Mga Kabataan—Kaninong Turo ang Inyong Pinakikinggan?
“Ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa. . . mga turo ng mga demonyo.”—1 TIMOTEO 4:1.
1. (a) Ano ang mapagpipilian ng mga kabataan? (b) Papaano nagtuturo si Jehova?
ANG katanungang inihaharap dito sa mga kabataan ay,Kaninong turo ang inyong pinakikinggan? Ito’y nagpapahiwatig na ang mga kabataan ay may pagpipilian. Ang pagpipilian ay alinman sa pagtanggap sa banal na pagtuturo at sa pagsunod sa mga turo ng mga demonyo. Si Jehova ay nagtuturo sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, gayundin sa pamamagitan ng ministeryo ng mga ginagamit niya bilang kaniyang mga kinatawan sa lupa. (Isaias 54:13; Gawa 8:26-39; Mateo 24:45-47) Subalit kayo ba ay nagtataka sa bagay na ang mga demonyo ay nagtuturo rin?
2. Bakit kailangang maging mapagbantay laban sa mga turo ng mga demonyo lalo na sa panahong ito?
2 Sumulat si apostol Pablo: “Sa huling mga yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga kapahayagan at mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Yamang tayo ay nabubuhay sa “mga huling araw” na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay lalong aktibo, nauunawaan ba ninyo kung bakit itinanong namin, Kaninong turo ang inyong pinakikinggan? (2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 12:7-12) Dahil si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay lubhang tuso, totoong mapanlinlang sa kanilang mga pamamaraan, kailangang isaalang-alang ninyo nang maingat ang tanong na ito.—2 Corinto 11:14, 15.
Ang mga Demonyo at ang Kanilang mga Turo
3. Sino ba ang mga demonyo, ano ang kanilang layunin, at papaano nila pinagsisikapang isagawa iyon?
3 Noong una ang mga demonyo ay mga anghel ni Jehova, ngunit sila’y naghimagsik laban sa kanilang Maylikha at sa gayo’y naging mga tagapagtaguyod ni Satanas. (Mateo 12:24) Layunin nila na akayin sa kasamaan ang mga tao at italikod sila sa paglilingkod sa Diyos. Upang magawa ito, ang mga demonyo ay gumagamit ng mga taong tagapagturo upang mapalaganap ang isang mapag-imbot, imoral na paraan ng pamumuhay na hinahatulan ni Jehova. (Ihambing ang 2 Pedro 2:1, 12-15.) Ang pagbabalik-aral sa kung papaano naging mga demonyo ang dating tapat na mga anghel ay tutulong sa inyo na makilala ang kanilang mga turo at ang paraan ng buhay na itinataguyod ng mga turong ito.
4. (a) Bakit naparito sa lupa ang masuwaying mga anghel noong kaarawan ni Noe? (b) Ano ang nangyari sa balakyot na mga anghel at sa kanilang mga supling noong sumapit ang Baha?
4 Noong kaarawan ni Noe, lubhang naakit ang ibang mga anghel sa magagandang anak na babae ng mga tao kung kaya nilisan ng espiritung mga nilalang na ito ang kanilang dako sa langit at naparito sa lupa. Ang kanilang pakikipagtalik sa mga babae ay nagbunga ng mestisong mga supling na tinatawag na Nefilim. Yamang di-likas para sa espiritung mga nilalang na makipisan sa mga tao, maling-mali ang ginawa ng masuwaying mga anghel na iyon sa mga babae gaya ng homoseksuwal na gawain ng mga lalaki at mga batang lalaki ng Sodoma. (Genesis 6:1-4; 19:4-11; Judas 6, 7) Bagaman ang mga asawa ng mga anghel ay nangalunod sa tubig-baha kasama ng kanilang mga anak na mestiso, iniwan ng balakyot na mga anghel ang kanilang katawang-laman at nagsibalik sa langit na kung saan sila’y naging mga demonyong kasamahan ni Satanas na Diyablo.—2 Pedro 2:4.
5. Anong uri ng mga nilalang ang mga demonyo, at papaano nila sinikap na pasamain ang mga batas ng Diyos?
5 Sa liwanag ng kasaysayang ito, nauunawaan ba ninyo kung ano talagang uri ng mga nilikha ang mga demonyo? Sila ay mga abusado sa sekso na di-nakikita ng mga tao ngunit siyang nagpapakilos sa baliw-sa-seksong sanlibutang ito. Bagaman sila’y hindi na pinahintulutang muling makapagkatawang-tao, sila’y nagkakamit ng kaluguran buhat sa seksuwal na pang-aabuso sa kanilang mga maaaring akayin sa kasamaan dito sa lupa. (Efeso 6:11, 12) Sinisikap ng mga demonyo na pasamain ang mga batas ni Jehova tungkol sa kalinisang-puri at moralidad sa pamamagitan ng pagpapalabas na ang mga ito’y di-kinakailangang mga pagbabawal. Iminumungkahi ng balakyot na mga anghel na ito ang seksuwal na imoralidad bilang isang normal, nakalulugod na paraan ng pamumuhay.
Pagtataguyod ng mga Turo ng mga Demonyo
6. Bakit hindi tayo dapat magtaka na itinataguyod ng mga demonyo ang kanilang mga turo sa tusong paraan?
6 Hindi tayo nagtataka na itinataguyod ng mga demonyo ang kanilang mga turo sa isang tusong paraan, yamang ito ang paraan na ginamit ng kanilang lider, si Satanas na Diyablo, sa panlilinlang kay Eva. Alalahanin na siya’y nakipag-usap sa kaniya na para bang nais niyang makatulong. “Talaga nga bang gayon na sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng bunga ng bawat puno sa halamanan?” ang tanong ni Satanas. Pagkatapos ay may katusuhang sinikap niyang pasamain ang turo ng Diyos sa pagsasabi kay Eva na siya’y makikinabang buhat sa pagkain ng bunga ng ibinawal na puno. “Sa mismong araw na kayo ay kumain niyaon,” ang pangako ng Diyablo, “madidilat ang inyong mga mata at kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 3:1-5) Sa gayo’y nalinlang si Eva, oo nadaya, upang sumuway sa Diyos.—2 Corinto 11:3; 1 Timoteo 2:13, 14.
7. Ano ba ang naging epekto ng mapandayang mga turo ng mga demonyo, at anong babala ang ibinibigay nito?
7 Marami rin ang nahikayat sa nakalipas na mga taon. Buong katusuhang itinaguyod ng mga demonyo ang seksuwal na imoralidad kung kaya tinanggap ito ng marami na dati ay humahatol dito. Halimbawa, nang ang isang kilalang tagapayong kolumnista sa Estados Unidos ang sumagot sa isang liham tungkol sa pagsisiping ng mga taong di-kasal, siya’y sumulat: “Hindi ko inisip kailanman na ako’y magbabago tungkol sa isyung ito, ngunit ngayon ay naniniwala ako na ang magkaparehang seryoso tungkol sa pag-aasawa ay dapat magkaroon ng ilang paglalakbay nang magkasama sa mga dulo ng sanlinggo upang subukin kung sila’y magkabagay.” Pagkatapos ay isinusog niya: “Hindi ako makapaniwalang isinulat ko iyan!” Siya man ay hindi makapaniwala na iminungkahi niya ang pakikiapid, ngunit gayon ang ginawa niya! Maliwanag, kailangang pakaingat tayo na hindi maapektuhan ng mga turo ng mga demonyo ang ating pangmalas sa mga gawain na hinahatulan ng Diyos.—Roma 1:26, 27; Efeso 5:5, 10-12.
8. (a) Papaano ginagamit sa Bibliya ang salitang “sanlibutan”? (b) Sino ang namamahala sa sanlibutan, at papaano dapat malasin ng mga tagasunod ni Jesus ang sanlibutan?
8 Huwag nating kalilimutan na si Satanas “ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” Sa katunayan, sinabi ni apostol Juan na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (Juan 12:31; 1 Juan 5:19) Totoo, kung minsan ay ginagamit ni Jesus ang salitang “sanlibutan” upang tukuyin ang buong sangkatauhan. (Mateo 26:13; Juan 3:16; 12:46) Gayunman, mas malimit na ginagamit niya ang salitang “sanlibutan” upang tumukoy sa lahat ng organisadong lipunan ng tao na umiiral sa labas ng tunay na kongregasyong Kristiyano. Halimbawa, sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay kailangang “hindi bahagi ng sanlibutan” (ang di-matuwid na lipunan ng tao) at dahilan sa sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, sila’y kapopootan ng sanlibutan. (Juan 15:19; 17:14-16) Nagbababala pa ang Bibliya na tayo’y dapat umiwas sa pagiging mga kaibigan ng sanlibutang ito na pinamamahalaan ni Satanas.—Santiago 4:4.
9, 10. (a) Anong makasanlibutang mga bagay ang pumupukaw sa maling pagnanasa sa sekso? (b) Papaano makikilala kung sino ang nasa likod ng libangan na itinuturo ng sanlibutan?
9 Nagpayo si apostol Juan: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man sa sanlibutan.” Sinabi rin niya: “Ang lahat ng bagay sa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama.” (1 Juan 2:15, 16) Pag-isipan ito. Ano ba ang nasa sanlibutan ngayon na pumupukaw ng maling pagnanasa, halimbawa, sa bawal na pakikipagtalik? (1 Tesalonica 4:3-5) Kumusta naman ang karamihan ng musika ng sanlibutan? Isang probation officer ng pulisya sa California ang nagsabi: “Ang totoo, ang musika ay nagtuturo na hindi kayo kailangang makinig sa inyong mga magulang, at na dapat kayong mamuhay ayon sa paraan na ibig ninyo.” Nakikilala ba ninyo ang pinagmumulan ng turo na ibinibigay ng gayong musika?
10 Tandaan na si Satanas, sa katunayan, ay nagsabi kay Eva: ‘Malaki ang nawawala sa iyo. Mamuhay ka sa paraan na ibig mo. Ikaw ang magpasiya para sa iyong sarili kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. Hindi na kailangang makinig ka pa sa Diyos.’ (Genesis 3:1-5) Hindi ba gayundin ang uri ng mensahe na masusumpungan sa karamihan ng musika sa sanlibutan? Subalit hindi lamang nagtuturo ang mga demonyo sa pamamagitan ng musika. Ginagamit din nila ang komersiyal na mga programa sa telebisyon, sine, at mga video upang magturo. Papaano nga? Buweno, ang paraan ng komunikasyon ng sanlibutan ay nagtatanghal ng libangan na pinagtitinging waring mapanupil ang moral na mga turo ng Diyos. Iminumungkahi ng mga ito ang pakikiapid sa pamamagitan ng pagpapatingkad at paghaharap nito bilang kanais-nais.
11. Kung tungkol sa moral, ano ang malimit na itinuturo ng telebisyon?
11 Ang magasing U.S.News & World Report ay nagsabi: “Noong 1991, ang tatlong network [sa E.U.] ay nagpakita ng mahigit sa 10,000 pagtatalik kung prime time (mga oras na may pinakamaraming nanonood); sa bawat eksenang nagtatanghal ng pagtatalik ng mga mag-asawa, ang mga network ay nagpakita ng 14 na eksena ng pagtatalik ng mga di-mag-asawa.” Sa pagpapalabas ng mahigit na 9,000 eksena ng bawal na pagtatalik kung prime time sa loob ng isang taon, ano ang masasabi ninyong itinuturo ng telebisyon? Si Barry S. Sapolsky, na kasamahang awtor ng report na “Ang Sekso sa Primetime Television: 1979 Laban sa 1989,” ay nagsabi: “Kung ang isang kabataan ay maraming taon nang nanonood ng TV na kung saan ang mga tao’y gumagawi nang may pag-alembong o lantarang pagkahilig sa sekso, ang libu-libong larawan sa nakalipas na maraming taon ay magtuturo sa kanila na ang sekso ay nakalulugod—at walang anumang masamang epekto.” Tiyak ito: Ang libangan ng sanlibutan ay nagtuturo sa mga kabataan na walang umiiral na mga alituntunin, na ang pakikiapid ay kalugud-lugod, at walang masasamang kahihinatnan ang pamumuhay sa paraan na hinahatulan ng Diyos.—1 Corinto 6:18; Efeso 5:3-5.
12. Bakit mapanganib ang libangan ng sanlibutan lalo na sa mga kabataang Kristiyano?
12 Ang musika, sine, mga video, at telebisyon sa sanlibutan ay nilayong umakit sa mga kabataan. Ang mga ito ay nagkakalat ng likong mga turo ng mga demonyo! Ngunit ito ba ay dapat pagtakhan? Pag-isipan ito. Kung ang huwad na relihiyon at ang pulitika ay bahagi ng sanlibutan ni Satanas—at maliwanag na gayon nga—makatuwiran bang maniwala na ang libangan na itinataguyod ng sanlibutan ay walang impluwensiya ng mga demonyo? Kayong mga kabataan ang lalo nang kailangang maging mapagbantay at huwag “hayaang ang sanlibutan sa palibot ninyo ang humubog sa inyo ayon sa kaniyang molde.”—Roma 12:2, The New Testament in Modern English, ni J. B. Phillips.
Suriin ang Sarili
13. Anong pagsusuri sa sarili ang dapat gawin?
13 Ang bagay na kung kaninong mga turo ang iyong pinakikinggan ay nalalaman hindi lamang sa iyong pananalita kundi gayundin sa iyong mga gawa. (Roma 6:16) Kaya tanungin ang iyong sarili, ‘Ang akin bang saloobin at ang paraan ng pamumuhay ay labis na apektado ng aking natututuhan sa pamamagitan ng mga ginagamit na propaganda ng sanlibutan? Nakasisingit na kaya sa aking buhay ang mga turo ng mga demonyo?’ Upang tulungan kang sagutin ang gayong mga tanong, bakit hindi paghambingin ang dami ng panahon at pagpapagal na ginugugol ninyo sa pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa mga pulong Kristiyano, at pakikipag-usap sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos sa panahon na ginugugol sa panonood ng TV, pakikinig sa musika, pagsali sa iyong paboritong isport, o paglahok sa iba pang nakakatulad na mga gawain? Yamang napakalaki—oo, ang iyo mismong buhay—ang nakataya, gumawa ka ng tapat na pagsusuri sa sarili.—2 Corinto 13:5.
14. Ano ang makaaapekto sa ating espirituwal na kalusugan, at anong nakapagpapamulat sa kaisipan ang dapat nating isaisip?
14 Alam na alam mo naman na ang iyong literal na pagkain ay may epekto sa iyong pisikal na kalusugan. Sa katulad na paraan, ang iyong espirituwal na kalusugan ay apektado ng ipinapasok mo sa iyong isip at puso. (1 Pedro 2:1, 2) Samantalang maaaring dinaraya mo ang iyong sarili tungkol sa kung ano ang tunay na kinahihiligan mo, hindi mo maaaring dayain ang ating Hukom, si Jesu-Kristo. (Juan 5:30) Kaya tanungin ang iyong sarili, ‘Kung si Jesus ay naririto pa sa lupa, mapapahiya kaya ako kung siya’y papasok sa aking kuwarto at maririnig ang aking musika o makikita kung ano ang pinanonood ko?’ Ang maliwanag na katotohanan ay nagmamasid si Jesus at alam ang ating mga ginagawa.—Apocalipsis 3:15.
Labanan ang mga Turo ng mga Demonyo
15. Bakit dapat puspusang makipagbaka ang mga Kristiyano upang labanan ang mga turo ng mga demonyo?
15 Matindi ang panggigipit ng mga demonyo sa mga kabataan upang pakinggan ang kanilang mga turo. Ang balakyot na mga espiritung ito ay waring nag-aalok ng isang buhay ng dagling kasiyahan—isa na nakatutuwa at nakalulugod. Upang mapalugdan ang Diyos, si Moises noong unang panahon ay tumanggi “sa pansamantalang kasiyahan sa kasalanan” bilang isang prominenteng miyembro ng sambahayan ni Faraon. (Hebreo 11:24-27) Hindi madaling tanggihan ang iniaalok ng mga demonyo, kaya kayo ay kailangang makipagbakang puspusan upang magawa kung ano ang tama. Ito ay lalo nang totoo dahil tayo’y nagmana ng kasalanan at ang ating puso ay kalimitang nagnanasang gumawa ng masama. (Genesis 8:21; Roma 5:12) Dahilan sa makasalanang mga hilig, kahit na si apostol Pablo ay kailangang maghigpit sa kaniyang sarili at huwag hayaang manaig sa kaniya ang kaniyang makalamang mga pita.—1 Corinto 9:27; Roma 7:21-23.
16. Papaano madaraig ng mga kabataan ang mga panggigipit na mapalulong sa imoral na pamumuhay?
16 Bagaman maaari kang matukso na ‘sumunod sa karamihan sa paggawa ng masama,’ matutulungan ka ng Diyos upang daigin ang panggigipit ng iyong mga kasamahan na tumulad sa kanilang maling landasin. (Exodo 23:2; 1 Corinto 10:13) Ngunit kailangang makinig ka sa mga tagubilin ng Diyos, na pinakaiingatan ang kaniyang mga salita sa iyong puso. (Awit 119:9, 11) Kailangang matanto mo na kapag napabukod ang mga kabataan, maaaring mapukaw ang pagnanasa sa sekso at humantong sa paglabag sa batas ng Diyos. “Kapag ako’y nag-iisa kasama ng aking nobyo, nais ng aking katawan na gumawa ng isang bagay at sinasabihan naman ako ng aking utak na gumawa ng ibang bagay,” inamin ng isang kabataan. Kaya alamin ang iyong mga limitasyon at tantuin na ang iyong puso ay magdaraya. (Jeremias 17:9) Huwag mong ibukod ang iyong sarili. (Kawikaan 18:1) Magtakda ng hangganan sa mga kapahayagan ng pagmamahal. At lalo nang mahalaga, panatilihin ang malapit na pakikipagsamahan tangi lamang sa mga taong umiibig kay Jehova at may matinding paggalang sa kaniyang mga batas.—Awit 119:63; Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33.
17. Ano ang tutulong sa mga kabataang Kristiyano na kamtin ang lakas na labanan ang mga turo ng mga demonyo?
17 Ang maingat na pag-aaral ng mga publikasyong Kristiyano na nilayong patibayin kayo sa espirituwal ay tutulong sa inyo. Halimbawa, isaalang-alang ang aklat na Ang mga Tanong ng Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas at ang kabanatang “Ang Pakikipagpunyagi Upang Magawa ang Tama” sa aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Hayaang mapakintal sa inyong isip at puso ang maka-Kasulatang turo na inilaan, at ito’y magpapalakas sa inyo. Hindi ninyo dapat kalimutan ang bagay na hindi madali ang paggawa ng tama sa sanlibutang ito na sinusupil ng demonyo. Kaya puspusang makipagpunyagi. (Lucas 13:24) Patibayin ang inyong espirituwalidad. Huwag tularan ang mga taong mahihina, matatakutin na sumusunod sa karamihan.
Kapakinabangan Buhat sa Banal na Pagtuturo
18. Ano ang ilan sa mga kapakinabangan ng pakikinig sa banal na pagtuturo?
18 Tandaan din na walang anumang kapaki-pakinabang na mawawala sa inyo sa pamamagitan ng pakikinig sa turo ni Jehova. Tunay na kayo’y iniibig niya, at iyan ang dahilan kung bakit siya ay “nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan.” (Isaias 48:17) Kaya pakinggan ang turo ni Jehova, at iwasan ang kabiguan ng isang nasirang budhi, pagkawala ng paggalang sa sarili, inaayawang pagdadalang-tao, mga sakit na naisasalin sa pamamagitan ng pagtatalik, o nahahawig na mga kasawian. Nagagalak si Jehova kapag ang kaniyang mga lingkod ay nagkaloob sa kaniya ng sagot sa hamon ni Satanas na ang mga tao’y hindi mananatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng pagsubok. (Job 1:6-12) Kung pagagalakin ninyo ang puso ni Jehova sa pagiging tapat sa kaniya, makaliligtas kayo pagka isinakatuparan niya ang hatol sa sanlibutang ito, samantalang lahat ng lumalabag sa kaniyang mga batas ay lilipas.—Kawikaan 27:11; 1 Corinto 6:9, 10; 1 Juan 2:17.
19. Ano ang kahalagahan ng pakikisama sa mga nagpapahalaga sa mga kapakinabangan ng pagtuturo ni Jehova?
19 Kung kayo ay nakikisama nang matalik sa mga nagpapahalaga sa mga ginawa ni Jehova para sa kanila, kayo ay maaaring matuto buhat sa kanilang karanasan. Isang tao na dating sugapa sa droga at napalulong sa imoralidad ang nagpaliwanag: “Kung ako’y hindi nakinig kay Jehova, ako’y patay na. Ang mapapangasawa ko sana ay namatay sa sakit na AIDS. Lahat ng dati kong makasanlibutang matatalik na kaibigan ay nangamatay na dahil sa AIDS o malapit nang mamatay. Malimit na makita ko sila sa mga lansangan, at pinasasalamatan ko si Jehova sa araw-araw dahil sa kaniyang mga batas na umuugit sa kaniyang bayan at tutulong sa atin upang maging banal kung ikakapit natin ang mga iyon. Ngayon lamang ako naging napakaligaya, kontento, at matatag sa aking buhay.” Tunay, ang pakikinig sa turo ni Jehova ay laging nakabubuti sa atin!
Piliin ang Tama
20, 21. (a) Ano ang dalawang pagpipilian ng mga kabataan? (b) Anong walang-hanggang kapakinabangan ang resulta ng pakikinig sa banal na pagtuturo?
20 Hinihimok namin kayong mga kabataan: Piliin ninyo ang tama sa pamamagitan ng paglilingkod kay Jehova. Pagkatapos ay maging desididong itaguyod ang pasiyang iyan. (Josue 24:15) Ang totoo, dalawa lamang ang inyong pagpipilian. Sinabi ni Jesus na nariyan ang malapad at maluwang na daan—ang madaling daan na paggawa ng nakalulugod sa sarili. Ang daang iyan ay walang patutunguhan, kundi kapahamakan. Ang isang daan naman ay makipot. Iyon ay isang daan na mahirap tahakin sa imoral, sinusupil-ng-demonyo na sanlibutang ito. Subalit aakayin ng daang iyon sa wakas ang mga tumatahak doon patungo sa kahanga-hangang bagong sanlibutan ng Diyos. (Mateo 7:13, 14) Aling daan ang inyong pipiliin? Kaninong turo ang inyong pakikinggan?
21 Ipinauubaya sa inyo ni Jehova ang pagpili. Hindi niya kayo pinipilit na maglingkod sa kaniya. “Aking inilagay sa harap mo ang buhay at kamatayan,” ang sabi ng propeta ng Diyos na si Moises, na humihimok: “Piliin mo ang buhay.” Ang pagpiling ito ay ginagawa “sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehovang iyong Diyos, ng pakikinig sa kaniyang tinig at ng pananatili sa kaniya.” (Deuteronomio 29:2; 30:19, 20) Harinawang may karunungang piliin ninyo ang makinig sa banal na pagtuturo at tamasahin ang buhay na walang-hanggan sa maningning na bagong sanlibutan ng Diyos.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Sino ba ang mga demonyo, at ano ang itinuturo nila?
◻ Papaano itinataguyod ng mga demonyo ang kanilang mga turo sa ngayon?
◻ Papaano posibleng labanan ang mga turo ng mga demonyo?
◻ Ano ang mga kapakinabangan ng pakikinig sa pagtuturo ni Jehova?
[Larawan sa pahina 16]
Bago sumapit ang Baha, ang masuwaying mga anghel at ang kanilang mga supling ay nagpasimuno ng karahasan at kahalayan
[Larawan sa pahina 18]
Mapapahiya ka kaya kung marinig ni Jesus ang iyong paboritong musika?