki at Matanda—Tinitimbang ang mga Pananagutan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Magkasuwato ang Pagiging Matanda at ang Pag-aasawa
  • ‘Ang Lalaking May-Asawa Ay Nababahagi’
  • Mabubuting Asawang Lalaki at Mabubuting Matanda
  • Maka-Kasulatang mga Tungkulin sa Asawang Babae
  • ‘Kapighatian sa Laman’
  • Mga Asawang Babaing Mapagsakripisyo-sa-Sarili
  • Ama at Matanda—Tinutupad ang Dalawang Tungkulin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Huwag Paghiwalayin ang Pinagtuwang ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Matalinong Patnubay Para sa mga Mag-asawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Pagpapakita ng Pag-ibig at Paggalang Bilang Isang Asawang Lalaki
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 10/15 p. 15-19

Asawang Lalaki at Matanda​—Tinitimbang ang mga Pananagutan

‘Ang tagapangasiwa ay dapat na asawa ng isang babae.’​—1 TIMOTEO 3:2.

1, 2. Bakit hindi maka-Kasulatan ang di-pag-aasawa ng mga pari?

NOONG unang siglo, palaisip ang tapat na mga Kristiyano kung paano magiging timbang sa kanilang iba’t ibang pananagutan. Nang sabihin ni apostol Pablo na ang isang Kristiyanong nananatiling walang asawa ay “lalong mapapabuti,” ibig ba niyang sabihin na ang gayong lalaki ay mas angkop na maglingkod bilang isang tagapangasiwa sa Kristiyanong kongregasyon? Sa totoo ba ay ginagawa niyang kahilingan sa pagiging matanda ang di-pag-aasawa? (1 Corinto 7:38) Kahilingan sa Katolikong klero ang hindi pag-aasawa. Subalit maka-Kasulatan ba ang di-pag-aasawa ng mga pari? Pinahihintulutan ng Silanganing Ortodoksong mga Iglesya ang mga paring may-asawa sa kanilang mga parokya, pero hindi ang kanilang mga obispo. Kasuwato ba ito ng Bibliya?

2 Ang karamihan sa 12 apostol ni Kristo, na pundasyong mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon, ay mga lalaking may asawa. (Mateo 8:14, 15; Efeso 2:20) Sumulat si Pablo: “May awtoridad tayong magsama ng isang kapatid na babae bilang asawang babae, gaya nga ng iba pa sa mga apostol at ng mga kapatid ng Panginoon at ni Cefas [Pedro], hindi ba?” (1 Corinto 9:5) Inaamin ng New Catholic Encyclopedia na “ang batas tungkol sa di-pag-aasawa ay nagmula sa simbahan” at na “ang mga ministro ng B[agong] T[ipan] ay hindi obligadong manatiling walang asawa.” Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang maka-Kasulatang parisan sa halip na ang batas ng simbahan.​—1 Timoteo 4:1-3.

Magkasuwato ang Pagiging Matanda at ang Pag-aasawa

3. Anong maka-Kasulatang katunayan ang nagpapakitang ang mga Kristiyanong tagapangasiwa ay maaaring mga lalaking may-asawa?

3 Sa halip na gawing kahilingan sa mga lalaking hinirang bilang mga tagapangasiwa na sila’y huwag mag-asawa, ganito ang isinulat ni Pablo kay Tito: “Sa dahilang ito ay iniwan kita sa Creta, upang maituwid mo ang mga bagay na may depekto at upang makagawa ng mga pag-aatas ng mga nakatatandang lalaki [Griego, pre·sbyʹte·ros] sa lunsod at lunsod, gaya ng ibinigay kong mga utos sa iyo; kung may sinumang lalaki na malaya mula sa akusasyon, asawa ng isang babae, na may nananampalatayang mga anak na wala sa ilalim ng paratang ng kabuktutan o di-masupil. Sapagkat ang isang tagapangasiwa [Griego, e·piʹsko·pos, pinanggalingan ng salitang “obispo”] ay dapat na malaya mula sa akusasyon bilang katiwala ng Diyos.”​—Tito 1:5-7.

4. (a) Paano natin nalalaman na ang pag-aasawa ay hindi isang kahilingan sa mga Kristiyanong tagapangasiwa? (b) Anong bentaha ang taglay ng isang binatang kapatid na matanda?

4 Sa kabilang banda, ang pag-aasawa ay hindi naman isang maka-Kasulatang kahilingan sa matatanda. Si Jesus ay nanatiling binata. (Efeso 1:22) Si Pablo, isang natatanging tagapangasiwa sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano, ay walang asawa noon. (1 Corinto 7:7-9) Sa ngayon, maraming binatang Kristiyano na naglilingkod bilang matatanda. Ang kanilang pagiging walang asawa ay malamang na nagbibigay sa kanila ng higit na panahon upang asikasuhin ang kanilang mga tungkulin bilang mga tagapangasiwa.

‘Ang Lalaking May-Asawa Ay Nababahagi’

5. Anong maka-Kasulatang katotohanan ang dapat kilalanin ng mga kapatid na lalaking may-asawa?

5 Kapag nag-asawa ang isang lalaking Kristiyano, dapat niyang matanto na nagsasabalikat siya ng mga bagong pananagutan na mangangailangan ng kaniyang panahon at atensiyon. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lalaking walang asawa ay nababalisa para sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya makakamit ang pagsang-ayon ng Panginoon. Ngunit ang lalaking may-asawa ay nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya makakamit ang pagsang-ayon ng kaniyang asawang babae, at siya ay nababahagi.” (1 Corinto 7:32-34) Sa anong diwa nababahagi?

6, 7. (a) Ano ang isang paraan na doo’y “nababahagi” ang isang lalaking may-asawa? (b) Ano ang ipinayo ni Pablo sa mga Kristiyanong may-asawa? (c) Paano ito makaiimpluwensiya sa pasiya ng isang lalaki sa pagtanggap ng trabaho?

6 Una, isinusuko ng isang lalaking may-asawa ang awtoridad sa kaniyang sariling katawan. Niliwanag ito ni Pablo: “Ang asawang babae ay walang awtoridad sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang lalaki; gayundin naman, ang asawang lalaki ay walang awtoridad sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang babae.” (1 Corinto 7:4) Nadarama ng ilang nagbabalak mag-asawa na hindi ito gaanong mahalaga yamang ang pagsisiping ay hindi naman magiging siyang pangunahin sa kanilang pagsasama. Gayunman, yamang maka-Kasulatang kahilingan na hindi dapat magsiping bago pakasal, talagang hindi alam ng mga Kristiyano ang personal na mga pangangailangan ng kanilang magiging kabiyak.

7 Ipinakita ni Pablo na dapat isaalang-alang kahit niyaong mag-asawa na ‘nagtutuon ng kanilang mga kaisipan sa mga bagay ng espiritu’ ang seksuwal na pangangailangan ng isa’t isa. Pinayuhan niya ang mga Kristiyano sa Corinto: “Ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang asawang babae ang kaniyang kaukulan; ngunit gawin din ng asawang babae ang gayundin sa kaniyang asawang lalaki. Huwag ipagkait ito sa isa’t isa, malibang may pagsang-ayon ng bawat isa sa loob ng isang itinakdang panahon, upang makapag-ukol kayo ng panahon sa pananalangin at magsamang muli, upang si Satanas ay hindi patuluyang makapanukso sa inyo dahil sa inyong kawalan ng pagsupil-sa-sarili.” (Roma 8:5; 1 Corinto 7:3, 5) Nakalulungkot, nagkaroon ng mga kaso ng pangangalunya nang hindi sinunod ang payong ito. Dahil dito, kailangang maingat na isaalang-alang ng isang Kristiyanong may-asawa ang mga bagay-bagay bago tanggapin ang isang trabaho na maglalayo sa kaniya sa kaniyang asawang babae sa loob ng mahabang panahon. Hindi na siya malaya na kagaya noong siya’y binata pa.

8, 9. (a) Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang banggitin niyang ang mga Kristiyanong may-asawa ay “nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan”? (b) Ano ang dapat na ikabahalang gawin ng mga Kristiyanong may-asawa?

8 Sa anong diwa masasabi na ang mga Kristiyanong lalaking may-asawa, kasali na ang matatanda, ay “nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan [koʹsmos]”? (1 Corinto 7:33) Totoong maliwanag na ang tinutukoy ni Pablo ay hindi ang masasamang bagay ng sanlibutang ito, na dapat iwasan ng lahat ng tunay na Kristiyano. (2 Pedro 1:4; 2:18-20; 1 Juan 2:15-17) Tinuturuan tayo ng Salita ng Diyos na “itakwil ang pagkadi-maka-Diyos at makasanlibutang [ko·smi·kosʹ] mga nasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at maka-Diyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.”​—Tito 2:12.

9 Samakatuwid, ang Kristiyanong may-asawa ay “nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan” dahil siya ay wastong nababahala tungkol sa pangkaraniwang mga bagay na bahagi ng normal na buhay may-asawa. Kasali rito ang tirahan, pagkain, damit, libangan​—bukod pa sa napakaraming ibang isinasaalang-alang kung may mga anak. Subalit kahit na para sa mag-asawang walang anak, kapuwa ang asawang lalaki at asawang babae ay dapat na mabalisa sa ‘pagkakamit ng pagsang-ayon’ ng kaniyang kabiyak upang magtagumpay ang kanilang pagsasama. Lalo nang interesado rito ang Kristiyanong matatanda upang sila’y maging timbang sa kanilang mga pananagutan.

Mabubuting Asawang Lalaki at Mabubuting Matanda

10. Upang maging kuwalipikado bilang matanda ang isang Kristiyano, ano ang dapat mapansin ng kaniyang mga kapatid at ng mga taong tagalabas?

10 Samantalang ang pag-aasawa ay hindi naman kahilingan para sa pagiging matanda, kung may-asawa ang isang lalaking Kristiyano, bago siya irekomenda bilang isang matanda, tiyak na dapat siyang magpakita ng katunayan ng pagiging isang mabuti, maibiging asawang lalaki, samantalang wastong ginagampanan ang kaniyang pagkaulo. (Efeso 5:23-​25, 28-31) Sumulat si Pablo: “Kung ang sinumang lalaki ay umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa, siya ay nagnanasa ng isang mainam na gawain. Ang tagapangasiwa kung gayon ay dapat na di-mapupulaan, asawa ng isang asawang babae.” (1 Timoteo 3:1, 2) Dapat na mapatunayang ginagawa ng isang matanda ang kaniyang buong makakaya upang maging isang mabuting asawang lalaki, Kristiyano man o hindi ang kaniyang kabiyak. Sa katunayan, kahit ang mga tao sa labas ng kongregasyon ay dapat makapansin na inaasikaso niyang mabuti ang kaniyang asawa at ang iba pa niyang mga pananagutan. Idinagdag ni Pablo: “Siya ay dapat ding may mainam na testimonyo mula sa mga tao sa labas, upang hindi siya mahulog sa pagdusta at sa silo ng Diyablo.”​—1 Timoteo 3:7.

11. Ano ang ipinahihiwatig ng pananalitang “asawa ng isang asawang babae,” kaya anong pag-iingat ang dapat gawin ng matatanda?

11 Sabihin pa, ang pananalitang “asawa ng isang asawang babae” ay hindi nagpapahintulot sa poligamya, ngunit ipinahihiwatig din nito ang katapatan sa asawa. (Hebreo 13:4) Ang matatanda ay dapat na lalo nang mag-ingat kapag tumutulong sa mga kapatid na babae sa kongregasyon. Dapat nilang iwasang mapag-isa kapag dinadalaw ang isang kapatid na babae na nangangailangan ng payo at kaaliwan. Makabubuti para sa kanila na magsama ng isa pang matanda, isang ministeryal na lingkod, o maging ng kanilang asawa kung iyon ay isa lamang pampatibay-loob na pagdalaw.​—1 Timoteo 5:1, 2.

12. Anong paglalarawan ang dapat na sikaping maabot ng mga asawa ng matatanda at mga ministeryal na lingkod?

12 Samantala, nang itinatala ang mga kahilingan para sa matatanda at mga ministeryal na lingkod, pinayuhan din ni apostol Pablo ang mga asawang babae niyaong isinasaalang-alang para sa gayong mga pribilehiyo. Sumulat siya: “Ang mga babae ay dapat ding maging seryoso, hindi mapanirang-puri, katamtaman sa mga kinaugalian, tapat sa lahat ng mga bagay.” (1 Timoteo 3:11) Malaki ang magagawa ng Kristiyanong asawang lalaki upang matulungan ang kaniyang kabiyak na makaabot sa paglalarawang ito.

Maka-Kasulatang mga Tungkulin sa Asawang Babae

13, 14. Kahit na hindi Saksi ang asawa ng isang matanda, bakit dapat na siya ay patuloy na makisama sa kaniya at maging isang mabuting asawang lalaki?

13 Mangyari pa, ang payong ito sa mga kabiyak ng matatanda o ministeryal na lingkod ay patiunang nagpapahiwatig na ang gayong mga asawang babae mismo ay nakaalay na mga Kristiyano. Karaniwan, ganito ang kalagayan sapagkat kahilingan sa mga Kristiyano na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Subalit kumusta naman ang isang kapatid na lalaki na may asawang di-nananampalataya nang siya’y mag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova, o na ang kabiyak ay lumihis ng daan bagaman hindi kasalanan ng kapatid na lalaki?

14 Ito, sa ganang sarili, ay hindi hahadlang sa kaniya sa pagiging isang matanda. Gayunman, hindi rin naman nito bibigyang-katuwiran ang paghiwalay niya sa kaniyang kabiyak dahil lamang sa hindi niya ito kapananampalataya. Nagpayo si Pablo: “Natatali ka ba sa isang asawang babae? Tumigil ka sa paghahanap ng paglaya.” (1 Corinto 7:27) Sinabi pa niya: “Kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang di-nananampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon siyang tumahang kasama niya, huwag niya siyang iwan. Ngunit kung ang di-nananampalataya ay magpatuloy na humiwalay, hayaang humiwalay siya; ang isang kapatid na lalaki o kapatid na babae ay hindi natataliang maglingkod sa ilalim ng gayong mga kalagayan, kundi tinawag kayo ng Diyos sa kapayapaan. Sapagkat, asawang babae, paano mo malalaman na maililigtas mo ang iyong asawang lalaki? O, asawang lalaki, paano mo malalaman na maililigtas mo ang iyong asawang babae?” (1 Corinto 7:12, 15, 16) Kahit na hindi isang Saksi ang kaniyang asawa, ang isang matanda ay dapat na maging isang mabuting asawang lalaki.

15. Ano ang ipinayo ni apostol Pedro sa mga Kristiyanong asawang lalaki, at ano ang ibubunga kung ang isang matanda ay mapatunayang pabayang asawa?

15 Ang kaniya mang kabiyak ay isang kapananampalataya o hindi, dapat kilalanin ng isang Kristiyanong matanda na kailangan ng kaniyang kabiyak ang kaniyang maibiging atensiyon. Sumulat si apostol Pedro: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama nila [ng inyong mga asawa] sa katulad na paraan alinsunod sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, ang isa na may katangiang pambabae, yamang kayo ay mga tagapagmana ring kasama nila ng di-sana-nararapat na pabor ng buhay, upang ang inyong mga panalangin ay hindi mahadlangan.” (1 Pedro 3:7) Ang isang asawang lalaki na sadyang di-nag-aasikaso sa mga pangangailangan ng kaniyang kabiyak ay nagsasapanganib ng kaniyang sariling kaugnayan kay Jehova; mahahadlangan nito ang kaniyang paglapit kay Jehova gaya sa “isang makapal na ulap, anupat hindi makatagos ang panalangin.” (Panaghoy 3:44) Maaaring humantong ito sa kaniyang pagiging di-kuwalipikadong maglingkod bilang isang Kristiyanong tagapangasiwa.

16. Anong pangunahing punto ang itinatawid ni Pablo, at ano ang dapat na madama ng matatanda tungkol dito?

16 Gaya ng nabanggit, ang pangunahing pakay ng argumento ni Pablo ay na kapag nag-asawa ang isang lalaki, isinusuko niya ang isang antas ng kalayaang taglay niya noong binata pa na nagpahintulot sa kaniyang “palagiang paglilingkod sa Panginoon nang walang abala.” (1 Corinto 7:35) Ipinakikita ng mga ulat na ang ilang may-asawang matatanda ay hindi laging timbang sa pangangatuwiran tungkol sa kinasihang mga salita ni Pablo. Sa kanilang hangad na magawa ang inaakala nilang nararapat gawin ng isang mabuting matanda, baka makaligtaan nila ang ilan sa kanilang mga tungkulin bilang mga asawang lalaki. Ang ilan ay nahihirapang tumanggi sa isang pribilehiyo sa kongregasyon, kahit na ang pagtanggap nito’y maliwanag na makapipinsala sa espirituwalidad ng kanilang kabiyak. Ibig nilang tamasahin ang mga pribilehiyo na kaakibat sa pag-aasawa, subalit handa ba nilang tuparin ang mga pananagutang kalakip nito?

17. Ano ang nangyari sa ilang asawang babae, at paano sana ito naiwasan?

17 Totoo, kapuri-puri ang kasigasigan bilang isang matanda. Gayunpaman, timbang kaya ang isang Kristiyano kung, sa pagtupad sa kaniyang mga tungkulin sa kongregasyon, ipinagwawalang-bahala naman niya ang kaniyang maka-Kasulatang pananagutan sa kaniyang kabiyak? Bagaman hinahangad na alalayan yaong mga kabilang sa kongregasyon, magiging palaisip din ang isang timbang na matanda tungkol sa espirituwalidad ng kaniyang kabiyak. Ang ilang asawa ng matatanda ay naging mahina sa espirituwal at nakaranas pa man din ng espirituwal na “pagkawasak.” (1 Timoteo 1:19) Bagaman ang asawang babae ang siyang may pananagutan sa kaniyang sariling kaligtasan, sa ilang kaso ang suliranin sa espirituwal ay naiwasan sana kung ‘pinakain at inaruga’ ng matanda ang kaniyang kabiyak, “gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon.” (Efeso 5:28, 29) Upang makatiyak, ‘dapat bigyang-pansin ng matatanda ang kanilang sarili at ang buong kawan.’ (Gawa 20:28) Kung sila’y may asawa, kasali rito ang kanilang kabiyak.

‘Kapighatian sa Laman’

18. Ano ang ilang bahagi ng “kapighatian” na nararanasan ng mga Kristiyanong may-asawa, at paano ito nakaaapekto sa mga gawain ng isang matanda?

18 Sumulat din ang apostol: “Kung ang isang taong birhen ay nag-asawa, ang isang iyon ay hindi nakagawa ng kasalanan. Gayunman, yaong mga gumagawa ng gayon ay magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman. Ngunit pinaliligtas ko kayo.” (1 Corinto 7:28) Nais ni Pablo na yaong makasusunod sa kaniyang halimbawa ng pagiging walang asawa ay makaligtas buhat sa mga kabalisahan na kaakibat sa pag-aasawa. Maging sa mga mag-asawang walang anak, kasali sa mga kabalisahang ito ang mga suliranin sa kalusugan o pananalapi gayundin ang maka-Kasulatang pananagutan sa matatanda nang biyenan. (1 Timoteo 5:4, 8) Sa isang huwarang paraan, dapat harapin ng isang matanda ang mga pananagutang ito, at kung minsan ay may epekto ito sa kaniyang mga gawain bilang isang Kristiyanong tagapangasiwa. Nakatutuwa naman, karamihan sa matatanda ay mahusay na nakagaganap ng kanilang mga pananagutan kapuwa sa pamilya at sa kongregasyon.

19. Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang banggitin niya: “Yaong mga may asawang babae ay maging para bang sila ay wala”?

19 Idinagdag ni Pablo: “Ang panahong natitira ay pinaikli. Mula ngayon yaong mga may asawang babae ay maging para bang sila ay wala.” (1 Corinto 7:29) Mangyari pa, kung isasaalang-alang ang naisulat na niya sa kabanatang ito para sa mga taga-Corinto, maliwanag na hindi niya gustong sabihin na sa paano man ay kaliligtaan na ng mga Kristiyanong may-asawa ang kanilang kabiyak. (1 Corinto 7:2, 3, 33) Ipinakita niya ang ibig niyang sabihin, nang isulat niya: “[Hayaan] yaong mga gumagamit sa sanlibutan ay [maging] gaya niyaong mga hindi gumagamit nito nang lubusan; sapagkat ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Corinto 7:31) Lalo na ngayon kaysa noong kaarawan ni Pablo o noong kaarawan ni apostol Juan, “ang sanlibutan ay lumilipas.” (1 Juan 2:15-17) Kung gayon, ang mga Kristiyanong may-asawa na nakadarama ng pangangailangang magsakripisyo sa pagsunod kay Kristo ay di-maaaring palagi na lamang nagtutuon ng pansin sa pagtatamasa ng mga kagalakan at mga pribilehiyo sa pag-aasawa.​—1 Corinto 7:5.

Mga Asawang Babaing Mapagsakripisyo-sa-Sarili

20, 21. (a) Anong mga sakripisyo ang handang gawin ng maraming Kristiyanong asawang babae? (b) Ano ang wasto lamang na maaasahan ng isang asawang babae mula sa kaniyang kabiyak, kahit na kung siya ay isang matanda?

20 Kung paanong ang matatanda ay nagsasakripisyo sa kapakinabangan ng iba, maraming kabiyak ng matatanda ang nagsusumikap na maging timbang sa pagtupad ng kanilang mga pananagutan sa pag-aasawa at maging yaong may kinalaman sa kapakanan ng Kaharian. Libu-libong kababaihang Kristiyano ang maligayang nakikipagtulungan upang maisabalikat ng kanilang asawa ang kanilang mga tungkulin bilang mga tagapangasiwa. Iniibig sila ni Jehova dahil dito, at pinagpapala niya ang mainam na espiritung ipinamamalas nila. (Filemon 25) Gayunpaman, ipinakikita ng timbang na payo ni Pablo na ang asawa ng mga tagapangasiwa ay wasto lamang na makaaasa sa makatuwirang bahagi ng panahon at atensiyon ng kanilang asawa. Maka-Kasulatang tungkulin ng matatandang may-asawa na mag-ukol ng sapat na panahon sa kanilang asawa upang maging timbang sa kanilang mga pananagutan bilang asawang lalaki at tagapangasiwa.

21 Subalit ano kung bukod pa sa pagiging isang asawa, ang isang Kristiyanong matanda ay isa ring ama? Dinaragdagan nito ang kaniyang mga pananagutan at binubuksan sa kaniya ang isa pang larangan ng pangangasiwa, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo.

Bilang Repaso

◻ Anong maka-Kasulatang katunayan ang nagpapakita na ang isang Kristiyanong tagapangasiwa ay maaaring isang lalaking may-asawa?

◻ Kung mag-asawa ang isang binatang matanda, ano ang dapat niyang isaalang-alang?

◻ Sa anu-anong paraan ang isang Kristiyanong may-asawa ay “nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan”?

◻ Paano nagpapakita ng mainam na espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili ang maraming asawa ng mga tagapangasiwa?

[Larawan sa pahina 17]

Bagaman okupado sa mga teokratikong gawain, dapat pag-ukulan ng matanda ng maibiging atensiyon ang kaniyang kabiyak

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share